Ligtas na Pagkain Para sa Lahat
KALUGUD-LUGOD ang kapaki-pakinabang na pagkain. Ngunit gaya ng nalaman natin, ang gayong pagkain ay hindi laging madaling makuha. Masahol pa rito, milyun-milyong tao ang hindi na magawang mabahala pa sa kung ang kanilang pagkain ay talagang ligtas o nakapagpapalusog. Lubha silang abala sa paghahanap ng sapat na pagkain upang mabuhay lamang. Hindi kaya nilayon ng Diyos na magkaganito ang mga bagay-bagay?
Isip-isipin ito. Nang inilagay ng Diyos ang lalaki’t babae sa lupa, may anumang dahilan ba sila upang mabahala sa pagkain? Talagang wala! Sinasabi ng ulat ng Bibliya sa aklat ng Genesis: “Pinatubo ng Diyos na Jehova mula sa lupa ang bawat punungkahoy na kanais-nais sa paningin at mabuting kainin.” (Genesis 2:9) Kaya sina Adan at Eva ay may kalugud-lugod at sari-saring pagkain at gayundin sagana, at walang-hanggang suplay nito. Alam na alam ng Diyos na lumalang sa kanila ang kanilang kinakailangang sustansiya; alam din niya kung ano ang magpapagalak sa kanila. Sabihin pa, wala tayo ngayon sa hardin ng Eden. Ngunit binago ba ng Diyos ang kaniyang orihinal na layunin para sa sangkatauhan at sa lupa?
May makatuwiran tayong dahilan na maniwala na di-magtatagal, ang lahat ng nasa lupa ay magtatamasa ng saganang nakapagpapalusog at kapaki-pakinabang na pagkain! Ang paniniwalang ito ay maaaring maging isang mabisang tulong sa pagpapanatili ng isang timbang na saloobin hinggil sa isyu ng pagiging ligtas ng pagkain sa ngayon. Ang gayong pag-asa, kung tiyak at mapagkakatiwalaan, ay makatutulong sa atin na maiwasan ang pagkakaroon ng mga panatiko o labis-labis na pangmalas.
Bakit tayo lubhang makatitiyak na ang buhay ay malapit nang mabago? Nalalaman ng masisigasig na estudyante ng Salita ng Diyos na tayo’y nabubuhay ngayon sa “mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay. Ang kasalukuyang sistema ay pinamamahalaan ng karunungan ng tao, na sa maraming larangan ng buhay ay di-tiyak at umaasa sa pasubuk-subok lamang. Pagdating sa mga pamamaraan ng pagpoproseso sa pagkain, may malaking pagdududa sa kung ang mga ito’y ligtas o mapanganib. Ang gayong pagdududa ay nagbubunga ng takot, di-pagkakasundo, at pagkakabaha-bahagi.—2 Timoteo 3:1-5.
Nangako ang Maylalang ng sangkatauhan na papalitan niya ang kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay ng isang ganap na bagong sistema. Ang kaniyang orihinal na layunin—na ang buong lupa ay maging isang paraiso kagaya ng hardin ng Eden, na tinitirhan ng isang maligaya at malusog na pamilya ng tao—ay matutupad. Kung gayon, mapupuno ang buong lupa ng nakapagkakaisang puwersa ng sakdal at makadiyos na karunungan. (Isaias 11:9) Ang di-tiyak na karunungan ng tao ay hindi na mananaig. Aalisin ng bagong sistema na ginawa ng Diyos ang lahat ng sanhi ng pag-aalinlangan hinggil sa pagiging ligtas ng ating pagkain. Hindi ba’t makatuwirang isipin na ang Diyos na lumalang sa mga tao ang siyang makauunawa rin sa ating mga nutrisyonal na pangangailangan?
Sakdal na Pagkain Mula sa Maylalang
Naglalaman ang Bibliya ng malilinaw na hula hinggil sa mga kalagayan ng pamumuhay sa ilalim ng dumarating na sistema ng mga bagay. Isinulat ng propetang si Isaias: “Tiyak na ibibigay [ng Diyos] ang ulan para sa iyong binhi na inihahasik mo sa lupa, at bilang bunga ng lupa ay tinapay, na magiging mataba at malangis. Ang iyong mga alagang hayop ay manginginain sa araw na iyon sa isang malawak na pastulan. At ang mga baka at ang mga hustong-gulang na asno na sumasaka ng lupa ay kakain ng kumpay na tinimplahan ng acedera, na tinahip sa pamamagitan ng pala at ng tinidor.”
Sinabi rin ng hula ni Isaias: “Si Jehova ng mga hukbo ay tiyak na gagawa para sa lahat ng mga bayan, sa bundok na ito, ng isang piging ng mga putaheng malangis, isang piging ng alak na pinanatili sa latak, ng mga putaheng malangis na punô ng utak sa buto, ng alak na pinanatili sa latak, sinala.” Isinalin ng The New American Bible ang huling parirala, “isang piging ng saganang pagkain at piling mga alak, makatas, at saganang pagkain at dalisay, piling mga alak.”—Isaias 25:6; 30:23, 24.
Iyan ba ay kaakit-akit sa iyo? Tinitiyak sa atin ng hula ni Isaias na lahat ng nabubuhay sa ilalim ng bagong sistema ng Diyos ay magkakaroon ng saganang pisikal na pagkain. Magiging ligtas ba ito upang kainin? Walang alinlangang gayon nga. Tiniyak sa atin ng isa pang hula na ang bayan ng Diyos ay “uupo, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.” (Mikas 4:4) Ang gayong katiwasayan ay gagarantiyahan ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos, na mamamahala sa buong lupa sa malapit na hinaharap.—Isaias 9:6, 7.
Hinding-hindi na magkakaroon ng pag-aalinlangan kung ligtas ba ang pagkain o hindi. Sa kabaligtaran, malulugod tayo sa pagsasabi sa isa’t isa: “Kumain kayong mabuti” o “guten Appetit” o “bon appétit.”
[Blurb sa pahina 12]
Di-magtatagal, ang lahat ng nasa lupa ay magtatamasa ng saganang nakapagpapalusog at kapaki-pakinabang na pagkain
[Larawan sa pahina 10]
Ipinangangako ng Diyos ang ligtas at kapaki-pakinabang na pagkain para sa lahat