Pinagtutugma ang Siyensiya at Relihiyon
“Hindi na magkaaway ang siyensiya at relihiyon.”—The Daily Telegraph, London, Mayo 26, 1999.
KAPUWA ang siyensiya at relihiyon, sa pinakamarangal na anyo nito, ay nagsasaliksik sa katotohanan. Tinutuklas ng siyensiya ang isang daigdig na may kahanga-hangang kaayusan, isang uniberso na nagtataglay ng bukod-tanging mga pagkakakilanlan ng matalinong disenyo. Ginagawang makabuluhan ng tunay na relihiyon ang mga natutuklasan sa pagtuturo na ang talino ng isang Maylalang ang pinagmumulan ng disenyo na nakikita sa pisikal na daigdig.
“Napansin ko na lubos na pinagyaman ng relihiyon ang aking kaunawaan sa siyensiya,” ang sabi ni Francis Collins, isang molecular biologist. Ganito pa ang pagpapatuloy niya: “Kapag may bagay na natuklasan ako tungkol sa henetikong kayarian ng tao, nag-uumapaw ang aking pagkamangha sa himala ng buhay, at nasasabi ko sa aking sarili, ‘Pambihira, Diyos lang ang may alam nito noon.’ Ubod nang ganda at nakaaantig na damdamin iyon, na tumutulong sa akin na maunawaan at igalang ang Diyos at ginagawa nitong mas nakasisiya ang siyensiya para sa akin.”
Ano ang makatutulong sa isang tao upang mapagtugma ang siyensiya at relihiyon?
Ang Patuluyang Paghahanap
Tanggapin ang mga limitasyon: Walang katapusan ang ating paghahanap sa mga kasagutan tungkol sa walang-hanggang uniberso, kalawakan, at panahon. Ganito ang sabi ng biyologo na si Lewis Thomas: “Walang katapusan ang paghahanap na ito, dahil sa tayo’y mga nilalang na lubhang mausisa, mapagsuri, at mapagmasid at nagsisikap na unawain ang mga bagay. Hindi natin ito kailanman masasagot. Wala sa hinagap ko na darating tayo sa punto na makahihinga na nang maluwag ang lahat at makapagsasabi, ‘Ngayon ay nauunawaan na natin ang lahat ng bagay.’ Hindi natin iyon kailanman mauunawaan.”
Gayundin, pagdating sa relihiyosong katotohanan, wala ring katapusan ang paghahanap sa kaalaman. Ganito ang sabi ng isa sa mga manunulat ng Bibliya, si Pablo: “Ngayon ang nakikita lamang natin ay nakalilitong mga anyo sa salamin . . . Babahagya lamang ang aking kaalaman sa ngayon.”—1 Corinto 13:12, The New English Bible.
Gayunman, hindi dapat makahadlang sa atin ang babahagyang kaalaman kapuwa sa mga katanungan sa siyensiya at relihiyon para gumawa ng makatuwirang mga konklusyon na nakasalig sa mga totoong bagay na mayroon tayo. Hindi natin kailangan ang detalyadong kaalaman tungkol sa pinagmulan ng araw para lubusan lamang na makatiyak na ito’y sisikat sa kinaumagahan.
Pag-isipan ang mga kinikilala at totoong bagay: Sa paghahanap ng mga kasagutan, kailangan tayong maugitan ng mga tamang simulain. Malibang manindigan tayo na may pinakamatataas na pamantayan ng patotoo, madali tayong mailigaw kapag ating sinasaliksik ang katotohanan sa siyensiya at relihiyon. Ang totoo, walang sinuman sa atin ang makapagsusuri sa lahat ng makasiyensiyang kaalaman at mga ideya, na pumupuno sa ngayon sa naglalakihang mga aklatan. Sa kabilang dako naman, naglalaan ang Bibliya ng kalipunan ng espirituwal na mga turo na madaling makuha para mapag-aralan natin. Ang Bibliya ay sinusuhayan ng mga kinikilala at totoong bagay.a
Gayunman, kung may kinalaman sa kaalaman sa pangkalahatan, kailangan ang taimtim na pagsisikap upang makilala ang pagkakaiba ng bagay na totoo at haka-haka, ng katotohanan at panlilinlang—kapuwa sa siyensiya at sa relihiyon. Gaya ng payo ng manunulat ng Bibliya na si Pablo, kailangang talikdan natin “ang mga pagsasalungatan ng may-kabulaanang tinatawag na ‘kaalaman.’” (1 Timoteo 6:20) Upang mapagtugma ang siyensiya at ang Bibliya, dapat nating pag-isipan ang mga bagay na totoo, sa gayo’y maiiwasan ang pala-palagay at haka-haka, at suriin kung paano sinusuportahan at pinatitibay ng bawat bagay na totoo ang iba pa.
