Karapatang Mangalaga sa Bata—Ang Relihiyon at ang Batas
SA MGA kaso ng diborsiyo at karapatang mangalaga sa bata, ang relihiyon ay maaaring maging isang mahalagang salik—at isa na masalimuot. Halimbawa, maaaring bumangon ang mga tanong na gaya ng sumusunod.
Dapat bang isaalang-alang ng hukom ang testimonyo na nagsasabing ang isang magulang ay hindi nararapat mangalaga sa bata sapagkat ang magulang na iyon ay miyembro ng isang relihiyon, lalo na ng isang minoryang relihiyon? Dapat bang isaalang-alang ng hukom ang testimonyo tungkol sa relihiyosong mga paniniwala at gawain ng mga magulang upang matiyak niya kung aling relihiyon, sa kaniyang palagay, ang pinakamabuti para sa bata? Dapat ba niyang ipag-utos kung gayon na ang bata ay palakihin sa relihiyong iyon at ipagbawal ang pagtuturo sa bata ng ibang relihiyon?
Ngayon, parami nang paraming tao ang nag-aasawa ng hindi nila karelihiyon at hindi nila kalahi. Kaya kapag nagdiborsiyo ang mga mag-asawang ito, ang mga bata ay malamang na may kaugnayan na sa dalawang relihiyosong grupo. Kung minsan, ang isang magulang na sangkot sa paglilitis sa diborsiyo ay maaaring nagtaguyod kamakailan ng isang partikular na relihiyon na iba sa taglay ng magulang na iyon noon. Ang pakikisama sa bagong relihiyon ay maaaring maging isang nakapagpapatibay na salik sa buhay ng magulang na iyon at napakahalaga sa kaniya subalit hindi naman pamilyar sa mga bata. Kaya bumabangon pa ang isang katanungan, Maaari bang pagbawalan ng hukuman ang magulang na dalhin ang mga anak sa relihiyosong mga serbisyo ng relihiyong ito dahil lamang sa ito’y naiiba sa relihiyong dating isinasagawa ng mga magulang?
Mahihirap na tanong ito. Ang mga ito’y humihiling na isaalang-alang ng hukom hindi lamang ang mga pangangailangan ng bata kundi ang mga interes at mga karapatan din naman ng mga magulang.
Saligang mga Karapatan ng mga Magulang at mga Anak
Totoo na ang mga hukom ay maaaring maimpluwensiyahan ng kanilang personal na mga pangmalas tungkol sa relihiyon. Subalit sa maraming lupain ay malamang na isasaalang-alang ang relihiyosong karapatan ng mga magulang o mga anak. Ang mga lupaing ito ay maaaring may mga konstitusyong nagbabawal sa hukom sa pagtatakda sa saligang karapatan ng mga magulang na pangasiwaan ang pagpapalaki sa bata, pati na ang edukasyon at relihiyosong pagtuturo sa bata.
Ang bata naman ay may karapatan din na tumanggap ng gayong pagsasanay mula sa kaniyang mga magulang. Bago maaaring makialam ang isang hukom na naaayon sa batas sa relihiyosong pagsasanay sa bata, dapat munang mapakinggan ng hukuman ang nakakukumbinsing patotoo na ang “partikular na gawain ng relihiyon ay maaaring magdulot ng kagyat at tunay na panganib sa pisikal na kapakanan ng bata.” (Amin ang italiko.) Ang basta pagkakaiba lamang tungkol sa relihiyon o kahit na ang alitan sa pagitan ng mga magulang dahil sa relihiyon ay hindi sapat upang bigyang-matuwid ang pakikialam ng Estado.
Sa Nebraska, E.U.A., inilalarawan ng isang makatuwirang paninindigan ng isang inang Saksi ni Jehova sa isang pagtatalo tungkol sa karapatang mangalaga kung paanong ipinagtatanggol ng legal na mga probisyong ito kapuwa ang mga magulang at ang mga anak. Ayaw ng di-Saksing ama na dumalo ang kanilang anak na babae sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova sa Kingdom Hall. Sinang-ayunan ng mababang hukuman ang ama.
Pagkatapos ay umapela ang ina sa Korte Suprema ng Nebraska. Ang ina ay nangatuwiran na walang katibayan ng kagyat o tunay na panganib sa kapakanan ng bata sa anumang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Ang ina ay nagpatotoo “na ang pagdalo at pakikibahagi sa relihiyosong mga gawain ng kapuwa mga magulang ay . . . magbibigay ng saligan upang matiyak ng bata kung aling relihiyon ang pipiliin niya pagdating niya sa sapat na gulang ng pagkaunawa.”
