Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 3/8 p. 5-9
  • Nababahagi Ba ang mga Siyentipiko?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nababahagi Ba ang mga Siyentipiko?
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Kontrobersiya sa Siyensiya
  • “Isang Kalunus-lunos na Trahedya”
  • Isa Pang Uri ng Trahedya
  • Hanggang Saan Mo Mapagtitiwalaan ang Siyensiya?
    Gumising!—1998
  • Siyensiya—Ang Patuloy na Paghahanap ng Tao sa Katotohanan
    Gumising!—1993
  • Siyensiya—Ang Patuloy na Paghahanap ng Tao sa Katotohanan
    Gumising!—1993
  • Ano ang Pananaw ng mga Saksi ni Jehova sa Siyensiya?
    Karaniwang mga Tanong Tungkol sa mga Saksi ni Jehova
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 3/8 p. 5-9

Nababahagi Ba ang mga Siyentipiko?

“BAGAMAN di-maiwawaksi ang palagay na ang siyensiya ay paghahanap ng katotohanan tungkol sa daigdig, kailangan pa rin nating isaalang-alang ang sikolohikal at sosyal na mga salik na madalas na salungat sa paghahanap na ito.” Iyan ang isinulat ni Tony Morton sa isang artikulo na pinamagatang “Nagkakasalungatang Pangkat: Ang mga Motibo at Pamamaraan ng mga Siyentipiko.” Oo, sa wari nga’y nakaiimpluwensiya kung minsan sa mga kapasiyahan ng mga siyentipiko ang kabantugan, pinansiyal na pakinabang, o maging ang hilig sa pulitika.

Noon pa mang 1873, nagpahayag na ng pagkabahala si Lord Jessel hinggil sa gayong mga impluwensiya sa mga kaso sa hukuman nang sabihin niya: “Ang ebidensiya ng eksperto . . . ay ebidensiya ng mga taong kung minsan ay ito na ang hanapbuhay nila, ngunit sa lahat ng kasong ito ay binabayaran sila dahil sa iniharap nilang ebidensiya. . . . Kaya naman natural lamang na ang isip niya, gaano man siya katapat, ay kumiling sa taong nagpapasuweldo sa kaniya, at nakikita nga namin ang ganitong mga pagkiling.”

Kunin nating halimbawa ang forensic science (pagtuklas ng mga impormasyon tungkol sa isang krimen sa pamamagitan ng pagsuri sa mga bagay na kasangkot doon). Tinukoy ng isang korte sa apelasyon na ang mga forensic scientist ay posibleng may kinakampihan. Ang babasahing Search ay nagsabi: “Ang mismong bagay na sa kanila humihingi ng tulong ang mga pulis ay maaaring lumikha ng isang ugnayan sa pagitan ng mga pulis at ng mga forensic scientist. . . . Maaaring malasin ng mga forensic scientist na sinusuwelduhan ng gobyerno na ang trabaho nila’y ang tumulong sa mga pulis.” Ibinigay ring halimbawa ng babasahing ito ang mga kasong Maguire (1989) at Ward (1974) hinggil sa pagbomba ng IRA (Irish Republican Army) sa Britanya bilang “matibay na patotoo sa pagpayag ng ilang bihasa at mararangal sanang siyentipiko na talikdan ang kanilang makasiyensiyang neutralidad at magkaroon ng pangmalas na ang pananagutan nila’y matulungan ang nagsasakdal.”

Ang isa pang litaw na halimbawa ay ang kasong Lindy Chamberlain sa Australia (1981-82), na naging basehan ng pelikulang A Cry in the Dark. Ang ebidensiyang iniharap ng mga forensic expert ang lumilitaw na nakaimpluwensiya sa ginawang hatol laban kay Gng. Chamberlain, na naakusahang pumaslang sa kaniyang sanggol na si Azaria. Sa kabila ng pagsasabi niyang isang dingo (asong ligaw) ang pumatay sa kaniyang anak, siya’y hinatulan pa ring nagkasala at ibinilanggo. Makalipas ang ilang taon, nang matagpuan ang marumi at duguang diyaket ng sanggol, hindi na naging sapat ang dating ebidensiya upang patunayan kung sino talaga ang salarin. Resulta nito, pinalaya si Lindy, pinawalang-saysay ang hatol sa kaniya, at binigyan siya ng bayad-pinsala dahil sa maling paghatol.

