Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 11/22 p. 19-23
  • Ingatan ang Iyong Sarili Mula sa Sakit na Dala ng Pagkain

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ingatan ang Iyong Sarili Mula sa Sakit na Dala ng Pagkain
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Epidemya sa Alagaan ng mga Hayop
  • Bago Mo Bilhin Ito . . .
  • Bago Mo Kainin Ito . . .
  • Bago Mo Itago Ito . . .
  • Kung Paano Gagawing Mas Ligtas ang Pagkain
    Gumising!—2001
  • Gawing Ligtas ang Inyong Pagkain
    Gumising!—1989
  • 3. Maging Maingat sa Paghahanda at Pagtatabi ng Pagkain
    Gumising!—2012
  • Pitong Tip Para Matiyak na Ligtas ang Pagkain Mo at Hindi Ka Magkasakit
    Iba Pang Paksa
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 11/22 p. 19-23

Ingatan ang Iyong Sarili Mula sa Sakit na Dala ng Pagkain

“HINDI nga ako makalabas ng banyo sa loob ng 12 oras,” sabi ni Becky. “Namimilipit ako sa sakit. At naubusan ako ng tubig sa katawan, kailangan kong magpasuwero sa emergency room. Dalawa o tatlong linggo bago naging normal muli ang pakiramdam ko.”

Si Becky ay nakaranas ng pagkalason sa pagkain, isang sakit na dala ng pagkain. Tulad ng karamihan sa mga biktima, siya’y nakaligtas. Subalit ang alaala ng kaniyang paghihirap ay nananatiling malinaw sa kaniyang isip. “Hindi ko kailanman nabatid na ang pagkalason sa pagkain ay maaaring makapagpalupaypay sa iyo,” sabi niya.

Ang mga karanasang gaya nito, at malala pa rito, ay pangkaraniwang nakababahala. Ang pagkarami-raming baktirya, virus, parasito, at mga protozoan ay nanganganib na makalason sa ating pagkain. At samantalang ang ilang uri ng sakit na dala ng pagkain ay nabawasan sa mga bansang industriyalisado sa nakalipas na mga taon, ang magasing World Health ay nag-uulat na “ang mga salmonellosis at iba pa ang humamon sa lahat ng pagsisikap na supilin ang mga ito.”

Ang kaganapan ng pagkalason sa pagkain ay mahirap tuntunin dahil sa ang karamihan ng kaso ay hindi iniuulat. Si Dr. Jane Koehler ng U.S. Centers for Disease Control ay nagsasabi: “Ang nalalaman namin ay gangga-kalingkingan lamang.”

Ano ang mga sanhi ng sakit na dala ng pagkain? Magugulat ka na malaman na ang suliranin ay kalimitang matagal nang nagsimula bago pa man umabot ang pagkain sa pamilihan.

Ang Epidemya sa Alagaan ng mga Hayop

Ang makabagong mga pamamaraan ng pag-aalaga ng hayop ay garantiya ng mabilis na paglipat ng mga tagapagdala ng sakit sa mga hayop. Sa industriya ng karne sa Estados Unidos, halimbawa, ang mga baka mula sa humigit-kumulang 900,000 bakahan ay pinagsama sa wala pang sandaang planta ng matadero. Ang gayong pagsasama ay maaaring pagmulan ng epidemya sa pagkahawa ng isang bakahan.

Higit pa riyan, si Dr. Edward L. Menning, direktor ng National Association of Federal Veterinarians sa Estados Unidos, ay nagsasabi na “tatlumpung porsiyento o higit pa ng pagkain ng hayop ay nahawahan ng tagapagdala ng sakit sa mga hayop.” Kung minsan ang pagkain ng hayop ay dinaragdagan ng mga tira-tira sa matadero upang maglaan ng karagdagang protina​—isang gawain na makapagkakalat ng salmonella at iba pang mikrobyo. Kapag ang mga hayop ay binigyan ng mababang dosis ng mga antibayotik para mapabilis ang paglaki, ang mga mikrobyo ay maituturing na drug-resistant (di-tinatablan ng gamot). “Ang isang mabuting halimbawa ay ang salmonella, na nagiging higit na di-tinatablan ng mga antibayotik,” sabi ni Dr. Robert V. Tauxe ng Centers for Disease Control. “Ipinalalagay namin na ito’y dahil sa ang mga antibayotik ay ibinibigay sa mga hayop na kinakain. Maaaring ganito rin ang kaso sa ibang baktirya.”

