3. Maging Maingat sa Paghahanda at Pagtatabi ng Pagkain
ISANG tagapagluto sa sinaunang Israel ang basta na lang nanguha ng mga ligáw na upo gayong “wala [siyang] kabatiran sa mga iyon.” Isinahog niya iyon sa niluluto niyang nilaga. Ang mga kakain nito, sa takot na baka malason sila, ay nagsabi: “May kamatayan sa palayok.”—2 Hari 4:38-41.
Gaya ng ipinakikita ng pangyayaring ito, kung hindi mag-iingat sa paghahanda ng pagkain, maaari itong pagmulan ng sakit o makamatay pa nga. Kaya para makaiwas sa mga sakit na nakukuha sa pagkain, maging maingat sa paghahanda at pagtatabi ng pagkain. Isaalang-alang ang sumusunod na apat na mungkahi:
● Huwag basta palambutin ang karne sa labas ng refrigerator.
“Kahit frozen pa ang loob ng [karne] habang pinalalambot ito sa mesa,” ang sabi ng U.S. Department of Agriculture, “ang bandang labas ng karne ay maaaring umabot na sa ‘Danger Zone,’ sa pagitan ng 40 at 140°F [4 at 60°C]—ang temperatura kung saan mabilis dumami ang baktirya.” Sa halip, palambutin ang pagkain sa loob ng refrigerator, sa microwave, o ilagay ito sa pambalot na hindi tatagas at ibabad sa malamig na tubig.
● Lutuing mabuti ang pagkain.
Ayon sa World Health Organization, “halos lahat ng nakapipinsalang mikroorganismo ay namamatay kapag niluto nang tama ang pagkain.” Sa pagluluto, lalo na ng mga pagkaing may sarsa o sabaw, tiyaking aabot ang temperatura sa 70 digri Celsius o higit pa.a Dahil mahirap matantiya ang temperatura sa pinakaloob ng ilang pagkain, maraming tagapagluto ang gumagamit ng meat thermometer.
● Ihain agad ang pagkain.
Pagkaluto sa pagkain, ihain agad ito; huwag itong basta iwan sa mesa nang napakatagal para hindi ito mapanis. Kung ang pagkain ay kinakain nang malamig, panatilihin itong malamig, at kung kinakain ito nang mainit, panatilihin itong mainit. Puwede mong panatilihing mainit ang karne sa loob ng oven na naka-set sa humigit-kumulang 93 digri Celsius.
● Maging maingat kung magtatabi at kakain ng tirang pagkain.
Karaniwan na, inihahain agad ni Anita, isang ina sa Poland, ang pagkain pagkaluto nito. Pero kapag may sobra, ang sabi niya, “inilalagay ko agad ito sa freezer sa maliliit na lalagyan para madaling i-defrost.” Kung magtatabi ka ng tirang pagkain sa refrigerator, kainin ito nang hindi lalampas sa tatlo o apat na araw.
Sa restawran, ipinagkakatiwala mo sa ibang tao ang paghahanda ng pagkain ninyo. Paano mo poprotektahan ang pamilya mo kapag kumakain kayo sa labas?
[Talababa]
a Ang ilang pagkain, gaya ng manok, ay kailangang lutuin sa mas mataas na temperatura.
[Kahon sa pahina 6]
SANAYIN ANG MGA ANAK: “Kapag nagluluto ng pagkain ang mga anak ko, ipinaaalala ko sa kanila na basahin at sundin ang instruksiyon sa pakete.”—Yuk Ling, Hong Kong