Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Gang sa Kalye Tinamaan ako sa mga artikulo tungkol sa mga gang sa kalye sa isyu na Abril 22, 1998, ng Gumising! Ngayon ay nasa repormatoryo ako. Ang aking ina ay isa sa mga Saksi ni Jehova, ngunit huminto ako noon ng pagdalo sa mga pulong. Pagkatapos ay nasangkot ako sa masasamang kasama at napasama ako sa sunud-sunod na marahas na pagnanakaw. Kaya naman pinadalhan ako ng aking ina ng Gumising! na ito. Sa una ay naisip ko, ‘Ito na naman!’ Pero nang tingnan ko iyon, nabuhos ang aking pansin at binasa kong lahat. Nang matapos kong basahin iyon, nagbago ang aking pag-iisip. Hindi ko kailanman natanto na gayong kalaki ang maitutulong sa akin ng Gumising! Gusto kong magsimula nang panibago at muling dumalo sa mga pulong. Nadama ko na hindi ko na gustong maulit pa ang aking mga pagkakamali at ibig kong paglingkuran si Jehova habang ako’y nabubuhay.
M. S., Hapon
Ako’y nagsosolong magulang ng isang 11-taong-gulang na batang lalaki at 9-na-taong-gulang na batang babae, at nakatira kami sa lugar na maraming iba’t ibang gang. Binasa ko ang magasing ito at agad na ipinakipag-usap sa aking mga anak. Sa tulong ng magasin, naunawaan nila na hindi kailanman mapapalitan ng pagiging miyembro ng isang gang ang pag-ibig o isang tiwasay na buhay pampamilya.
B. S., Estados Unidos
Tanggapin ninyo ang aking taos-pusong pasasalamat para sa mga artikulo. Madalas akong mabahala tungkol sa aking tin-edyer na mga pamangkin, at ang impormasyong inilaan ninyo ay napatunayang lubhang kapaki-pakinabang.
I. M. M., Brazil
Tamang-tama ang mga artikulo dahil bumubuo ng isang gang ang ilan sa aking mga kaklase. Hindi tiyak ng ilan kung talagang nais nilang sumali, yamang pinasusulat sila ng lider ng magagaspang na pananalita sa pader tungkol sa aming punung-guro. Salamat sa pagtulong ninyo sa mga kabataan sa mahirap na panahong ito.
B. C. G., Mexico
Nasasakal ng mga Kaibigan Gusto ko lamang sabihin kung gaano kalaki ang pasasalamat ko sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . “Paano Ko Maiiwasang Masakal ng Aking Kaibigan?” (Abril 22, 1998) Bagaman ako’y nasa hustong gulang at may-asawa na, lagi akong nasisiyahan sa mga artikulong ito. Tamang-tama ang artikulong ito sa kasalukuyang nararanasan naming mag-asawa anupat limang beses ko itong binasa bago ko binitiwan. Natulungan ako nito na matantong kahit si Jesus ay nangailangan ng panahon para sa kaniyang sarili.
P. A., Trinidad
Dahil sa maliliit na di-pagkakaunawaan, ako at ang aking kaibigan ay hindi nag-uusap kung minsan, at dahil dito ay nasisiraan ako ng loob anupat hindi ako makapagtuon ng isip. Matapos basahin nang ilang beses ang artikulo, natanto ko na sinasakal ko ang aking kaibigan at hindi ko siya binibigyan ng panahon na makagawa ng ibang bagay. Nadama ko na isinulat ang artikulong ito para lamang sa akin, dahil ipinakita nito sa akin sa napakaraming paraan kung paano mapasusulong ang aking kaugnayan sa iba.
R. S., India
Orthodontics Sa isang kamakailang pagdalaw sa aking dentista, nag-iwan ako ng isang kopya ng Gumising! ng Abril 8, 1998, na may artikulo tungkol sa orthodontics. Pagkaraan ay nagpasalamat ang dentista, anupat sinabing ang artikulo ay nakapagtuturo at payak at isinulat sa paraan na madaling maintindihan. Sinabi rin niya na binigyan niya ng mga kopya ng artikulo ang ilan sa mga pasyente upang matulungan silang maunawaan ang programa ng paggamot sa kanila.
T. P., Inglatera
Talambuhay ni Grace Marsh Gusto kong magpasalamat sa karanasan ni Grace Marsh sa Gumising! (Abril 22, 1998) Nakapagpapatibay at nakapagpapasiglang basahin ang tungkol sa kaniyang lakas ng loob sa pagpapatuloy na mangaral sa kabila ng pagsalansang. Lalo ko pang napahalagahan ang kalayaan na taglay natin sa pangangaral bunga ng mga pagsisikap ng mga kapatid noong nakalipas na panahon.
C. F., Estados Unidos