Kung Paano Ko Naharap ang Pagkautal
Gaya ng inilahad ni Sven Sievers
AKO’Y utal na mula pa sa pagkabata. Bilang paggunita, pinahahalagahan ko kung paano hinarap ng aking mga magulang ang problema. Kapag ako’y nauutal, lagi nilang sinisikap na pagtuunan ng pansin ang pakikinig sa gusto kong sabihin sa halip na ang pagtutuwid sa aking paraan ng pagsasalita. Ayon sa mga speech therapist, malamang na lumala ang kapansanan kung laging pinapansin ng mga magulang ang pagkautal ng bata.a
Ang nanay ko ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova nang ako’y tatlong taóng gulang. Noong ako’y tin-edyer ay nagpasiya akong sundin ang kaniyang halimbawa at ako’y natulungang gumawa ng masusing pag-aaral sa Bibliya. Noong Hulyo 24, 1982, ako’y nabautismuhan bilang isang nag-alay na lingkod ng Diyos sa isang kombensiyon sa Neumünster, Alemanya. Nang maglaon, ako’y lumipat sa Timog Aprika, kung saan ako’y patuloy na nakibahagi sa pangmadlang gawaing pangangaral, na ipinag-utos sa lahat ng tunay na mga Kristiyano na makibahagi. (Mateo 28:19, 20) Marahil ay maitatanong mo, paano ko nagagawa ito bilang isang utal?
Mga Gantimpala ng Pagiging Positibo
Inaamin ko na kung minsan ay mahirap para sa akin na panatilihin ang isang positibong saloobin, subalit nakita kong ang pagiging positibo ay talagang nakatutulong. Ang totoo ay na sa paano man ako’y laging nakikipagtalastasan. Kung hindi man sa pamamagitan ng pagsasalita, ako’y nakikipagtalastasan sa pamamagitan ng pagsulat ng mga mensahe o sa pamamagitan ng basta pagpapakita sa iba ng mga literatura ng Bibliya. Ang pagiging positibo ay nakatulong sa akin na mapagtagumpayan ang problema sa pagsisimula ng isang pag-uusap. Sinisikap kong gawing napakapayak ng aking pambungad. Sa pasimula ng isang pag-uusap, hinahayaan ko ang maybahay na magsalita nang magsalita hangga’t maaari. Gusto ng mga taong magsalita, at ito’y nagbibigay sa akin ng pagkakataon na malaman ang kanilang iniisip. Pagkatapos, ipinagpapatuloy ko ang usapan sa pamamagitan ng mga bagay na kinagigiliwan nila, na itinatampok ang mensahe ng Bibliya. Ang pagtutuon ng isip sa kung ano ang sinasabi nila ay tumutulong sa akin na makalimutan ang tungkol sa problema ko sa pagsasalita, at bihira akong mautal.
Ang pagiging positibo ay nakatulong din sa akin na makapagkomento sa mga pulong Kristiyano. Natuklasan kong mientras madalas akong nakikibahagi sa mga talakayan sa Bibliya, lalong nasasanay sa akin ang mga tagapakinig at ang konduktor at nakikinig sa sinasabi ko kaysa sa kung paano ko ito sinasabi.
Upang maranasan ang kagalakan ng tagumpay, dapat akong patuloy na magsikap. Humahadlang ito sa akin na padaig sa pagkaawa-sa-sarili at pagiging tahimik. Ang pakikipagpunyagi sa pagkaawa-sa-sarili ay isang nagpapatuloy na pakikipagbaka. Sinasabing kapag ang isang tao’y nahulog sa kabayo, mahalaga para sa kaniya na sumakay muli sa kabayo upang hindi niya maiwala ang pagtitiwala sa sarili. Kaya kung napapahinto ako sa pagsasalita sa panahon ng pagkokomento dahil sa pagkautal, sinisikap kong makasakay muli sa kabayo, wika nga, sa pamamagitan ng pagkokomento sa sumunod mismong pagkakataon.
Kung Paano Makatutulong ang Iba
Kapag kailangan kong tumawag sa telepono o magtanong ng impormasyon mula sa mga estranghero, pinahahalagahan ko ang mataktikang tulong. Subalit ang ilan naman ay sumosobra sa kanilang pagnanais na makatulong, at itinuturing nila akong parang bata na hindi makagawa ng mga pasiya.
Pinahahalagahan ko rin ang tulong ng aking maibiging maybahay, si Tracy. Bago siya kumilos bilang aking “tagapagsalita,” detalyado naming pinag-uusapan ang kalagayan at alam niya kung ano ang gusto kong mangyari. (Ihambing ang Exodo 4:10, 14, 15.) Sa gayong paraan, iginagalang niya ako bilang kaniyang asawa, at ipinadarama niya sa akin na ako pa rin ang namamahala sa aking sariling buhay.
Ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay isa pang malaking tulong. Sa lingguhang pulong na ito, ang mga estudyante ay nakikibahagi sa pagbabasa ng Bibliya sa madla at sa pagbibigay ng maiikling pahayag tungkol sa mga paksa sa Bibliya. Nagulat nga ako nang matuklasan kong madalas ay nakababasa at nakapagsasalita akong mainam sa harap ng mga tagapakinig. Kung hindi ako nagpatala sa paaralan, marahil ay hindi ko kailanman malalaman ang kakayahang ito.
Kapag ako’y may mga atas sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, lalo nang nakapagpapatibay kapag ang instruktor ay nagtutuon ng pansin sa kung ano ang sinabi ko at hindi sa kung paano ko sinabi ito. Ako’y lubhang nakinabang mula sa Giya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro,b bagaman ang ilang bahagi ng aklat na ito ay naghaharap ng mas malaking hamon para sa mga nauutal kaysa roon sa mga nagsasalita nang normal. Halimbawa, kung minsan, dahil sa dalas ng pagkautal, hindi ko matapos ang aking pahayag sa takdang oras. Subalit, nakapagpapatibay sa akin kapag ang instruktor ay nagtutuon ng pansin sa mga punto na kaya kong gawin.