Binaligtad ng mas mataas na hukuman ang desisyon ng mababang hukuman at ipinahayag na “inabuso ng [mababang] hukuman ang pagpapasiya nito sa paglalagay ng mga limitasyon sa karapatan ng ina sa pangangalaga na pangasiwaan ang relihiyosong pagpapalaki sa kaniyang minor de edad na anak.” Tunay na walang katibayan na ang bata ay napipinsala sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pulong sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova.
Ang mga Karapatan ng mga Magulang na Hindi Pinagkalooban ng Pangangalaga sa Bata
Kung minsan, sinisikap gamitin ng nagdiborsiyong mga magulang ang pagtatalo tungkol sa relihiyosong pagsasanay bilang isang paraan upang makamit ang pangangasiwa sa mga anak. Halimbawa, sa Khalsa v. Khalsa, isang kaso sa estado ng New Mexico, E.U.A., ang kapuwa mga magulang ay nagsasagawa ng relihiyong Sikh noong panahon ng kanilang kasal. Subalit di-nagtagal pagkatapos nilang magdiborsiyo, ang ina ay nakumberte sa Katolisismo at nagsimulang hadlangan ang mga bata sa pagsasagawa ng Sikhismo.
Nagalit ang ama at dinala ang bagay na ito sa hukuman sa pagsisikap na magkaroon ng higit na awtoridad sa relihiyosong pagsasanay sa mga bata sa kaniyang relihiyong Sikh. Paano tumugon ang hukumang naglilitis sa kahilingan ng ama? Tinanggihan nito ang kahilingan. Ang hukumang naglilitis ay nag-utos na “kapag ang mga bata ay kasama [ng ama], hindi sila maaaring kusa o sapilitang makibahagi sa anumang gawain ng Sikh, pati na sa anumang gawain ng relihiyon, sa Sikh camp, o sa Sikh day care center.”
Iniapela ng ama ang desisyong ito sa Hukuman ng Paghahabol sa New Mexico. Ang mataas na hukumang ito ay sumang-ayon sa ama at binaligtad ang desisyon ng hukuman sa paglilitis. Ang hukuman sa paghahabol ay nagsabi: “Ang mga hukuman ay dapat sumunod sa patakaran ng pagiging walang pinapanigan sa pagitan ng mga relihiyon, at dapat na makialam lamang sa sensitibo at gawaing iniingatan ng konstitusyon kapag may malinaw at tunay na katibayan ng panganib sa mga bata. Ang mga pagbabawal sa gawaing ito ay naghaharap ng panganib na ang mga limitasyong ipinatutupad ng hukuman ay manghihimasok sa kalayaan sa pagsamba ng magulang na labag sa konstitusyon o napag-uunawa na may gayon ngang epekto.”
Ang desisyong iyon ay sumusunod sa mahabang hanay ng mga simulaing umiiral na sa maraming lupain. Isasaalang-alang ng mga makatuwirang magulang ang mga simulaing ito. Bukod pa riyan, maingat na pag-iisipan ng Kristiyanong magulang ang pangangailangan ng bata para sa paggawang kasama ng kapuwa mga magulang, gayundin ang tungkulin ng anak na parangalan kapuwa ang ina at ama.—Efeso 6:1-3.
Pagkakasundo sa Labas ng Hukuman
Bagaman ang pagkakasundo sa labas ng hukuman ay maaaring hindi gaanong pormal kaysa paglilitis sa harap ng isang hukom, hindi dapat ituring ito ng isang magulang bilang pangkaraniwan lamang. Ang anumang mapagkakasunduan o mga kondisyong narating sa prosesong ito ng pangangalaga ay magagawang may bisa sa pamamagitan ng kasunod na mga pag-uutos ng hukuman. Kaya nga, makabubuti para sa isang magulang na sumangguni sa isang may karanasang abogado ng pamilya upang matiyak na ang lahat ng bagay na may kinalaman sa karapatang mangalaga ay napapangasiwaan nang wasto at makatuwiran.
Ang bawat magulang ay dapat na maglaan ng panahon upang maghanda para sa proseso ng pagkakasundo. Ang pagkilos at paggawi ng magulang sa panahon ng proseso ng pagkakasundo ay lubhang makaiimpluwensiya sa kalalabasan. Kadalasan, ang mga magulang na nagdidiborsiyo ay lubhang naaapektuhan ang emosyon dahil sa pagdidiborsiyo anupat hindi nila napapansin ang mahahalagang usapin: Ano ang pinakamabuti sa bata? Ano ang kailangan ng bata upang siya’y lumaki sa mental, emosyonal, at pisikal na paraan?
