Gawing Ligtas ang Inyong Pagkain
ANG baktirya na sanhi ng mga sakit mula sa pagkain ay may ilang kailangan upang mabuhay—pagkain, tubig, hangin, init, at panahon. Kapag nawala ang alinman sa mga ito, titigil o mahahadlangan ang pagdami. Kaya upang maging ligtas ang pagkain ito ay dapat ihanda sa ilalim ng mga kalagayan na hahadlang sa pagdami ng baktirya sa pagkain o sa pagiging marumi ng kusina. Narito ang ilang mungkahi sa malinis na pagkain, at ikapit ito nang may katalinuhan sa inyong tahanan ayon sa pangangailangan.
Maghugas ng kamay, mas mabuti kung may sabon, bago hawakan ang pagkain. Tiyaking may benda ang alinmang sugat sa kamay. Iwasan ang pagbahing at pag-ubo sa harap ng pagkain, at huwag hawakan ang buhok o punasan ang ilong kapag naghahanda ng pagkain. Kung may gagambala sa pagluluto, gaya ng pagpunta sa kasilyas o paghawak sa mga hayop, tiyaking maghugas ng kamay bago muling humawak ng pagkain.
Hugasan ang pagkain na inyong ihahanda. Huwag gumamit ng prutas o gulay diretso mula sa palengke o hardin nang hindi muna ito hinuhugasan, kahit ito ay lulutuin pa. Dapat na malinis ang tubig na panghugas. Kung ang may balat na mga gulay at prutas ay kakainin nang hindi luto, kuskusin ito (kung maaari ay sa tulong ng isang iskoba) upang maalis ang dumi at pati na ang pestisidyo. Ang madahong gulay, gaya ng petsay at litsugas, ay dapat ding hugasan nang mabuti upang maalis ang buhangin at lupa.
Kung nakatira kayo sa tropiko kung saan ang mga parasito, gaya ng mga bulati ay pangkaraniwan, lahat ng sariwang prutas at gulay na ihahain nang hilaw o bahagya lamang ang pagkaluto ay dapat hugasan sa malinis na tubig na hinaluan ng kaunting pamatay ng mikrobyo. Ang hypochlorite ay isang karaniwan, mabisang pamatay ng mikrobyo, at ipinagbibili sa ilalim ng sarisaring tatak. Karaniwan na, magtunaw lamang ng kaunti sa malinis na tubig, at dito ilubog ang prutas at gulay. Pagkatapos ay banlawan ang pagkain sa malinis, walang halong tubig bago ito kainin.
Ilutong mabuti ang lahat ng karne, isda, at manok upang mamatay ang mikrobyo. Tunawing mabuti ang yelo sa iladong karne at manok bago lutuin upang makatagos ang init sa gitna. Ang baboy ay maaaring may mga bulating trichina, at ang kumakain ng hindi gaanong nalutong baboy ay maaaring magkaroon ng trichinosis. Sa ibang bansa 10 porsiyento ng longganisa sa malalaking palengke sa lunsod ay sinasabing may trichinosis. Maaaring patayin ang mga bulating trichina sa pamamagitan ng pagluluto sa mataas na temperatura, subalit ang bulati ay hindi namamatay sa pamamagitan ng pagtatapa o ng pagburo.
Ang isda at kabibi ay maaaring may bulati ng atay o baga, na baka makapasok sa katawan ng tao kung ang isda ay hindi nalulutong mabuti. Ang pagdadaing, pagburo, o pagbabad sa alak ay hindi sapat upang mamatay ang mga parasitong ito. Bagaman sa ilang kultura nakaugalian ang kumain ng hilaw na isda at kabibi, dapat mag-ingat kapag may polusyon sa tubig.
Kapag may duda sa pinanggagalingan ng tubig, dapat pakuluan ito bago inumin, hindi bababa sa 15 minuto kapag malubha ang kontaminasyon. Sa ilang dako ang inuming tubig ay nililinis ng klorina, ngunit hindi dapat magtiwala rito kapag laganap ang baktirya at bulati. Pinakamabuti nang magpakulo.
