Ang Pakikipagbaka ng Bibliyang Pranses Upang Makaligtas
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PRANSIYA
MAHIGIT na sandaang milyong tao sa daigdig ang nagsasalita ng Pranses. Kahit na ikaw ay hindi isa sa kanila, kawili-wiling basahin ang pakikipagbaka ng Bibliyang Pranses upang makaligtas, sa isang bahagi ay dahil sa kaugnayan nito sa kalayaan sa relihiyon. Sa nakalipas na mga dantaon maraming Bibliyang Pranses ang nagkaroon ng malupit na wakas sa kamay ng mga kaaway at ng di-tapat na mga kaibigan. Sa harap ng nakatatakot na pagsalansang, isinapanganib ng mga tagapagsalin at mga tagapaglimbag ang kanilang buhay upang magwagi sa pakikipagbaka.
Noong ika-12 siglo, ang mga salin ng mga bahagi ng Bibliya ay makukuha sa maraming bernakular na wika, kasali na ang Pranses. Hinimok ng mga grupong itinuturing na mga erehes ng Simbahang Katoliko ang paggamit nito. Subalit noon lamang ika-19 na siglo nagsimula ang malawakang pamamahagi ng Bibliya sa wikang Pranses. Ipinaaaninag ng lumipas na mga dantaong ito ang mapanganib na mga pagsubok na pinagdaanan ng Bibliyang Pranses upang makita ang liwanag ng araw.
Isa sa unang aklat sa wikang Pranses ay ang diksyunaryo sa Bibliya na inilathala noong mga 900 C.E. Ito’y dinisenyo upang tulungan ang mga mambabasa na maunawaan ang Bibliya sa Latin, ang wikang ginagamit ng Simbahang Katoliko. Subalit nang panahong iyon ang Latin ay hindi na sinasalita ng karaniwang mga tao, na nagsasalita ng maraming diyalekto. Kaya hindi nila nabasa ang Salita ng Diyos. Nanatili itong tanging karapatan ng mga klerong nag-aral ng Latin, na nakababasa nito.
Noong 842 C.E., lumitaw ang unang opisyal na dokumento ng estado sa wikang Pranses. Ito’y pahiwatig na pagkilala na ang karamihan ng tao ay hindi na nagsasalita ng Latin. Lumitaw sa Pransiya ang relihiyosong mga tula sa katutubong wika noong bandang 880 C.E. Subalit, ang mga salin ng Bibliya ay hindi lumitaw kundi pagkaraan ng dalawang siglo pa. Kabilang sa kauna-unahan dito ay ang mga salin ng mga bahagi ng Bibliya sa wikang Norman-Pranses, na ginawa sa pasimula ng ika-12 siglo.
Masigasig na Nagsimula ang Pakikipagbaka
Ang unang pagsisikap upang ang Banal na Kasulatan ay mabasa ng mga tao sa Pransiya sa anyo na mababasa nila ay galing kay Peter Waldo, isang negosyante noong ika-12 siglo mula sa Lyons, sa gitnang Pransiya. Iniatas ni Waldo ang pagsasalin ng mga bahagi ng Bibliya sa Provençal, isang diyalektong sinasalita sa timog-silangang Pransiya. Noong 1179, sa Ikatlong Konsehong Laterano, iniharap niya ang bahagi ng kaniyang salin ng Bibliya kay Papa Alejandro III.
Nang maglaon, hinatulan ng simbahan si Waldo at ang kaniyang mga tagasunod bilang mga erehes, at sinunog ng mga monghe ang mga salin na iniatas niya. Mula noon, tinutulan ng simbahan ang lahat ng pagsisikap upang ang Salita ng Diyos ay mapunta sa kamay ng karaniwang mga tao.
Niliwanag ng simbahan ang estratehiya nito noong 1211 sa pamamagitan ng pagsunog sa mga Bibliya sa lunsod ng Metz, sa silangan ng Pransiya. Noong 1229 ipinagbawal ng Konseho ng Toulouse ang paggamit ng mga karaniwang tao ng bernakular na mga Bibliya sa anumang wika. Ito’y sinundan noong 1234 ng Konseho ng Tarragona, Espanya, na nagbawal sa pagkakaroon ng mga Bibliya sa anumang wikang Romance (wikang hinango sa Latin), maging ng mga klero.