Sa Estados Unidos, isang maliit na porsiyento lamang ng mga manok ang may salmonella sa mga bituka nito kapag inilabas sa manukan para dalhin sa katayan, subalit ang dalubhasa sa mikrobyo na si Nelson Cox ay nagsasabi na “ang porsiyentong ito ay mabilis na tumataas mula dalawampu hanggang dalawampu’t limang porsiyento kapag inihahatid na.” Nagsisiksikan sa maliliit na kulungan, ang mga manok ay madaling mahawa. Ang mabilisang pagkatay at pagpoproseso ay nagdaragdag ng panganib. “Kapag handa na itong itinda ang mga manok ay kasindumi na rin na para bang ang mga ito’y inilublob sa maruming kasilyas,” sabi ng dalubhasa sa mikrobyo na si Gerald Kuester. “Ang mga ito’y maaaring hugasan, subalit ang mga mikrobyo ay naroroon pa rin.”

Gayundin, ang malakihang pagpoproseso ng karne ay maaaring maging mapanganib. “Ang mga talaksan ng pagkain sa mga planta ng makabagong pagpoproseso ay pagkalalaki anupat ang isa o dalawang talaksan ng paparating na pagkain ay maaaring makahawa sa tone-toneladang gawa nang produkto,” sabi ng The Encyclopedia of Common Diseases. Ang isang piraso ng nabahirang karne, halimbawa, ay maaaring makahawa sa bawat hamburger na lumalabas mula sa gilingan ding iyon. Isa pa, ang naihanda nang pagkain sa isang sentrong lugar at pagkatapos ay ihahatid sa mga tindahan at mga restauran ay madaling kapitan ng mikrobyo kung ang tamang temperatura ay hindi napanatili sa panahon ng paghahatid.

Gaano karaming pagkaing dumarating sa pamilihan ang nanganganib na makapitan ng mikrobyo? “Humigit-kumulang na 60 porsiyento ng lahat ng ipinagbibili nang tingi-tingi,” sabi ni Dr. Menning, tungkol sa Estados Unidos. Subalit makagagawa ka ng hakbang upang maingatan ang iyong sarili mula sa sakit na dala ng pagkain, dahil sa ang magasing FDA Consumer ay nagsasabi na “30 porsiyento ng lahat ng gayong sakit ay bunga ng di-ligtas na pangangasiwa ng pagkain sa tahanan.” Anu-anong pag-iingat ang maaari mong gawin?

Bago Mo Bilhin Ito . . .

Basahin ang etiketa. Anu-ano ang sangkap? Mag-ingat kung may hilaw na itlog na ginamit, gaya sa salad dressing o mayonesa. Ang gatas at keso ay dapat na natatakang “pastyurisado.” Pansinin ang “sell by” o “use by” na mga babalang petsa. Huwag ipalagay na ang mga produktong sinasabing natural ay tiyak na ligtas; maaaring ihantad ka ng mga ito sa mga panganib na nilayong hadlangan ng mga additive.

Suriing mabuti ang pagkain at pagkaimpake nito. Kung mukhang hindi sariwa ang pagkain, huwag itong bilhin. Kung isda ang pag-uusapan, ang buong isda ay dapat na may malinaw na mga mata, mapulang hasang, at walang sira, may matigas na laman, at ang laman at mga posta ng isda ay dapat na malinaw at makintab, walang bulok o masamang amoy. Ang isda ay dapat na nasa yelo o nasa malamig na kalagayan. Ang isda na naluto na at nakadispley kasama ng sariwang isda ay maaaring makapitan ng mikrobyo. Higit pa riyan, ang tumatagas, umuumbok, o sirang de lata at garapon ay maaaring humantong sa botulism (pagkalason sa pagkain dahil sa botulin)​—bihira subalit kung minsan ay nakamamatay na pagkalason na pumipinsala sa sentral na sistema ng nerbiyo.

