Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 11/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Henerasyon ng Pagkasiphayo
  • Mga Kalat sa Istasyon sa Kalawakan
  • Palaaway na mga Baboon
  • Mga Naninigarilyo sa Asia
  • Pinaluluwag ng Seminaryo ang Patakaran sa Sekso
  • Ang Pagmemeryenda at ang Pagkabulok ng Ngipin
  • Ang Paniniwala ng mga Siyentipiko sa Diyos
  • Mga Virus na Naglalakbay sa Daigdig
  • Ang Nawawala Nang Ganges
  • Dumarami ang Panunulisan sa Dagat
  • Kung Paano Mo Maiingatan ang Iyong Ngiti
    Gumising!—2005
  • Bakit Dapat Magpatingin sa Dentista?
    Gumising!—2007
  • Pag-iingat sa Maseselan na Ngipin
    Gumising!—2000
  • Sakit ng Ngipin—Kasaysayan ng Matinding Pahirap
    Gumising!—2007
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 11/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Isang Henerasyon ng Pagkasiphayo

Ang mga surbey na naghahambing sa saloobin niyaong mga 15- hanggang 24-na-taóng-gulang sa mga kabataan noong nakalipas na dalawang henerasyon ay nagpapakita ng pagdami ng pag-abuso sa droga, antas ng krimen, at pagpapatiwakal, ayon sa ulat ng The Australian. Binuod ni Richard Eckersley, isang analista sa estratehiya at manunulat sa siyensiya, ang damdamin ng maraming kabataan ngayon, sa pagsasabing: “Naniniwala ang mga kabataan na ang buhay ay dapat na nakatutuwa at masaya, na kailangang alagaan nila ang kanilang sarili, na dapat manatiling bukas para sa kanila ang mga pagpipilian ukol sa istilo ng buhay, na walang kakayahan ang mga pamahalaan na lutasin ang mga suliranin sa lipunan, at na sila mismo ay walang kapangyarihan upang baguhin ang mga kalagayan sa lipunan.” Isang 15-taóng-gulang na babae, si Shanu, ay nagsabi: “Ang populasyon ay lumalago at kailangang makipagpaligsahan tayo sa mas kakaunting trabaho, mas kakaunting bahay, mas kakaunting lahat na.”

Mga Kalat sa Istasyon sa Kalawakan

Makalipas ang 11 taon, yaong mga gumagamit ng Rusong istasyon sa kalawakan na Mir ay natututong humarap sa suliraning pamilyar sa maraming residente sa lupa​—ano ang gagawin sa lahat ng natipong bagay. Dahil sa ang lahat ay lumulutang sa kalawakan, ang mahahalagang bagay gaya ng mga space suit, kable ng computer, pakete ng pagkain, kasangkapan, at mga piyesa ay kailangang ikabit sa mga sahig, kisame, at dingding. Ngunit dahil sa ang talaksan ng mga kalat ay halos tatlumpung centimetro na ang taas sa bawat panig, ang mga dingding ng Mir ay nagsasalikop na. Kapag inilunsad na ang bagong International Space Station, ang isang bagay na maaaring ariin ng mga astronot at kosmonot ay isang nakakabit nang basurahan. Walang-pagsalang magugustuhan iyan, sapagkat, hanggang sa ngayon, pagkatapos kumain ay kinakailangang pipiin ng mga residente ng Mir ang mga lata, ibalik ang mga basyo sa mga kahon ng pagkain, at idikit ang mga iyon sa dingding.

Palaaway na mga Baboon

Ang mga nagmamaneho sa isa sa pinakaabalang haywey sa Timog Aprika ay napapaharap sa pambihirang panganib nitong taóng ito​—nambabato ang isang pangkat ng mga baboon. Ayon sa International Herald Tribune, tinatambangan ng mga baboon ang mga motoristang dumaraan sa may bundok sa pagitan ng Cape Town at Johannesburg. Bagaman wala pa namang naiuulat na nasaktan o nagbanggaang mga sasakyan, gumaganti rin ng pambabato ang mga pulis trapiko sa pagsisikap na maitaboy ang mga hayop mula sa haywey. Walang malinaw na ulat kung sino ang nanalo sa labanang ito ng batuhan sa pagitan ng mga pulis at ng mga baboon.

