Pag-unawa sa Takot na Mautal
MASASABI mo ba ang pagkakaiba ng mahusay na tagapagsalita at ng isa na natatakot mautal? ‘Aba, siyempre,’ marahil ay isasagot mo. Ngunit isaalang-alang ang isinulat ni Peter Louw sa kaniyang wikang Afrikaans na aklat na Hhhakkel (Uuutal): “Sa bawat ‘di-nakabalatkayong’ utal, posibleng sampu ang nais na manatiling di-napapansin hangga’t maaari at nais itago ang depekto nila sa pagsasalita sa iba’t ibang paraan.” Itago ang kanilang depekto sa pagsasalita? Paano iyon?
Naitatago ng ilang utal ang kanilang depekto sa pamamagitan ng patiunang pag-iisip sa mga salitang nagbigay ng problema sa kanila noon. Pagkatapos, sa halip na sabihin ang salitang iyon, binabago nila ang hanay ng pangungusap o gumagamit sila ng ibang salita na kasingkahulugan nito. Isang asawang lalaki ang nakapaglihim ng kaniyang pagiging utal sa loob ng 19 na taon ng pagsasama. Nang sumilay ang katotohanan sa kaniyang asawa, tinanong nito ang isang speech therapist: “Sa palagay ho kaya ninyo ay ito ang dahilan kung bakit ako ang pinatatawag niya sa telepono, at kung bakit ako palagi ang pinag-oorder niya sa mga restawran, at kung bakit hindi siya kailanman sumasagot sa . . . mga pulong?”
Tingnan din sina Gerard at Maria, masayang mag-asawa mula sa Timog Aprika.a Sa ilang pagkakataon, sinikap ni Maria na ipaliwanag sa kaniyang asawa na iniiwasan niyang sumagot sa mga pulong sa pag-aaral ng Bibliya dahil sa kaniyang takot na mautal. “Hindi totoo iyan,” ang mariin niyang sasabihin, “hindi ka utal.” Ibinatay ni Gerard ang kaniyang opinyon sa pagiging likas na madaldal ng kaniyang asawa. May ilang situwasyon lamang sa pagsasalita na doo’y natatakot siyang mautal. Sa kauna-unahang pagkakataon, pagkalipas ng limang taon ng pagsasama, nabatid ito ni Gerard at inamin: “Wala akong kamalay-malay at walang konsiderasyon.” Sa ngayon, sa halip na pintasan ito, pinupuri niya ito kapag nagkakalakas ng loob na magsalita sa harap ng maraming tao.
Mangyari pa, maraming utal ang sinasalot ng “takot . . . na kung minsa’y hindi naman gaano, pero kadalasa’y matindi,” ang paliwanag ng utal na si David Compton sa kaniyang aklat na Stammering. “Sa kaniyang pinakamaselan na sandali, sa pagkakataong kailangang-kailangan niyang makisalamuha sa kaniyang kapuwa, sa pag-abot sa kanila sa pamamagitan ng pakikipag-usap, ito man ay ordinaryo o seryoso, sa ganitong mga pagkakataon ay maaaring masaktan ang isang utal, anupat mapahiya . . . Kahit yaong mga nakapananagumpay ay umaamin pa rin na sila’y hinubog na ng kanilang takot, at na hindi na kailanman sila nilubayan nito.”
Mga Pagkakataong Maaaring Bumangon ang Takot
Kapag ang isang utal ay tinawag upang sagutin ang isang tanong sa harap ng marami, gaya sa klase sa paaralan, sa miting sa negosyo, o sa isang relihiyosong pagtitipon, ito’y maaaring magdulot ng agam-agam na nagbubunga ng matinding pagsumpong ng pagkautal. “May mga pagkakataon bang inaakala mong mas mabuti pang manahimik na lamang?” itinanong ito sa isang panayam sa radyo sa isang 15-anyos na utal na taga-Timog Aprika na ang pangalan ay Rosanne. Sumagot siya, “Madalas po, halimbawa, sa klase kapag may tamang sagot po ako na alam kong makakakuha ako ng mataas na marka pero alam ko rin pong mahihirapan akong sabihin iyon.”