Alalahanin na sa legal na pangmalas, ang pangunahing isyu sa pagkakasundo ay, hindi relihiyoso o iba pang personal na pagkakaiba, kundi kung paano makasusumpong ang mga magulang ng isang bagay na mapagkakaisahan at gumawa ng isang kasunduan para sa kapakanan ng mga bata. Marahil ay makakaharap ng isang magulang ang pagtatangi sa relihiyon o iba pa, di-inaasahang mga tanong, o mga manipulasyong dinisenyo upang makaligalig at makalito. Ang pagkukulang ng bawat magulang ay maaaring malantad o palakihin pa nga. Subalit, kapag nanatiling makatuwiran ang mga nasasangkot, maaaring marating ang isang pasiya.
Kung minsan, ang proseso ng pagkakasundo ay maaaring magtinging matagal at nakasisiphayo. Ang mapagpipilian ay ang mahabang paglilitis sa korte kasama ang nakahihiyang publisidad, pinansiyal na pabigat, at nakapipinsalang epekto nito sa bata. Tiyak na iyan ay hindi kanais-nais. Katulad sa lahat ng malubhang problema sa buhay, nanaisin ng isang Kristiyanong magulang na harapin ang proseso ng pagkakasundo nang may pananalangin, na inaalaala ang kinasihang paanyaya na “ihabilin mo ang iyong lakad kay Jehova, at tumiwala ka sa kaniya, at siya mismo ay kikilos.”—Awit 37:5.
Subalit kumusta naman kung hindi marating ang isang solusyon at ipagkaloob ng hukom ang pangangalaga sa bata sa kabilang magulang? O kumusta kung ang isa sa magdidiborsiyong mga magulang ay tiwalag sa kongregasyong Kristiyano? At, paano dapat malasin ng isa ang magkatulong na pangangalaga at solong pangangalaga? Ang mga katanungang ito at ang nauugnay na mga simulain sa Bibliya ay tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Kahon sa pahina 6]
Tatlong Mahahalagang Katangian
Isang pampamilyang hukom sa korte na kinapanayam ng Gumising! ang nagsabi na kabilang sa mahahalagang katangian na hinahanap niya sa isang magulang ay ang tatlong sumusunod:
Pagkamakatuwiran—ang kusang pagkakaloob ng pahintulot na madalas na makita o makausap ng kabilang magulang ang bata (kung wala namang pisikal o moral na panganib sa bata)
Pagiging Sensitibo—isang kabatiran sa emosyonal na mga pangangailangan ng bata
Pagpipigil-sa-sarili—isang timbang na pamumuhay na makatutulong sa isang tahimik na kapaligiran na kalalakhan ng bata
[Kahon sa pahina 6]
Mga Alituntuning Hudisyal
Sa pagtatakda ng mga alituntunin, sinikap ng ilang hukom na maiwasan ang hindi kinakailangang mga pagtatalo tungkol sa relihiyosong mga simulain ng isang magulang. Halimbawa:
1. Dapat pasiglahin ang isang makabuluhang kaugnayan sa pagitan ng bata at ng kapuwa mga magulang. Napansin ni Hukom John Sopinka ng Korte Suprema ng Canada na dapat payagan ang bawat magulang na “magsagawa ng mga gawaing iyon na nakatutulong upang makilala ang magulang kung ano siyang talaga [kasali na ang pagsasagawa niya ng kaniyang relihiyon]. Ang magulang na hindi pinagkalooban ng pangangalaga sa bata ay hindi dapat magkunwari o magpanggap ng isang istilo ng buhay sa mga panahon na ginugugol niya kasama ng bata.”
2. Ang pagbabawal sa magulang na hindi pinagkalooban ng pangangalaga sa bata ng pagtuturo sa bata ng kaniyang relihiyosong mga paniniwala ay isang paglabag sa kalayaan sa pagsamba ng magulang, maliban kung may maliwanag at positibong katibayan ng tiyak at malaking pinsalang idudulot sa bata.
[Larawan sa pahina 7]
Pasan ng mga hukom ang mabigat na pananagutan sa mga kaso ng pagbibigay-karapatan sa pangangalaga sa bata
[Larawan sa pahina 8]
Ang isang tagapagkasundo ay makatutulong sa mga magulang na lutasin ang mga di-pagkakaunawaan nang walang mahahabang paglilitis sa hukuman