Pagmamasid sa Daigdig
Bumababa ang Pag-aasawa
Sa Canada, ang pag-aasawa bilang isang institusyon ay mabilis na bumababa. Ayon sa isang ulat ng Statistics Canada, sa nakalipas na 15 taon, “ang bilang ng mga taga-Canada na nagsasama na lamang ay halos natriple mula 700,000 tungo sa 2 milyon—na ang antas ng pagdami taun-taon ay anim na ulit kaysa niyaong sa pag-aasawa,” sabi ng The Toronto Star. Karagdagan pa, “ang kalahati ng lahat ng unang pagsasama sa Canada ngayon ay hindi na kasal at ang bilang ay umaabot ng apat sa bawat lima sa Quebec.” Bakit nagkaroon ng pagbabago? Ang pagsasama ng di-kasal ay “maliwanag na bahagi ng rebolusyon sa lipunan, isa sa sunud-sunod na pagtanggi ng mga institusyon na itinatag ayon sa kaayusan ng lipunan na lumilipas na,” ayon sa ulat. Binanggit ng artikulo sa pahayagan na “ang pagsasama nang di-kasal ay itinuring noon na isang pagsubok sa pag-aasawa, ngunit ngayon ay ipinalalagay na ito bilang isa pang mapagpipilian.”
“Ala-Moises”
Dalawang pisisista mula sa Hapón ang matagumpay na nakapaghati ng tubig sa isang laboratoryo, ulat ng New Scientist. Sina Masakazu Iwasaka at Shogo Ueno, ng Unibersidad ng Tokyo, ay gumamit ng malakas na mga ikid ng alambre ng kuryente upang makalikha ng malakas na magnetic field sa palibot ng isang pahalang na tubo na may tubig na hindi punô. Ang magnetic field, na may mga 500,000 ulit ang lakas kaysa niyaong sa lupa, ay nagtulak sa tubig upang umagos sa magkabilang dulo ng silindro (cylinder), anupat natuyo ang gitnang bahagi nito. Ang kababalaghang ito, na unang natuklasan ng mga siyentipiko noong 1994, ay inulit ng mga pisisista sa Europa at sa Estados Unidos. Paano nangyari ito? Ayon kay Koichi Kitazawa, isang kasamahan sa Unibersidad ng Tokyo, ang tubig “ay bahagyang naiuurong ng magnet. Kaya naitataboy ng malakas na magnet ang tubig, at itinutulak ito palayo sa mga lugar na malakas ang magnet tungo sa mga lugar na mahina ito.” Binansagan ni Kitazawa ang kababalaghang ito na “Ala-Moises.”
Mga Walang-Modong Turista
Ang mayamang pamana ng Italya sa kultura ang dahilan kung kaya naging popular ito sa mga turista. Kaya lamang, madalas na nakalilimot ang mga bakasyunista kung tungkol sa kabutihang-asal. Ayon kay Mario Lolli Ghetti, komisyonado para sa pamanang pangkapaligiran at pang-arkitektura sa Florence, “marami ang nag-aakalang magagawa nila ang mga bagay na ni sa panaginip ay hindi nila kailanman gagawin kung nasa kanilang lugar.” Kaya nga, ang lunsod ng Florence ay gumawa ng isang “Karta ng mga Karapatan at Tungkulin ng mga Turista,” na nagpapaalaala sa mga panauhin ng mga puwede at di-puwede nilang gawin, ulat ng La Repubblica. Narito ang ilang paalaala: Huwag maliligo o maglulusong ng inyong mga paa sa mga fountain; huwag magpipiknik sa harap ng mga monumento at museo; huwag magtatapon ng mga lata o chewing gum sa paligid; huwag magsusuot ng walang-manggas na mga T-shirt kapag bumibisita sa mga museo; at huwag magbibilad sa araw nang nakapampaligo sa mga makasaysayang halamanan at liwasan. Mangyari pa, pinasasalamatan at tinatanggap pa rin ang mga may-modong turista.
