Pagmamasid sa Daigdig
Pagbabalik ng Kolera
Matapos manahimik sa loob ng mahigit na 100 taon, biglang bumalik ang kolera sa Timog Amerika. “Mula pa noong 1991, 1.4 milyong kaso ang naiulat doon, na ikinamatay ng 10,000,” sabi ng The Times ng London. Ang isa pang ikinababahala ng mga awtoridad sa kalusugan ay ang paglitaw noong 1992 ng isang bagong uri ng mikrobyo ng kolera sa India, Bangladesh, at karatig na mga bansa, na sa ngayo’y apektado na ang 200,000 katao. Ang kolera ay isang malubhang sakit na diarrhea, at 70 porsiyento sa mga nagkakasakit nito ang namamatay maliban kung may sapat na gamot. Subalit ang pag-iwas ay mas maigi kaysa sa paggamot. Ang pagpapakulo ng inuming tubig at gatas, pag-iingat sa mga langaw, at paghuhugas ng di-lutong pagkain sa tubig na may klorina ay mga pangunahing paraan ng pag-iingat.
Usapan Hinggil sa Pandaigdig na Kapayapaan
Ang mga panrehiyong digmaan na minsa’y gumanap ng mahalagang papel sa Malamig na Digmaan ay waring nagwakas na, ayon sa Yearbook 1997 ng Stockholm International Peace Research Institute. Noong 1989, ang huling taon ng Malamig na Digmaan, nagkaroon ng 36 na “malalaking armadong pag-aalitan.” Bumaba ang bilang sa 27 noong 1996, at lahat maliban sa isa, na alitan sa pagitan ng India at Pakistan, ay panloob at lokal na mga digmaan. Isa pa, sa pagtantiya sa bilang ng mga namatay, karamihan sa mga alitang ito ay humupa o nagpatuloy sa mababang antas. “Wala nang iba pang henerasyon ang naging napakalapit sa pandaigdig na kapayapaan,” pagwawakas ng The Star, isang pahayagan sa Timog Aprika. Sabi ng magasing Time: “Ang pananakop ng Amerika . . . ay nagbigay sa daigdig ng Pax Americana, isang panahon ng internasyonal na kapayapaan at katahimikan na di-nakikita sa siglong ito, na bihirang makita sa kasaysayan ng tao.”
Nangunguna Pa Rin
Higit pang mga kopya ng Bibliya ang patuloy na inililimbag kaysa sa ibang aklat,” pag-uulat ng ENI Bulletin. Ang mga bansang may pinakamaraming naibahaging Bibliya ay Tsina, Estados Unidos, at Brazil. Ayon sa ulat ng United Bible Societies (UBS), 19.4 milyong kopya ng kumpletong Bibliya ang ipinamahagi noong 1996. Ito’y isang bagong rekord at isang pagsulong na 9.1 porsiyento sa nakalipas na 1995. Sa kabila ng “nakagugulat na paglaki ng pamamahagi sa ilang bahagi ng daigdig,” sabi ni John Ball, tagapag-ugnay ng dibisyon ng paglilimbag sa UBS, “marami pa ring dapat gawin upang madaling makakuha ng Kasulatan ang bawat isa.”
“Mga Mensahero ng Kamatayan”
Ang mayayamang bansa sa Kanluran ay lumilikha ng “dobleng bigat” na sakit para sa nagpapaunlad na mga bansa, sabi ng 1997 ulat ng World Health Organization (WHO). Gaya ng iniulat sa The Daily Telegraph ng London, ang sakit sa puso, istrok, diyabetis, at ilang kanser ay mabilis na dumarami dahil sa pagtulad ng nagpapaunlad na mga bansa sa Kanluraning istilo ng buhay ng paninigarilyo, mga pagkaing mataas sa kalori at taba, at pagbabawas ng pisikal na mga aktibidad. Bagaman sa buong globo ay mas mahaba ang buhay ng mga tao sa ngayon, ito’y ‘walang-kabuluhan, kung walang kalidad ang buhay,’ sabi ni Dr. Paul Kleihues, isang direktor ng WHO. Dagdag pa niya: “Yaong nagsasabing kami’y talagang mga mensahero ng kamatayan ay tama.” Itinataguyod ng WHO ang isang matinding kampanya sa buong daigdig upang pasiglahin ang nakapagpapalusog na mga istilo ng buhay. Kung hindi, sabi nito, magkakaroon ng “krisis ng pagdurusa sa pangglobong lawak.”
