Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 2/8 p. 25-28
  • Ecuador—Isang Bansang Nakasaklang sa Ekwador

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ecuador—Isang Bansang Nakasaklang sa Ekwador
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Iba’t Ibang Kulay
  • Iba’t Ibang Klima
  • Mga Hummingbird at Condor
  • Mga Gamot na Halaman
  • Mga Palengke sa Kabundukan
  • Mga Bundok sa Kaulapan
  • Dilim sa Ibabaw ng Maulang Gubat
    Gumising!—1997
  • Kusang-loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Ecuador
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Kamangha-manghang mga Tuklas sa Ekwador ng Lupa
    Gumising!—2005
  • Ang mga Pakinabang sa Maulang Gubat
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 2/8 p. 25-28

Ecuador​—Isang Bansang Nakasaklang sa Ekwador

BILANG mga panauhin mula sa Europa, ang napansin agad naming mag-asawa tungkol sa Ecuador ay ang ekwador. Totoo, ito’y isang di-nakikitang linya, subalit ang impluwensiya nito sa Ecuador ay di-mapag-aalinlanganan.

Ang pangalang Ecuador ay salitang Kastila para sa “ekwador.” Maaaring akalain ng ilan na ang ekwador ang nakaiimpluwensiya sa klima ng Ecuador. Subalit, pagdating na pagdating namin, natuklasan namin na ang mainit o malamig na panahon ay higit na may kinalaman sa taas ng lugar kaysa sa heograpikong lokasyon. Yamang ang araw ay halos nasa ulunan lamang sa buong taon sa latitud na ito, ang taas mula sa kapatagan ng dagat ay isa sa pinakamagaling na giya sa pag-alam kung ilang suson ng damit ang isusuot.

Bagaman isinasagisag ng ekwador ang Ecuador, ang Andes naman ang nagbigay sa bansa ng karakter. Palibhasa’y nakahalang na mistulang gulugod, ang mariringal na bundok na ito ay nagbigay ng walang-katapusang pagkakasari-sari ng tanawin.

Iba’t Ibang Kulay

Ang aming pangalawang impresyon tungkol sa Ecuador ay ang kulay nito. Isang umaga pagdating na pagdating namin, naupo kami sa lilim ng ilang malalaking punungkahoy. Sinalubong kami ng harana ng mga ibong oriole na mistulang tunog ng plauta, ng sunud-sunod na talakan ng mga ibong wren, at ng pagkakaingay ng walang-pakundangang mga antpittas na wari’y mga tunog ng kuwerdas na walang tono. Subalit ang mga kulay nila ay mas nakaaakit kaysa sa mga tunog.

Biglang sumibad mula sa pagkakadapo nito ang matingkad na pulang flycatcher na nagkukulay krimson upang dagitin ang isang lamok. Isang kawan ng mga parakeet na kulay matingkad na berde ang nagkakaingay sa galit sa isang turkey vulture na lilipad-lipad sa kanilang ulunan. Ang matingkad na kulay dilaw-at-itim na mga oriole at ang mga paruparong morpho na kulay asul na matingkad ay nakaragdag sa pahid ng mga kulay sa di-malilimot na tanawing ito.

Habang nililibot namin ang bansa, napansin namin na ang matitingkad na kulay ng mga ibon at paruparo ay siya ring kulay ng pananamit at mga gawang-kamay sa Ecuador. Halimbawa, ang kulay krimson ng flycatcher ay katerno ng kulay iskarlatang palda ng babaing Indian sa Cañar. At waring nasa matitingkad na tapestri ng mga Indian sa Otavalo ang lahat ng kulay na makikita sa Ecuador.

Iba’t Ibang Klima

Ang ekwador at ang Andes ay nagkakatulong upang maranasan ang iba’t ibang klima sa Ecuador. Sa loob ng ilang milya​—na nalilipad ng condor​—ang klima ay nagbabago mula sa mahalumigmig na init ng tropiko ng Amason tungo sa mga niyebe sa taluktok ng mga bundok.