Isang negosyante na nagngangalang Simon ay kinapanayam din sa programa sa radyo na binanggit sa itaas. Gaya ni Rosanne, bumuti-buti na rin si Simon sa tulong ng speech therapy. Ngunit paminsan-minsan ay nangyayari pa rin na siya’y mautal. Ito’y maaaring sumumpong depende sa ipinakikitang paggawi ng kaniyang mga tagapakinig. “Kapag ikaw ay nasa miting ng lupon na doo’y kailangan mong magsalita nang magsalita at nahihirapan ka, ang mga taong nakapaligid sa mesa ay inip na inip,” paliwanag niya.
Ang takot na nararamdaman ng isang utal ay hindi dapat ipagkamali sa takot na nararamdaman ng isang mahiyain sa pakikipag-usap sa mga di-kilala. Tingnan natin si Lisa, na dalawang taon nang dumadalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Sa ordinaryong pakikipag-usap sa mga kaibigan, madalas na mahusay naman siyang magsalita. Masigasig din siya sa gawaing pag-eebanghelyo na nangangailangan ng kusang paglapit sa mga di-kilala. Subalit siya’y may takot na karaniwan sa maraming utal—ang pagsasalita sa harap ng maraming tao. “Sa aming mga pulong,” paliwanag ni Lisa, “bihirang-bihira akong magtaas ng kamay para sumagot sa tanong. Kung sumasagot naman ako, malimit ay sa isang salita lamang o sa isang maigsing pangungusap. Kahit maigsi lamang, iyon na ang aking pinakamabuting magagawa. Kadalasan, ang sagot ay nasa isip ko at nasa labi ko dahil patiuna akong naghahanda. Pero ayaw talagang makisama ng dila ko.”
Ang lalong malalang karanasan ng ilang utal ay ang pagbabasa nang malakas. Mapipilitan silang bigkasin ang mga salitang karaniwan na nilang iniiwasan. “Sa isa sa mga pulong namin,” patuloy ni Lisa, “kung minsan ay salitan kaming pinababasa ng mga tinatalakay na teksto sa Kasulatan. Sa ganitong mga pagkakataon, natatakot ako at di-mapakali sa upuan, na hinihintay ang aking turno, anupat hindi ko alam kung mababasa ko nga ang teksto o hindi. Kung minsan ay bumabasa ako pero may mga salitang hindi ko mabigkas. Sa gayon ay nilalampasan ko na lamang ang mga ito at nagpapatuloy sa pagbasa.”
Maliwanag kung gayon, dapat na pag-isipan munang mabuti bago himukin ang isang utal na bumasa nang malakas. Ang gayong “paghimok” ay baka lalong makasama sa isang utal. Sa halip, ang gayong mga tao ay karapat-dapat sa masiglang papuri dahil sa paggawa ng pinakamahusay na magagawa niya.
Kung Susubok na Tumulong
Ang pagkautal ay isang komplikadong karamdaman. Ang nakabuti sa isa ay maaaring hindi makabuti sa iba. Sa katunayan, maraming utal na may mga panahong “magaling na” ay nauutal muli pagkaraan. Higit na pagsasaliksik ang ginawa hinggil sa pagkautal kaysa sa basta alinmang depekto sa pagsasalita. Ngunit, hindi natuklasan ng mga eskperto ang tiyak na sanhi nito. Sa katunayan, karamihan ay sumasang-ayon na maraming dahilan kung bakit nauutal. Ang isang teoriya, ayon sa kamakailang pag-aaral, ay na ito’y may kinalaman sa di-regular na pagkakaorganisa ng mga selula sa utak sa pagsisimula pa lamang ng buhay ng isang utal. Ayon kina Dr. Theodore J. Peters at Dr. Barry Guitar, sa kanilang aklat-aralin na Stuttering—An Integrated Approach to Its Nature and Treatment, ang kasalukuyang mga pananaw tungkol sa mga sanhi “ay maluluma yamang marami pang pag-aaral ang pumupuno sa malaking puwang sa ating nalalaman hinggil sa pagkautal.”
