Mga Pigmeo—Mga Tao sa Liblib na Kagubatan
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA CENTRAL AFRICAN REPUBLIC
HALIKA at ipakikilala ko sa iyo ang mga BaBinga, ang mga Pigmeo (Pygmies) ng Central African Republic, ang aming lupang tinubuan. Malamang na may narinig at nabasa ka na tungkol sa mga Pigmeo, subalit hindi ka pa kailanman nakakakilala ng sinuman sa kanila. Kung dadalaw ka sa Bangui, ang kabisera, ang paglalakbay ng wala pang dalawang oras ay magdadala sa iyo doon mismo sa kanilang teritoryo.
Ang mga Saksi ni Jehova ay may mahalagang mensahe para sa lahat ng bansa, tribo, lahi, at etnikong grupo. Sa aming gawaing Kristiyano, kami’y nangangaral sa lahat ng uri ng tao. Kabilang dito ang mga Pigmeo.—Apocalipsis 14:6.
Kaya pakisuyong sumama sa amin at tingnan kung paano sila namumuhay at kung paano sila tumutugon sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, na magdadala ng Paraiso sa lupa. Ito’y magiging isang kaiga-igaya at kahali-halinang araw para sa iyo.
Paksa ng Pananaliksik
Bago tayo magtungo roon, angkop lamang para sa atin na gumawa ng ilang pananaliksik tungkol sa mga taong ating dadalawin. May mga aklat na isinulat ng mga taong namuhay na kasama ng mga Pigmeo sa loob ng ilang buwan, na pinag-aaralan ang kanilang kultura, relihiyon, at mga kaugalian.
Sasagutin ng pagbabasa tungkol sa mapayapa at palakaibigang mga taong ito at ng pagdalaw sa kanila ang maraming katanungan, gaya ng: Saan nanggaling ang mga Pigmeo? Ano ang matututuhan natin sa kanila? Saan sila nakatira? Ano ang ipinagkaiba nila sa iba pang Aprikanong pangkat? Paano sila nakikisalamuha sa iba pang tao?
Binabanggit ng Webster’s Third New International Dictionary na ang mga Pigmeo ay “maliliit na tao sa gawing ekwador ng Aprika na wala pang limang piye ang taas, . . . na ginagamit ang mga wika ng kanilang pinakamalapit na karatig.” Ipinalalagay na ang mga Pigmeo ng Aprika ay may sariling pinagmulan na hiwalay sa mga Negrito (nangangahulugang “Maliliit na Negro”) ng Oceania at timog-silangang bahagi ng Asia.
Ang terminong “pigmeo” ay galing sa salitang Griego na nangangahulugang “distansiya mula sa siko hanggang sa buko ng daliri.” Ang mga Pigmeo ay kilalang mga mangangaso at mga mang-aani. Ang kabuuang populasyon ng Pigmeo sa daigdig ay tinatayang mahigit lamang sa 200,000.
Sina Serge Bahuchet at Guy Philippart de Foy ay nagbibigay sa atin ng higit na kawili-wiling mga detalye sa kanilang aklat na Pygmées—peuple de la forêt (Mga Pigmeo—Mga Tao ng Kagubatan). Sabi nila, sakop ng mga Pigmeo ang liblib na mga kagubatan ng Republic of Congo, ng Democratic Republic of Congo, Gabon, Cameroon, at Central African Republic at masusumpungan kahit sa dulong silangan ng Rwanda at Burundi.
Walang nakaaalam nang eksakto kung saan nanggaling ang mga Pigmeo o kung kailan sila dumating. Hindi nila kailanman ginagamit ang “pigmeo” upang ipakilala ang kanilang sarili. Sa Central African Republic, sila’y karaniwang tinatawag na BaBinga, ngunit sa ibang bansa sila’y kilala bilang BaKola, BaBongo, BaAka, BaMbènzèlè, BaTwa, at BaMbuti.
Ang Unang Pagdalaw
Umalis kami ng Bangui sakay ng isang Land Cruiser na maagang-maaga, mga alas siyete, upang magtungo patimog sa M’Baiki/Mongoumba. Ang daan ay sementado lamang sa unang 100 kilometro. Mabuting magkaroon ng isang four-wheel drive na kotse, yamang ang daan ay madulas pagkatapos ng ulan kagabi.
Naglakbay kami sa mayabong at luntiang lalawigan na may napakalawak na kagubatan at sa maliliit na nayon kung saan ang mga tao’y nagtitinda ng mga saging, saba, pinya, kamoteng-kahoy, mais, kalabasa, at mani na nasa maliliit na mesa sa tabi ng daan. Wala ritong gutom. Ang matabang lupa at mahalumigmig na klima ay nagbibigay ng saganang pagkasari-sari ng pagkain. Pagkatapos, walang anu-ano, kami’y nasa unang “nayon” ng Babinga, o, bagkus, ay kampo.
