Sapát na Pagkain Para sa Lahat!
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRAZIL
POSIBLENG magtamasa ng sagana, ekselenteng pagkain gayunma’y maging malungkot pa rin. Upang magkaroon ng tunay at nagtatagal na kaligayahan, mayroon pang kailangan—espirituwal na pagkain. Sabi ni Jesus: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.”—Mateo 4:4.
Sa kabilang panig naman, ang pagtanggi sa Salita ng Diyos ay humahantong sa espirituwal na gutom, gaya ng inihula sa Amos 8:11: “Ako’y magpapasapit ng kagutom sa lupain, kagutom, hindi sa tinapay, at kauhawan, hindi sa tubig, kundi sa pakikinig sa mga salita ni Jehova.” Gayunman, ang espirituwal na malnutrisyon ay maiiwasan. Sabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan . . . Maligaya yaong mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, yamang sila ay bubusugin.” (Mateo 5:3, 6) Kung paanong ang masustansiyang pagkain sa tamang dami ay nakabubusog sa ating katawan, ang nakapagpapalusog na pagkaing espirituwal ay nagpapalakas sa ating pananampalataya at ng ating pag-asa sa hinaharap. Anong uri ng sanlibutan ang maaasahan natin?
Saganang Pagkain Para sa Lahat
Isip-isipin ang isang daigdig na may saganang masasarap at nakapagpapalusog na pagkain. Isang daigdig na wala nang mga digmaan, sakuna, o mga kasawian na nagdudulot ng gutom o malnutrisyon, na nagpapangyari sa mga tao na manghina at manlumo. Wala nang mga taong walang tirahan o walang trabaho na umaasa sa rasyong sopas o kakanin, ni magkakaroon pa man ng napakataas na mga halaga ng pagkain anupat ang mga tao’y napipilitang kumain ng anuman upang malamanan lamang ang kanilang tiyan. “Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay may labis-labis.” (Awit 72:16) Subalit paano mangyayari ito? Sino ang lulutas sa problema ng malnutrisyon?
Ang ating Maylikha ay magbibigay ng maibiging pansin sa pangangailangan ng tao para sa sapát na pagkain. Maging ang klima ng lupa ay susupilin, sa gayo’y tumitiyak na hindi na magkakaroon ng anumang paghina ng ani. “Sa kaniyang bahagi, ibibigay ni Jehova ang mabuti, at ang ating lupain ay magbibigay ng kaniyang bunga.” (Awit 85:12) Bukod pa riyan, bagaman ang lupa ay may kakayahang gumawa ng sapát na pagkain, ang Kaharian ng Diyos lamang ang magwawakas sa kasakiman at pang-aapi, na humantong sa di-sapát na pamamahagi, malnutrisyon, at paghihirap.
Oo, titiyakin ng makalangit na pamahalaan ni Jehova na ang anumang makukuhang sistema sa pagsasaka at transportasyon ay maglalaan ng nakapagpapalusog na pagkain kung saan ito kailangan. Hindi payayamanin ng administrasyon ng Kaharian ang ilang tao at iiwan ang karamihan na kumikita ng sapat lamang para ikabuhay. Sa halip ng pagkasiphayo at kawalan ng pag-asa, ang mga pagpapala ng Kaharian ay magdadala ng kagalakan na makikita sa malaking kapistahan ng mabubuting bagay na inihula sa Isaias 25:6: “Si Jehova ng mga hukbo ay tiyak na gagawa para sa lahat ng bayan, sa bundok na ito, ng kapistahan ng matatabang bagay, ng kapistahan ng mga alak na laon, ng matatabang bagay na puno ng utak.”
Ngayon, ilarawan sa isipan ang punô ng kompitensiya, maigting, walang-awang istilo ng buhay na mawawala na magpakailanman. Wala nang magiging kapos sa pagkain o maysakit. Kaya nga, kung talagang nais mong tamasahin ang buhay sa bagong sanlibutang iyon, sundin ang mga salita ni Jesus: “Gumawa kayo, hindi para sa pagkain na nasisira, kundi para sa pagkain na nananatili para sa buhay na walang-hanggan.”—Juan 6:27.