Isang araw, namasyal kami mula sa paanan ng mga burol na malapit sa liblib ng Amason patungo sa matataas na bundok na nakapalibot sa Quito. Habang umaakyat ang aming kotse, napagmasdan namin ang unti-unting pagbabago mula sa maulang gubat ng tropiko tungo sa maulap na gubat, na sa dakong huli ay naging tiwangwang na latian, o paramo. Dahil sa malalaking pagbabago sa tanawin pakiramdam nami’y naglakbay kami mula sa Aprika na malapit sa ekwador tungo sa kaitaasan ng Scotland sa loob lamang ng ilang oras.

Marami sa mga bayan at lunsod ng Ecuador ang nasa mga libis na natatakpan ng mga bundok, kung saan ang klima ay masasabing mistulang tagsibol sa kabuuan ng taon. Gayunman, ang mga bayan na nasa itaas ng Andes ay nakararanas ng alinman sa apat na panahon sa anumang oras​—at kung minsan lahat ng apat na iyon sa loob ng isang araw! Sabi nga ng isang makaranasang biyahero, “ang pinakatiyak sa klima ng Ecuador ay ang pagiging di-tiyak nito.”

Mga Hummingbird at Condor

Ang pagkakaiba-iba ng klima ang dahilan kung bakit dumarami ang mga hayop at halaman. Ang Ecuador ay may mahigit na 1,500 uri ng ibon, na makalawang ulit ang dami kaysa sa kabuuang bilang ng nasa buong Estados Unidos at Canada at ikaanim na bahagi ng lahat ng kilalang uri sa buong mundo. Lahat ng mga ito ay masusumpungan sa isang bansa na mas maliit sa Italya.

Ang maliliit na hummingbird ang paborito namin​—may mga 120 uri ng mga ito sa Ecuador. Una naming nakita ang mga ito sa mga halamanan sa lunsod, na abalang nagpapatrulya sa mga hanay ng namumulaklak na mga palumpong sa umaga. Makikita ang mga ito sa liblib na dako ng maulang gubat ng Amason at maging sa mga dalisdis na nakahantad sa hangin sa itaas ng Andes.

Sa bayan ng Baños, gumugol kami ng isang oras sa panonood sa isang hummingbird na tinatawag na sparkling violet-ear (makinang na kulay lilang-tainga) habang nanginginain ito sa isang kumpol ng mapulang bulaklak ng gumamela. Sa walang-pagod nitong pagpapalipat-lipat sa harap ng mga bulaklak, habang buong-liksing sinisipsip ang pinakamimithing nektar, isang katalo ang dumating na may mas mahinahong paraan. Ito’y isang trainbearer na may itim na buntot, na tinawag na ganito dahil sa mahabang buntot na itim kung kaya nagmimistula itong isang itim na kometa kapag humuhuni ito sa palibot ng kaniyang teritoryo, samantalang itinataboy ang kaniyang mga kalaban. Sa halip na lumipad-lipad sa ere, ang hummingbird na ito ay dumarapo sa mga tangkay at tinutusok ang mga bulaklak mula sa likuran upang masipsip ang nektar.

Hindi lahat ng ibon sa Ecuador ay maliliit. Ang maharlikang condor, ang pinakamalaki sa lahat ng ibong maninila, ay limilipad pa rin sa ibabaw ng Andes, bagaman iilan na lamang ang mga ito. Malimit naming tinitingala ang matataas na taluktok, sa pag-asang makita ang maliwanag na anino nito, ngunit nabigo kami. Sa lugar ng Amason, ang harpy eagle​—ang pinakamalakas na ibong maninila sa buong mundo​—ay napakahirap ding mamatyagan. Kadalasan sa araw, di-mapapansing nakadapo ito sa isang sanga ng napakalaking punungkahoy sa tahimik na maulang gubat, habang nag-aabang ng madaragit na walang-malay na sloth o kaya’y unggoy.

Mga Gamot na Halaman

Marami sa mga halamang nasa Ecuador ay iginagamot at iginagayak. Nang pumunta kami sa Podocarpus National Park, sa gawing timog ng bansa, itinuro ng aming giya ang isang maliit na punungkahoy na may mapupulang berry. “Iyan ang puno ng cascarilla,” paliwanag niya. “Sa balat niyan nanggagaling ang kinina sa loob ng mga siglo.” Dalawang daang taon na ang nakalilipas, sa karatig na Loja, nailigtas ng kinina ang buhay ng isang maharlikang babaing Kastila na malapit nang mamatay dahil sa malarya. Ang reputasyon nito, na malaon nang alam ng mga Inca, ay mabilis na kumalat sa buong mundo. Bagaman sa unang tingin ay waring wala namang kabuluhan ang puno ng cascarilla, ang gamot na nakukuha sa balat nito ay nakapagligtas na ng maraming buhay.

