Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 1/22 p. 9-12
  • Maligayang Buhay sa Isang Bakanteng Pugad

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maligayang Buhay sa Isang Bakanteng Pugad
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagtuunan ng Pansin ang Positibo
  • Isang Magulang Pa Rin!
  • Iwasang Makialam
  • Pagpapanibago sa Buklod ng Pag-aasawa
  • Ang Pagpapahintulot ng mga Nagsosolong Magulang na Bumukod ang Kanilang mga Anak
  • Maligayang Pagpapahintulot na Bumukod
  • Mga Nagsosolong Magulang, Maraming Problema
    Gumising!—2002
  • Sanayin ang Iyong Anak Mula sa Pagkasanggol
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Matutong Tanggapin ang Pagbukod
    Gumising!—1998
  • Turuan ang Inyong mga Anak na Ibigin si Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 1/22 p. 9-12

Maligayang Buhay sa Isang Bakanteng Pugad

“PARA sa marami sa atin,” ang sabi ng isang magulang, “ang pangwakas na paghihiwalay ay nakabibigla gaano man tayo kahanda.” Oo, kahit inaasahan ang paglisan ng isang anak, kapag aktuwal na nangyari ito, ang pagharap dito ay hindi madali. Ganito ang sabi ng isang ama tungkol sa reaksiyon niya matapos magpaalam sa kaniyang anak: “Sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay . . . , basta na lamang ako nag-iiyak nang nag-iiyak.”

Para sa maraming magulang ang paglisan ng kanilang mga anak ay nag-iiwan ng pagkalaki-laking kawalan sa kanilang buhay​—isang nakangangang sugat. Palibhasa’y hindi na nakikita araw-araw ang kanilang mga anak, nararanasan ng ilan ang matinding kalumbayan, kirot, at pangungulila. At malamang na hindi lamang ang mga magulang ang nahihirapang makibagay. Isang mag-asawang nagngangalang Edward at Avril ang nagpapaalaala sa atin: “Kung may iba pang anak sa bahay, madarama rin nila ang pangungulila.” Ang payo ng mag-asawang ito? “Bigyan sila ng iyong panahon at pang-unawa. Tutulong ito sa kanila na makibagay.”

Oo, ang buhay ay nagpapatuloy. Kung aarugain mo ang natitira mong mga anak​—huwag nang banggitin pa ang iyong trabaho o mga tungkulin sa bahay​—hindi mo hahayaan ang iyong sarili na magmukmok sa pagdadalamhati. Kaya nga, humanap tayo ng mga paraan upang makasumpong ng kaligayahan kapag bumukod na ang iyong mga anak.

Pagtuunan ng Pansin ang Positibo

Mangyari pa, kung ikaw ay nalulungkot at kailangan mong umiyak o ibulalas ang iyong mga damdamin sa isang madamaying kaibigan, gawin mo iyon. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Ang pagkabalisa sa puso ng isang tao ay nagpapayuko roon, ngunit ang mabuting salita ay nagpapagalak doon.” (Kawikaan 12:25) Kung minsan ang iba ay nakapagbibigay ng bagong pangmalas sa mga bagay-bagay. Halimbawa, isang mag-asawang nagngangalang Waldemar at Marianne ay nagpayo: “Malasin ang bagay na iyon, hindi bilang isang kawalan, kundi bilang ang matagumpay na pag-abot ng isang tunguhin.” Ano ngang positibong pangmalas sa mga bagay-bagay! “Natutuwa kami at napalaki namin ang aming mga anak na lalaki upang maging responsableng mga adulto,” ang sabi ng isang mag-asawang nagngangalang Rudolf at Hilde.

Pinagsikapan mo bang palakihin ang iyong anak “sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova”? (Efeso 6:4) Kahit na nagawa mo na iyon, nababalisa ka pa rin tungkol sa kaniyang pagbukod. Subalit doon sa mga nagsanay sa kanilang anak, tinitiyak ng Bibliya na “kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan iyon.” (Kawikaan 22:6) Hindi ba totoong nakalulugod makita na ang iyong anak ay tumugon sa iyong pagsasanay? Ganito ang sinabi ni apostol Juan hinggil sa kaniyang espirituwal na pamilya: “Wala na akong mas dakila pang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.” (3 Juan 4) Marahil ay gayundin ang madarama mo sa iyong sariling anak.