Ang Problema ng Pagpapasuso sa Sanggol
“Sa loob ng dalawang dekada, ang mga doktor at mga ahensiya ng pampublikong kalusugan ay nagbigay ng magkatulad na payo sa mga bagong ina sa mas mahihirap na bansa: Pasusuhin sa inyo ang inyong mga anak upang maingatan ang kanilang kalusugan,” sabi ng The New York Times. “Subalit ngayon, hindi na mabisa ang simpleng payong iyan dahil sa paglaganap ng AIDS. Ipinakikita ng mga pag-aaral na may malaking porsiyento na naisasalin ito ng mga inang may AIDS virus sa pamamagitan ng gatas nila. . . . Kamakailan ay kinalkula ng United Nations na sang-katlo ng lahat ng mga sanggol na may H.I.V. ang nagkaroon ng virus dahil sa gatas ng kani-kanilang ina.” Ang maihahalili ay ang tinitimplang gatas para sa sanggol, ngunit may sarili rin itong mga problema. Ang mga ina sa maraming bansa ay walang salapi upang ibili ng tinitimplang gatas o mag-isterilisa ng mga bote at walang makuhang malinis na tubig. Bunga nito, ang mga sanggol ay nagkakaroon ng diarrhea at nagkukulang ng tubig sa katawan gayundin ng mga sakit sa palahingahan at gastrointestinal. Ang mahihirap na pamilya ay nagbabanto ng maraming tubig sa gatas, kung kaya mahihina ang katawan ng mga sanggol. Nagsisikap ngayon ang mga opisyal sa kalusugan na pagtimbangin ang dalawang isyu. Sa buong daigdig, may mahigit na 1,000 bagong kaso ng impeksiyon ng HIV sa mga sanggol at mga bata araw-araw.
Lalong Lumulubha ang Kalagayan ng Kalinisan sa Daigdig
“Halos tatlong bilyon katao, mahigit na kalahati ng populasyon ng daigdig, ang wala kahit malinis-linis man lamang na palikuran,” ulat ng The New York Times. Isinisiwalat din ng natuklasang ito, na bahagi ng taunang surbey ng Progress of Nations na isinagawa ng UNICEF (United Nations Children’s Fund), na “ang estadistika sa kalinisan ay kabilang sa mga lumulubha sa buong daigdig, hindi bumubuti.” Halimbawa, ang ilang bansa na sumulong sa paglalaan ng malinis na tubig para sa mahihirap ay nagkulang kung tungkol sa mga tubo na pinagdaraanan ng dumi. Ang kakulangang ito ng pangunahing kalinisan ay may malaking nagagawa sa pagkalat ng mga bagong salot at sa pagbabalik ng mga dating sakit, ayon sa ulat. Tinatayang mahigit na dalawang milyong bata ang namamatay taun-taon dahil sa mga sakit na may kaugnayan sa maruruming kalagayan. Si Akhtar Hameed Khan, awtor ng pag-aaral, ay nagsasabi: “Kung ang antas ng iyong kalinisan ay pang-edad medya, ang antas ng iyong sakit ay pang-edad medya rin.”
Pinakamahalaga ang Tahanan
Ang day care ba—pangangasiwa ng ibang tao sa mga bata habang nagtatrabaho ang mga magulang—ay mabuti sa mga bata? Iyan ang ibig matuklasan ng isang pag-aaral ng National Institute of Child Health and Human Development sa Estados Unidos. Sinubaybayan ng mga prominenteng mananaliksik sa pangangalaga sa bata sa 14 na unibersidad ang 1,364 na bata mula sa kanilang pagsilang hanggang tatlong taon. Mahigit sa 20 porsiyento ang inalagaan ng kani-kanilang ina sa tahanan; ang natira ay ipinasok sa mga day-care center o sa mga tahanan ng mga upahang tagapag-alaga ng bata. Ang resulta? “Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga batang nasa day care na may kalidad—yaong uri na palagi silang kinakausap ng matatanda sa isang mabait na paraan—ay may bahagyang bentaha kaysa sa mga batang hindi gaanong pinapansin kung tungkol sa kakayahan sa wika at pagkatuto,” sabi ng magasing Time. “Ngunit ang pinakapangunahing konklusyon ay na walang gaanong halaga ang epekto ng day care sa mental at emosyonal na pagsulong ng mga bata kaysa sa likas na katangian ng kanilang buhay pampamilya. . . . Kinalkula ng mga mananaliksik na 1% lamang sa pagkakaiba ng mga bata ang nagmumula sa day care samantalang 32% naman ay bunga ng iba’t ibang kalidad ng kanilang mga karanasan sa loob ng kani-kanilang pamilya. Ano ang ibig sabihin? Ang tahanan ang mahalagang sentro ng pagkatuto.”
