Kamangha-manghang mga Tuklas sa Ekwador ng Lupa
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ECUADOR
MAINIT ang debate tungkol sa eksaktong hugis ng planetang lupa sa bantog na Academy of Sciences sa Paris noong 1735. Ayon sa konklusyon ng mga sumusuporta sa mga teoriya ni Isaac Newton, ang lupa ay hugis espero (sphere) na bahagyang patag sa magkabilang polo. Sinasabi naman ng mga sumusuporta sa teoriya ni Cassini na sa ekwador medyo patag ang lupa.
Bunga nito, noong 1736, nagpadala ng dalawang ekspedisyon upang sukatin ang kurbada ng lupa. Ang isa ay nagtungo sa Lapland, patungong Polong Hilaga, samantalang ang isa naman sa tinatawag ngayong Ecuador, sa bandang ekwador.a Napatunayan sa imbestigasyon na tama ang mga sumusuporta kay Newton.
Noong 1936, bilang pag-alaala sa ika-200 anibersaryo ng ekspedisyong iyon ng mga Pranses, itinayo ang isang monumento malapit sa kabisera ng Ecuador, sa Quito. Ang monumento ay nasa linya na ayon sa sukat ng mga siyentipikong Pranses noong ika-18 siglo ay zero digri ang latitud, o nasa ekwador. Hanggang ngayon, dinadagsa ng maraming turista ang monumentong ito na tinatawag na Gitna ng Mundo. Maaari nilang itapak dito ang kanilang mga paa sa magkabilang panig ng ekwador at ng hemisperyo. Pero magagawa nga ba nila ito?
Hindi naman talaga. Ayon sa kamakailang mga tuklas, naiba nang bahagya ang kinaroroonan ng ekwador. Maraming siglo bago pa dumating ang mga Pranses na nagsaliksik sa teoriya ni Newton, kamangha-mangha na natukoy na ng mga katutubong naninirahan doon ang eksaktong lokasyon nito. Subalit paano?
Ang Tunay na Ekwador
Natuklasan noong 1997 ang waring di-mahalagang labí ng pader na hugis hating-bilog sa taluktok ng Bundok Catequilla, na bahagyang nasa hilaga ng Quito. Gamit ang teknolohiya sa satelayt na Global Positioning System (GPS), natuklasan ng imbestigador na si Cristóbal Cobo na ang isang dulo ng pader na ito ay eksaktong nasa ekwador.b
Madaling sabihin na nagkataon lamang ang pagkakatapat ng pader sa tunay na ekwador. Gayunman, kapag nagdrowing ng linya na nagdurugtong sa magkabilang dulo ng pader, ang linyang ito ay lumilikha ng anggulong 23.5 digri sa ekwador. Halos eksaktong anggulo ito ng pagkakahilig ng axis ng lupa!c Bukod dito, ang isang dulo ng linyang ito ay nakaturo sa direksiyon ng lugar na sinisikatan ng araw tuwing solstice ng Disyembre; at ang kabilang dulo naman ay nakaturo sa lugar na nilulubugan ng araw tuwing solstice ng Hunyo. Marami pang sumunod na natuklasan.
Gamit ang theodolite sa taluktok ng Catequilla, napansin ng mga mananaliksik na ang mga piramide ng Cochasquí na itinayo bago ang panahon ng mga Inca ay nakaanggulo sa lugar na sinisikatan ng araw tuwing solstice ng Hunyo.d Kapansin-pansin, ang Pambamarca, isa pang natuklasang lugar, ay nakaanggulo rin sa dako na sinisikatan ng araw tuwing solstice ng Disyembre.
Hindi kaya ginamit ang Catequilla bilang sentro ng pagmamasid sa araw, buwan, at mga bituin? Itinayo kaya ang iba pang mga istraktura ayon sa mga kalkulasyon sa astronomiya na nakuha mula sa sentrong ito?
Higit Pang Kamangha-manghang mga Tuklas
Habang mas marami pang minamarkahang lugar sa mapa batay sa posisyon ng araw, buwan, at mga bituin, may nabubuong isang hugis—bituin na may walong tulis. Makikita ang bituing ito sa sinaunang mga seramik at madalas na ipinaliliwanag na simpleng paglalarawan sa araw, yamang ang sinaunang mga naninirahan sa lupaing iyon ay sumasamba sa araw. Sinuri ang pira-pirasong mga seramik na nahukay sa Catequilla at natuklasang halos isang libong taon na ang mga ito. Hanggang sa araw na ito, ang mga katutubong tribo ay naghahabi ng bituing may walong tulis sa kanilang mga tapistri at damit, gaya ng maliwanag na ginawa ng kanilang mga ninuno. Gayunman, ang iginuhit na bituing ito ay malamang na hindi lamang itinuring ng kanilang mga ninuno bilang paglalarawan sa araw, gaya ng karaniwang inaakala.