Sa kabila ng gayong malupit na pagsalansang, ang unang kumpletong salin ng Bibliya sa wikang Pranses ay lumitaw noong ikalawang hati ng ika-13 siglo. Palibhasa’y isinalin ng isang hindi nagpakilala, ang Bibliyang ito ay bahagya na lamang na naipamahagi. Nang panahong iyon ang Bibliya ay hindi nakukuha ng karaniwang tao sa anumang anyo. Ang mga kopya ay ginagawa sa pamamagitan ng kamay. Dahil sa mataas na halaga at limitado ang makukuha kung kaya halos ang mga maharlikang tao at mga klero lamang ang nagtataglay ng Bibliya.
Kumilos ang Pagtatanggol sa Bibliya
Dahil sa imbensiyon ng palimbagan at ng nakikilos na tipo ni Johannes Gutenberg noong mga 1450, ang Pransiya ay natangay ng ganap na pagbabago sa pag-iimprenta sa Europa. Tatlong lunsod na Pranses—ang Paris, Lyons, at Rouen—ang naging mahahalagang sentro ng pag-iimprenta, mga balwarte ng pagtatanggol sa Bibliya.a
Hanggang sa yugtong ito ng pakikipagbaka, ang mga salin ng Bibliyang Pranses ay ibinatay sa Latin Vulgate. Ang tekstong Latin ay nabahiran ng maraming pagkakamali pagkatapos ng isang libong taon ng paulit-ulit na pagkopya, subalit ang simbahan ay nangunyapit sa Vulgate. Gayunman, ang Katolikong Pranses na si Jacques Lefèvre d’Etaples ay nagpasiyang iparating ang Bibliya sa mga tao. Noong 1530 isinalin niya ang Vulgate sa wikang Pranses, na itinutuwid ang ilan sa mga pagkakamali nito sa pamamagitan ng pagsangguni sa mga manuskritong Hebreo at Griego na maaari nang makuha noon. Inalis din niya ang nakalilitong paliwanag sa doktrina na isiningit ng simbahan sa teksto.
Agad na tinuligsa ang salin ni Lefèvre. Ang ilang bersiyon ay kailangang ilimbag sa labas ng Pransiya. Inilagay ito sa listahan ng mga aklat na ipinagbawal ng simbahan. Sa loob ng isang panahon si Lefèvre ay kailangang manganlong sa Strasbourg, na noo’y isang malayang lunsod ng imperyo sa silangan ng Pransiya. Gayunman, tagumpay ang kaniyang salin.
Ang unang Pranses na salin ng Bibliyang batay sa mga teksto sa orihinal na wika ay inilathala noong 1535. Ang tagapagsalin ay ang Protestanteng Pranses na si Pierre-Robert Olivétan, pinsan ng Repormador na si John Calvin. Dahil sa pagsalansang ng simbahan, hindi ito maimprenta sa Pransiya, kaya ang saling ito ay inimprenta sa Neuchâtel, Switzerland, isang bagong pamayanang Protestante. Ang Bibliyang Pranses na salin ni Olivétan ay nagsilbing pamantayan para sa maraming kasunod na mga rebisyon at mga salin ng Bibliya sa iba pang wika.
Isang Mapanganib na Laban
Ilang matatapang na tagapag-imprenta sa Pransiya, gaya ni Étienne Dolet noong 1546, ang sinunog sa tulos dahil sa pag-iimprenta ng Bibliya. Muling pinagtibay ng Konseho ng Trent, noong 1546, ang “pagiging totoo” ng Vulgate, sa kabila ng mga pagkakamali nito, at mula noon pinangatawanan na ng simbahan ang kanilang pagtutol sa bernakular na mga salin. Noong 1612 ay sinimulan ng Inkisisyong Kastila ang matinding kampanya upang lipulin ang bernakular na mga Bibliya.
Kung minsan ang mga pag-uusig ay humantong sa mapamaraang mga pagbabago. Ang mga Bibliyang “puyod,” o “pusód,” ay ginawa, na napakaliit upang maitago sa pusód ng buhok ng babae. At noong 1754, ang mga halaw sa Hebreo at Griegong Kasulatan ay inilimbag sa isang aklat na sumusukat lamang ng tres por singko centimetro.
