“Orthodontics”—Ano ba ang Nasasangkot Dito?
MAHALAGA ang iyong mga ngipin! Kailangan mo ang mga ito para sa pagkain at pagsasalita, at ang mga ito ay isa ring mahalagang bahagi ng kanais-nais na ngiti o halakhak.
Ang sungki-sungking ngipin ay maaaring magpahirap sa pagnguya ng pagkain, maaaring maging sanhi ng sakit sa gilagid, at ng depekto sa pagsasalita. Napansin din ng mga eksperto na ang sungki-sungking ngipin ay maaaring maging isang balakid sa pakikisalamuha para sa ilan, dahil baka maasiwa silang magsalita nang malaya sapagkat naniniwala silang ang kanilang ngiti ay pinapapangit ng kanilang ngipin.
Ano ang maaaring gawin kung hindi pantay-pantay ang iyong ngipin? Sino ang makatutulong sa iyo? Sa anong edad? Anong uri ng pag-aayos ang maaaring gamitin? Masakit kaya iyon? Palagi bang kailangan iyon?
Isang Sangay ng Dentistri
Ang sangay ng dentistri para sa gayong suliranin ay tinatawag na orthodontics. Ito’y may kinalaman sa pagtutuwid ng mga depekto sa ngipin.
Ano ang pangunahing layunin ng orthodontics? May kinalaman ito sa pagsusuri at paghadlang sa mga suliranin gayundin sa paglalagay ng aparato upang maituwid iyon.
Ang siksikan, di-regular, at nakausling mga ngipin ay isang problema para sa mga tao kahit noong una pang panahon, at ang mga pagsisikap na ayusin ito ay matatalunton sa petsang ikawalong siglo B.C.E. Natuklasan ng mga arkeologo ang nakapagtatakang mahusay-ang-pagkakadisenyong sinaunang mga orthodontic brace na gawa ng mga Griego at Etruscano.
Sa ngayon, sa maraming bahagi ng daigdig, inaayos ng mga espesyalistang dentista na tinatawag na mga orthodontist ang mga suliranin kaugnay ng sungki-sungking ngipin. Kailangang may mahusay silang kabatiran tungkol sa pagtubo at paglaki ng mga ngipin at mga panga at ng nakapaligid na kalamnan at himaymay.
Kung Ano ang Ginagawa ng Orthodontics
Ang orthodontics ay maaaring bigyang katuturan bilang “ang larangan ng dentistri na may kinalaman sa pangangasiwa, paggiya at pagtutuwid ng tumutubo at may-gulang na kayarian ng ngipin at mukha.” Kasali rito “ang pag-aayos ng ugnayan sa pagitan at sa gitna ng mga ngipin at mga buto ng mukha sa pamamagitan ng paglalagay ng puwersa at/o pagpapalakas at paggiya sa gumaganang mga puwersa sa loob ng bungo at mukha.” Oo, isang teknikal na kahulugan, ngunit tumpak.
Kaya sa orthodontics, nilalagyan ng puwersa ang mga ngipin o ang mga kayarian sa palibot ng mga ito. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pinasadyang aparato na nagtutuwid sa partikular na mga suliranin ng bawat pasyente, anupat itinutulak ang mga ngipin at maging ang mga buto sa wastong posisyon.
Sa buto sa palibot ng ngipin, may mga selulang tinatawag na osteoclast at iba pang mga selula na tinatawag na osteoblast. Bunga ng puwersang nililikha ng mga brace, gumagana ang mga osteoclast kung saan may puwersa, upang ang mabutong himaymay ay madurog. Sa mga lugar kung saan may humihilang puwersa, ang puwang ay napupunan sa pamamagitan ng bagong buto na nabubuo ng mga osteoblast. Sa ganitong paraan ay unti-unting kumikilos ang ngipin.
Hindi ba masakit kung may nakakabit na bagay na yari sa alambre, resina, at marahil elastiko pa nga sa bibig sa loob ng ilang buwan? Kapag ang aparato ay ikinabit o inayos, sa una ay medyo masakit ito; ngunit pagtatagal, ang isa ay nasasanay na rito. Ipinalalagay na sinuman ay maaaring masanay sa pagsusuot ng mga brace.
Kailan Dapat Magpatingin ang Isang Tao?
Hindi lahat ng situwasyon na waring nagpapakita ng di-normal na pagkagat, o di-normal na pagdidikit ng mga ngipin, sa mga bata ay magpapatuloy hanggang sa pagsapit sa hustong gulang. Ang ilang uri ng maling posisyon ng ngipin ay maaaring maituwid nang kusa. Sa katunayan, sa panahon ng pagbabago mula sa pansamantalang ngipin tungo sa permanenteng ngipin, ang permanenteng ngipin sa harap ng bibig ay malimit na magsiksikan, yamang ang mga ito ay mas malalaki sa ngiping hinalinhan.
Gayunman, kapag natanggal na ang pansamantalang ngipin, na napapalitan ng permanenteng ngipin, may pagbabago sa relatibong posisyon ng mga ngipin. Dahil sa paggamit at sa impluwensiya ng mga kayarian ng kalamnan, baka kusang magpantay ang mga ngipin. Kaya kung ikaw ay isang magulang, huwag kang mabahala kung mapansin mong sa simula ay waring sungki-sungki ang pagtubo ng permanenteng ngipin ng iyong anak. Matitiyak ng isang orthodontist kung may anuman na kailangang gawin tungkol dito.