Halimbawa, kapag inuunawa natin ang katagang “araw” na ginagamit ng Bibliya upang ilarawan ang iba’t ibang yugto ng panahon, mauunawaan natin na hindi naman salungat sa natuklasan ng siyensiya ang ulat ng anim na araw ng paglalang sa Genesis na ang edad ng lupa ay halos apat at kalahating bilyong taon na. Ayon sa Bibliya, umiral na ang lupa sa loob ng yugto ng panahon na di-nabanggit bago pa man magsimula ang mga araw ng paglalang. (Tingnan ang kahong “Ang mga Araw ng Paglalang—24 na Oras Bawat Araw?”) Kahit ituwid pa ng siyensiya ang sinabi nito at ipahayag ang ibang edad ng ating planeta, mananatili pa ring totoo ang sinasabi ng Bibliya. Sa halip na salungatin ang Bibliya, ang siyensiya pagdating sa bagay na ito at sa maraming iba pang kalagayan ay talagang nagbibigay sa atin ng pagkarami-raming sumusuhay na impormasyon tungkol sa pisikal na daigdig, kapuwa sa ngayon at sa nagdaang panahon.
Pananampalataya, hindi paniniwala nang walang saligan: Naglalaan sa atin ang Bibliya ng kaalaman tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin na hindi kailanman makukuha mula sa ibang lathalain. Bakit tayo makapagtitiwala rito? Inaanyayahan tayo ng Bibliya na suriin ang pagiging tumpak nito. Siyasatin ang pagiging totoo nito sa kasaysayan, ang pagiging praktikal nito, ang pagkaprangka ng mga manunulat nito, at ang integridad nito. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa katumpakan ng Bibliya, kasali na ang mga makasiyensiyang simulain nito at, higit na nakakakumbinsi, ang di-nagkakamaling katuparan ng daan-daang hula nito sa buong kasaysayan magpahanggang sa ngayon, magtatamo ang isa ng matibay na pananampalataya na ito na nga ang Salita ng Diyos. Ang pananampalataya sa Bibliya ay hindi paniniwala nang walang saligan kundi pagtitiwala na may katibayan sa pagiging tumpak ng mga sinasabi ng Kasulatan.
Igalang ang siyensiya; kilalanin ang relihiyosong paniniwala: Inaanyayahan ng mga Saksi ni Jehova ang mga taong may bukás na pag-iisip na makibahagi sa taimtim na paghahanap ng katotohanan sa dalawang larangang ito, kapuwa sa makasiyensiya at relihiyosong paraan. Sa kanilang mga kongregasyon ay pinagyayaman ng mga Saksi ang makatuwirang paggalang sa siyensiya at ang may katibayang mga tuklas nito gayundin ang malalim na paniniwala na masusumpungan lamang ang katotohanan sa Bibliya, na walang kaduda-duda at sagana sa katibayan na nagsasabing ito nga ang Salita ng Diyos. Ganito ang sinabi ni apostol Pablo: “Nang tanggapin ninyo ang salita ng Diyos, na inyong narinig mula sa amin, tinanggap ninyo ito, hindi bilang salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano nga ito sa totoo, bilang ang salita ng Diyos.”—1 Tesalonica 2:13.
Mangyari pa, katulad ng siyensiya, nakapasok din sa relihiyon ang nakapipinsalang kasinungalingan at mga gawa. Kaya may tunay na relihiyon at huwad na relihiyon. Iyan ang dahilan kung bakit iniwan ng maraming tao ang organisado at pangunahing mga relihiyon upang maging mga miyembro ng Kristiyanong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Nabigo sila dahil sa ayaw talikdan ng kanilang dating kinaaanibang relihiyon ang tradisyon at alamat ng tao para tanggapin ang natuklasan o naisiwalat na katotohanan.
Bukod dito, nasusumpungan ng tunay na mga Kristiyano ang tunay na kabuluhan at layunin sa buhay, salig sa malalim na kaalaman tungkol sa Maylalang, gaya ng isinisiwalat ng Bibliya tungkol sa kaniya, at sa kaniyang ipinahayag na layunin para sa sangkatauhan at sa tinitirhan nating planeta. Nabigyang-kasiyahan ang mga Saksi ni Jehova dahil sa makatuwiran at salig-Bibliyang mga kasagutan sa mga katanungang gaya ng, Bakit tayo narito? Saan tayo patungo? Lubos silang matutuwa na ibahagi ang mga impormasyong ito sa inyo.
[Talababa]
a Tingnan Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon sa pahina 10]
Ang mga Araw ng Paglalang—24 na Oras Bawat Araw?
