Mula sa Aming mga Mambabasa
Paghahanap ng Ampon Nais kong pasalamatan kayo sa karanasang “Isang Kapana-panabik na Sorpresa.” (Pebrero 22, 1997) Tunay na nakababagbag-damdaming mabasa kung paano nasumpungan ng anak na lalaking ito ang kaniyang tunay na ina at matuklasang ito’y isa rin niyang espirituwal na kapatid!
M. G. D., Italya
Lumuluha ako habang binabasa ang kuwento tungkol sa buhay ni Dana Folz. Ang kuya ko ay ampon at malaki na siya nang makilala niya ang kaniyang tunay na ina. Hindi naging masaya ang kanilang pagkikita. Hanggang sa ngayon, masama pa rin ang kaniyang loob sa aming pamilya. Natulungan ako ng artikulo na maunawaan ang kahalagahan ng pagpapakita sa kaniya ng pasensiya at pagmamahal.
M. D. L., Argentina
Nakita ko ang inyong magasin sa banyo ng isang bahay-kalakal. Ito’y naglalaman ng pinakanakaaantig-damdaming ulat na nabasa ko! Madalas na naitatanong sa akin noon: “Paano kung ipaglihi ang bunga ng panghahalay? Hindi ka ba sasang-ayon na ipalaglag ang sanggol sa ilalim ng ganitong kalagayan?” Wala nang maibibigay na mas marubdob na pagsusumamo para sa buhay ng isang sanggol sa sinapupunan kundi ang kapana-panabik at tunay na pangyayari sa buhay ni Dana Folz.
M. P., Estados Unidos
Organisadong Krimen Ako ay isang security consultant at miyembro ng Police-Community Relations Committee. Nakita kong napakapraktikal at kapaki-pakinabang ang inyong mga mungkahi kung paano iingatan ng isa ang kaniyang pamilya mula sa krimen. (“Organisadong Krimen—Paano Ka Naaapektuhan Nito,” sa isyu ng Marso 8, 1997) Nailibot ko na ang magasin sa iba pang miyembro ng komite. Nakagiginhawang malaman na darating din ang araw na iiral ang isang daigdig na walang krimen.
C. E. J. A., Nigeria
Partikular na nakatulong ang mga artikulo sapagkat ako’y nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa isang lalaking kasapi sa organisadong krimen sa nakalipas na 11 taon. Ang kahirapan ng pagputol ng pakikipag-ugnayan sa organisadong krimen ay ipinaliwanag nang husto. Sa tulong ni Jehova, siya man ay maaaring humiwalay kung talagang nasa kaniyang kalooban na gawin ito.
A. M., Estados Unidos
Mga Bulaklak Ako po’y sampung taóng gulang, at gusto ko pong pasalamatan kayo sa artikulong “Ipinamamalas ng mga Bulaklak na May Isang Nagmamahal.” (Marso 8, 1997) Tinuruan po ako nito kung paano aalagaan ang mga bulaklak para magtagal ang mga ito.
L. C., Italya
Ilang taon ko nang ibig malaman kung paano maiingatan ang mga bulaklak, dahil napakahilig ko sa mga ito. Subalit, madali pa rin itong nalalanta. Ang mga mungkahi sa Gumising! ay tunay na nakatulong sa akin. Nagpapasalamat ako sa inyong ginagawa.
J. P., Mexico
Pagsilang ng Bituin Sandali akong pinag-isip ng artikulong “Pagsilang ng Bituin sa ‘Pugad’ ng Agila” (Marso 8, 1997) tungkol sa maganda at di-nasisirang lalang ng Diyos na Jehova. Naantig ang aking damdamin.
J. A., Australia
Pag-aampon Tunay na nauunawaan ko ang artikulong “Isang Pagsamo Mula sa Puso.” (Marso 8, 1997) Ako’y isang dalagang ina sa edad na 19. Galit na galit at masamang-masama ang loob ng nanay ko, at ipinamukha niya sa akin na hindi niya matatanggap ang sanggol. Ipinasiya kong makabubuti sa bata na iba ang mangalaga sa kaniya. Nang ako’y maging isang Kristiyano, 15 taon akong nanalangin na sana’y makita ko siya. Sa wakas ay sinagot ang aking mga panalangin nitong nakaraan, at nakita ko siya at naibahagi ang mabuting balita sa kaniya. Naunawaan niya ang naging kalagayan kung bakit napilitan akong ipaampon siya. Ang maipapayo ko sa mga babaing nasa ganitong kalagayan ay ang patuloy na pananalangin kay Jehova. Maaaring sa wakas ay magkakasama rin kayo ng inyong anak. Kung hindi naman, pagkakalooban kayo ng Diyos ng kapayapaan ng isip at puso kung kayo’y lubusang magtitiwala sa kaniya.
G. S., Estados Unidos