Anim na Paraan Upang Pangalagaan ang Iyong Kalusugan
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NIGERIA
AYON sa World Health Organization (WHO), mga 25 porsiyento ng mga taong nakatira sa nagpapaunlad na bansa ang walang makuhang malinis na tubig. Mahigit na 66 na porsiyento—hindi kukulangin sa 2.5 bilyon katao—ang walang sapat na sanitasyon. Ang mga resulta para sa marami ay sakit at kamatayan.
Sa gayong mga kalagayan, ang pagpapanatili ng kalinisan ay isang hamon. Gayunman, kung gagawin mong paraan ng pamumuhay ang personal na kalinisan, iingatan mo ang iyong sarili laban sa maraming sakit. Narito ang anim na hakbangin na maaari mong gawin upang mapangalagaan ang iyong sarili at ang iyong pamilya mula sa mga mikrobyo na maaaring pumasok sa iyong katawan at maging sanhi ng karamdaman.
1. Hugasan ang iyong mga kamay ng sabon at tubig pagkatapos humawak ng dumi at bago humawak ng pagkain.
Ang isang mahalagang paraan upang maiwasan ang karamdaman ay tiyaking laging may magagamit na sabon at tubig upang ang lahat sa inyong pamilya ay makapaghugas ng kanilang mga kamay. Inaalis ng sabon at tubig ang mga mikrobyo mula sa mga kamay—mga mikrobyong maaaring mapunta sa pagkain o sa bibig. Yamang madalas isubo ng mga bata ang kanilang mga daliri sa kanilang bibig, mahalagang hugasan ang kanilang mga kamay nang madalas, lalo na bago sila bigyan ng pagkain.
Lalo nang mahalagang hugasan ang iyong mga kamay ng sabon at tubig pagkatapos gumamit ng palikuran, bago ka humawak ng pagkain, at pagkatapos linisin ang puwit ng sanggol o ng batang katatapos lamang dumumi.
2. Gumamit ng palikuran.
Upang huwag kumalat ang mga mikrobyo, mahalaga ang wastong pagtatapon ng dumi. Maraming karamdaman, lalo na ang diarrhea, ang nanggagaling sa mga mikrobyong nasa dumi ng tao. Ang mga mikrobyong ito ay maaaring mapunta sa iniinom na tubig o sa pagkain, sa mga kamay, o sa mga kagamitan at mga patungan na ginagamit sa paghahanda o paghahain ng pagkain. Kapag nangyari iyan, nalululon ng mga tao ang mga mikrobyo at nagkakasakit.
Upang maiwasan ito, gumamit ng palikuran. Ang dumi ng mga hayop ay dapat na malayo sa mga bahay at mga pinagmumulan ng tubig. Magugulat kang malaman na ang dumi ng mga sanggol at mga batang paslit ay mas mapanganib kaysa yaong sa mga adulto. Kaya kahit na ang mga kabataan ay dapat na turuang gumamit ng palikuran. Kung ang mga bata ay kahit saan lamang dumudumi, ang kanilang dumi ay dapat na linisin agad at ilagay sa palikuran o ibaon.
Ang mga palikuran ay dapat na panatilihing malinis at may takip.
3. Gumamit ng malinis na tubig.
Ang mga pamilyang may maraming panustos ng malinis at galing sa gripong tubig ay hindi gaanong nagkakasakit kaysa roon sa mga wala nito. Mapangangalagaan niyaong mga walang tubig sa gripo ang kanilang kalusugan sa pamamagitan ng pagtatakip sa mga balon at pagpapanatili sa maruming tubig na malayo sa tubig na ginagamit para sa pag-inom, pagpaligo, o paghuhugas. Mahalaga rin na panatilihin ang mga hayop sa labas ng bahay at malayo sa iniinom na tubig.
Ang isa pang paraan upang mapangalagaan ang iyong sarili laban sa sakit ay ingatang malinis hangga’t maaari ang mga timba, lubid, at banga na ginagamit sa pagsalok at pag-iimbak ng tubig. Halimbawa, mas mabuting ibitin ang timba kaysa iwan ito sa lupa.
Ang iniinom na tubig sa bahay ay dapat na ilagay sa isang malinis at may takip na sisidlan. Ang pagsalok ng tubig mula sa sisidlang iyon ay dapat na gawin sa pamamagitan ng isang malinis na sandok o tasa. Huwag hayaan ang mga tao na ilagay ang kanilang kamay sa iniinom na tubig o uminom mismo sa sisidlang pinaglalagyan ng tubig.
4. Pakuluan ang iniinom na tubig malibang ito’y galing sa malinis na panustos ng tubig sa gripo.
Ang malinis na iniinom na tubig ay karaniwang nanggagaling sa panustos na tubig sa gripo. Ang tubig mula sa ibang pinagmumulan ay malamang na may mikrobyo, bagaman ito’y maaaring magtinging malinis.
Ang pagpapakulo ng tubig ay pumapatay sa mga mikrobyo. Kaya kapag sumalok ka ng tubig mula sa mga sapa, batis, o tangke, makabubuting pakuluan ito at pagkatapos ay palamigin ito bago inumin. Ang walang-mikrobyong iniinom na tubig ay lalo nang mahalaga sa mga sanggol at mga bata, yamang wala silang gaanong resistensiya sa mga mikrobyo na gaya ng mga adulto.
Kung hindi posibleng pakuluan ang inuming tubig, ilagay ito sa isang sisidlang yari sa malinaw na plastik o babasagin na may takip. Pagkatapos ay ilantad ang sisidlan sa liwanag ng araw sa loob ng dalawang araw bago gamitin ang tubig.
5. Panatilihing malinis ang inyong pagkain.
Ang mga pagkaing kakainin nang hilaw ay dapat na hugasang mabuti. Ang ibang pagkain ay dapat na lutuin nang husto, lalo na ang karne at manok.
Pinakamabuting kainin agad ang pagkain pagkaluto; sa gayong paraan ay hindi ito mapapanis. Kung itatabi mo ang lutong pagkain nang mahigit na limang oras, dapat na panatilihin mo itong mainit o ilagay sa palamigan. Bago kainin ito, dapat mo itong iinit nang husto.
Ang hilaw na karne ay karaniwang may mga mikrobyo, kaya hindi mo dapat hayaang madaiti ito sa pagkaing iyong niluto. Pagkatapos ihanda ang hilaw na karne, linisin ang mga kagamitan at ang anumang patungan sa kusina na nadaiti nito.
Dapat na panatilihing malinis ang mga patungan ng inihahandang pagkain. Ang pagkain ay dapat takpan at malayo sa mga langaw, daga, at iba pang hayop.
6. Sunugin o ibaon ang basura sa bahay.
Ang mga langaw, na nagkakalat ng mga mikrobyo, ay gustong magparami sa basurang pagkain. Kaya ang mga basura sa bahay ay hindi dapat itapon sa lupa. Dapat na ito’y ibaon, sunugin, o itapon sa ibang paraan araw-araw.
Sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga tuntuning ito, matutulungan mong pangalagaan ang iyong sarili at ang iyong pamilya mula sa diarrhea, kolera, tipus, mga impeksiyon ng bulati, pagkalason sa pagkain, at marami pang ibang karamdaman.
[Credit Line]
Pinagkunan: Facts for Life, magkasamang inilathala ng United Nations Children’s Fund, United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization, at ng WHO.