Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagpapasulong ng Marka Ako po’y isang estudyante, at nais kong pasalamatan kayo sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Maaari Ko Kayang Pagbutihin Pa ang Aking Pag-aaral?” (Marso 22, 1998) Bagaman ang aking mga marka ay palagi namang mas mataas sa katamtaman, talagang wala na po akong makitang dahilan upang pagbutihin pa iyon. Ngunit nang mabasa ko ang kawili-wili at nakapagpapasiglang artikulong ito, kitang-kita ko pong higit pa pala ang magagawa ko kung magtatakda ako ng makatuwirang mga tunguhin.
B. R., Estados Unidos
Ako po’y 14 na taóng gulang, at kailanman ay hindi ko talaga naunawaan kung paano mag-aral. Naipasiya ko pong may ilang bagay na hindi ko naman magagamit sa hinaharap at inakala kong walang dahilan upang pag-aralan pa ang mga iyon. Nabago po ang aking isip nang mabasa ko ang artikulong ito. Gayundin, nais ko pong magpasalamat sa inyo sa pagpapaliwanag sa isang napakapraktikal na paraan kung paano mag-aaral!
K. F., Hapon
Pagngangalit ng Ngipin Tama sa aking pangangailangan ang artikulong “Pinagngangalit Mo ba ang Iyong mga Ngipin?” (Marso 22, 1998) Palibhasa’y dinaranas ko ang problemang ito, nasumpungan kong ito’y napakaimpormatibo at nakapagpapalakas-loob. Hindi man lamang sumagi sa aking isip na maglalathala kayo ng tungkol sa paksang ito. Dahil sa ganitong iba’t ibang impormasyon, napupukaw ninyo ang bawat mambabasa.
A. M. N. C., Brazil
Kababaihan Nang pasimulan ko ang pagbabasa ng seryeng “Kababaihan—Anong Kinabukasan ang Naghihintay sa Kanila?,” sa Abril 8, 1998, Gumising!, tumulo ang mga luha sa aking pisngi. Ngayon lamang naantig nang ganito ang aking damdamin. Maraming salamat sa inyong pagpapalakas-loob na tumanaw sa hinaharap na doo’y wawakasan na ang mapaniil na pakikitungo.
C. J., Estados Unidos
Naantig ako sa mahihirap na istilo ng buhay ng maraming kababaihan sa buong daigdig. Napaluha ako nang malaman ko ang lahat ng mga bagay na kailangang gawin ng mga kababaihang ito—na sa maraming pagkakataon ay sila lamang ang nagdadala ng pasanin. Ako’y isang ina na may dalawang anak, at madalas na umiiyak ako dahil sa maraming paghihirap na kinakaharap ko. Natulungan ako ng artikulong ito na mabatid na mas mabuti pa pala ang naging buhay ko kaysa sa iba.
K. S., Estados Unidos
Pagharap sa Pagiging Balo Nais kong ipaabot ang aking taimtim na pasasalamat sa kasaysayan ni Barbara Schweizer na, “Pagkasumpong ng Kaaliwan sa ‘Libis ng Matinding Karimlan.’ ” (Abril 8, 1998) Hindi nga ako namatayan ng asawa ngunit nawalan naman ako ng mga magulang at isang kapatid na lalaki sa loob ng tatlong taon. Sinabi ni Barbara Schweizer na ang kaniyang “kalungkutan ay isang bagay na dumarating at nawawala.” Salamat at may isa na gaya ko rin ang nadarama.
H. T., Hawaii
Ako po’y isang 17-anyos na pambuong-panahong ebanghelisador, at bagaman wala naman akong mabibigat na problema, ang kuwentong ito’y nagpalakas-loob sa akin na magkaroon ng maligaya at determinadong espiritu. Naipaunawa nito sa akin na si Jehova ay sumusuporta sa akin at hindi niya ako kailanman pababayaan.
T. C., Italya
Orthodontics Salamat po sa artikulong “‘Orthodontics’—Ano ba ang Nasasangkot Dito?” sa isyu ng Abril 8, 1998. Ako po’y 12 taóng gulang at kasisimula ko pa lamang na magkaroon ng braces sa aking mga ngipin. Hindi po ako gaanong interesado sa ideyang ito. Ngunit ipinaliwanag ng inyong artikulo kung paano ako matutulungan nito at na maraming tao ang nagsusuot ng braces, kaya hindi ako dapat mahiya.
J. L., Canada
Tuwang-tuwa ako sa artikulo tungkol sa orthodontics! Mula pa sa pagkabata ay hinangad ko nang magkaroon ng magagandang ngipin. Kamakailan, nabali ang isa sa aking ngipin sa unahan, at kinailangan kong magpagawa ng isang ngipin, na napakamahal. Dito sa Yugoslavia, kadalasan nang walang materyales ang mga dentista na kailangan para sa kanilang trabaho. At ang mga pribadong dentista ay napakamahal para sa tulad naming walang laman ang bulsa. Sabik na sabik na akong dumating ang panahon sa hinaharap na tayong lahat ay magkakaroon ng napakagagandang ngipin!
B. E., Yugoslavia