Yamang kaunting-kaunti lamang ang alam ng tao tungkol sa pagkautal, kailangang mag-ingat sa pagmumungkahi sa isa sa napakaraming therapy para sa mga pinahihirapan ng karamdamang ito. “Karamihan sa talagang utal na utal,” dagdag pa ng nasabing aklat-aralin, “ay bahagya lamang na gagaling. Matututo silang magsalita nang dahan-dahan o di-gaanong kabahan na baka mautal, at di-gaanong mabahala tungkol dito. . . . Sa mga dahilang hindi natin maunawaan, may ilang utal na talagang hindi kakitaan ng malaking pagbabago kahit gamutin.”b
Kapag hindi nagtagumpay ang paggamot, sinisisi ng ilang therapist ang utal dahil sa hindi ito nagsikap na mabuti. Iginiit ng isa: “Ang tanging probabilidad ng pagkabigo ay nakasalalay sa bantulot na saloobin ng isang utal.” May kinalaman sa pahayag na ito, sinabi ng awtor na si David Compton: “Wala akong maisip na salita upang ilarawan ang galit na madarama ng mga utal kung maririnig nila ang ganitong uri ng komento. Una, sapagkat maliwanag na hindi ito totoo. Walang isang therapy na kailanma’y magiging mabisa para sa lahat ng utal, at maging ang isa na mabisa sa isang partikular na utal ay hinding-hindi masisiguro. Ikalawa, sa dahilang ang mga utal ay namumuhay na bigo . . . Anumang di-kinakailangan at di-makatarungang bagay na makadaragdag sa [kanilang kabiguan] ay isang krimen.”
Pagpapagaan sa Kanilang Pasan
Karaniwan nang ayaw ng mga utal na sila’y kaawaan. Gayunman, may malaki pang magagawa upang mapagaan ang kanilang pasan. Kapag sila’y nauutal, huwag mong alisin ang iyong tingin sa kaniya dahil sa nahihiya ka. Sa halip na tingnan mo ang bibig niya, tingnan mo siya sa mata. Karaniwan nang sila’y sensitibo sa mga kilos ng kanilang tagapakinig. Kung naipakikita mong hindi ka nababahala, makatutulong iyon upang mabawasan ang kanilang takot. “Ipakita mo sa taong iyon na handa kang makinig sa kaniya kung paanong handa kang makinig kaninuman,” sabi ng isang speech therapist.
Ang mga guro na may estudyanteng utal ay may malaking magagawa upang mabawasan ang takot ng isang iyon. Sa pang-edukasyong babasahin na Die Unie sa Timog Aprika, ang sumusunod na payo ay ibinigay sa mga guro: “Karamihan sa mga utal ay hindi gaanong nauutal kapag alam nilang ang nakikinig ay hindi naman umaasa ng katatasan.”
Ayon sa nasabing babasahin, mahalaga rin para sa isang guro na malaman ang damdamin ng estudyante. Sa halip na iwasan ang gayong mga estudyante dahil sa nahihiya sila, ang mga guro ay pinapayuhang makipag-usap sa mga ito at himukin ang mga ito na sabihin ang kanilang nararamdaman tungkol sa problema. Sa ganitong paraan ay matutuklasan ng guro kung anu-anong mga kalagayan ang labis na kinatatakutan ng estudyante. “Ang kahusayan niya sa pagsasalita ay 80 porsiyentong nakasalalay sa iyo,” ang pag-uulat ng babasahin. Susulong ang kaniyang pagsasalita kung alam niyang siya’y tinatanggap sa kabila ng kaniyang problema. Paliwanag pa ng babasahin: “Sa isang relaks at nakatuon-sa-pag-aaral na kapaligiran sa silid-aralan ay makikinabang hindi lamang ang utal kundi pati na rin ang iba sa klase.”