Sila’y nakatira sa nakapagtatakang maliliit na hugis simboryong kubo na may isang butas na sapat lamang ang laki upang makagapang doon. Sa paggamit ng mga patpat at mga dahon mula sa kalapit na kagubatan, ang mga babae ang nagtatayo ng mga kubo. Mga 10 hanggang 15 kubo ang nakaayos nang pabilog. Ang mga ito’y tulugan lamang o proteksiyon mula sa malakas na ulan. Ang araw-araw na pamumuhay ay sa labas ng kubo.
Bumaba kami sa kotse upang batiin ang ilang babae, na ang bawat isa’y may kilik na sanggol sa kaniyang balakang. Palibhasa’y narinig ang aming kotse, ang ilang kalalakihan ay tumakbong papalapit upang makita kung sino kami at kung ano ang kailangan namin. Kasama nila ang maraming aso, na ang bawat isa’y may munting kuliling na nakatali sa leeg nito.
Naalaala namin mula sa aming pananaliksik na ang mga aso lamang ang domestikong hayop na inaalagaan ng mga Pigmeo. Ito ang kasa-kasama nila sa pangangaso. At, mula sa lupa hanggang sa tuktok ng punungkahoy, maraming mapangangaso. Gaya ng ipinaliliwanag ng aklat na Pygmées—peuple de la forêt, lakip dito ang mga ibon, unggoy, elepante, buffalo, daga, antelope, baboy-damo, tapilak, at marami pang iba. Kailangang-kailangan ng bawat mangangaso ang isang tapat na aso.
Sa pakikipag-usap sa mga taong ito, ginagamit namin ang aklat na Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya at ang brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman!a Ipinakikita nito na hindi na magtatagal at ang lupa ay magiging isang paraiso na may magagandang kagubatan, kung saan walang sakit o kamatayan. (Apocalipsis 21:4, 5) Ang dalawang publikasyong ito ay inilimbag sa Sango, ang wikang sinasalita ng mahigit sa 90 porsiyento ng mga tao, pati na ng mga Pigmeo. Saanman sila nakatira, sinasalita ng mapapayapang taong ito ang wika ng mga Aprikanong karatig nila. Kailangan ito sapagkat sila’y nakikipagkalakalan sa kanila.
Di-nagtagal, marami nang nakapalibot na mga lalaki at babae sa amin, tuwang-tuwang tumitingin sa sunud-sunod na larawan habang sila’y nakikinig sa paliwanag. Mula sa mga pagdalaw namin noong nakalipas na mga taon, kilala nila kami bilang mga Saksi ni Jehova. Natutuwa silang kumuha ng mga kopya ng mga publikasyon. Gayunman, ang problema ay hindi sila makabasa. Sa nakalipas na mga taon ay sinikap na ng pamahalaan at ng ibang institusyon na turuan silang bumasa at sumulat, subalit wala ring nangyari. Ang paaralan ay isinaayos para sa kanilang mga anak. Ang mga paaralang ito ay nagamit sa loob ng isang panahon, subalit karamihan ng mga bata ay huminto sa malao’t madali. Sinabi ng isang gurong nagturo sa mga Pigmeo na ang mga ito’y nagpapakita ng kamangha-manghang kakayahang matuto sa loob ng klase, subalit pagkaraan ng ilang buwan ng pag-aaral, hindi na sila sumisipot. Gayunman, ang mga pagsisikap na maglaan ng pormal na pagtuturo ay nagpatuloy sa pamamagitan ng lokal na mga awtoridad at ng iba pa.
Ang mga Saksi ni Jehova ay kilalang bumabalik sa mga taong nagpapakita ng interes sa Salita ng Diyos. Subalit hindi namin inaasahang makikita ang mga BaBinga ring iyon sa susunod na pagbalik namin, yamang sila’y palipat-lipat sa buong taon. Sila’y naglalaho sa kanilang tahanan sa liblib na kagubatan ng ilang buwan sa loob ng isang panahon. Ang mga pagsisikap na sila’y manirahan nang permanente sa isang lugar ay hindi nagtagumpay. Tunay, sila’y mga tao sa liblib na kagubatan. Ang paggala at pangangaso ang kanilang paraan ng pamumuhay, at walang makapagpapabago sa kanila.
Araw-Araw na Buhay, Pag-aasawa, at Pamilya
Pangunahin na, ang mga lalaki ang nangangaso at ang mga babae naman ang nag-aani, nangunguha ng kahit na anong bunga ng kagubatan: mga kabute, ugat, beri, dahon, nuwes, insekto, anay, pulot-pukyutang ligaw, at, huwag kaligtaan, ang kanilang paboritong mga uod. Lahat ng ito ay kailangan para sa pagkain at sa pangangalakal. Ang mga Aprikanong karatig ng mga Pigmeo, kadalasang tinatawag na les grands noirs (ang matatangkad na itim), ay lubhang umaasa sa kanila para sa mga bagay na ito. Bilang kapalit, sila’y nagbibigay ng mga kaldero, kawali, tabak, mga kasangkapang gaya ng mga palakol at kutsilyo, asin, langis ng palma, kamoteng-kahoy, saba, at gayundin, nakalulungkot nga, ng tabako, lokal na gawang alak, at cannabis. Ang huling tatlong bagay ay malaking problema para sa mapagpakumbabang mga taong ito. Kadalasang sila’y nangungutang upang makuha ang mga ito, at unti-unting nasisira ang kanilang buhay.