Kapag hindi nagkakasundo ang mga siyentipiko, maaaring lalong lumala ang kontrobersiya. Noong nakalipas na ilang dekada ay napabalita sa buong mundo ang hamon ni Dr. William McBride sa mga gumawa ng gamot na thalidomide. Nang ipahiwatig niya na ang gamot na ito, na ipinagbibili upang maalis ang pagsusuka sa umaga ng mga nagdadalang-tao, ang dahilan kung kaya nadedeporma nang husto ang mga sanggol na di pa naipanganganak, ang doktor na ito’y biglang naging bayani. Subalit, makalipas ang ilang taon, habang ginagawa niya ang iba namang proyekto, isang doktor na naging manunulat ang nag-akusa sa kaniya na siya’y nagbabago ng impormasyon. Si McBride ay napatunayang nagkasala ng pandaraya sa siyensiya at pagkakaroon ng tiwaling asal sa propesyon. Siya’y tinanggal sa talaan ng mga doktor sa Australia.

Mga Kontrobersiya sa Siyensiya

Ang isang pinakahuling kontrobersiya ay kung masama sa kalusugan ng tao at hayop ang mga electromagnetic field o hindi. Ipinahihiwatig ng ilang ebidensiya na matinding polusyon ang naidudulot ng electromagnetism sa ating kapaligiran, na ang mga pinagmumulan ay mula sa mga kable ng matataas na boltahe ng kuryente hanggang sa sariling computer at microwave oven sa inyong tahanan. Sinasabi pa nga ng ilan na paglipas ng mga taon, mapipinsala ng mga cellular telephone ang iyong utak. Bukod pa sa sinasabi ng iba hinggil sa mga pag-aaral sa siyensiya na nagpapahiwatig na ang electromagnetic radiation ay nakapagdudulot ng kanser at kamatayan. Bilang halimbawa nito, ang pahayagang The Australian ay nag-uulat: “Idinemanda ang isang korporasyon sa elektrisidad sa Britanya dahil sa pagkamatay ng isang batang lalaki na di-umano’y nagkaroon ng kanser palibhasa’y malapit sa mga kable ng matataas na boltahe ng kuryente ang lugar na tinutulugan niya.” Natuklasan ni Dr. Bruce Hocking, isang occupational medicine consultant sa Melbourne, na “ang mga batang nakatira sa lugar na nasasakop ng mga apat na kilometrong agwat mula sa pangunahing tore ng telebisyon sa Sydney ay mahigit na makalawang ulit ang posibilidad na magkaroon ng lukemya kaysa sa mga batang nakatira sa di-nasasakop ng apat na kilometrong radius.”

Habang ipinaglalaban ng mga tagapagtanggol ng kapaligiran ang mga kontrobersiyang ito, malamang na malugi ng bilyun-bilyong dolyar ang malalaking korporasyon at mga kompanya dahil sa ayon sa kanila’y “mga kampanya ng walang-batayang pananakot.” Kaya naman nag-organisa sila ng mga kontra-atake at tumanggap ng tulong sa ibang mga sektor ng samahan sa siyensiya.

Nariyan din ang kontrobersiya hinggil sa polusyong kemikal. Inilarawan ng ilan ang dioxin bilang “ang pinakanakalalasong kemikal na ginawa ng tao.” Ang kemikal na ito, na inilarawan ni Michael Fumento bilang “isa lamang di-maiiwasang kakambal na produkto sa paggawa ng ilang panira ng halaman” (Science Under Siege), ay tinawag ng ilan na “ang pangunahing sangkap sa Agent Orange.”a Naabot nito ang rurok ng publisidad pagkatapos ng digmaan sa Vietnam. Humantong ito sa malalaking pagbabaka sa hukuman sa pagitan ng mga beterano ng digmaan at ng mga kompanya ng kemikal, na bawat grupo ay may sariling nagkakasalungatang mga eksperto sa siyensiya.

Sa katulad na paraan, ang mga isyung pangkapaligiran na gaya ng pag-init ng globo, ang greenhouse effect, at pagnipis ng ozone layer ay tumatanggap ng labis na atensiyon mula sa publiko. Hinggil sa pangkapaligirang pangamba sa Antarctica, nag-ulat ang pahayagang The Canberra Times: “Ipinakikita ng pagsasaliksik ng mga siyentipiko sa Palmer Station, isang himpilan ng Estados Unidos ukol sa siyensiya sa Anvers Island, na pinipinsala ng malakas na radyasyong ultraviolet ang nakabababang anyo ng buhay gaya ng mga plankton at mollusc at maaaring unti-unting maapektuhan nito ang ekolohiya.” Subalit maraming iba pang pag-aaral sa siyensiya ang waring tutol sa ganitong opinyon at inaalis ang pangamba hinggil sa pagnipis ng ozone at sa pag-init ng globo.

