Mula sa Aming mga Mambabasa
Diborsiyo Ako ay sumulat upang ipahayag ang aking lubos na pasasalamat para sa seryeng “Karapatang Mangalaga sa Bata—Ano ang Timbang na Pangmalas?” (Disyembre 8, 1997) Pagkaraan ng aking diborsiyo, nagkaroon ng mga suliranin sa pagpapasiya kung hanggang saan maaaring makipagkita ang aking dating asawa sa aming anak na babae. Nadama ng aking bagong asawa na dapat ipagbawal ang pakikipagkita hangga’t maaari. Ngunit nilinaw ng Gumising! ang isyung ito sa pamamagitan ng pag-una sa kapakanan ng bata at hindi sa emosyon ng mga magulang o ng pangalawang mga magulang.
L. C., Wales
Ang aking anak na babae, ang aking tanging anak, ay kinuha sa akin nang pagpasiyahan ng hukumang dapat siyang manirahan kasama ng kaniyang ama. Waring isinulat kung gayon ang artikulo para sa akin. Isang pagpapalang malaman na naglalaan si Jehova sa atin ng “pagkain sa tamang panahon.”—Mateo 24:45.
D. B., Switzerland
Lumuluha akong nagpasalamat kay Jehova nang aking makita ang pabalat ng Gumising!, yamang ako’y sangkot sa isang usapin ng karapatang mangalaga sa bata sa loob na ng dalawang taon. Yao’y isang lubhang madamdaming karanasan. Totoong pinahahalagahan ko ang nakapagtuturo at pinag-isipang mabuti na paraan ng pagtalakay sa paksang ito.
A. F., Estados Unidos
Nang ako ay bata pa, nagdiborsiyo ang aking mga magulang. Nahati ako sa kanilang dalawa. Maiisip mo kung gayon kung gaano kasaya kong tinanggap ang mga artikulo sa paksang ito. Lubos akong nagpapasalamat na tinalakay ninyo ang suliraning ito mula sa pangmalas ng mga bata.
K. D., Yugoslavia
Mga Parke sa Alpino Nais kong magpasalamat nang labis para sa artikulong “Ang Kagandahan ng mga Pambansang Parke sa Alpino.” (Nobyembre 22, 1997) Sa totoo lamang, aking pinalampas ang mga naunang artikulo hinggil sa kalikasan. Ngunit aking nakita ang nakaaakit na mga larawan na kasama ng artikulo at nagpasiyang basahin iyon. Nang matapos ako, natanto kong malaki ang nawala sa akin sa hindi ko pagbabasa ng maraming iba pang nakawiwiling artikulo hinggil sa kalikasan.
T. M., Ukraine
Homoseksuwalidad Ako’y labis na natuwa nang matanggap ko ang aking Disyembre 8, 1997 na Gumising! na may artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Dapat Bang Kapootan ng mga Kristiyano ang mga Homoseksuwal?” Mahusay ang pagkakasulat niyaon at yaon ay isang walang-kinikilingang pagtalakay sa isang sensitibong paksa.
L. W., Estados Unidos
Pagkabagot Binigyan ko ang aking superbisor ng isang kopya ng artikulong “Nababagot Ka ba sa Iyong Trabaho?” (Disyembre 22, 1997) Kinaumagahan sa trabaho, kaniyang sinabi sa akin na mahusay ang artikulo. Kaniyang ipinasa ito sa iba ko pang katrabaho at nag-iwan ng kopya ng artikulo sa aming pahingahan. Ang inyong artikulo ay dumating sa tamang panahon!
V. L., Estados Unidos
Salamat sa nakawiwiling impormasyon. Ako’y 17 taong gulang at nagtatrabaho nang buong-panahon. Ang artikulo ay nagbigay ng mahusay na payo kung paano gagawing lalong kasiya-siya ang aking trabaho. Salamat!
E. A., Italya
Maraming-maraming salamat sa artikulo. Ako ay kasalukuyang nasa ikalawang taon ng pagsasanay sa trabaho at nawawalan ng sigla, anupat hindi na naliligayahan sa aking trabaho. Tinulungan ako ng artikulo na muling masiyahan sa aking trabaho.
I. F., Alemanya
Mga “Rave” Ako’y 19 na taong gulang at totoong nasisiyahan na makinig sa musikang techno. Ngunit ako’y nalugod sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ang mga ‘Rave’ ba ay Di-Nakapipinsalang Katuwaan?” (Disyembre 22, 1997) Ito ang unang artikulong aking nakita na tumpak na naglalarawan sa ganitong uri ng musika. Ako’y lalo nang nagpapasalamat sa bahaging “Talaga Bang Para sa Iyo ang mga Rave?” Sa pamamagitan ng mga tanong at kasulatan, natulungan akong makabuo ng isang payak at makatuwirang konklusyon.
A. P., Slovenia