Tiyak na ang mga mungkahing ito ay maaaring matagumpay na iangkop sa mga kalagayan ng pagtuturo na nagsasangkot sa mga nasa hustong edad na.
Nakauunawa ang Ating Maylalang
Ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, ay lubos na nakauunawa sa di-kasakdalan ng tao. Inatasan niya si Moises na maging tagapagsalita niya sa pag-akay sa mga Israelita palabas sa Ehipto. Ginawa niya ito bagaman alam na alam niyang si Moises ay may depekto sa pagsasalita anupat naging mahirap para sa kaniya na makipag-usap. Alam din ng Diyos na ang kapatid ni Moises, si Aaron, ay, sa kabaligtaran, isang mahusay na tagapagsalita. “Nalalaman kong siya’y makapagsasalitang mabuti,” sabi ng Diyos. (Exodo 4:14) Gayunman, may ibang mas mahahalagang katangian si Moises, gaya ng katapatan, kabaitan, pananampalataya, at kahinahunan ng kalooban. (Bilang 12:3; Hebreo 11:24, 25) Sa kabila ng pagtanggi ni Moises, nanatili ang Diyos sa kaniyang pagpili kay Moises bilang lider ng Kaniyang bayan. Kasabay nito, isinaalang-alang ng Diyos ang mga pangamba ni Moises sa pamamagitan ng pag-aatas kay Aaron bilang tagapagsalita ni Moises.—Exodo 4:10-17.
Matutularan natin ang Diyos sa pamamagitan ng pagpapakita ng pang-unawa. Pakitunguhan ang mga utal nang may dignidad, at huwag pahintulutan na ang depekto sa pagsasalita ay bumulag sa iyo sa tunay na kahalagahan ng isang tao. Inilalarawan ito ng karanasan ng isang batang babae at ang kaniyang utal na ama. Natutuhan ng ama ang isang paraan ng mas matatas na pagbasa. Isang gabi ay sinubukan niya ito sa kaniyang anim-na-taóng-gulang na anak na babae sa pamamagitan ng pagbabasa rito ng isang kuwento, at hangang-hanga siya sa kaniyang katatasan.
“Husayin po ninyo ang pagsasalita, Daddy,” sabi niya nang matapos ang kaniyang ama.
“Napakahusay naman ang pagsasalita ko a,” pagalit niyang sagot.
“Hindi po,” giit niya, “magsalita po kayo na tulad nang dati.”
Oo, minahal ng batang babaing ito ang kaniyang ama dahil sa siya ay siya, kahit na may depekto siya sa pagsasalita. Kaya sa susunod na pagkakataon na may makausap kang nauutal, tandaan na ang taong iyon ay maaaring may mahahalagang kaisipan at kanais-nais na mga katangian. Tiyak na siya’y may damdamin. Pagpasensiyahan at unawain mo siya.
[Mga talababa]
a Pinalitan ang ilang pangalan sa artikulong ito.
b Inaasahang mas mapagagaling ang mga bata kaysa sa mga nasa hustong edad na. Ganito ang paliwanag ng makaranasang speech therapist na si Ann Irwin sa kaniyang aklat na Stammering in Young Children: “Tatlo sa apat na bata ang kusang nawawala ang pagkautal sa kanilang paglaki. Kung ang iyong anak ay isa sa dalawampu’t limang porsiyento na hindi kusang nawawala ang pagkautal sa paglaki nila, malaki ang tsansa na mawawala ito sa pamamagitan ng Preventive Therapy.”
[Larawan sa pahina 25]
Ang isang utal ay maaaring matakot na magsalita sa publiko
[Larawan sa pahina 26]
Magpasensiya kung nahihirapang makipag-usap sa iyo ang isang utal
[Larawan sa pahina 27]
Karaniwan nang takot ang mga utal sa telepono