Sa maraming bansa maruming tubig ang sanhi ng cholera, sakit sa atay, tipus, paratyphoid, disenterya, at amoebic dysentery, bukod sa iba pang sakit. Sa ilang lungsod hindi na rin mapagkakatiwalaan ang suplay ng tubig. Minsang mapakuluan ang tubig, itabi ito sa malilinis, saradong mga sisidlan.
Sa ilang dako iminumungkahi rin ang pagsala sa tubig. Ang mga pansala ay mabibili bilang koneksiyon sa gripo o hiwalay na aparato kung saan ibinubuhos ang tubig at pinatutulo matapos dumaan sa porselana o iba pang sangkap na pansala. Ito ay nag-aalis ng maruruming sangkap at lason, subalit karaniwan na’y hindi nito naaalis ang mapaminsalang baktirya. Gayumpaman, ang baktirya ay naaalis ng ilang makabagong pansala at aparato, bagaman may kamahalan ang mga ito, at kung hindi palagiang pinapalitan, ay nakakarumi rin sa ganang sarili. Dahil sa makabagong mga pansala ay nakuhang inumin ng mga astronaut ang sarili nilang ihi.
Kung ang gatas ay hindi naipainit, dapat isterilisahin ito sa pamamagitan ng pagpapainit. Nagbabala si Dr. Sucy Eapen, nutritionist na taga-India: “Ang gatas ay nanganganib madumhan ng hayop na ginagatasan, ng nagtitinda ng gatas, at gayon din ng mga sisidlan ng gatas.”
Ang gatas ay dapat initin nang 72 digris Celsius o higit pa at pinananatili sa temperaturang ito nang hindi kukulangin sa 15 segundo. Pagkatapos ay bigla itong palamigin sa temperatura na 10 digris Celsius o mas malamig pa. Ang isang paraan pa ay ang pagpapainit ng gatas sa mas mahabang panahon sa mas mababang temperatura: 63 hanggang 66 digris Celsius sa loob ng 30 minuto.
Iwasang langawin ang pagkain. Ang langaw ay may dalang kagaw na sanhi ng tipus, cholera, disenterya, scarlet fever, at dipterya. Nagdadala rin ito ng virus ng polio at itlog ng bulati at parasito. Ang pinakamabisang paraan ng pagsugpo sa langaw ay ang hadlangan ang pagdami nito. Suriin ang sariling kalagayan at tingnan kung may basura na dapat itapon. Ang mga sisidlan ng basura ay dapat na natatakpan at nadidisimpektahan. Huwag pababayaan ang sinuman na magtapon ng dumi sa tabi ng inyong bahay. Ang dumi ng hayop ay dapat takpan o itapon upang huwag pamugaran ng langaw.—Ihambing ang Deuteronomio 23:13.
Kumain karaka-rakang makaluto, lalo na kapag mainit ang panahon. Napakabilis dumami ang baktirya. Kung dapat magluto nang maaga ngunit hindi agad makakakain, ilagay ito sa refrigerator matapos lutuin at initing mabuti bago ihain.
Ang lutong pagkain ay dapat manatiling mainit (mahigit na 60° C.) o malamig (mababa sa 10° C.). Ang danger zone—na doon tumutubo at dumarami ang baktirya–ay nasa pagitan nito. Kaya ang tirang pagkain ay hindi dapat itabi kung hindi ito mapalalamig. Kung walang refrigerator, magluto nang sapat sa isang kainan lamang. Sa ibang lupain ang mga panrikadong halaman ay malimit na may baktirya. Kaya ito ay dapat ilahok sa pagkain sa simula ng pagluluto upang lubusang mapainitan.
Panatilihing malinis ang kusina. Kasama na rito ang mga gamit sa pagluluto, ang inyong damit, at kayo. Kung sa sahig karaniwang nagluluto at naghahanda ng pagkain, ugaliing maghubad ng panyapak na gamit sa lupa bago pumasok sa kusina. Dahil sa pag-apak sa dumi ng tao at hayop ito ay magdadala ng sakit at magpaparumi sa pagkain na pinaghirapan ninyong ihanda. Ang mga alagang hayop ay dapat ilayo sa kusina.