Totoo, hindi lahat ng mga anak ay tumutugon sa Kristiyanong pagsasanay. Kung totoo ito sa iyong malaki nang anak, hindi ito nangangahulugan na ikaw ay bigo bilang isang magulang. Hindi mo kailangang kapootan ang iyong sarili kung ginawa mo naman ang lahat ng magagawa mo upang palakihin siya sa makadiyos na paraan. Alamin mo na bilang isang adulto ay dadalhin ng iyong anak ang kaniyang sariling pasan ng pananagutan sa harap ng Diyos. (Galacia 6:5) Huwag mawalan ng pag-asa na marahil sa kalaunan ay muli niyang isasaalang-alang ang kaniyang mga pasiya at na ang “palaso” sa wakas ay pupunta rin kung saan ito iniasinta.​—Awit 127:4.

Isang Magulang Pa Rin!

Bagaman ang paglisan ng iyong anak ay naghuhudyat ng isang malaking pagbabago, hindi ito nangangahulugan na ang iyong trabaho bilang isang magulang ay tapos na. Ganito ang sabi ng espesyalista sa kalusugang-pangkaisipan na si Howard Halpern: “Ikaw ang magulang hanggang sa araw na ikaw ay mamatay, subalit ang pagbibigay at pangangalaga ay kailangang baguhin na.”

Malaon nang kinilala ng Bibliya na ang pagiging magulang ay hindi humihinto dahil lamang sa lumaki na ang isang anak. Ang Kawikaan 23:22 ay nagsasabi: “Dinggin mo ang iyong ama na nagpangyaring maisilang ka, at huwag mong hamakin ang iyong ina dahil lamang sa siya’y matanda na.” Oo, kahit na ‘tumanda na’ ang mga magulang at ang kanilang mga anak ay mga adulto na, ang mga magulang ay maaari pa ring maging isang mahalagang impluwensiya sa buhay ng kanilang mga anak. Mangyari pa, kailangang gumawa ng ilang pagbabago. Subalit kailangang baguhin sa pana-panahon ang lahat ng ugnayan upang panatilihin itong bago at kasiya-siya. Kaya ngayong malalaki na ang iyong mga anak, sikaping magkaroon ng mas adultong pakikitungo sa kanila. Kapansin-pansin, ipinakikita ng mga pag-aaral na ang ugnayang magulang-anak ay kadalasang bumubuti kapag bumukod na ang mga anak! Habang nakakaharap ng mga anak ang mga panggigipit ng tunay na daigdig, karaniwang nakikita nila ang kanilang mga magulang sa isang bagong aspekto. Ganito ang sabi ng Alemang lalaki na nagngangalang Hartmut: “Ngayon ay mas nauunawaan ko ang aking mga magulang at natanto ko kung bakit nila ginawa ang mga bagay nang gayon.”

Iwasang Makialam

Gayunman, malaking pinsala ang magagawa kung ikaw ay makikialam sa personal na buhay ng iyong adultong anak. (Ihambing ang 1 Timoteo 5:13.) Isang babaing may-asawa na dumaranas ng matinding tensiyon sa kaniyang mga biyenan ang naghihimutok: “Mahal namin sila, ngunit gusto lamang naming magkaroon ng sariling buhay at gumawa ng aming sariling mga pasiya.” Siyempre pa, walang maibiging magulang ang hindi kikilos habang ang isang adultong anak ay nahuhulog sa kasakunaan. Ngunit karaniwan nang pinakamabuting iwasan ang magbigay ng payo bilang magulang kung hindi ito hinihiling, gaano man katalino o kahusay nito. Totoo ito lalo na kapag nag-asawa na ang anak.

Ganito ang payo ng Gumising! noong 1983: “Tanggapin ang inyong nagbagong papel. Tinalikdan ninyo ang inyong trabaho bilang isang yaya nang ang inyong sanggol ay magsimulang lumakad. Sa gayunding paraan, dapat ninyo ngayong palitan ang inyong pinakamamahal na papel bilang tagapangalaga tungo sa papel bilang tagapayo. Ang paggawa ng mga pasiya sa inyong anak sa yugtong ito ng buhay ay hindi angkop na gaya ng pagpapadighay o pagpapasuso sa kaniya. Bilang tagapayo, mayroon kayong tiyak na mga hangganan. Hindi na ninyo mabisang magagamit ang inyong awtoridad bilang magulang. (‘Gawin mo ito sapagkat iyan ang sabi ko.’) Kinakailangang may paggalang sa katayuan ng inyong anak bilang isang may sapat nang gulang.”a

