Hanggang Saan Mo Mapagtitiwalaan ang Siyensiya?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA
TALAGANG hinahangaan ng karamihan ng tao ang siyensiya, dahil sa marami na nitong nagawa sa medisina, inhinyeriya, komunikasyon, at iba pang larangan. Apektado ng mga tuklas ng siyensiya ang buhay ng halos lahat ng taong nabubuhay ngayon. Maraming siyentipiko ang nagtalaga na ng kanilang buong buhay alang-alang sa siyensiya, at nararapat lamang na papurihan ang tapat na mga makasiyensiyang pagsisikap para sa ikauunlad ng kalidad ng buhay. Sa katunayan, humantong pa nga ang awtor na si Tony Morton sa pagsasabing “walang-alinlangang ang siyensiya ay isa sa pangunahing inaasahan ng modernong sibilisasyon.”
Ngunit sa lahat ng pitak ng buhay, kailangan ang pagiging timbang sa pagtasa sa tunay na halaga, at kabilang dito ang larangan ng siyensiya. Upang matulungan tayong mapanatili ang gayong timbang na pangmalas, isaalang-alang natin ang sinabi ng isa pang manunulat, isa na di-gaanong pabor sa papel na ginagampanan ng siyensiya sa ating buhay. Si Lewis Wolpert, sa kaniyang aklat na The Unnatural Nature of Science, ay sumulat: “Tinitiyak ng surbey na gayon na lamang ang interes at paghanga sa siyensiya, kasabay ng di-realistikong paniniwala na malulutas nito ang lahat ng problema; ngunit ang ilan naman ay may matinding takot at galit . . . Ang mga propesyonal sa siyensiya ay itinuturing na malamig makitungo, walang-kakanyahan at walang malasakit na mga teknisyan.”
Ang Pagbangon ng Siyensiya
Palagi na lamang may elemento ng panganib kapag ang mga eksperimento sa siyensiya ay nagsasangkot ng mga bagong tuklas. Subalit habang napatutunayan naman ng mga bagong tuklas na ito na sulit naman ang panganib, lalong nagtitiwala ang tao sa siyensiya. Sa ilang antas, habang nagpapakalunod sa karangalan dahil sa nakaraang mga tagumpay, lalong nagiging mapusok ang siyensiya sa pagsuong sa mga panganib, at maraming tao na sa laki ng paghanga at pagkahumaling dito ay naniniwala na ang siyensiya ang lulutas sa mga problema ng sangkatauhan. Bunga nito ay iniuugnay ng maraming tao ang mga salitang “siyensiya” at “makasiyensiya” sa ganap na katotohanan.
Ganito ang sabi ng publikasyong American Studies: “Mula noong mga taon ng 1920, at lalo na noong mga taon ng 1930, ang siyentipikong nakasuot ng puting coat na panlaboratoryo ang tumitiyak sa mga mamimili na ang isang produkto ay mas mahusay kaysa sa mga kakompetensiya nito ayon sa ‘makasiyensiyang’ pagsusuri. Malungkot na sinabi ng isang editoryal sa Nation noong 1928 na ‘ang isang pangungusap na sinisimulan sa “Ayon sa siyensiya” ay karaniwan nang lumulutas sa anumang pagtatalo sa isang pagtitipon, o nagiging dahilan upang bilhin ang anumang bagay mula sa toothpaste hanggang sa mga repridyeretor.’ ”
Subalit palagi bang magkatugma ang siyensiya at ang ganap na katotohanan? Mula pa sa pasimula ay mayroon nang maiinit na kumokontra sa mga natutuklasan ng siyensiya. Ang ilang pagtutol ay wala namang batayan; ang iba naman ay waring may matibay na saligan. Halimbawa, ang mga tuklas ni Galileo ay nagpagalit sa Simbahang Katoliko. At ang makasiyensiyang mga teoriya hinggil sa pinagmulan ng tao ay nagdulot ng pagkakasalungatan may kinalaman sa siyensiya at sa Bibliya. Kaya nga hindi kataka-taka na sa bawat bagong tuklas ng siyensiya ay nagkakaroon ito ng mga kabig at mga kalaban.
Ganito ang sabi ng matandang kawikaang Latin: “Walang ibang kaaway ang siyensiya [o, kaalaman] kundi ang mga mangmang.” Gayunman, hindi na totoo ito sa ngayon, sapagkat inaatake na ngayon ang siyensiya na di-tulad noon—at hindi ng mga mangmang. Bagaman noon ay itinuring ng marami na ito’y di-kayang batikusin, waring ang siyensiya ay tinutuligsa na ngayon ng ilan na dati’y tagapagtaguyod nito. Isang dumaraming bilang ng mga tagasunod nito ang masasabing naging hukom, hurado, at tagabitay nito. Ang bantog na mga sentro para sa pag-aaral ng siyensiya ay malimit na ngayong nagiging mga dako ng pagtatalo. Ang isang dahilan ng mga problema nito ay ang pagkakabunyag ng nakaraang panlilinlang at katiwalian ng ilang akademya sa siyensiya.
Kaya nga, mas madalas na ngayong itinatanong kaysa noon, Talaga bang mapagkakatiwalaan ang lahat ng siyensiya? Ang kasunod na artikulo ay bumabalangkas ng ilang dahilan kung bakit parami nang parami ang mga taong nagtatanong nito.
[Blurb sa pahina 4]
Palagi bang magkatugma ang siyensiya at ang ganap na katotohanan?