Mga Naninigarilyo sa Asia

Tinatayang halos 73 porsiyento ng lahat ng lalaki sa Vietnam ang naninigarilyo. Ito ang “pinakamataas na antas ng malaganap na paninigarilyo ng mga kalalakihan sa daigdig,” ang iniulat ng isang pagsusuri na inilathala sa The Journal of the American Medical Association. Kung ihahambing, waring mahigit lamang sa 4 na porsiyento ng mga kababaihang taga-Vietnam ang naninigarilyo. Ganito rin ang nagaganap sa iba pang bansa sa Asia na nakapalibot sa Pasipiko. Halimbawa, sa Indonesia, 53 porsiyento ng kalalakihan at 4 na porsiyento ng kababaihan ang naninigarilyo; samantalang sa Tsina, 61 porsiyento ng kalalakihan at 7 porsiyento ng kababaihan ang naninigarilyo.

Pinaluluwag ng Seminaryo ang Patakaran sa Sekso

Isang seminaryo ng Simbahang Episkopal sa Virginia ang “nagpaluwag ng 25-taon nang patakaran nito na nagbabawal sa mga estudyante at mga guro mula sa pagsisiping nang di-kasal at homoseksuwal na mga paggawi,” ang iniulat ng magasing The Christian Century. Ganito ang sabi ng tsirman ng lupon, si Peter J. Lee: “Harapin natin ito, na karamihan sa mga seminarista ay nasa edad na mga 30 o 40. Walang mga superyora at walang mga inspektor.” Sa nakalipas na 11 taon, 33 porsiyento ang ibinaba ng nagpapatala sa seminaryo. Karagdagan pa, sa nakalipas na 25 taon, ang katamtamang edad ng mga estudyanteng pumapasok sa seminaryo ay tumaas mula 27 tungo sa 40. “Ang gusto ko sanang mangyari bilang tsirman ng lupon ay huwag tanggihan yaong ilang 28-taóng-gulang dahil lamang sa natuklasan naming sila’y nakipagtalik na sa kanilang mga kasintahan,” sabi ni Lee.

Ang Pagmemeryenda at ang Pagkabulok ng Ngipin

Matagal nang batid ng karamihan na ang pagbabawas ng matatamis na meryenda ay makatutulong upang labanan ang pagkabulok ng ngipin. Gayunman, ang mahalaga ay tingnan kung kailan at gaano ka kadalas magmeryenda, ang ulat ng pampamilyang giya ukol sa ngipin na How to Keep Your Family Smiling. Kapag dumikit ang matatamis o mga pinong carbohydrate sa dental plaque ng iyong ngipin, nabubuo ang asido. Sinisira naman ng asidong ito ang enamel ng iyong ngipin sa loob ng mga 20 minuto, sabi ng brosyur. Sa panahong ito ay maaari nang magsimula ang pagkabulok. Bukod diyan, “ito’y maaaring mangyari tuwing magmemeryenda ka ng matamis o ng may starch.” Kaya kung ikaw ay magmemeryenda, “mas makabubuti kung kakanin mo nang lahat nang minsanan,” sa gayon ay minsan mo lamang inilalantad sa asido ang iyong mga ngipin. Kung hindi, ang mas matagal na pagkukukot ng meryenda ring iyon ay magbubunga ng mahabang pag-atake ng asido. Upang maiwasan ang pagkabulok ng ngipin, ayon sa rekomendasyon ng mga dentista, dapat mong sepilyuhin ang iyong ngipin nang di-kukulangin sa dalawang beses sa isang araw. Gayundin, huwag mong kalilimutang linisin ang pagitan ng iyong mga ngipin sa pamamagitan ng dental floss.