Mga Ganting-Salakay
Gayunman, nang maglaon ay nagkaroon ng malalaking pagbabago. Pagkatapos na matagalan ng Bibliya ang mga siglo ng mabalasik na mga pagsalakay, mga ganting-salakay ang ibinigay pabor dito. Ang mga bagong ideya at kalayaan sa pagsamba, na ipinagkaloob kasunod ng Rebolusyong Pranses, ang humampas sa pinakaugat ng pagsalansang ng simbahan. Sa gayon, noong 1803 isang Protestanteng Bagong Tipan ang inimprenta sa Pransiya, ang kauna-unahan sa loob ng 125 taon!
Dumating din ang tulong buhat sa mga samahan ng Bibliya. Noong 1792 ay itinatag ang French Bible Society sa London, Inglatera, “upang makakuha, hangga’t maaari, ng mga Bibliyang Pranses para sa mga Pranses na walang makadiyos na kayamanang ito sa wikang naiintindihan nila.” Nakisama ang iba pang mga samahan sa Bibliya sa laban. Ang kanilang tunguhing gumawa at mamahagi ng Bibliya sa wikang Pranses ay nagtagumpay.
Huling Pagkilos
Nilabanan ng Simbahang Katoliko ang anumang pagbabago sa mga taktika nito, ngunit ito’y natatalo sa labanan. Sa buong ika-19 na siglo, ang mga papa ay nagpalabas ng sunud-sunod na dekreto na walang-humpay na sumasalansang sa mga Bibliya sa bernakular na mga wika. Noong mga 1897, muling pinagtibay ni Papa Leo XIII na “lahat ng mga bersiyon ng Banal na mga Aklat na ginawa ng sinumang manunulat na hindi Katoliko at sa anumang karaniwang wika ay ipinagbabawal, lalo na yaong inilathala ng mga samahan ng Bibliya, na hinatulan ng Papa ng Roma sa ilang pagkakataon.”
Subalit, dahil sa may makukuhang murang mga Bibliyang Protestante na inilathala ng mga samahan sa Bibliya, pinahintulutan ng Simbahang Katoliko ang mga iskolar na Katoliko na isalin ang Bibliya sa wikang Pranses. Ang salin ni Augustin Crampon, na unang inilathala sa pitong tomo (1894-1904) at pagkatapos sa isang tomo (1904), ang unang saling Katoliko sa wikang Pranses na salig sa orihinal na mga teksto. Kapansin-pansin din ang maraming magagaling na mga talababa at ang bagay na malawakang ginamit ni Crampon ang Jéhovah, ang anyong Pranses ng pangalan ng Diyos.
Bilang pagbaligtad, ang Batikano, sa ensiklikal nito na Divino Afflante Spiritu, ng 1943, sa wakas ay nagtakda ng mga alituntunin para sa pagsasalin ng Bibliya sa bernakular na mga wika. Maraming Katolikong salin ang nailathala mula noon, pati na ang popular na Jerusalem Bible, na unang inilathala sa Pranses at pagkatapos ay isinalin sa ilan pang wika, pati na sa Ingles.
Isang Bibliya na nakatulong sa mga taong nagsasalita ng Pranses sa buong daigdig ay ang edisyong Pranses ng New World Translation of the Holy Scriptures. Unang nailathala sa kumpletong anyo nito noong 1974, ito’y nirebisa noong 1995. Sa maraming wika na doon ito’y nailathala, pinapurihan ng New World Translation ang Awtor ng Bibliya sa pagsasauli ng kaniyang pangalan, na Jehova, sa Hebreong Kasulatan at, kung angkop, sa Griegong Kasulatan. Hanggang sa ngayon, mahigit na limang milyong kopya ng edisyong Pranses ang nailimbag na. Walang alinlangan, nagwagi ang Bibliya sa pakikipagbaka nito upang makaligtas sa Pranses.
[Talababa]
a Gayon na lamang katagumpay ang pag-iimprentang Pranses anupat nang ipag-utos ng Inkisisyong Kastila ang pagsamsam ng banyagang mga Bibliya noong 1552, ang tribunal sa Seville ay nag-ulat na mga 90 porsiyento ng mga nakumpiska ay inimprenta sa Pransiya!
[Larawan sa pahina 16]
Ang 1530 na Bibliya ni Lefèvre d’Étaples
[Larawan sa pahina 16]
Ang 1535 na Bibliya ni Olivétan
[Larawan sa pahina 17]
Isang pambihirang modelo ng “Ika-13-Siglong Bibliya”
[Picture Credit Line sa pahina 17]
Mga Bibliya: Bibliothèque Nationale de France