Maaaring hindi ka sang-ayon sa lahat ng mga pasiya ng iyong anak at ng kaniyang kabiyak. Subalit ang paggalang sa kabanalan ng pag-aasawa ay makatutulong sa iyo na bawasan ang iyong pagkabalisa at iwasan ang di-kinakailangang pakikialam. Ang totoo, karaniwang makabubuting hayaan na ang bagong mag-asawa mismo ang lumutas sa kanilang mga problema. Kung hindi, maaaring bumangon ang di-kinakailangang pagtatalo kapag nagbibigay ng hindi naiibigang payo sa isang manugang na lalaki o babae na, sa maselan na yugtong ito ng pag-aasawa, maaaring napakasensitibo sa pagpuna. Ganito pa ang payo ng nabanggit na artikulo sa Gumising!: “Sugpuin ang hilig na gumawa ng walang-katapusan, hindi hinihiling na mga mungkahi, na maaaring gumawa sa isang manugang na lalaki o babae na maging isang kaaway.” Sumuporta​—huwag makialam. Sa pamamagitan ng pag-iingat ng mabuting ugnayan, ginagawa mong madali para sa iyong anak na lumapit sa iyo kung talagang kinakailangan ang payo.

Pagpapanibago sa Buklod ng Pag-aasawa

Para sa maraming mag-asawa, ang bakanteng pugad ay maaari ring magbukas ng posibilidad para sa higit na kaligayahan ng mag-asawa. Ang panahon at pagsisikap na sangkot sa matagumpay na pagpapalaki ng anak ay maaaring maging totoong umuubos-panahon anupat nakakaligtaan ng mga mag-asawa ang kanila mismong ugnayan. Ganito ang sabi ng isang asawang babae: “Ngayong wala na ang mga bata, sinisikap namin ni Konrad na maging malapit na muli sa isa’t isa.”

Palibhasa’y malaya na mula sa araw-araw na mga pananagutan sa pagpapalaki ng mga anak, maaaring magkaroon kayo ng higit na panahon ngayon para sa isa’t isa. Ganito ang sabi ng isang magulang: “Ang bagong-tuklas na malayang panahong ito . . . ay nagpapahintulot sa amin na magtuon ng higit na pansin sa kung sino kami, higit na pagbuhusan ng pag-iisip ang pag-alam ng tungkol sa aming kaugnayan, at simulang gawin ang mga bagay na makatutugon sa aming mga pangangailangan.” Sabi pa niya: “Panahon ito ng bagong pagkatuto at hindi kapani-paniwalang pagsulong, at bagaman ang mga panahong iyon ay maaaring nakababahala, ito rin naman ay nakatutuwa.”

Ang ilang mag-asawa ay nagkakaroon din ng higit na kalayaan sa pananalapi. Ang mga libangan at karera na isinaisang-tabi ay maaari na ngayong itaguyod. Sa mga Saksi ni Jehova, ginagamit ng maraming mag-asawa ang kanilang bagong tuklas na kalayaan upang itaguyod ang espirituwal na mga kapakanan. Isang ama na nagngangalang Hermann ay nagpapaliwanag na nang bumukod na ang kanilang mga anak, agad na ibinaling nilang mag-asawa ang kanilang pansin sa pagbabalik sa buong-panahong ministeryo.

Ang Pagpapahintulot ng mga Nagsosolong Magulang na Bumukod ang Kanilang mga Anak

Ang pakikibagay sa bakanteng pugad ay lalo nang mahirap sa mga nagsosolong magulang. Si Rebecca, isang ina ng dalawang anak, ay nagsabi: “Kapag bumukod na ang aming mga anak, wala kaming asawa na makakasama at magmamahal sa amin.” Maaaring nasumpungan ng nagsosolong magulang ang kaniyang mga anak bilang siyang pinagmumulan ng emosyonal na tulong. At kung sila ay tumutulong sa pinansiyal ng sambahayan, ang kanilang paglisan ay maaari ring maging isang problema sa pananalapi.

Nagagawa naman ng ilan na mapabuti ang kanilang kalagayan sa kabuhayan sa pamamagitan ng pagpapatala sa mga programang pagsasanay-sa-trabaho o sa maiikling kurso sa paaralan. Subalit paano pinupunan ng isa ang pangungulila? Ganito ang sabi ng isang nagsosolong magulang: “Ang nakatulong sa akin ay ang pananatili kong abala. Ito’y maaaring ang pagbabasa ng Bibliya, paglilinis ng bahay, o basta paglalakad o pagtakbo. Subalit ang pinakakapaki-pakinabang na paraan para sa akin upang madaig ang pangungulila ay ang pakikipag-usap sa isang kaibigang mahusay ang espirituwalidad.” Oo, “palawakin,” at paunlarin ang bago at kasiya-siyang pakikipagkaibigan. (2 Corinto 6:13) ‘Magmatiyaga sa pagsusumamo at mga panalangin’ kapag ikaw ay totoong nalulungkot. (1 Timoteo 5:5) Tiyak na palalakasin at aalalayan ka ni Jehova sa mahirap na yugtong ito ng pakikibagay.

