Mula sa Aming mga Mambabasa
Pag-aaruga—Pagharap sa Hamon Napakalaking pampalakas-loob sa akin ang napakahusay na mga seryeng ito ng mga artikulo (Pebrero 8, 1997). Ako’y 17 taóng gulang, at nag-aalaga sa aking lolo na nagkaroon ng atake serebral at sa aking ina na may nervous breakdown. Nakagiginhawang mabasa na normal lang pala na mainis kung minsan sa mga pasyente at magtanong, ‘Bakit ba ako nagkaganito?’ Pinasalamatan ko rin ang artikulo tungkol sa praktikal na tulong na maaaring ibigay sa mga tagapag-aruga.
P. T., Italya
Ang inyong pagkakalarawan sa damdamin ng mga taong nag-aalaga sa mga maysakit na minamahal ay tamang-tama at punung-puno ng unawa. Nagpapasalamat ako kay Jehova na naudyukan kayong isulat ang magagandang artikulong ito. Natitiyak kong makatutulong ang mga ito sa aming lahat na nasa ganitong kalagayan na italaga ang aming mga sarili rito at ipagpatuloy ang paglilingkod kay Jehova nang may kagalakan at kasigasigan.
B. V., Czech Republic
Bilang isang kadidiborsiyo lamang, ako’y may dalawang anak na tin-edyer, at ang aking anak na lalaki ay may malubhang ADHD (Attention Deficit Hyperactivity Disorder). Ang bigat ng dalahing ito ay napakatindi. Dahil sa kamakailang mga artikulo hinggil sa pag-aaruga, naunawaan ko ang aking damdamin ng pagkapahiya, galit, panlulumo, at kawalan ng pag-asa. Mabuti na lamang, inilagay ng nakatatandang mga kapatid na lalaki sa kongregasyon sa ilalim ng kanilang pangangalaga ang aking anak. Tunay na nakagagalak makita ang pagkakapit ng pag-ibig!
C. C., Estados Unidos
Ang aking asawa ay may dementia at nakadepende sa aking pag-aaruga. Nangangamba akong hindi ko na ito makayanan. Si Jeanny, na binanggit sa mga artikulo, ay nagpalakas-loob sa akin nang ipayo niya: “Ang takot sa kung ano ang maaaring mangyari ay kadalasang mas masahol pa sa katotohanan.”
A. P., Slovakia
Minsan ay naging tagapag-aruga ako at nadama ko ang karamihan sa inilarawan sa mga artikulo. Maraming pagkakataon na hindi ko masabi sa iba ang tungkol sa aking pagkasiphayo at pagkadama ng kasalanan. Ang mga artikulong ito ay nag-udyok sa akin na ipakipag-usap ang aking nadarama.
F. F., Nigeria
Hindi ko akalaing mapapalathala ang ganitong katangi-tanging mga artikulo. Ang aking ina ay nakaratay na sa banig ng karamdaman noon pang 1989. Bilang kaisa-isang anak, at walang kapatid ni ama, kinailangang akuin ko ang pananagutang arugain siya. Sang-ayon ako sa huling parapo ng serye—na si Jehova at ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang pinakamadamaying mga tagapag-aruga. Sa maraming pagkakataon kapag wala nang pag-asa ang kalagayan at sa palagay ko’y hindi ko na kaya, ako’y bumabaling kay Jehova sa panalangin at nakikiusap na tulungan ako. Sa pagkaalam lamang na siya’y nakikinig, nadarama ko nang nanunumbalik sa akin ang lakas.
M. A. M., Peru
May sakit ang aking asawang lalaki, at naranasan ko ang halos lahat ng binanggit sa magasin. Nagugunita ko ang maraming pagkakataon na kinukumusta ng mga kapatid ang aking asawa. Kung minsan ay naiinis ako at iniisip kong, ‘Bakit kaya siya na lamang ang lagi nilang kinukumusta? Paano naman ako?’ Ngayon ay naunawaan kong natural lamang ang gayong damdamin.
M. A. I. I., Espanya
Kapansanan sa Pagkatuto Ako’y ina ng isang sampung-taóng-gulang na anak na lalaki na may malubhang ADHD. Labis akong nagagalak na sabihin sa inyo na mula nang ilathala ang seryeng “Tulong sa mga Batang May Kapansanan sa Pagkatuto” (Pebrero 22, 1997), sinabi sa akin ng ilan kong kaibigan na kahit na gusto nilang unawain ang karamdaman at tulungan ako, hindi nila kailanman lubusang nauunawaan ang nadarama naming mag-ina. Karamihan ay nagsabi na ngayo’y mas handa silang tumulong. Isang kapatid na babae sa kongregasyon ang gumugol pa ng panahon na repasuhin ang artikulo na kasama ng aking anak at pinalakas ang kaniyang loob. Pagkaraan ay nilapitan ako ng aking anak at hiniling na basahin muli ang magasin.
L. A. D., Estados Unidos