Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 12/22 p. 8-11
  • Kung Paano Gagawing Mas Ligtas ang Pagkain

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Gagawing Mas Ligtas ang Pagkain
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Sanhi ng Sakit na Mula sa Pagkain
  • Paggawa ng Timbang na mga Pasiya
  • 3. Maging Maingat sa Paghahanda at Pagtatabi ng Pagkain
    Gumising!—2012
  • Gaano Kaligtas ang Iyong Pagkain?
    Gumising!—2012
  • Ingatan ang Iyong Sarili Mula sa Sakit na Dala ng Pagkain
    Gumising!—1995
  • Nakapagpapalusog na Pagkain Para sa Lahat—Malapit Na!
    Gumising!—2012
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 12/22 p. 8-11

Kung Paano Gagawing Mas Ligtas ang Pagkain

MAPANGANIB ba ang kumain? Maaaring papaniwalain ka ng ilang estadistika na gayon nga. Ayon sa World Health Organization (WHO), mga 130 milyon katao sa WHO European Region ang apektado ng sakit na mula sa pagkain taun-taon. Sa United Kingdom pa lamang, mahigit na 100,000 kaso ng pagkalason sa pagkain​—na nagdulot ng mga 200 kamatayan​—ang iniulat noong 1998. Tinataya na sa Estados Unidos taun-taon, mga 76 na milyong karamdaman ang resulta ng sakit na mula sa pagkain at sa mga kasong iyon, 325,000 ang naoospital at 5,000 ang namamatay.

Sa buong globo, mas mahirap makuha ang detalyadong mga pagtaya. Gayunman, iniuulat ng WHO na noong 1998, humigit-kumulang sa 2.2 milyon katao ang namatay sa mga sakit sa pagtatae​—ang 1.8 milyon nito ay mga bata. Sinabi ng ulat: “Isang malaking bahagi ng mga kasong ito ay maaaring dahil sa maruming pagkain at iniinom na tubig.”

Ang mga bilang na iyon ay maaaring nakagigimbal. Ngunit ang mga estadistika ba ay dapat na magpangyari sa iyo na matakot hinggil sa pagiging ligtas ng iyong sariling pagkain? Marahil ay hindi naman. Isaalang-alang ang isa pang halimbawa. Sa Australia, may mga 4.2 milyong kaso ng sakit mula sa pagkain taun-taon​—o mga 11,500 araw-araw! Ngayon ay waring napakarami niyan. Ngunit tingnan mo ito sa naiibang pangmalas. Ang mga Australiano ay kumakain nang mga 20 bilyong beses sa isang taon; sa mga pagkaing iyon wala pang isa sa limampu ng isang porsiyento ang nagiging sanhi ng sakit. Sa ibang pananalita, ang panganib na nasasangkot sa bawat pagkain ay totoong napakaliit.

Magkagayunman, ang panganib ay tunay at nakababahala. Ano ba ang sanhi kung kaya’t pinagmumulan ng sakit ang pagkain, at ano ang maaaring gawin upang mabawasan ang panganib?

Mga Sanhi ng Sakit na Mula sa Pagkain

Isang kapansin-pansing bilang ng mga karamdaman ang maaaring maipasa sa pagkain​—mahigit na 200 sa mga ito, ang sabi ng babasahing Emerging Infectious Diseases. Ngunit ang mga sanhi ng lahat ng sakit na iyon ay hindi naman gayon karami. Ayon kay Dr. Iain Swadling, opisyal sa impormasyon hinggil sa pagkain ng International Food Information Service, “marahil ay wala pang dalawang dosenang” uri ng mikroorganismo ang sanhi ng mga 90 porsiyento ng lahat ng kaso ng sakit na mula sa pagkain. Paano napupunta sa pagkain ang iba’t ibang bagay na nagdudulot ng sakit​—mga virus, baktirya, parasito, lason, at iba pa?