Nag-iipon ng matibay na ebidensiya ang Quitsa-to Project, na pinangangasiwaan ni Cobo, hinggil sa talas ng pagkaunawa sa astronomiya ng sinaunang mga katutubo.e Mahigit isang dosenang natuklasang lugar at maraming sinaunang bayan ang eksaktong nasa mga linya ng iginuhit na bituin kapag inilapat ito sa mapa sa ibabaw ng ekwador habang nasa gitna ang Catequilla.
Mas kamangha-mangha na natukoy ang kinaroroonan ng mga labí ng mga istrakturang hindi pa natutuklasan noon. Paano ito nagawa? Noong Setyembre 1999, iminungkahi ng Quitsa-to Project ang paghuhukay sa rehiyon ng Altamira sa Quito, sa isa sa mga linya ng iginuhit na bituin mula sa Catequilla at nakaanggulo nang 23.5 digri sa ekwador. May natagpuan doon na isang malaking libingan, at napakaraming seramik mula noong panahon ng pananakop, noong panahon ng mga Inca, at bago nito.
Ang ilang linya ng iginuhit na bituin mula sa Catequilla ay kinaroroonan ng mga simbahang itinayo noong panahon ng pananakop ng mga Kastila. Ipinaliwanag ni Cobo na noong 1570, iginiit ng konseho ng Lima ang pagtatayo ng “mga simbahan, kumbento-monasteryo, kapilya at krus sa lahat ng mga paganong ‘guaca’ at sa dako ng pagsamba ng mga katutubo.” Bakit?
Itinuturing ng monarkiyang Kastila na pagano ang mga dako ng pagsambang ito. Kaya winasak ang mga ito, at nagtayo ng mga simbahang Katoliko sa kinaroroonan ng mga ito. Naging mas madaling kumbertihin sa Katolisismo ang mga katutubo dahil sa pagtatayo ng mga simbahan sa sinaunang mga templo ng araw.
Ang Simbahan ng San Francisco sa matandang bahagi ng Quito na dating sinakop ay nasa isa sa mga linya ng iginuhit na bituin mula sa Catequilla. Itinayo ito noong ika-16 na siglo sa lugar na dati nang may istraktura bago pa ang panahon ng mga Inca. Sadyang ginawa ito upang ang sinag ng sumisikat na araw tuwing solstice ng Disyembre ay makatagos sa simboryo ng simbahan at tumama sa tatsulok na nasa ibabaw ng altar. Habang tumataas ang araw, ang sinag ay bumababa, tumatama, at nagliliwanag sa mukha ng imaheng may pamagat na “Diyos Ama.” Nangyayari ito mismo sa solstice ng Disyembre! Isinaalang-alang sa arkitektura ng iba pang simbahan doon ang gayong pagsinag ng araw sa layuning ikumberte sa Katolisismo ang mga katutubong sumasamba sa araw.
Paano Nila Nalaman?
Paano nalaman ng sinaunang sibilisasyong iyon na nasa “gitna ng mundo” ang Catequilla? Iisa lamang ang lugar kung saan walang anino ang mga bagay sa katanghaliang-tapat tuwing equinox: sa ekwador. Kaya ipinapalagay ng Quitsa-to Project na ang maingat na pagmamasid sa mga anino ang nagpahiwatig sa sinaunang mga tao kung nasaan ang ekwador.
Bukod dito, ang Bundok Catequilla ay likas na obserbatoryo ng astronomiya na malamang na napansin ng mga taong sumasamba sa araw. Ang bundok ay may taas na 300 metro mula sa paanan nito at nasa pagitan ng Kabundukan ng Andes sa silangan at kanluran. Kung gayon, ang pagsikat at paglubog ng araw sa araw-araw ay maaaring gawing tiyak na reperensiya lalo na dahil sa Kabundukan ng Andes sa magkabilang panig nito. Halimbawa, ang magagandang bulkan na Cayambe at Antisana na may yelo sa taluktok at kitang-kita sa gawing silangan ay umaabot ng tatlong milya ang taas—tamang-tamang reperensiya para makita ang galaw ng araw.
Kitang-kita rin mula sa Bundok Catequilla ang buong palibot ng mga 20 sinaunang bayan at mga 50 lugar na natuklasan, pawang mapagmamasdan nang hindi gumagamit ng optikal na mga instrumento. Karagdagan pa, makikita rin mula sa Catequilla ang silangan at hilagang kalangitan dahil sa posisyon nitong zero digri sa ekwador. Kaya naman, matatawag ang Catequilla na tunay na gitna ng mundo, sapagkat wala nang iba pang lugar sa ekwador na may ganitong mga bentaha at nasa taas na mahigit 3,000 metro mula sa ibabaw ng kapantayan ng dagat.
Ang mas malaking bahagi ng ekwador ay bumabagtas sa karagatan o kagubatan sa tropiko, kung saan humaharang ang mga pananim sa pagmamasid sa kalangitan. Isa pa, ang mga pananim ay hindi maaasahang maging reperensiya na pagbabatayan ng mga konklusyon, yamang laging nagbabago ang mga ito dahil lumalago at namamatay. Sa Kenya lamang may mga kabundukang malapit sa ekwador, subalit hindi ito napapagitnaan ng mga kabundukan na gaya ng Catequilla. Oo, maganda ang lokasyon ng Catequilla, angkop na angkop para sa pagmamasid sa araw, buwan, at mga bituin.