Higit na mga Pribilehiyo sa Paglilingkod
Noon, nagkaroon ako ng pribilehiyo ng pagbabasa sa madla mula sa isang publikasyong Kristiyano na pinag-aaralan natin sa ating mga pulong. May pribilehiyo rin ako ng pangangasiwa sa pag-aaral kapag walang ibang kuwalipikadong ministro ang naroroon, at ngayon ay ginagawa ko ito nang regular. Bagaman ako’y kinakabahan sa pasimula, naranasan ko ang tulong ng Diyos sa pagsasagawa ko ng mga atas na iyon.
Gayunman, sa loob ng maraming taon, ang mga pagkakataon para sa akin na bumasa o magturo mula sa plataporma ng kongregasyon ay natatakdaan. Mauunawaan naman ito, yamang may mga panahong napakatagal kong ipahayag ang ibig kong sabihin. Kaya ginagamit ko ang aking buong lakas sa paggawa ng ibang atas. Noong una, ako’y naglingkod bilang katulong sa pag-aasikaso sa suplay ng kongregasyon ng mga magasing Bantayan at Gumising! Pagkaraan, nang ako’y mahirang na isang ministeryal na lingkod, ako ang nag-asikaso sa mga suplay ng mga Bibliya, aklat, at iba pang literatura. Nang maglaon, ako’y naatasang tumingin sa mga kard ng teritoryo na ginagamit sa aming gawaing pagpapatotoo sa madla. Ang pagtutuon ng pansin sa mga atas na ito at paggawang masikap ay nagdulot ng labis na kagalakan sa akin.
Sa nakalipas na walong taon, naglingkod din ako bilang isang buong-panahong ebanghelisador na kasama ni Tracy. Talagang pinagpala rin ako ni Jehova sa aspektong ito. Sa katunayan, kung minsan ay naiisip ko na parang ginagamit ni Jehova ang aking kahinaan ng pagkautal. Sa limang tao na nagkapribilehiyo akong tulungan na maging nakaalay na mga Kristiyano, ang dalawa ay utal.
Buong kagalakan ko pang natatandaan ang araw nang ako’y mahirang na maglingkod bilang isang matanda sa kongregasyon. Bagaman ang aking kakayahan sa pagtuturo sa plataporma ay limitado, sinisikap kong magtuon ng pansin sa personal na pagtulong sa iba. Hindi natatakdaan ng pagkautal ang kakayahan kong magsaliksik sa Kasulatan upang tulungan ang mga miyembro ng kongregasyon na may kinakaharap na malulubhang problema.
Sa nakalipas na limang taon, ako’y inanyayahang gumanap ng higit pang mga atas sa pagpapahayag. Bukod pa sa pagbibigay ng mga pahayag sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, nagagampanan ko rin ang maiikling patalastas sa iba pang mga pulong. Unti-unting sumulong ang aking katatasan. Subalit nagkaroon ako ng grabeng pagkautal na muli. Habang nababalisa, naisip ko, ‘Hindi na ako mabibigyan pa ng anumang atas,’ subalit sa aking pagkabigla, ang pangalan ko ay nasa susunod na iskedyul! Ang punong tagapangasiwa ng aming kongregasyon ay nagsabi na kung mauutal ako anupat hindi ako makapagpatuloy, tumingin lang ako sa kaniya at pupunta siya sa plataporma upang siya ang magpatuloy. Ginamit ko ang maibiging alok na ito nang minsan o makalawa, subalit hindi ko na ginagawa iyon nitong mga ilang buwang nakalipas. Habang bumubuti ang aking pagsasalita, ako’y naatasan ng mas mahahabang bahagi, pati na ng mga pahayag pangmadla. Lubusan ko lamang natalos ang pagsulong na nagawa ko nang kamakailan ay hinilingan akong makibahagi sa dalawang pagtatanghal sa isang pansirkitong asamblea ng mga Saksi ni Jehova.
Sa totoo lang, hindi ko lubusang maunawaan kung bakit bumuti ang aking pagsasalita. At, maaari rin naman itong sumamâ bukas. Sa katunayan, bagaman waring nakagawa na ako ng tiyak na pagsulong sa pagsasalita sa plataporma, nauutal ako kapag nakikipag-usap sa mga tao nang personal. Kaya hindi ito isang kuwento ng tagumpay sa diwa na nadaig ko na ang pagkautal. Kapag ako’y bumabalik sa pagkautal, ipinaaalaala ko sa aking sarili na kailangan kong tanggapin ang aking mga limitasyon at ‘maging mahinhin sa paglakad na kasama ng Diyos.’—Mikas 6:8.
Anuman ang mangyari sa hinaharap, patuloy akong magsisikap, yamang nalalaman ko na sa dumarating na bagong sanlibutan ng Diyos, ang pagkautal ay lubusang mapagtatagumpayan. “Ang dila ng mga utal,” ang sabi ng Bibliya, “ay magiging mabilis sa pagsasalita nang malilinaw na bagay.” Nagtitiwala ako na magkakatotoo ito sa literal gayundin sa espirituwal na diwa at na maging “ang isa na hindi makapagsalita ay hihiyaw sa kagalakan.”—Isaias 32:4; 35:6.
[Mga talababa]
a Tingnan ang artikulong “Pag-unawa sa Takot na Mautal,” sa aming labas ng Nobyembre 22, 1997.
b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa Pahina 15]
Kasama ng aking kabiyak, si Tracy