Maligayang Pagpapahintulot na Bumukod

Anuman ang iyong kalagayan, tantuin mo na ang buhay ay hindi natatapos kapag bumukod na ang mga anak. Ni napuputol man ang mga tali ng pamilya. Ang matimyas na pag-ibig na inilalarawan sa Bibliya ay may sapat na tibay upang buklurin ang mga tao, kahit na kung sila’y magkalayo. Si apostol Pablo ay nagpapaalaala sa atin na “tinitiis [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” (1 Corinto 13:7, 8) Ang walang-pag-iimbot na pag-ibig na nilinang mo sa iyong pamilya ay hindi basta mabibigo dahil lamang sa bumukod na ang iyong mga anak.

Kapansin-pansin, kapag nakaharap ng mga anak ang mga hapdi ng pagkakahiwalay at pananabik na umuwi o kapag nadama nila ang sakit ng panggigipit sa kabuhayan, kadalasan nang sila ang unang nakikibalita. Ganito ang payo nina Hans at Ingrid: “Ipaalam sa mga anak na ang pinto ng inyong tahanan ay laging nakabukas.” Ang regular na mga pagdalaw, sulat, o paminsan-minsang tawag sa telepono ay tutulong sa iyo na makipagbalitaan. “Maging interesado sa kung ano ang kanilang ginagawa nang hindi naman nanghihimasok sa kanilang buhay” ang pagkakasabi rito nina Jack at Nora.

Kapag bumukod na ang mga anak, nagbabago na ang iyong buhay. Subalit ang buhay sa isang bakanteng pugad ay maaaring maging abala, aktibo, at kasiya-siya. Isa pa, ang iyong kaugnayan sa iyong mga anak ay nagbabago. Gayunman, maaari pa rin itong maging isang maligaya at kasiya-siyang ugnayan. “Ang paghiwalay mula sa mga magulang,” ang sabi nina Propesor Geoffrey Leigh at Gary Peterson, “ay hindi nagpapahiwatig ng kawalan ng pag-ibig, katapatan, o paggalang sa mga magulang. . . . Tunay, ang matibay na tali ng pamilya ay kadalasang nananatili habang buhay.” Oo, kailanma’y hindi ka hihinto sa pagmamahal sa iyong mga anak, at kailanman’y hindi ka hihinto sa pagiging kanilang magulang. At dahil sa minahal mo ang iyong mga anak nang sapat upang pahintulutan silang bumukod, ang totoo’y hindi naman sila nawala sa iyo.

[Talababa]

a Tingnan ang artikulong “Kailanma’y Hindi Kayo Humihinto sa Pagiging Magulang,” sa Hulyo 8, 1983, na labas ng Gumising!

[Blurb sa pahina 12]

“Sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay . . . , basta na lamang ako nag-iiyak nang nag-iiyak”

[Kahon/Mga larawan sa pahina 10]

Isang Mungkahi sa Malalaki Nang Anak​—Tulungan ang mga Magulang na Tanggapin ang Pagbukod

Ang paglisan ay karaniwan nang mas madaling harapin kaysa ang maiwanan. Kaya habang ikaw ay nagsasaya sa iyong pagsasarili at pagiging adulto, magpakita ng kabaitan at pang-unawa sa iyong mga magulang kung sila’y nahihirapang makibagay. Tiyakin sa kanila ang iyong patuloy na pag-ibig at pagmamahal. Ang maikling sulat, isang di-inaasahang regalo, o isang magiliw na tawag sa telepono ay may malaking magagawa upang pasayahin ang isang nalulungkot na magulang! Patuloy na ipaalam sa kanila ang mahahalagang pangyayari sa iyong buhay. Ipinababatid nito sa kanila na malakas pa rin ang buklod ng pamilya.

Habang nakakaharap mo ang mga panggigipit ng adultong buhay, malamang na pahahalagahan mo higit kailanman ang pinagdaanan ng iyong mga magulang sa pangangalaga sa iyo. Marahil ay magpapakilos ito sa iyo na sabihin mo sa iyong mga magulang: “Salamat po sa lahat ng ginawa ninyo para sa akin!”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share