Nany/stock.adobe.com
Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Nangyayaring Taggutom Ngayon?
“Wala nang taggutom.” Iyan ang goal ng mga lider ng bansa para malutas ang isa sa pinakamalaking problema ng mga tao—lahat ay makakakain.a Pero mawawala nga ba ang taggutom? Ano ang sinasabi ng Bibliya?
Nakahula sa Bibliya ang mga taggutom ngayon
Inihula ng Bibliya na magkakaroon ng taggutom sa panahon natin, na tinatawag sa Bibliya na “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1) Hindi galing sa Diyos ang mga taggutom, pero nagbabala siya tungkol dito. (Santiago 1:13) Tingnan ang dalawang hula sa Bibliya.
“Magkakaroon ng taggutom . . . sa iba’t ibang lugar.” (Mateo 24:7) Sabi ng Bibliya, maraming lugar ang maaapektuhan ng taggutom. Ayon sa isang report ng mga nagmo-monitor ng suplay ng pagkain: “Palala nang palala ang sitwasyon ng mundo kahit nagsisikap itong tapusin ang taggutom at malnutrisyon.”b Napakaraming tao sa ngayon sa iba’t ibang bansa ang walang makain. Nakakalungkot, dahil dito, marami ang namamatay.
“Nakita ko ang isang itim na kabayo, at ang nakaupo rito ay may hawak na isang pares ng timbangan.” (Apocalipsis 6:5) Sa hulang ito, ang kabayo at ang nakasakay rito ay lumalarawan sa taggutom sa mga huling araw.c Ang timbangan naman ay para timbangin ang limitadong rasyon ng pagkain. Habang tumatakbo ang kabayo, may tinig na nagsasabing tataas nang sobra ang presyo ng pagkain at nagbababala na huwag itong aksayahin. (Apocalipsis 6:6) Ganiyang-ganiyan ang nangyayari ngayon, napakaraming tao ang hindi makabili o makahanap ng pagkain.
Kung paano mawawala ang taggutom
Sinasabi ng mga eksperto na sobra-sobra ang pagkain sa mundo at kaya nitong mapakain ang lahat. Pero bakit may taggutom pa rin? Ano ang sinasabi ng Bibliya na gagawin ng Maylalang, si Jehova,d para solusyunan ito?
Problema: Hindi kayang alisin ng mga gobyerno ang kahirapan at di-patas na ekonomiya, kaya marami ang nagugutom.
Solusyon: Papalitan ang di-perpektong gobyerno ng mga tao ng isang perpektong gobyerno—ang Kaharian ng Diyos. (Daniel 2:44; Mateo 6:10) Maraming mahihirap ngayon ang hindi nakakabili ng pagkain, pero babaguhin ito ng Kaharian ng Diyos. Sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesu-Kristo, ang Hari ng Kaharian ng Diyos: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, at ang hamak at ang sinumang walang katulong. . . . Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; mag-uumapaw ito sa tuktok ng mga bundok.”—Awit 72:12, 16.
Problema: Dahil sa mga digmaan, marami ang nasisira at humihina ang ekonomiya kaya naaapektuhan ang suplay at distribusyon ng pagkain.
Solusyon: “Pinatitigil [ni Jehova] ang mga digmaan sa buong lupa. Binabali niya ang pana at dinudurog ang sibat; sinusunog niya ang mga karwaheng pangmilitar.” (Awit 46:9) Aalisin ng Diyos ang lahat ng armas at mga taong nagpapasimula ng digmaan. Kaya hindi na mahihirapan ang mga tao na makakuha ng pagkain. Ipinangako ng Bibliya: “Mamumukadkad ang matuwid, at mamamayani ang kapayapaan.”—Awit 72:7.
Problema: Dahil sa extreme weather at mga likas na sakuna, nasisira ang mga pananim at namamatay ang mga alagang hayop o livestock.
Solusyon: Kokontrolin ng Diyos ang puwersa ng kalikasan na makakatulong sa produksiyon ng pagkain. Mababasa sa Bibliya: “Pinahuhupa [ni Jehova] ang buhawi; kumakalma ang mga alon sa dagat. . . . Ang disyerto ay ginagawa niyang lawa na may mga halaman, at ang tuyong lupain ay ginagawa niyang bukal ng tubig. Pinatitira niya roon ang mga gutom . . . Naghahasik sila sa mga bukid at nag-aalaga ng mga ubasan na nagbubunga nang sagana.”—Awit 107:29, 35-37.
Problema: Dahil sa pagiging makasarili at katiwalian ng mga tao, may mga pagkain ngayon na delikadong kainin o hindi nakakarating sa mga nangangailangan nito.
Solusyon: Aalisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng di-tapat at tiwaling tao. (Awit 37:10, 11; Isaias 61:8) Sinasabi ng Bibliya na si Jehova “ang nagbibigay ng katarungan sa mga dinaraya, ang nagbibigay ng tinapay sa gutom.”—Awit 146:7.
Problema: Taon-taon, one third ng suplay ng pagkain sa buong mundo ang nasasayang o nawawala.
Solusyon: Aayusin ng Kaharian ng Diyos ang suplay at distribusyon ng pagkain. Noong nasa lupa si Jesus, hindi siya nag-aksaya ng pagkain. Halimbawa, nang maghimala siya at pakainin ang mahigit 5,000 tao, iniutos niya sa mga alagad niya: “Tipunin ninyo ang mga natira para walang masayang.”—Juan 6:5-13.
Aalisin ng Kaharian ng Diyos ang pinakaugat ng taggutom kaya magkakaroon ng marami at masustansiyang pagkain ang lahat ng tao. (Isaias 25:6) Para malaman kung kailan ito gagawin ng Kaharian ng Diyos, basahin ang artikulong “Kailan Mamamahala sa Lupa ang Kaharian ng Diyos?”
a Ang 2030 Agenda for Sustainable Development na sinuportahan ng lahat ng United Nations Member States noong 2015.
b Pinagsamang report ng Food and Agriculture Organization of the United Nations, International Fund for Agricultural Development, United Nations Children’s Fund, United Nations World Food Programme, at ng World Health Organization.
c Para malaman ang iba pang impormasyon tungkol sa apat na mangangabayo sa Apocalipsis, basahin ang artikulong “Ang Apat na Mangangabayo—Sino Sila?”
d Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”