Ang mga lalaki’y karaniwang iisa lamang ang asawa. Gayunman, madali silang nakikipagdiborsiyo o humihiwalay upang makisama sa ibang kapareha. Ang ama o ang pinakamatanda sa kampo ang lubhang iginagalang. Hindi siya nag-uutos, subalit ang kaniyang payo ay karaniwang sinusunod. Makikita mong mahal ng mga Pigmeo ang kanilang mga anak. Madalas na kinakarga ng ina at ng ama ang kanilang sanggol. Ang mga paslit na ito ay laging kasama ng ama’t ina saanman sila magpunta at anuman ang kanilang ginagawa, ito man ay pagtatrabaho, pangangaso, o pagsasayaw.
Sa gabi ang sanggol ay natutulog sa pagitan ng mga magulang. Sa araw naman, binabantayan ng mga magulang, mga kapatid, mga tiyo, at mga lolo’t lola ang mga paslit na ito, at bukod pa riyan, nasa kanila ang atensiyon ng buong kampo. Madalas ang pagdalaw ng mga magulang at mga kamag-anak. Lahat ng ito ay nagpapanatiling malapit sa buklod ng pamilya. Sa Kanluraning sibilisasyon ang mga buklod ng pamilya ay kadalasang hindi malapit o sira, subalit ang kalagayan dito ay ibang-iba.
Bagaman ang mga Pigmeo ay namumuhay nang hiwalay sa mga Aprikanong karatig nila, sila’y may kaugnayang pangkabuhayan sa kanila. Bukod pa sa pagkakaroon ng regular na kaugnayan sa pamamagitan ng pangangalakal, sila’y madalas na hinihilingang magtrabaho bilang mga magbubukid sa mga taniman ng kape at kakaw. Maaari silang magtrabaho sa loob ng ilang linggo, babayaran, at saka maglalaho tungo sa liblib na kagubatan sa loob ng mahabang panahon. Anong malay mo? Ang kapeng ininom mo kaninang umaga ay maaaring dumaan sa mga kamay ng mga Pigmeo ng Central Africa.
Relihiyon
Relihiyosong tao ang mga BaBinga, subalit ang kanilang buhay ay inuugitan ng pamahiin at tradisyon. Isinasagawa nila ang kanilang mga ritwal na sinasaliwan ng musika, pag-awit (pagyo-yodel), at pagsayaw. Ganito ang paliwanag ng aklat na Ethnies—droits de l’homme et peuples autochtones (Etnikong mga Grupo—Mga Karapatang Pantao at ang mga Katutubo): “Para sa mga tao sa liblib na kagubatan, nilalang ng Diyos ang daigdig, ibig sabihin ang kagubatan. Pagkatapos lalangin ang unang mag-asawang tao . . . , siya’y nagretiro sa langit at nawalan ng interes sa mga gawain ng tao. Ngayon isang kataas-taasang espiritu, ang diyos ng kagubatan, ay kumikilos para sa kaniya.” Mangyari pa, ito’y ibang-iba sa paliwanag tungkol sa Diyos at sa kaniyang layunin gaya ng masusumpungan sa Bibliya—Genesis, mga kabanata 1, 2; Awit 37:10, 11, 29.
Matatalinong Tao
Karaniwan na sa ilang tao na tuyain o hamakin pa nga ang mga Pigmeo, na itinuturing silang nakabababa at hindi gaanong matalino. Subalit si Patrick Meredith, propesor ng saykopisika sa Leeds University, Inglatera, ay nagsabi: “Kung makikita mo ang mga pigmeo sa kanilang likas na kapaligiran na gumagawa ng mga tulay mula sa mga hibla at namumuhay nang matagumpay ay maitatanong mo kung ano ang ibig mong sabihin ng katalinuhan.”
Alam natin na ang buong sangkatauhan ay nagmula sa unang mag-asawa, sina Adan at Eva. Ang Gawa 17:26 ay nagsasabi: “Ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao [si Adan] ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa ibabaw ng buong lupa.” At sinasabi ng Gawa 10:34, 35 na “ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” Samakatuwid, nais naming dalhin ang mga katotohanan ng Bibliya sa mga taong ito upang sila rin naman ay magkaroon ng pag-asa na mabuhay sa malapit na hinaharap na ang buong lupa ay babaguhin tungo sa isang magandang paraiso na may maraming liblib na kagubatan.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible ang Tract Society of New York, Inc.
[Mga larawan sa pahina 23]
1. Ibinabahagi ang mensahe ng Bibliya sa mga Pigmeo; 2. Pigmeong mang-uukit ng kahoy; 3. karaniwang tirahan ng Pigmeo