Naroroon din sa maulap na gubat na kinaroroonan ng punungkahoy na iyon ang maraming napakatatandang punungkahoy, na ang mga buku-bukong sanga nito’y napalalamutian ng matitinik na bromeliad, na ang ilan sa mga ito’y may matitingkad-na-pulang bulaklak. Ang liblib na mga kagubatang ito ay taguan din ng mistulang nakasalaming oso, ng ocelot, at ng puma, gayundin ng di-mabilang na mga uri ng halaman na pinagsisikapan ng mga botaniko na maisama sa talaan.

Pinag-aaralan ng mga siyentipiko ang isang munting palaka mula sa Ecuador, sa pag-asang makatuklas ng mas magaling na mga pang-alis ng kirot. Ang balat ng poison-dart frog ay naglalabas ng analgesic na 200 ulit na mas mabisa kaysa sa morpina.

Sa itaas naman ng Andes, nakakita kami ng ilang halaman na noon lamang namin nakita. Ang puya, isang bromeliad na gustung-gusto ng mga hummingbird, ay nagpagunita sa amin sa isang napakalaking makalumang walis, na naghihintay lamang na may dumampot at walisin ang alabok sa paligid ng lupain. Sa kubling dako sa gawing ibaba ng tiwangwang na paramo ay naroroon ang mga pandak na kagubatan ng quinoa, isang matibay na punungkahoy na tumutubo sa mataas na lugar na gaya ng mga puno ng pino sa Himalaya. Ang malalagong punungkahoy na ito, na 2 hanggang 3 metro lamang ang taas, ay nag-aanyong isang di-mapapasok na kasukalan na gustung-gustong pamahayan ng mga ibon at hayop.

Gayunman, sa maulang gubat ng Amason, ang mga punungkahoy ay matataas at napakarami. Nang pumasyal kami sa Jatun Sacha Biological Station, tumayo kami sa ilalim ng isang higanteng punungkahoy sa kagubatan, na may taas na mahigit na tatlumpung metro. Walang anu-ano, nagulat kami nang may biglang gumalaw sa malapit sa naglalakihang ugat. Pagkatapos ay nakita namin na pinamahayan pala ng isang pamilya ng maliliit na kabág (isang uri ng paniki) ang isa sa mga siwang ng ugat. Ipinagunita sa amin ng pangyayaring ito na ang kagubatan ay talagang nakadepende sa maraming simbiyotikong ugnayang ito. Ang mga kabág, na pangunahing tagapagmudmod ng mga binhi at nagiging dahilan ng polinasyon sa maulang gubat, ay isang mahalagang kakampi ng mga punungkahoy na nagbibigay ng proteksiyon sa mga ito.

Mga Palengke sa Kabundukan

Ang mga 40 porsiyento ng populasyon ng Ecuador ay binubuo ng mga tribo ng Indian. Ang iba’t ibang grupong etniko​—bawat isa’y may sariling pagkakakilanlang kasuutan​—ay isang katangiang makikita sa maraming libis sa Andes. Kadalasan, nakakakita kami ng mga babaing Indian na umaakyat sa matatarik na landas sa mga dalisdis ng bundok, habang nag-iikid ng mga balahibo ng tupa sa kanilang paglalakad. Waring kaya nilang linangin ang alinman sa mga dalisdis gaano man katarik ang mga ito. Sinuri namin ang isang taniman ng mais, na sa tantiya’y nakakiling nang di-kukulangin sa 45 digri!

Ang mga palengke sa Ecuador, gaya ng nasa Otavalo, ay naging bantog. Mga sentro iyon na kung saan ang mga tagaroon ay namimili at nagtitinda ng mga hayop at mga ani sa bukid gayundin ng mga kinaugaliang hinabing paninda o iba pang mga gawang-kamay. Palibhasa’y namamalengke ang mga tagaroon na suot ang kanilang kinaugaliang kasuutan, ang lugar na iyon ay nagiging isang panoorin na umaakit sa maraming turista. Sinasamantala rin ng mga Saksi ni Jehova ang mga araw ng tiyangge upang ibahagi ang mensahe ng Bibliya sa mga tao.