Ipinayo ng Pinunong Budista ang Paghanap ng Katotohanan
“Ang katigasan ng ulo ay hindi mabuti,” kung tungkol sa relihiyon, sabi ni Eshin Watanabe, ang kataas-taasang pari at pinuno ng isa sa pinakamatatandang sekta ng Budista sa Hapón. Nang tanungin kung ang ibig niyang sabihin ay na ang katapatan sa paniniwala ay mabuti ngunit ang pinaninindigang paniniwala ay masama, sinipi ng Mainichi Daily News ang kaniyang paliwanag: “Dapat mong pag-isipang mabuti kung ang iyong mga paniniwala ay tama o mali. Mahalagang repasuhin ang kaugnayan nito sa ibang paniniwala. Dapat mo ring malaman kung ang mga ito’y kumakatawan sa katotohanan o hindi. Dapat nating suriing muli ang mga bagay na ito.” Si Watanabe ang pinuno ng Tendai na sekta ng Budismo, na ipinakilala sa Hapón mula sa Tsina 1,200 taon na ang nakalilipas.
Natural na Antiseptiko
Likas na ugali ng ilang tao na dilaan ang kanilang sugat kapag sila’y nahiwa, na gaya ng mga hayop. Kapuna-puna, natuklasan ng mga mananaliksik sa St. Bartholomew’s Hospital sa London na ang laway ay talagang isang natural na antiseptiko. Gaya ng iniulat sa pahayagang The Independent, hinilingan ng mga parmakologo ang 14 na boluntaryo na dilaan ang magkabilang panig ng kanilang kamay at natuklasang napakalaki ng itinaas ng antas ng nitric oxide sa balat. Ang nitric oxide, isang malakas na kemikal na maaaring pumatay ng mga mikrobyo, ay lumilitaw kapag ang nitrite na nasa laway ay napadikit sa maasidong ibabaw ng balat. Natutulungan ang reaksiyong ito ng isa pang kemikal, ang ascorbate, na nasusumpungan din sa laway.
Marihuwana—Isa Bang Matapang na Droga?
Matagal nang ipinakikipaglaban ng mga gumagamit ng marihuwana na ang drogang ito ay wala namang masamang idinudulot. Gayunman, “ipinahihiwatig ng bagong katibayan na ang epekto [ng marihuwana] sa utak ay inihahalintulad sa epekto ng ‘matapang’ na droga na gaya ng heroin,” ayon sa ulat ng magasing Science. Isinagawa ng mga siyentipiko mula sa Estados Unidos, Espanya, at Italya ang pag-aaral. Ilan sa kanilang mga natuklasan ay na “ang aktibong sangkap ng marihuwana—ang cannabinoid na kilala bilang THC—ay nagbubunga ng katulad na biyokemikal na resulta na waring siyang nagpapalakas ng pagdepende sa ibang mga droga, mula nikotina hanggang heroin: ang paglalabas ng dopamine sa bahagi ng ‘reward’ pathway ng utak,” kung kaya muli’t muling binabalikan ito ng mga gumagamit ng droga. Kapag itinigil ang matagal na paggamit ng marihuwana, ang antas ng ibang kemikal, ang peptide na tinatawag na corticotropin-releasing factor (CRF), ay tumataas sa utak. Ang CRF ang sinasabing dahilan ng igting at pagkabalisa sa emosyon na nagbubunga ng withdrawal mula sa mga opiate, alkohol, at cocaine. Kaya nga, ganito ang sabi ng isang mananaliksik: “Masisiyahan ako kung, kasunod ng mga ebidensiyang ito, hindi na ituturing ng mga tao ang THC na ‘mahinang’ droga.” Bawat taon, mga 100,000 katao sa Estados Unidos ang nagpapagamot dahil sa pagkadepende sa marihuwana.
