Paano Sila Nagkaroon ng Gayon Kagagandang Balahibo?
ANG lilac-breasted rollers ay karaniwang maninirahan ng sentral at timog Aprika. Kadalasang sila’y humahapon sa mga punungkahoy o sa mga kawad ng telepono sa tabi ng daan. Ito’y nagbibigay sa kanila ng mahusay na bista na mula roon ay mapagmamasdan nilang mabuti ang mga insekto at iba pang pagkain sa kanilang kapaligiran.
Kung ikaw ay maglalakbay sa Botswana o Zimbabwe, maaaring makita mo ang isang guhit ng matingkad asul na balahibo habang isa sa mga ibong ito ay lumilipad sa kabila ng kalye. Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalang roller, kung minsan ay ipinakikita nila ang kanilang makulay na mga balahibo sa aerobatikong pagluksu-lukso na pagtatanghal. Ang kalakip na larawan ng ibon at ang nakasingit na pakpak nito ay nagpapakita sa matitingkad na kulay ng roller. Ang mga balahibo sa pakpak ay pinaghalong apat na kulay ng asul pati ng itim at kayumanggi. Litaw na litaw ito sa kulay lilang dibdib, orange na pisngi, puting noo, at murang berdeng korona! Ito ay nagbabangon ng isang mahalagang tanong: Paano sila nagkaroon ng gayon kagagandang balahibo?
Kung susuriin mo ang mga paa ng roller, mapapansin mo na ito ay natatakpan ng mga kaliskis, hindi ng mga balahibo. Ang kanila bang mga balahibo ay nagkataong nanggaling sa mga kaliskis ng isang reptilya, gaya ng itinuturo ng mga ebolusyunista?
Bueno, ipagpalagay nang ang isang balahibo ay isang kababalaghan ng inhinyeria. Bumubuka mula sa tangkay ng isang balahibo ay mga hanay ng mga barb. “Kung maghihiwalay ang dalawang magkarugtong na mga barb—at di-mumunting lakas ang kinakailangan upang paghiwalayin ang vane—ito ay agad na sinisiper o pinagdirikit na muli sa pamamagitan ng mga dulo ng daliri,” sabi ng aklat-aralin sa siyensiya na Integrated Principles of Zoology. “Mangyari pa, ginagawa ito ng mga ibon sa pamamagitan ng tukâ nito.”
Maaari kayang nagkataon lamang ang daan-daang mahuhusay na “mga siper” na bumubuo sa isang balahibo? May anumang katibayan ba ang mga siyentipiko na ang isang kaliskis ay aktuwal na naging isang balahibo? “Kataka-taka nga,” sabi ng nabanggit sa itaas na aklat, “bagaman ang modernong mga ibon ay nagtataglay kapuwa ng mga kaliskis (lalo na sa kanilang mga paa) at mga balahibo, walang panggitnang yugto sa pagitan ng dalawa ang natuklasan sa alinman fossil o nabubuhay na anyo.”
Tiyak, ang mga balahibo ay nagpapatotoo sa isang Dalubhasang Inhinyero na isa ring eksperto sa pagsasama ng magagandang kulay. Ang mga nilikhang gaya ng lilac-breasted roller ay kabilang sa “mga ibon” na “pumupuri sa pangalan ni Jehova,” ang tunay na Diyos.—Awit 148:7, 10-13.
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Lupon ng Pambansang mga Parke ng Timog Aprika