Pambihirang Pagkakaibigan
Malaon nang pinagtatakhan ng mga siyentipiko ang relasyon ng mga langgam at ng mga punong akasya sa Aprika. Binibigyan ng mga punungkahoy ang mga langgam ng pagkain at tirahan. Sinasalakay naman ng mga langgam ang mga insektong sumisira ng mga punungkahoy at kinakagat ng mga ito ang mga hayop na nanginginain ng mga dahon nito. Makikitang umaasa ang mga punungkahoy sa proteksiyong ito para sa kanilang kaligtasan. Ngunit kailangan din ng mga punungkahoy ang lumilipad na mga insekto upang magkaroon ng polinasyon sa kanilang mga bulaklak. Kung gayon, paano magagawa ng mga insekto ang polinasyon? Ayon sa magasing pansiyensiya na Nature, kapag ang mga punungkahoy ay “hitik na hitik na sa bulaklak,” ang mga ito’y naglalabas ng kemikal na waring sumasansala sa mga langgam. Dito nagkakaroon ng pagkakataon ang mga insekto na makadapo sa mga bulaklak “sa napakahalagang panahong ito.” Sa gayon, kapag tapos na ang polinasyon, magbabantay na muli ang mga langgam.
Natuklasan ang Bibliyang Gutenberg
Isang bahagi ng Bibliya na inilimbag ni Johannes Gutenberg noong ika-15 siglo ang natuklasan sa isang archive ng simbahan sa Rendsburg, Alemanya. Nang matuklasan ito noong pasimula ng 1996, ang 150-pahinang bahagi ng Bibliya ay maingat munang sinuri bago ihayag na tunay nga itong Gutenberg, pag-uulat ng Wiesbadener Kurier. Sa buong daigdig, 48 Bibliyang Gutenberg ang sinasabing umiiral, na sa mga ito ay 20 ang kumpleto. “Ang popular na dalawang-tomong mga Bibliya na inilimbag ni Johannes Gutenberg ang kinikilalang unang pangunahing gawa sa paglilimbag ng aklat,” ayon sa pahayagan. “Buo pa rin ang tanikala ng orihinal na aklat [ng pinakahuling tuklas na ito], na ginamit para igapos ang Bibliya sa pulpito upang hindi ito manakaw.”
Mabuhay Nang Mas Matagal
Ano ang kailangan upang manatiling malusog at mabuhay nang mas matagal? “Ang pagkakaroon ng tendensiya na mapanatili ang isang kalooban na totoong malaya mula sa mga alalahaning pangkaisipan ay mas higit na nagpapaunlad ng pisikal na kalusugan kaysa sa magagawa ng ehersisyo o mga kinaugalian sa pagkain,” sabi ni Dr. George Vaillant ng Brigham and Women’s Hospital, sa Boston. Ang opinyon ni Vaillant ay batay sa ginagawang pag-aaral sa mahigit na 230 lalaki na orihinal na nirekrut noong 1942. Nang sumapit sa edad 52, ang mga lalaking may mabuting kalusugan ay binahagi sa tatlong grupo: yaong itinuturing na “nababagabag” (naging abusado sila sa alkohol, regular na gumagamit ng pampakalma (tranquilizer), o kumonsulta na sa isang sikayatrista), “di-nababagabag” (hindi sila kailanman naging abusado sa alkohol, hindi kailanman uminom ng mga gamot na nagpapabago ng pakiramdam, o kumonsulta kailanman sa isang sikayatrista), at “nasa pagitan” (ang mga ito’y nasa gitna ng dalawang grupo). Pagsapit ng 75 taon, “5 porsiyento lamang ng mga [di-nababagabag] ang namatay, kung ihahambing sa 25 porsiyento ng grupong nasa pagitan, at sa 38 porsiyento ng mga lalaking nababagabag,” ulat ng Science News. Mangyari pa, ang patuloy na pagkain ng nakapagpapalakas na pagkain at ang regular na pag-eehersisyo ay tumutulong sa pagkakaroon ng mabuting kalusugan. Ngunit ang “pampahaba ng buhay, sa mga lalaki sa paanuman, ay waring depende sa pagkakaroon ng emosyonal na katatagan na nagwawaksi sa matinding hapdi ng panlulumo,” sabi ng Science News.