Bago Mo Kainin Ito . . .

Lutuin itong mabuti. Ito ang isa sa pinakamagaling na panlaban mo sa impeksiyon. “Ipalagay na ang bawat produkto na galing sa hayop ay kinapitan ng mikrobyo, at ihanda ito nang wasto,” payo ni Dr. Cohen. Ang mga itlog ay dapat na lutuin hanggang sa ang pula at puti ng itlog ay matigas, hindi malasado. Yamang ang baktirya ay maaaring dumami sa temperatura sa pagitan ng 4 at 60 digri Celsius, ang karne ay dapat na lutuin upang ang pinakagitna ay maabot ng 71 digri Celsius, at ang mga produkto ng poltri ay dapat na umabot sa 82 digri Celsius.

Isagawa ang malinis na pagluluto. Ang lahat ng gamit ay dapat na linising mabuti pagkatapos gamitin. Bagaman sinasabi ng ilan na ang sangkalang kahoy ay maaaring pagtaguan ng baktirya, sinasabi ng isang pagsusuri na ang mga ito’y mas ligtas kaysa mga plastik na sangkalan.a Anuman ang uri ng sangkalan na gamit mo dapat na ito’y hugasang mabuti ng sabon at mainit na tubig. Iminumungkahi ng ilan ang paggamit din ng kloroks. Hugasan ang iyong mga kamay pagkatapos na humawak ng karne at mga produkto ng poltri, dahil sa ang anumang hawakan mo ay maaaring makapitan ng mikrobyo.

Bantayan ang oras. Iuwi agad ang anumang napamili. Higit pa riyan, “walang pagkain na nabubulok ang dapat nasa labas ng refrigerator ng mahigit sa dalawang oras, ito ma’y luto o hilaw,” sabi ng dalubhasa sa pagkain na si Gail A. Levey. “Kung ang temperatura sa labas ay mahigit sa 32 digri Celsius,” susog niya, “bawasan ang panahong iyan nang isang oras.”

Bago Mo Itago Ito . . .

Gumamit ng sapat na lalagyan. Parti-partihin ang maiinit na pagkain sa maliliit na lalagyan upang ang mga ito’y madaling lumamig sa refrigerator. Maglaan ng sapat na lugar sa loob ng lalagyan upang ang temperatura sa inyong refrigerator o freezer ay hindi uminit. Ang lahat ng lalagyan ay dapat na may takip upang maiwasan ang paglipat ng mikrobyo.

Suriin ang inyong refrigerator. Ang temperatura ng freezer ay dapat na hindi tataas sa -18 digri Celsius, at ang refrigerator ay dapat na mababa sa 4 na digri Celsius. Bagaman ang karne at mga produkto ng poltri ay maaaring imbakin sa freezer sa loob ng mga buwan, ang mga ito’y maaaring magsimulang mabulok sa refrigerator sa loob ng mga araw lamang. Ang mga itlog ay dapat na lutuin sa loob ng tatlong linggo. Upang maiwasan ang pagputok at mapanatili ang lamig nito, pinakamabuti kung ito’y hindi aalisin sa dating lalagyan nito at itatabi sa pangunahing bahagi ng refrigerator sa halip na sa tray ng itlog na nasa loob ng pinto, isa sa pinakamainit na lugar sa refrigerator.

Sa kabila ng lahat ng pag-iingat na nabanggit, kung ang hitsura o amoy ng pagkain ay kahina-hinala, itapon na ito! Yamang ang sakit na dala ng pagkain ay kalimitang dumadapo at nawawala nang wala namang malulubhang kahihinatnan, sa ilang kalagayan​—lalo na sa mga bata, may edad na, at mga maysakit sa imyunidad​—maaaring ito’y makamatay.b

Libu-libong taon na ang nakalipas nang sabihin ng Diyos kay Noe: “Lahat ng hayop, mga ibon, at isda, . . . ibinibigay kong lahat iyan sa inyo bilang pagkain.” (Genesis 9:2, 3, Today’s English Version) Ang produksiyon na may sunud-sunod na hakbang sa pagkatay at iisang proseso lakip pa ang malakihang pamamahagi ay nakadaragdag sa malaking posibilidad ng pagkakasakit dala ng pagkain. Kung gayon, gawin ang iyong bahagi bilang isang mamimili. Mag-ingat kapag namimili, nagluluto, at nagtatago ng inyong pagkain.

