Mga Nakakoronang Tipol—Makukulay na Mananayaw na may Palong
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA KENYA
ANG mga nakakoronang tipol (crane) ay isa sa pinakamagagandang ibon sa daigdig. Ito’y isang maringal na ibon na may malamlam na kulay at napakagandang hugis. Ang distansiya ng magkabilang dulo ng pakpak nito ay mahigit na isang metro ang haba at may maselan at mahabang leeg, na siyang katangian din ng ibang uri ng tipol.
Ang nakakoronang tipol na lalaki at babae ay magkamukha. Kahali-halinang pinalilibutan ng matingkad na balahibo sa likod ang puting-puting balahibo sa pakpak pababa sa magkabilang tagiliran ng ibon at nagiging ginintuan sa gawing buntot. Ang ibang balahibo sa pakpak ay may matingkad na kulay kapeng kastanyas.
Nakatutuwang tingnan ang mukha ng nakakoronang tipol. Ang mga pisngi nito’y manilaw-nilaw na puti at napalilibutan ng malambot at maitim na balahibo sa ulo gayundin sa tuktok at lalamunan. Ang mga mata ay magandang kulay asul na murà. Sa maiitim na balahibo sa lalamunan ay nakabitin ang isang mahaba at napakapulang lambi na nakabitin na parang iskarlatang palawit kapag pahalang na binabanat ng tipol ang leeg nito. Ang kapansin-pansin sa lahat ay ang kagila-gilalas na tungkos ng manipis at ginintuang balahibo sa ulo na nag-aanyong isang napakaringal na simetrikong korona. Ang makikislap at maninipis na balahibong ito ay kumikinang na parang ginto kapag nasisikatan ng araw. Lahat ng kapansin-pansin at nagkakabagay na mga kulay ay tamang-tama sa itaas ng dalawang mahahaba at payat na mga binti na kulay itim.
Ang parang trumpetang huni ng nakakoronang tipol ay isa sa di-malilimot na tunog sa Aprika: O-wahng! O-wahng! O-wahng! Ang malakas na sigaw na ito ay maaaring marinig sa napakalayong distansiya. Madalas na isang pares ng tipol ang magkasabay na huhuni habang sila’y lumilipad na papalayo o pabalik sa mga punungkahoy na kanilang pinaghahapunan. May mga panahon sa loob ng isang taon na ang mga nakakoronang tipol ay nagkakatipon at maaaring umabot hanggang 30 ibon, na lumilikha ng disintonadong tunog na nakatutuwang pakinggan.
Pangangalaga ng Magulang
Maliwanag na ang mga nakakoronang tipol ay may iisang kapareha lamang sa buhay. Ang mga ito’y matatagpuan sa maraming lugar sa Silangang Aprika, lalo na sa mga latian at mapuputik na lugar, kung saan sila’y namumugad at nagpapalaki ng kanilang mga inakay. Ang pugad ay isang malaking hugis-apang bunton ng damo at tambo na may pinakaentablado na doo’y nangingitlog ng dalawa o tatlong malalaki at maberde-berdeng asul na mga itlog. Ang lalaki at babae ay nagsasalitan sa paglimlim sa mga itlog, at sa loob ng isang buwan ay napipisa ang mga inakay. Nagtutulungan ang mag-asawa sa pagpapakain at pangangalaga sa kanilang mga supling na nababalot ng maninipis na balahibo, at walang-takot na poprotektahan nila ang kanilang mga inakay.
Ang pangunahing pagkain ng mga nakakoronang tipol ay mga insekto, palaka, maliliit na ahas, at mga binhi. Sa paggamit ng kanilang mahahaba at payat na mga binti at ng kanilang malalaking paa, pumapadyak sila sa lupa, at mabilis na kinakain ang anumang maliliit na kinapal na lumilitaw sa damuhan.
Ballet ng mga Ibon
Ang mga nakakoronang tipol ay masisigla at nakalilibang na mga mananayaw. Sa pagpagaspas ng kanilang malalaki at makukulay na pakpak, umaangat sila sa lupa nang patayo at saka dahan-dahang lumalapag sa lupa na parang nakaparakaida. Habang mabikas na patalun-talon, sila’y tumatakbu-takbo at lumuluksu-luksong paangat sa lupa, na umiikot sa kani-kanilang kapareha at pabigla-biglang taas-baba ang mga ulo na parang payaso. Sa pagpigil sa kanilang mga pakpak na nakabuka, sila’y nakatayo nang tuwid at ipinagpaparangya ang magagandang kulay ng kanilang mga balahibo sa pakpak.
Kung minsan ay ibinabaluktot ng magkapareha ang kanilang leeg tungo sa isang eleganteng hugis at nagtititigan sila sa isa’t isa. Habang magkaharap ang kanilang mga tuka, sila’y humuhuni ng sunud-sunod na mabababa at mahuhugong na nota na para bang sila’y naghaharanahan sa isa’t isa. Sa pagtayong muli, inuulit nila ang masalimuot na ballet ng mga ibon.
Ang Pakikipagpunyagi Upang Mabuhay
Ang mga nakakoronang tipol ay hindi takot sa tao at madaling paamuin. Dahil sa kanilang magandang kulay at hugis at sa kanilang nakatutuwang pagpapamalas ng sayaw, sila’y popular sa mga zoo at gustung-gustong ipalamuti sa mga pribadong lupain at mga halamanan. Dahil sa ganitong pangangailangan, hindi nga kataka-takang umunti ang kanilang bilang. Ang isa pang naging pabigat sa mga nakakoronang tipol ay ang pagpapatuyo sa mga latian at ang paggamit ng mga lason at pamatay-insekto, na nagpaparumi sa mga lawa at sapa.
Nakalulungkot nga kapag dumating ang araw na hindi na makikita at maririnig ang kahanga-hangang mga nakakoronang tipol. Gayunman, nangangako ang Bibliya na malapit nang baguhin ang buong lupa. (Ihambing ang 2 Pedro 3:13.) Kung magkagayon, lahat ng naninirahan sa lupa ay malulugod sa dalubhasang paglalang ng Banal na Maylikha, ang Diyos na Jehova, at sa kaniyang makukulay na mananayaw na may palong.