Nagtala si Dr. Swadling ng lima sa pinakakaraniwang paraan kung paano nadudumhan ang pagkain: “Paggamit ng marumi at hilaw na mga pagkain; mga nahawahan ng sakit/may-sakit na mga tao na naghahanda ng pagkain; walang sapat na pamamaraan ng pag-iimbak lakip na ang paghahanda ng pagkain mga ilang oras bago ito kainin; pagkakalipat ng mikrobyo sa panahon ng paghahanda ng pagkain; hindi naluto o nainit na mabuti ang pagkain.” Bagaman tila nakapanlulumo ang listahan, ipinababatid nito ang isang magandang balita sa paanuman. Marami sa mga sakit na mula sa pagkain ay madaling maiwasan. Upang malaman kung anong magagawa mo upang tiyakin ang pagiging ligtas ng iyong pagkain, tingnan ang kahon sa pahina 8 at 9.

Paggawa ng Timbang na mga Pasiya

Salig sa iba’t ibang panganib at pagkabahala hinggil sa pagkain, ilang tao sa ngayon ang nagpasiyang gumugol ng panahon sa pagbili, paghahanda, at pagkain ng mas sariwang pagkain. Kung nakaaakit sa iyo ang pagpipiliang iyan, hanapin ang mga tindahan o mga palengke sa iyong lugar na nagbebenta ng mga panindang sariwa at hindi ginamitan ng mga kemikal. Ipinaliliwanag ng isang giya ng mamimili: “Maraming mamimili ang nakikipag-ugnayan sa mga maggugulay​—sa mga palengkeng nagbubukas minsan sa isang linggo [kung saan ipinagbibili ang sariwang gulay] o sa kung saan inihahanda ang pagkain​—​upang bumili ng mga pagkain kung kailan ito partikular na sariwa at upang makita ang produksiyon ng pagkain at ang pinagmulan nito.” Ang paggawa nito ay maaaring makatulong kapag bumibili ng mga produktong karne.

Sa katulad na paraan, maaaring mas mainam na bumili ng pagkain sa iyong lugar kapag panahon nito, yamang maaaring pinakasariwa ang mga ito sa panahong iyon. Gayunman, isipin na kapag sinunod mo ang gayong pamantayan, wala kang gaanong mapagpipiliang ibang uri ng prutas at gulay sa buong taon.

Dapat ka bang lumipat sa organikong pagkain? Iyan ay personal na desisyon. Marami ang pumipili ng organikong pagkain, anupat walang alinlangan na ang ilan ay naudyukan ng kawalan ng pagtitiwala sa bagong mga teknolohiya na ginagamit sa industriya ng pagkain. Ngunit hindi sumasang-ayon ang lahat na ang organikong pagsasaka ay nag-aalok ng mas ligtas na pagkain.

Anuman ang iyong pasiya sa pagkain, maingat na suriin ang iyong binibili. “Kapag pagkain ang pinag-uusapan,” hinagpis ng isang eksperto na sinipi sa lingguhang pahayagan na Die Zeit, “tinitingnan lamang ng mamimili ang presyo.” Ang pagiging palaisip sa presyo ay kapuri-puri, ngunit suriin din ang talaan ng mga sangkap. Tinataya na halos kalahati ng bilang ng mga taong bumibili ng pagkain sa Kanluraning mga lupain ay hindi naglalaan ng panahon na basahin ang impormasyon hinggil sa sustansiya ng pagkain na nakaimprenta sa mga etiketa. Sabihin pa, ang paglalagay ng etiketa sa ilang lupain ay hindi naman talagang kumpleto. Pero kung nais mo ng ligtas na pagkain, gawin mo kung gayon ang iyong magagawa upang masuri ang mga sangkap.

Anumang desisyon ang gawin mo may kinalaman sa iyong pagkain, malamang na kakailanganin mong maging mapagparaya sa ibang pagkakataon, na nakikibagay sa mga katotohanan ng lupain kung saan ka naninirahan. Para sa maraming tao sa modernong panahong ito, talagang imposible​—napakamahal, lubhang nakauubos ng panahon, isang napakalaking problema​—upang tiyakin na ang kanila lamang kinakain ay talagang ligtas sa bawat aspekto.