Ang Paniniwala ng mga Siyentipiko sa Diyos

Noong 1916, tinanong ng sikologong Amerikano na si James Leuba ang 1,000 siyentipiko na pinili nang pasumala kung naniniwala sila sa Diyos. Ang sagot nila? Sa mga siyentipikong sumagot, 42 porsiyento ang nagpahayag ng paniniwala sa Diyos, iniulat ng The New York Times. Hinulaan ni Leuba na ang paniniwala sa Diyos ay patuloy na bababa habang lumalaganap ang edukasyon. Ngayon, pagkalipas ng mahigit na 80 taon, inulit ni Edward Larson, ng University of Georgia, ang popular na surbey ni Leuba. Sa paggamit ng katulad na mga tanong at pamamaraan, tinanong ni Larson ang mga biyologo, pisiko, at matematiko kung sila’y naniniwala sa isang Diyos na aktibong nakikipagtalastasan sa mga tao. Ipinakikita ng resulta na humigit-kumulang na gayunding bilang ng mga siyentipiko sa ngayon, mga 40 porsiyento, ang nagpahayag ng paniniwala sa Diyos. Ayon kay Dr. Larson, “nagkamali si Leuba ng palagay na masasapatan ng isip ng tao o ng kakayahan ng siyensiya ang lahat ng pangangailangan ng tao.”

Mga Virus na Naglalakbay sa Daigdig

Ang mga alkantarilyang tangke sa eroplano ay may mga kemikal na pamatay sana ng mga virus, subalit naliligtasan ng ilang virus ang pagkalantad sa pandisimpekta, ayon sa ulat ng magasing New Scientist. Natuklasan ni Mark Sobsey, isang siyentipikong pangkapaligiran sa University of North Carolina, na halos kalahati ng alkantarilyang sinuri niya mula sa biyaheng internasyonal na lumalapag sa Estados Unidos ay naglalaman pa rin ng mga buháy na virus. Sa Estados Unidos, ang mga dumi sa eroplano ay karaniwan nang ginagamot sa istasyon ng alkantarilyang pampubliko at pagkatapos ay itinatapon sa kapaligiran. Kaya nga, nagkakaroon ng panganib na ang ilan sa mga virus na ito ay nakapagpapalaganap ng mga sakit na gaya ng hepatitis A at E, meninghitis, at polio. Idinagdag pa ni Sobsey: “Ang lawak ng mga sakit na maaaring ikalat ng mga airline sa daigdig ay totoong nakababahala.”

Ang Nawawala Nang Ganges

Ang ilog na Ganges, na kilala sa India bilang ang Ganga, ay itinuturing na banal ng daan-daang milyong Hindu. Ang Ganges ay siya ring buhay ng agrikultura para sa lahat ng inaagusan nito. Ngunit ngayon ay mabilis na umuunti ang tubig nito, anupat nag-iiwan ng maluluwang na landas ng tuyong lupa sa pagitan ng ilog at ng dating pampang nito, ang ulat ng India Today. Ang biglang pag-unti ng agos ay nakita bilang resulta ng kakulangan ng ulan gayundin ng mas malaking gamit ng tubig ng ilog mula sa pinakapuno nito para sa irigasyon. Bukod sa panganib sa agrikultura sa lugar na iyon, ang pagbuburak na resulta ng kakulangan ng tubig ay maaaring maging dahilan upang hindi na mapaglayagan ang daungan ng Calcutta, ang sabi ng ulat.

Dumarami ang Panunulisan sa Dagat

Ang mga ulat hinggil sa pagsalakay ng mga pirata ay dumarami, sabi ng International Maritime Bureau​—mula sa 90 insidente noong 1994 hanggang 226 nitong nakalipas na dalawang taon lamang. Ang pagdaming ito ay nakabahala sa mga mangangalakal na opisyal ng hukbong-dagat at mga turista. Gayunman, ang aktuwal na bilang ay maaaring mahigit pa sa dalawang ulit na mas mataas, yamang “marami sa mga may-ari ng bapor ay hindi na nag-uulat ng insidente dahil sa magastos na abala sa imbestigasyon,” sabi ng The Sunday Telegraph ng London. Ang mga lugar na lalo ng nanganganib kamakailan ay ang Dagat Mediteraneo sa Albania at Libya at ang South China Sea. Hinimok ng isang kinatawan ng British Merchant Navy ang Britanya na manguna sa internasyonal na puwersang lakas ng UN upang labanan ang mga pirata. Ngunit sinabi ng tagapagsalita ng mga may-ari ng barko na “hindi siya naniniwalang may magagawa ang sandatahang lakas ng UN hinggil sa problema dahil sa karamihan sa mga pagsalakay ay nagaganap sa loob mismo ng teritoryong katubigan,” ang ulat ng pahayagan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share