Inaangkin ng ilang pundamentalista na ipinaliliwanag ng paglalang sa halip ng ebolusyon ang kasaysayan bago ang panahon ng mga tao. Iginigiit nila na nagawa ang lahat ng pisikal na nilalang sa loob lamang ng anim na araw na may 24 na oras bawat araw sa pagitan ng 6,000 at 10,000 taóng nakalipas. Subalit kung gayon nga, kanilang itinataguyod ang di-makakasulatang turo na naging dahilan para libakin ng marami ang Bibliya.
Lagi bang literal na nangangahulugang 24 na oras ang haba ng isang araw sa Bibliya? Sinasabi ng Genesis 2:4 ang “araw na gawin ng Diyos na Jehova ang lupa at langit.” Sakop ng araw na ito ang buong anim na araw ng paglalang sa Genesis kabanata 1. Ayon sa paggamit ng Bibliya, ang isang araw ay isang yugto ng panahon na may tiyak na haba at maaaring ito’y libong taon o libu-libong taon. Ang mga araw ng paglalang sa Bibliya ay nangangahulugan ng libu-libong taon na haba ng panahon sa bawat araw nito. Isa pa, ang lupa ay umiiral na bago pa man nagsimula ang mga araw ng paglalang. (Genesis 1:1) Sa gayon, sa puntong ito ang ulat ng Bibliya ay katugma ng tunay na siyensiya.—2 Pedro 3:8.
Nagkokomento hinggil sa sinasabing literal na 24 na oras lamang ang haba ng mga araw ng paglalang, ganito ang sabi ng molecular biologist na si Francis Collins: “Ang paglalang ay higit na nakapinsala sa konsepto ng pananampalataya kaysa sa anumang bagay sa modernong kasaysayan.”
[Kahon sa pahina 11]
Ang Siyensiya na ba ang Nagtataglay ng Mataas na Pamantayan sa Moral?
Mauunawaan naman kung bakit itinatakwil ng maraming makasiyensiyang mga tao ang relihiyon dahil sa pagtutol nito sa pagsulong ng siyensiya, sa buktot na rekord nito, at sa pagpapaimbabaw at kalupitan nito. Ganito ang sinabi ng propesor sa microbiology na si John Postgate: “Ang mga relihiyon sa daigdig ang . . . nagdulot ng kalagim-lagim na pagpapahirap sa tao, mga krusada, lansakang pagpaslang at mga inkisisyon. Sa modernong daigdig, naging mapanganib ang masamang panig na ito ng relihiyon. Hindi tulad ng siyensiya, ang relihiyon ay hindi neutral.”
Kung ihahambing iyan sa ipinalalagay na pagiging makatuwiran, may layunin, at pagiging disiplinado ng siyensiya, inaangkin ni Postgate na “siyensiya na ang kumuha sa puwesto ng pagkakaroon ng mataas na pamantayan sa moral.”
Talaga nga bang ang siyensiya na ang nagtataglay ng mataas na pamantayan sa moral? Ang sagot ay hindi. Inaamin mismo ni Postgate na “sa gitna ng mga siyentipiko ay may paninibugho, kasakiman, may pagkiling at pag-iinggitan.” Sinabi pa niya na “ipinakita pa nga ng ilang siyentipiko na handa silang pumaslang dahilan lamang sa isang pananaliksik, gaya ng nangyari sa Nazing Alemanya at mga kampong bilangguan ng Hapon.” At nang atasan ng National Geographic ang isang imbestigador na reporter upang tuklasin kung paano napasulat bilang totoong bagay ang isang pandaraya sa fossil, iniulat ng reporter ang tungkol sa “maling paglilihim at wala sa lugar na pagtitiwala, mainitang alitan ng mapaggiit na mga tao, pagmamapuri sa sarili, kakatwang paniniwala, hangal na mga palagay, pagkakamali ng tao, pagmamatigas, paninirang-puri, pagsisinungaling, [at] katiwalian.”
At, siyempre pa, ang siyensiya ang nagbigay sa sangkatauhan ng kakila-kilabot na mga instrumento para sa digmaan, gaya ng mikroorganismo ng sakit na ginawang mga sandata, nakalalasong gas, mga missile, “smart” bomb, at mga bombang nuklear.
[Larawan sa pahina 8, 9]
Ant Nebula (Menzel 3), mula sa Hubble Space Telescope
[Credit Line]
NASA, ESA and The Hubble Heritage Team (STScI/AURA)
[Mga larawan sa pahina 9]
Natuklasan ng siyensiya ang isang daigdig na punung-puno ng bukod-tanging mga pagkakakilanlan ng matalinong disenyo
[Larawan sa pahina 10]
Pinagyayaman ng mga Saksi ni Jehova ang paggalang sa tunay na siyensiya at paniniwala sa Bibliya