Hindi ba parang isang nakapanlulumong pagtaya iyan sa daigdig sa ngayon? Ito’y makatotohanan lamang. Gayunman, ang magandang balita ay ang mga bagay-bagay ay malapit nang mabago para sa ikabubuti.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]

Mga Hakbang Na Maaari Mong Gawin

◼ Maghugas. Tiyaking maghugas ng iyong mga kamay sa mainit na tubig na may sabon bago maghanda ng bawat putahe. Laging maghugas ng kamay pagkatapos gamitin ang banyo, linisin ang bata (tulad ng pagpapalit ng lampin o pagpupunas sa ilong ng bata), o humawak ng anumang hayop, kalakip dito ang mga hayop na inaalagaan sa bahay. Hugasan ng mainit na tubig na may sabon ang anumang kagamitan, sangkalan, at mga ibabaw ng mga paminggalang pinagtatadtaran pagkatapos ihanda ang bawat putahe​—lalo na pagkatapos humawak ng hilaw na karne, manok, o pagkaing-dagat. “Hugasan ang mga prutas at gulay sa maligamgam na tubig,” mungkahi ng magasing Test, upang alisin ang mga labí ng insekto at pestisidyo. Sa maraming kaso, ang pagbabalat, pagtatalop, at pagpapakulo ang pinakamaiinam na paraan upang linisin ang mga pagkain. Sa letsugas at repolyo, alisin at itapon ang pinakalabas na mga dahon.

◼ Lutuing Mabuti. Kung ang init sa loob ng pagkain ay lumampas sa 70 digri Celsius, kahit na sandali lamang, halos lahat ng baktirya, virus, at parasito ay mamamatay. Dapat na lutuin ang mga manok nang higit pa riyan, sa 80 digri Celsius. Ang mga pagkain na muling ininit ay dapat na paabutin sa temperaturang 75 digri Celsius, o dapat na ito’y mainit at umuusok. Iwasang kainin ang mga manok na ang loob ay mamula-mula pa rin, mga itlog na hindi naluto ang pula o puti, o isda na makintab pa at yaong hindi pa madaling madurog ng isang tinidor.

◼ Panatilihing magkakabukod ang mga pagkain. Panatilihing nakabukod ang mga hilaw na karne, manok, o pagkaing-dagat sa iba pang pagkain sa lahat ng pagkakataon​—kapag namimili, nag-iimbak, at naghahanda nito. Huwag hayaan ang mga katas nito na tumulo sa isa’t isa o sa iba pang pagkain. Gayundin, huwag na huwag maglagay ng nilutong pagkain sa isang plato na dating nilagyan ng hilaw na karne, isda, o manok, malibang ang plato ay nahugasan nang husto ng mainit na tubig na may sabon.

◼ Iimbak at palamigin ang pagkain nang maayos. Maaaring pigilin ng repridyeretor ang pagdami ng mapanganib na baktirya, ngunit ang temperatura nito ay dapat na 4 na digri Celsius. Ang freezer ay dapat na -17 digri Celsius. Ipasok sa repridyeretor ang nasisirang pagkain sa loob ng dalawang oras. Kung ihahain ang pagkain bago pa ito kainin, takpan ang lahat ng pagkain upang hindi ito madapuan ng mga langaw.

◼ Mag-ingat kapag kumakain sa labas. Ayon sa isang pagtaya, humigit-kumulang sa 60 hanggang 80 porsiyento ng mga kaso ng sakit mula sa pagkain sa ilang maunlad na lupain ay nanggaling sa mga pagkain na niluto at binili sa labas ng tahanan. Tiyakin na ang anumang restawran na iyong pinupuntahan ay nakatutugon sa mga pamantayang pangkalusugan na hinihiling ng batas. Bumili ng karne na nilutong mabuti. Hinggil sa pagkaing take-out, siguraduhing kainin ito sa loob ng dalawang oras pagkabili mo nito. Kung higit pang panahon ang lumipas, initin muli ang pagkain sa temperaturang 74 na digri Celsius.

◼ Itapon ang alanganing pagkain. Kung ikaw ay nagdududa sa kung ang isang pagkain ay maayos pa o panis na, mas ligtas kung itapon mo na lamang ito. Siyempre pa, hindi matalino ang magtapon ng pagkaing maayos pa. Subalit ang pagkakasakit dahil sa sirang pagkain ay maaari pang mas magastos.

[Credit Line]

​—Pangunahin nang nakasalig sa Food Safety Tips, na inilaan ng Food Safety Technology Council sa Estados Unidos.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share