Yelo sa Sinaunang Ehipto
“Bagaman walang artipisyal na pampalamig ang sinaunang mga Ehipsiyo, nakagagawa sila ng yelo sa pamamagitan ng likas na kakaibang pangyayari na nagaganap sa tuyo at kainamang klima,” sabi ng The Countyline, isang pahayagan sa Bryan, Ohio. Paano nila ito ginagawa? “Kapag papalubog na ang araw, ang mga kababaihang Ehipsiyo ay naglalagay ng tubig sa malanday na lalagyang luwad sa ibabaw ng dayami. Ang mabilis na pagsingaw mula sa ibabaw ng tubig at sa basang panabi ng lalagyan kasabay ng pagbaba ng temperatura habang gumagabi ang nagiging dahilan upang magyelo ang tubig—kahit na ang temperatura ng kapaligiran ay hindi kailanman bumababa nang malapit sa antas ng pagyeyelo.”
Pagbibilad sa Araw
“Ang kanser sa balat ay umabot sa pagiging epidemya sa Hilagang Amerika,” sabi ng pahayagang The Vancouver Sun, at isa sa mga taga-Canada ang magkakaroon nito sa bawat pito sa buong buhay nila. “Ang pagbibilad sa araw ang pinaniniwalaang dahilan ng 90 porsiyento ng kaso ng melanoma,” dagdag pa ng pahayagan. Ang pinaitim na balat ay napipinsala, sabi ng ulat, at humahantong sa wala-sa-panahong pangungulubot at pagkasugpo ng immune system. Isang pambansang surbey sa mahigit na 4,000 taga-Canada ang nagsiwalat na 80 porsiyento ang nakababatid ng panganib ng pagbibilad ng kanilang balat sa araw, subalit sakali man ay halos kalahati ang hindi nag-iingat. Ang katulong na propesor sa University of British Columbia na si Dr. Chris Lovato, isa sa pangunahing imbestigador sa surbey, ay nagbababala na “kailangan nating ugaliin ang pag-iingat sa araw” at ikintal ang “makatuwiran at ligtas na mga paraan sa paglilibang sa arawan.”
Mahal na Bisyo
Kailangan ang pera sa paninigarilyo. Magkano? Ayon sa University of California Berkeley Wellness Letter, sa katapusan, aabot ito sa $230,000 o $400,000—depende kung ikaw ay umuubos ng isa o dalawang pakete ng sigarilyo sa isang araw. “Sabihin nang ikaw ay bata pa at nagsimulang manigarilyo ngayon at nagpatuloy sa loob ng 50 taon, ipagpalagay nang hindi ka napatay nito sa pasimula,” sabi ng Wellness Letter. “Sa isang pakete bawat araw na $2.50 ang halaga (upang maging madali, hindi na natin isasama ang pagtaas ng bilihin), iyan ay aabot sa mahigit na $900 isang taon, o $45,000 makalipas ang 50 taon. Kung ipapasok ang perang iyan sa bangko taun-taon sa 5% interes, ang kabuuan nito ay madaling mapalalaki nang apat na ulit.” Idagdag pa ang mas malaking hulog sa life-insurance at dagdag-gastos sa paglilinis (sa bahay, damit, at ngipin) ang kabuuan ay aabot sa halagang nabanggit sa itaas. Ganito pa ang sabi ng liham: “At hindi pa kasama riyan ang mga gastos sa gamot dahil sa paninigarilyo na haharapin mo kung hindi sakop ng iyong health insurance ang lahat ng ito.”