Kung gayon ay sino nga ba ang tama? Waring kaya namang patunayan at pasinungalingan ng mga eksperto sa siyensiya ang bawat pag-aangkin o argumento. “Ang makasiyensiyang katotohanan sa paanuman ay naiimpluwensiyahan ng umiiral na kaisipan ng lipunan na gaya ng idinidikta ng basta pangangatuwiran at lohika,” sabi ng aklat na Paradigms Lost. Binuod ni Michael Fumento ang hinggil sa dioxin sa pagsasabi: “Tayong lahat, depende sa kung sino ang iyong pakikinggan, ay maaaring mabiktima ng pagkalason o kaya’y mabiktima ng malubhang pagkakalat ng maling impormasyon.”

Gayunman, may ilang napabalitang kasakunaan sa siyensiya na hindi kayang ipaliwanag. Dapat itong panagutan ng siyensiya.

“Isang Kalunus-lunos na Trahedya”

Sa “Isang Mensahe sa Marurunong,” na inilabas noong Agosto 29, 1948, ipinakita ni Albert Einstein ang di-kanais-nais na bagay tungkol sa siyensiya nang sabihin niya: “Mula sa masaklap na karanasan ay natutuhan natin na ang may-katuwirang pag-iisip ay hindi sapat upang malutas ang mga problema ng ating buhay-panlipunan. Ang masusing pananaliksik at dalubhasang gawa ng siyensiya ay madalas na humahantong sa trahedya para sa sangkatauhan, . . . na nagpapangyari sa kaniyang sariling lansakang pagkawasak. Oo, ito nga’y isang kalunus-lunos na trahedya!”

Ganito ang sabi kamakailan ng isang labas ng Associated Press: “Inamin ng Britanya na sa mga Tao Nila Sinusubok ang Radyasyon.” Pinatunayan ng Ministri ng Tanggulan sa Britanya na halos 40 taon nang ginagawa ng pamahalaan ang mga eksperimento ng radyasyon sa mga tao. Isa sa mga eksperimentong ito ay nagsangkot sa pagsubok ng bomba atomika sa Maralinga, Timog Australia, noong kalagitnaan ng mga taon ng 1950.

Ang Maralinga ay isang pangalan na galing sa salitang Katutubo na nangangahulugang “kulog,” at ang nakabukod na lugar na ito ay tamang-tama sa ginagawang makasiyensiyang eksperimento ng Britanya. Pagkatapos ng unang pagsabog, walang kahulilip ang kanilang kagalakan. Isang ulat sa pahayagan sa Melbourne ang kababasahan ng ganito: “Habang napapawi ang ulap [ng radyasyon], lumabas ang sunud-sunod na mga trak at jeep na sakay ang mga sundalong taga-Britanya, Canada, Australia, at New Zealand na nakasaksi sa pagsabog sa loob ng mga kublihang hukay mga limang milya mula sa lugar ng pagsabog. At ang bawat mukha’y masayang nakangiti. Para bang sila’y galing sa isang piknik.”

Ang kabalitaan sa siyensiya para sa pahayagang Daily Express ng Britanya, si Chapman Pincher, ay lumikha pa nga ng isang awitin na pinamagatang “Pananabik sa Korteng-Kabuting Ulap.” Bukod pa riyan ay ang pagtiyak ng isang ministro ng pamahalaan na nagsabing ang pagsubok ay naisagawang lubusan ayon sa plano at na walang sinuman sa Australia ang naisapanganib sa radyasyon. Gayunman, pagkalipas ng mga taon, napawi ang ngiti sa mga mukha niyaong mga namamatay dahil sa pagkalantad sa radyasyon, at sumunod dito ang napakaraming pagbabayad-pinsala. Wala nang “Pananabik sa Korteng-Kabuting Ulap” ngayon! Hanggang ngayon ay isang bawal na lugar pa rin ang Maralinga bilang resulta ng polusyon sa radyasyon.