[Mga talababa]

a Tingnan ang Gumising! ng Disyembre 8, 1993, pahina 28.

b Kung ikaw ay maging biktima ng sakit na dala ng pagkain, magpahinga nang husto, at uminom ng likido gaya ng juice, sabaw, o walang lasang soda. Kung magkaroon ng neurolohikal na mga sintoma o tumagal ang lagnat, pagkaliyo, pagduwal, dumi na may dugo, o matinding kirot o kung ikaw ay kabilang sa pinakananganganib na grupo, makabubuti na magpatingin sa doktor.

[Kahon sa pahina 23]

Kapag Kumain sa Labas

Mga Piknik. Gumamit ng saradung-saradong cooler na punô ng yelo. Makabubuting ilagay ito sa lugar ng mga pasahero ng iyong kotse sa halip na sa likuran ng kotse. Sa piknik ang cooler ay dapat na nasa lilim at sarado ang takip. Ihiwalay ang lahat ng hilaw na mga pagkain mula sa ibang pagkain. Ang bahagyang pagluluto ng pagkain sa bahay at pagkatapos ay lulutuin ito nang husto sa parilya ay hindi iminumungkahi, dahil sa ang hindi hustong pagkaluto ay nagpaparami lamang ng baktirya.

Mga Restauran. “Iwasang kumain sa mga restauran na maruming tingnan,” babala ni Dr. Jonathan Edlow. “Kung ang kainan ay waring marumi, marahil ay gayundin ang kusina.” Ibalik ang anumang pagkain na “mainit” na hindi naman mainit o husto ang pagkaluto. Ang produkto ng poltri na medyo malarosas ang kulay ay hindi dapat kainin. Ang mga pritong itlog ay dapat na lutuin nang husto sa magkabila. “Mientras mas malasado ang pula ng itlog, mas mapanganib ito,” babala ng FDA Consumer.

Mga Salad bar. Yamang pinagsasama-sama nila ang mga pagkain na humihiling ng iba’t ibang antas ng pagluluto at pag-iimbak sa refrigerator, ang mga salad bar ang tinatawag ng magasing Newsweek na “tamang-tamang lugar para sa mga mikrobyo.” Suriin ang kalinisan ng salad bar, at tiyakin na ang mga pagkain ay dapat na pinalamig nang husto sa suson ng yelo. Kahit na ang salad bar ay napangangalagaan nang husto, ang mga mikrobyo ay maililipat mula sa isang parokyano tungo sa susunod na parokyano. Ganito ang sabi ng dalubhasa sa mikrobyo na si Michael Pariza: “Hindi mo alam kung sino ang huling humawak sa pansandok na nahulog sa dressing.”

Mga pagtitipon. Iminumungkahi ni Dr. Edlow na kapag naghahanda ng pagkain na istilong buffet, ang nag-imbita ay dapat na “maglagay ng tig-kakaunting pagkain sa mesa at maglagay ng karagdagang pagkain mula sa pinalamig o ininit na pagkain sa halip na hayaang nakahantad nang matagal na oras ang pagkain.” Panatilihin ang malalamig na pagkain nang mababa sa 4 na digri Celsius at ang maiinit na pagkain nang mataas sa 60 digri Celsius. Ang lutong karne na hindi pa kakainin ay dapat na ilagay agad sa refrigerator at dapat na panatilihin sa gayong paraan hanggang sa handa nang ibiyahe. Bago kainin, ang pagkain ay maaaring initin muli nang husto.

[Larawan sa pahina 20]

Kung mukha itong hindi sariwa, huwag itong bilhin

[Larawan sa pahina 22]

Malinis ba ang kusina sa restauran na doon ka kumakain?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share