Hugasan ang mga plato sa mainit na tubig at sabon. Kung maraming hinuhugasang kasangkapan sa pagluluto, itapon ang tubig na naging marumi at palitan ng malinis at mainit na tubig at sabon. Punasan ang plato ng malinis na trapo, o pahanginan ito sa lugar na malayo sa alikabok at mga insekto.
Sa maraming lupain ang mga kasangkapan ay kinukuskos ng abo, binabanlawan ng tubig, at pinatutuyo sa araw. Maganda ang resulta nito kapag ang sabon ay may kamahalan, sapagkat ang mikrobyo ay pinapatay ng sosa na nasa abo, at ang init at ultraviolet rays sa araw ay lumilinis sa mga kasangkapan.
Sa Labas ng Bahay
Sa mga restauran o malalaking pagtitipon na kung saan ang pagkain ay inihahain sa paraang buffet o kapiterya, piliin ang mga pagkain na napakainit o napakalamig. Kung napansin ninyo na ang pagkain ay matagal nang nasa lamesa at mainit ang panahon, mabuti pang iwasan ito.
Yamang magastos ang magpakulo ng tubig, maraming restauran sa mahihirap na bansa ay hindi nagpapakulo ng tubig na ipinaiinom sa kanilang parokyano, kaya mas mabuting huwag itong inumin. Isa pa, iwasan ang mga juice o inumin na dapat pang dagdagan ng tubig o yelo. Ang isinabotelya o maiinit na inumin ay karaniwan nang mas ligtas.
Kung ang bulati at iba pang parasito sa bituka ay suliranin sa inyong lugar, iwasan ang lahat ng mga ensalada. At gaano man kaakit-akit ito, iwasan ang gulay at prutas na hindi mabalatan. Malamang na ito’y hindi nadisimpektahan o nahugasang mabuti. Sa ilang lugar ang sariwang prutas at gulay ay hinihiwa at ipinagbibili sa kalye upang madaling kainin. Mapanganib ding kainin ang mga ito.
Sa maraming lupain sa Oryente, ang mga naglalako sa kalye ay karaniwang tanawin, at nag-aalok ng sarisaring masasarap na pagkain. Bago kumain sa ganitong karihan, masdan ang pangkalahatang kalinisan. Marumi ba ang lugar? Luto na ba ang pagkain at iniiwang walang takip? May basurahan ba, o nagkalat ang basura sa paligid? Ang kusinero ba ay mukhang marumi at burara? Malangaw ba at may mga hayop sa paligid? Kung oo ang sagot sa alinman sa mga tanong na ito, magkakaproblema kayo kung kakain kayo roon.
Halos lahat ay nasisiyahan sa pagkain na malasa at mahusay ang pagkakahanda. Subalit maging matalino at maingat kapag naghahanda at pumipili ng pagkain. Kaya masiyahan sa malinis na pagkain!
[Larawan sa pahina 18]
Maghugas ng kamay, at kung maaari ay magsabon, bago magluto
[Larawan sa pahina 19]
Lutuing mabuti ang lahat ng karne, isda, at manok upang mamatay ang mikrobyo
[Larawan sa pahina 19]
Dapat pakuluan ang tubig na galing sa kahina-hinalang pinagmulan
[Larawan sa pahina 20]
Kung ang gatas ay hindi napainit, isterilisahin ito sa pamamagitan ng pagpapainit
[Larawan sa pahina 20]
Ilayo ang pagkain mula sa langaw
[Larawan sa pahina 20]
Ingatan ang pagkain mula sa pagkakahawa sa dumi
[Larawan sa pahina 21]
Panatilihing malinis ang mga plato at kagamitan
[Larawan sa pahina 21]
May mabuting dahilan upang mag-alinlangan sa kalinisan ng pagkain na ipinagbibili ng mga tagapaglako sa kalye