Ang karanasan ng Estados Unidos sa mga pagsubok sa bomba atomika na ginawa sa Nevada ay waring kagayang-kagaya nito. Ipinalalagay ng ilan na ang sangkot dito ay isang isyung pulitikal at hindi isang pagkakamali sa siyensiya. Si Robert Oppenheimer, na nangasiwa sa pagbuo ng unang bomba atomika ng Amerika, sa Los Alamos, New Mexico, ay nagsabi: “Hindi pananagutan ng mga siyentipiko na magpasiya kung dapat ngang gamitin ang bomba hidroheno. Ang pananagutang iyan ay nakaatang sa mamamayan ng Amerika at sa kanilang piniling mga kinatawan.”

Isa Pang Uri ng Trahedya

Ang paggamit ng dugo sa medisina ay naging kaugalian matapos ang Digmaang Pandaigdig II. Pinuri ito ng siyensiya bilang tagapagligtas-buhay at ipinahayag na ligtas ang paggamit nito. Datapwat nayanig ang pagiging kampante ng daigdig ng medisina sa pagsulpot ng AIDS. Biglang-bigla, ang di-umano’y tagapagligtas-buhay na likido ay mamamatay-tao pala para sa ilan. Isang administrador sa isang pangunahing ospital sa Sydney, Australia, ang nagsabi sa Gumising!: “Ilang dekada na naming isinasalin ang isang sangkap na hindi namin gaanong kilala. Ni hindi namin alam ang ilan sa mga sakit na dala nito. Kung ano pa ang aming isinasalin, hindi pa namin alam sapagkat hindi namin masusubok ang isang bagay na hindi namin alam.”

Ang lalo nang nakalulunos na kaso ay ang paggamit ng growth hormone upang lunasan ang mga babaing baog. Dahil sa kasabikang maging lalong ganap ang buhay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng anak, inakala ng mga babaing ito na ang panlunas na ito’y isang biyaya. Makalipas ang ilang taon, sa di-maipaliwanag na dahilan ay namatay ang ilan sa kanila bunga ng nakapipinsala-sa-utak na Creutzfeldt-Jakob disease (CJD). Ang mga batang hindi lumalaki na binigyan ng hormone ding ito ay namatay. Natuklasan ng mga mananaliksik na kinuha ng mga siyentipiko ang hormone mula sa mga pituitary gland ng patay na tao. Ang ilan sa mga bangkay na ito ay malamang na may virus ng CJD, at humalo ito sa mga sangkap ng hormone. Ang higit pang nakalulunos ay ang bagay na ilan sa mga babaing ito na nabigyan ng hormone ay naging mga tagapag-abuloy ng dugo bago pa lumitaw ang mga sintomas ng CJD. Nagkaroon ng pangamba na ang virus ay maaaring naroroon na ngayon sa mga isinusuplay na dugo, sapagkat walang anumang paraan upang ito’y masubok.

Ang lahat ng siyensiya ay may dulot na panganib. Hindi nga kataka-taka kung gayon na, gaya ng sabi sa aklat na The Unnatural Nature of Science, ang siyensiya “ay minamalas na taglay ang magkahalong paghanga at pangamba, pag-asa at pagkabigo, anupat nakikita kapuwa bilang pinagmumulan ng maraming karamdaman sa modernong lipunang industriyal at bilang pagmumulan ng mga panlunas sa mga karamdamang ito.”

Ngunit paano natin malilimitahan ang panganib sa ating sarili? Paano natin mapananatili ang isang timbang na pangmalas sa siyensiya? Makatutulong ang susunod na artikulo.

[Talababa]

a Ang Agent Orange ay isang panira ng halaman na ginamit noong digmaan sa Vietnam upang sirain ang mga pananim sa kagubatan.

[Blurb sa pahina 6]

Isang ministro ng pamahalaan ang nagsabi na walang panganib sa radyasyon

[Blurb sa pahina 7]

Ang Maralinga na ginawang lugar ng pagsubok ay narumhan ng radyasyon

[Blurb sa pahina 8]

“Hindi pananagutan ng mga siyentipiko na magpasiya kung dapat ngang gamitin ang bomba hidroheno.”​—Robert Oppenheimer, siyentipiko sa atomika

[Larawan sa pahina 9]

“Mula sa masaklap na karanasan ay natutuhan natin na ang may-katuwirang pag-iisip ay hindi sapat upang malutas ang mga problema ng ating buhay-panlipunan.”​—Albert Einstein, pisiko

[Credit Line]

Kuha ng U.S. National Archives

[Picture Credit Line sa pahina 5]

Richard T. Nowitz/Corbis

[Picture Credit Line sa pahina 8, 9]

Kuha ng USAF

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share