Nakapagpapalusog na Pagkain Para sa Lahat—Malapit Na!
MAY mga praktikal na hakbang na puwede mong gawin para maging mas ligtas ang pagkain ninyo. Pero maraming bagay ang hindi mo kontrolado. Halimbawa, hindi posible na mainspeksiyon mo ang lahat ng pagkaing bibilhin mo o ihahanda. Baka kailangan mong bumili ng mga pagkaing pinroseso at inangkat pa sa malayo. At ang ilang pagkaing binibili mo ay baka kontaminado ng mapanganib na mga kemikal mula sa hangin, tubig, o lupa.
Sa isang report na pinamagatang “Foodborne Disease Control: A Transnational Challenge,” sinabi ng mga opisyal ng World Health Organization na ang ilang problema hinggil sa di-ligtas na pagkain ay “hindi malulutas ng isang gobyerno lang; kailangan ang pagtutulungan ng lahat ng bansa.” Ang mga sakit na nakukuha sa pagkain ay problema ng buong daigdig!
Dahil dito, marami ang magtatanong kung paano natin natiyak na malapit nang magkaroon ng nakapagpapalusog na pagkain para sa lahat. Kasi si “Jehova, na Panginoon ng buong lupa,” ang nangangako na lulunasan niya ang problema sa pagkain. (Josue 3:13) Baka sabihin ng ilan na ang di-ligtas na pagkain ay ebidensiya na hindi mapagkakatiwalaan ang Diyos. Pero isipin ito: Kung hinayaan ng pabayang waiter na mapanis ang isang masarap na pagkain, tama bang sisihin ang nagluto nito? Siyempre hindi.
Sa katulad na paraan, ang mga tao—hindi ang Maylalang—ang dahilan kung bakit di-ligtas ang suplay ng pagkain sa daigdig. Ang problemang ito ay kagagawan ng tao. Nangangako ang Diyos na ‘ipapahamak niya ang mga nagpapahamak sa lupa.’—Apocalipsis 11:18.
Ang totoo, pinatunayan na ng Diyos na nais niyang makakain tayo ng ligtas at nakapagpapalusog na pagkain. Siya ang lumalang sa lupa at sa mga puno na “kanais-nais sa paningin” at nagbibigay ng mga bungang “mabuting kainin.” (Genesis 2:9) At kahit hindi na sakdal ang tao at nagkakasakit na, binigyan pa rin ng Diyos na Jehova ang kaniyang bayan ng espesipikong mga tuntunin para maprotektahan ang kanilang pagkain at kalusugan.—Tingnan ang kahong “Kodigo ng mga Alituntuning Pangkalusugan.”
Anong uri ng pagkain ang ibinigay ng Diyos sa atin? Sinasabi ng Bibliya: “Nagpapasibol siya ng luntiang damo para sa mga hayop, at ng mga pananim para sa paglilingkod sa sangkatauhan, upang maglabas ng pagkain mula sa lupa, at ng alak na nagpapasaya sa puso ng taong mortal, upang paningningin ng langis ang mukha, at ng tinapay na nagpapalakas sa puso ng taong mortal.” (Awit 104:14, 15) Sinasabi rin ng Bibliya na ang “bawat gumagalang hayop na buháy ay magiging pagkain.”—Genesis 9:3.
Tungkol sa ating kinabukasan, nangangako ang kaniyang Salita: “Tiyak na ibibigay niya ang ulan para sa iyong binhi na inihahasik mo sa lupa, at bilang bunga ng lupa ay tinapay, na magiging mataba at malangis. Ang iyong mga alagang hayop ay manginginain sa araw na iyon sa isang malawak na pastulan.” (Isaias 30:23) Oo, ang nakakatakot na mga headline ngayon ay malapit nang mapalitan ng ganitong balita: “Nakapagpapalusog na pagkain para sa lahat!”
[Blurb sa pahina 9]
Nangangako ang Maylalang ng isang magandang kinabukasan na sagana sa nakapagpapalusog na pagkain
[Kahon sa pahina 8]
“KODIGO NG MGA ALITUNTUNING PANGKALUSUGAN”
Mga 3,500 taon na ang nakalilipas, ibinigay sa Israel ang Kautusang Mosaiko. Ang Kautusang iyon ay nagsilbing proteksiyon ng mga Israelita laban sa maraming sakit na nakukuha sa pagkain. Isaalang-alang ang sumusunod na mga tagubilin:
● Huwag gumamit ng mga kasangkapang narumhan ng patay na hayop: “Alinmang sisidlan na may pinaggagamitan ay ilulubog sa tubig, at iyon ay magiging marumi hanggang sa gabi at pagkatapos ay magiging malinis.”—Levitico 11:31-34.
● Huwag kumain ng hayop na namatay sa ganang sarili: “Huwag kayong kakain ng anumang bangkay ng hayop.”—Deuteronomio 14:21.
● Huwag maghintay nang matagal bago kainin ang natirang pagkain: “Sa kasunod na araw ay makakain din ang anumang natira roon. Ngunit ang natira sa karne ng hain sa ikatlong araw ay susunugin sa apoy.”—Levitico 7:16-18.
Sinabi ni A. Rendle Short, M.D., na nagulat siya dahil ang Kautusang Mosaiko—kumpara sa mga batas ng kalapít na mga bansa—ay may “napakahusay at napakamakatuwirang kodigo ng mga alituntuning pangkalusugan.”