Mula sa Aming mga Mambabasa
Kamatayan ng mga Sanggol Salamat po sa balitang nasa “Pagmamasid sa Daigdig” na may pamagat na “Nauugnay sa Kamatayan ng mga Sanggol ang Paninigarilyo.” (Enero 22, 1997) Inaasahan kong pag-iisipang mabuti ng bawat ina ang balitang iyan. Muntik nang mamatay ang aking anak na lalaki sa SIDS (Sudden Infant Death Syndrome) dahil sa aking patuloy na paninigarilyo sa panahon ng aking pagdadalang-tao. Sa loob ng isang taon pagkatapos ng insidente, kinailangan niyang magsuot ng heart monitor tuwing matutulog siya upang kung sakaling tumigil ang kaniyang puso, tutunog ang monitor. Sana’y nakilala ko na si Jehova noon pa. Noon pa sana’y tumigil na ako sa paninigarilyo, at marahil ay naiwasan sana naming mag-ina ang bangungot na ito.
A. C. A., Estados Unidos
Pinahihirapan ng Arthritis Nais ko sanang pasalamatan ang karanasan ni Luretta Maass, na pinamagatang “Kapag Ako ay Mahina, sa Gayon ay Makapangyarihan Ako.” (Enero 22, 1997) Ako’y 27 taóng gulang, at ako man ay pinahihirapan ng rheumatoid arthritis. Bagaman napahuhupa ng therapy ang sakit, kung minsan ako’y nasisiphayo at nasisiraan ng loob sapagkat dahil sa sakit na ito ay napilitan akong huminto sa paglilingkod bilang pambuong-panahong mangangaral. Ang determinasyon ni Luretta Maass na maglingkod kay Jehova, sa kabila ng kaniyang karamdaman, ay nakapagpapasigla. Hindi ko hahayaang talunin ako ng pagkasira ng loob; nais kong makagawa pa nang higit sa gawaing pangangaral.
A. B., Italya
Tatlumpung taon nang pinahihirapan ng rheumatoid arthritis ang aking ina. Nakalulungkot sabihin, halos hindi nawawala ang sakit. Ipinagmamalaki ko ang aking ina, sapagkat nagagawa niyang madaluhan ang halos lahat ng pulong sa kongregasyon. Habang nakaupo sa kaniyang silyang de-gulong, nakikibahagi siya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at nakapagsasagawa pa rin ng gawaing pangangaral. At sa kabila ng kaniyang karamdaman, hindi siya kailanman nagrereklamo.
S. M., Alemanya
Baha ni Noe Malaki ang naitulong sa akin ng artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Ang Baha—Katotohanan o Alamat?” (Pebrero 8, 1997) na pag-isipang mabuti ang makasaysayang pangyayaring iyan. Batang-bata pa ako, gaya ng marami pang iba, nang maturuan tungkol sa Baha. Gayunman, hindi ko akalain na ang ulat tungkol sa Baha ay itinuturing ng iba bilang isang kuwentong pampatulog lamang. Ang katotohanan na inihambing ni Jesus ang mga huling araw sa mga araw ni Noe ay nagpapakitang ang Baha ay talagang totoo.
S. M., Estados Unidos
Pagharap sa Trahedya Ako’y napaharap na sa maraming pagsubok kamakailan, sunud-sunod. Lumiham ako sa isang kaibigan na iniisa-isa ang ilan sa mga pagsubok na ito at sinipi ko ang Awit 126:5: “Sila na naghahasik nang may luha ay aani nang may kagalakan.” Isipin na lamang ang aking nadama nang, pagkatapos na pagkatapos ng aking liham, natanggap ko ang labas ng Pebrero 8, 1997, na may artikulong “Naghahasik Nang May Luha, Umaani Nang May Galak,” na salig sa kasulatan ding iyon. Tunay na nakapagpapatibay ng pananampalataya ang karanasan ni Raymond Kirkup.
P. B., Jamaica
Pag-aaruga Napakalaking kaaliwan sa akin ang seryeng “Pag-aaruga—Pagharap sa Hamon” (Pebrero 8, 1997) sa loob ng panahong napakahirap. Ang aking mahal na ina, na naging isang tapat na lingkod ni Jehova sa loob ng maraming taon, ay nagkaroon ng nagpapahinang karamdaman sa isip. Mayroon din siyang Parkinson’s disease at acute arthritis. Gayon na lamang ang lungkot ko at pagkabigla sa kaniyang mabilis na paglubha. Palibhasa’y nag-iisang anak, nadama ko ang bigat ng pag-aalaga sa kaniya. Subalit ang magandang artikulo ay totoong nakapagpapaunawa! Ito’y dumating bilang isang tunay na kaloob mula kay Jehova. Marami pong salamat sa maibiging suportang ito.
R. H., Inglatera