Sinu-sino ba Sila?
Sinu-sino ba ang sinaunang mga astronomong ito? Sinasabi ng Quitsa-to Project na ang katutubong mga tribo, tulad ng Quitu o Cara, ang maaaring may kaalaman sa mga bagay na ito. Gayunman, kasisimula pa lamang ng proyektong ito at marami pang dapat malaman.
Pero maliwanag ang ilang saligang konsepto ng sinaunang mga tao. Kailangang maunawaan ang waring paggalaw ng araw upang makagawa ng mga kalendaryo na magagamit sa agrikultura. Yamang napakahalaga ng araw para mabuhay, hindi nakapagtataka na sinamba ito. Kaya naman, itinuring na banal ang dating sekular na mga obserbasyon at kalkulasyon hinggil sa araw.
Maliwanag na ang sigasig sa relihiyon ang nag-udyok sa mga tao upang maingat na pag-aralan ang kalangitan at ang mga tanglaw roon. Sa paglipas ng mga siglo, maliwanag na dahil sa kanilang pag-aaral, nakaipon sila ng kahanga-hangang kaalaman hinggil sa astronomiya na ngayon lamang nabubunyag sa pamamagitan ng kamangha-manghang mga tuklas sa palibot ng Catequilla.
[Mga talababa]
a Ang “Ecuador” ay salitang Kastila para sa “ekwador.”
b Sa kabilang banda, ang bantog na monumentong Gitna ng Mundo ay nasa timog ng tunay na ekwador sa layong mga 300 metro ayon sa GPS.
c Ang eksaktong pagkakahilig ay 23.45 digri.
d Sinalakay ng mga Inca ang lugar na tinatawag ngayong Ecuador at sinakop ito sa loob ng maikling panahon—mula nang mga 1470 hanggang 1532, ang taóng nagsimula ang pananakop ng mga Kastila.
e Ang “Quitsa-to” ay mula sa wika ng mga Tsáchila Indian at nangangahulugang “gitna ng mundo.” Naniniwala ang ilan na hinango sa salitang ito ang pangalang Quito.
[Kahon/Dayagram sa pahina 23]
Ang Solstice at ang Equinox
Dahil sa 23.5 digri na pagkakahilig ng lupa, ang araw ay hindi sa iisang lugar lamang sumisikat at lumulubog araw-araw. Sa halip, unti-unti itong gumagalaw patungo sa hilaga at timog ng ekwador. Siyempre pa, waring gumagalaw lamang ang araw, sapagkat ang lupa ang nagbabago ng posisyon sa buong taon habang umiikot ito sa araw.
Minsan sa isang taon, kapag ikinikiling nang husto ng orbit ng lupa ang axis nito patungo sa araw sa Hilagang Hemisperyo, sisikat ang araw sa pinakamalayong dakong maaabot nito sa hilaga: 23.5 digri sa gawing hilaga ng ekwador. Nangyayari ito tuwing mga Hunyo 21. Kapag nakahilig nang husto ang Timugang Hemisperyo patungo sa araw, sumisikat ang araw sa pinakamalayong dakong maaabot nito sa timog: 23.5 digri sa gawing timog ng ekwador. Nangyayari ito kapag mga Disyembre 21. Ang dalawang pinakadulong puntong ito ay tinatawag na mga solstice. Ang “solstice” ay nangangahulugang “nakapirmeng araw.”
Gayunman, sa pagitan ng mga solstice, ang araw ay tuwirang nakatapat sa itaas ng ekwador ng lupa. Tinatawag ito na equinox, na nangangahulugang magkasinghaba ang araw at gabi saanmang dako ng lupa. Tuwing mga Marso 20 at Setyembre 21, eksaktong sa silangan sumisikat ang araw, sumusunod sa ekwador sa loob ng 12 oras, at eksaktong sa kanluran lumulubog. Sa katanghaliang-tapat kapag equinox, nasa pinakaibabaw ng ekwador ang araw at walang bagay na may anino sa ilalim nito.
[Dayagram]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Solstice
Disyembre 20, 21, 22, o 23
Equinox
Marso 19, 20, o 21
Solstice
Hunyo 20, 21, o 22
Equinox
Setyembre 21, 22, 23, o 24
[Larawan sa pahina 24, 25]
Bundok Catequilla, nasa taluktok nito ang sinaunang mga labí na nakatapat sa ekwador
[Larawan sa pahina 25]
Maraming natuklasang mga lugar at sinaunang bayan ang eksaktong nasa mga linya ng iginuhit na bituin
[Mga larawan sa pahina 25]
Ang bituing may walong tulis na matatagpuan sa sinaunang mga seramik at tapistri