Hindi pare-pareho ang opinyon ng mga orthodontist kung kailan dapat ayusin ang ngipin ng mga batang pasyente. Sinasabi ng ilan na sa murang edad (4-6 na taon). Sinasabi naman ng iba na sa dakong huli na, sa pagtatapos ng paglaki sa panahon ng pagdadalaga’t pagbibinata (12-15 taon). May palagay naman ang iba na iyon ay sa kalagitnaan ng dalawang yugtong ito.
Hindi Lamang Para sa mga Bata
Subalit ang orthodontics ay hindi lamang para sa mga bata. May kaakibat na mga suliranin ang sungki-sungking ngipin, kahit na sa pagkaadulto. Ang iyong ngiti ay maaaring ituwid nang walang anumang limitasyon sa edad kung malusog ang mga ngipin at ang mga kayariang kinalalagyan ng ngipin.
Anong mga suliranin ang idinudulot ng sungki-sungking ngipin? Di-kukulangin sa tatlong uri: (1) suliranin may kaugnayan sa hitsura; (2) mga suliranin kaugnay sa paggamit nito, kasali ang problema sa paggalaw ng panga (kirot at kawalan ng koordinasyon sa mga kalamnan), suliranin sa pagnguya, at mga suliranin sa pagbigkas at sa pagsasalita; (3) mas malaking panganib na mapinsala dahil sa nakausling ngipin at mas malaking panganib ng periodontal disease (sakit sa gilagid) at pagkabulok ng ngipin gayundin ang pagkasira at pagkaubos sanhi ng di-normal na pagdidikit ng ngipin.
Karagdagan pa, iniuugnay ng ilang eksperto ang di-normal na pagdidikit ng ngipin sa mga suliranin sa posisyon ng gulugod (lalo na sa bandang leeg) at sa mga suliranin sa paggalaw ng mga kalamnan sa iba pang bahagi ng katawan. Ngunit paano ito inaayos? At gaano katagal ito inaabot?
Tagal at Pamamaraan ng Pag-aayos
Kung inaakala mong ikaw o ang isa sa iyong mga anak ay nangangailangan ng isang orthodontist, dapat mong piliin ang isa na mapagkakatiwalaan mo. Ang tagal ng pag-aayos ay magkakaiba ayon sa laki ng problema at sa pamamaraang gagamitin, ngunit marahil ay tatagal iyon ng ilang buwan, marahil mga taon pa nga.
Para maging simple, maaari nating hatiin sa dalawang grupo ang mga aparatong pang-ayos: ang natatanggal na aparato at ang permanenteng aparato. Samantalang ang natatanggal na aparato ay maaaring alisin at ikabit muli ng pasyente, ang permanenteng aparato ay literal na idinidikit sa ngipin at gumagawa ng mas masalimuot na pagkilos ng mga ngipin.
Ang pananaliksik ay gumawa ng malaking pagsulong sa larangan ng aesthetics, kung kaya ngayon ay marami nang “mukhang natural” na aparato. Ang ilan ay hindi halata dahil ang mga ito ay kakulay ng ngipin, at ang iba naman, na inilalagay sa loob sa tinatawag na lingual position, na katabi ng dila, ay di-nakikita. Ang gayong mga pamamaraan ay tinatawag na invisible orthodontics.
Sa totoong mahihirap na kaso, kapag hindi makuha ng orthodontist ang ninanais na resulta sa pamamagitan ng mga brace, baka magpatulong pa siya sa isang siruhano na espesyalista sa mga depekto sa bibig at mukha. Maaari siyang magsagawa ng operasyon na literal na magpapabago sa posisyon ng mga buto na bumubuo sa mukha.
Sa ngayon, nasasapatan ng mga orthodontist ang pangangailangan niyaong may mga depekto sa ngipin at mga panga, pati na yaong nagnanais na muling ngumiti nang hindi naaasiwa sa kanilang ngipin. Sabihin pa, kung magpapasiya ang isa na gumamit ng orthodontics o hindi ay isang personal na bagay.
Samantala, kailangang harapin ng sangkatauhan ang mga pisikal na di-kasakdalan, na ang ilan sa mga ito ay maaaring mabawasan sa pamamagitan ng pagtutuwid. Gayunpaman, maaasahan natin ang panahon sa bagong sanlibutan ng Diyos na doo’y lubusan at permanente niyang aalisin ang lahat ng epekto ng di-kasakdalan, pati na yaong may kinalaman sa bibig. Kung magkagayon, sa bagong sistemang iyon ng sakdal na kalusugan, bawat isa sa atin ay may pagtitiwalang makababati sa pamamagitan ng magiliw at palakaibigang ngiti sa lahat ng makakasalubong natin.
Tungkol sa panahong iyon, ganito ang hula ng Bibliya: “Ang buong lupa ay sumapit sa kapahingahan, naging tahimik. Ang bayan ay nagsaya dahil sa mga hiyaw ng kagalakan.” (Isaias 14:7) Tiyak, kasama sa gayong kasiyahan at kagalakan ang magagandang ngiti!
[Mga larawan sa pahina 25]
Displey ng mga brace na dinisenyo upang (1) iurong ang mga ngipin at (2) pasiglahin ang pagtubo ng panga
1
2
[Larawan sa pahina 26]
Mga brace na dinisenyo upang pagdikitin ang kagat