Ang panghalina ng mga likha ng manghahabi ay ang pagkasinauna at ang paggamit ng napakaraming kinaugaliang kulay at disenyo. Matagal nang hinahabi ng mga taga-Andes ang kanilang bantog na mga poncho bago pa dumating ang mga Kastila. Bagaman moderno na ang kanilang pamamaraan, ang masisipag na Indian na ito ay gumagawa pa rin ng magagandang kasuutang niting at tapestri.

Mga Bundok sa Kaulapan

Ang paglalakbay sa Andes sakay ng kotse ay hindi para sa mahiluhin sa sasakyan. Ang mga daan ay paikut-ikot at paliku-liko, paakyat at pabulusok, habang ang mga ito’y nakadikit sa tabi ng pasikut-sikot na mga libis. Ang manlalakbay na buo ang loob ay ginagantimpalaan ng isang walang-katapusang pagbabago ng tanawin, na mailalarawan lamang bilang isang kahanga-hangang tanawin.

Habang paakyat kami sa Andes sa kauna-unahang pagkakataon, ang kaulapan​—na halos laging naroroon​—ay bumalot sa aming sasakyan. Kung minsan ay sumusulpot kami mula sa kaulapan at nakikita namin sa malayo ang kahabaan ng paalun-alon na mga libis na punô ng kaulapan. Habang naglalakbay sa sunud-sunod na mga bundok na ito sa Andes, parang nakikipaglaro ang kaulapan sa amin. Sa isang saglit, ang libis na dinaanan namin ay ganap na nalulukob ng kaulapan. Pagkalipas ng ilang saglit, ang susunod na libis ay nasisinagan naman ng mainit na sikat ng araw.

Kung minsan ay papaitaas na umiikot ang kaulapan mula sa ibaba; kung minsan naman ay gumugulong ito mula sa tuktok ng bundok sa itaas. Bagaman nakayayamot kapag natatakpan nito ang magandang tanawin, tunay na utang pa rin sa kaulapan ang karingalan at hiwaga ng matataas na taluktok sa ibabaw nito. Ang mas mahalaga, nagbibigay ito ng buhay sa maulap na gubat, na kumukuha ng mahalagang halumigmig mula rito.

Nang huling umaga namin sa Ecuador, nawala ang kaulapan. Sa loob ng ilang oras ay napagmasdan namin ang napakarikit na Cotopaxi​—ang halos perpektong hugis-kono na nababalot ng yelo. Ang bulkang ito na aktibo, ang pinakamataas sa buong mundo, ay ginawang pinakasentro ng isang parkeng pambansa. Nang mapalapit kami sa tuktok, nagulat kami nang makita namin ang isang napakalaking kimpal ng yelo na unti-unting nahuhulog sa isa sa pang-itaas na dalisdis nito. Sa taas na 6,000 metro, nagtagumpay ito sa paghamon sa makapangyarihang araw na malapit sa ekwador.

Kinabukasan, habang umaalis ang aming eroplano sa Quito upang maglakbay pauwi, pinagmasdan namin sa huling pagkakataon ang Ecuador. Sa liwanag ng pagbubukang-liwayway, nakita namin ang Cayambe, isa pang bulkan na ang tuktok ay nababalot ng niyebe, na nakausli sa ibabaw ng kaulapan at kumikinang na halos parang ginto sa sikat ng araw. Ang bulkang ito, na ang taluktok ay halos nasa ekwador mismo, ay waring isang naaangkop na sagisag ng pamamaalam ng kahanga-hangang bansa na aming pinasyalan. Gaya ng Cayambe, ang Ecuador ay maharlikang nakasaklang sa ekwador.​—Isinulat.

[Mga larawan sa pahina 25]

Tanawin sa Andes, na nasa likod ang bulkang Cotopaxi

Indian na nagtitinda ng bulaklak

[Mga larawan sa pahina 26]

1. Damong ligáw

2. Ibong toucan barbet

[Credit Line]

Foto: Zoo de Baños

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share