Mga Programa ng UN Para sa Kabataan—Gaano Katagumpay?
MGA 15 taon na ang nakalipas, ipinahayag ng UN ang taóng 1985 bilang Internasyonal na Taon ng mga Kabataan. Bukod dito, mga apat na taon na ang nakaraan, pinagtibay ng UN ang Pandaigdig na Programa ng Pagkilos Para sa mga Kabataan Hanggang sa Taóng 2000 at Patuloy. Inaasahan na ang mga programang ito ay tutulong upang mabawasan ang mga problema at paramihin ang mga pagkakataon para sa mahigit na isang bilyong kabataan sa daigdig. Naging mabisa ba ang mga programang ito?
Tiyak na naging gayon sa ilang larangan. Ang Choices, isang magasing inilathala ng United Nations Development Programme, ay nagbigay ng ilang halimbawa: Sa Thailand, mahigit sa kalahati ng bilang ng mga batang hindi pa pumapasok sa paaralan ang kulang sa sustansiya noong 1982. Subalit pagkaraan ng wala pang sampung taon, halos napawi na ang pangkaraniwan at matinding malnutrisyon. Sa bansang Oman, mayroon lamang tatlong paaralan noong 1970 at 900 batang lalaki lamang ang pumapasok. Ngunit noong 1994, halos 500,000 bata sa bansang iyan ang nag-aaral, at 49 na porsiyento sa mga ito ay mga batang babae. Walang alinlangan, ito ay mga kuwento ng tagumpay.
Gayunman, sinabi ng publikasyon ng UN na United Nations Action for Youth na lalo na sa papaunlad na mga bansa, ang kaunlaran ay natatakpan ng namamalaging mga problema tungkol sa edukasyon, trabaho, at kahirapan, at ang mga ito ay ilan lamang sa mga larangan na nilayong pasulungin ang Pandaigdig na Programa.
Halimbawa, maraming papaunlad na bansa ang hindi makaaabot sa tunguhin na mapaglaanan ng saligang edukasyon ang lahat ng bata pagsapit ng taóng 2000. Kadalasang hindi mapag-aral ng mga magulang sa mga bansang ito ang kanilang mga anak dahil walang mga paaralan o hindi nila kayang magpaaral. Bunga nito, sabi ng United Nations Action for Youth, “patuloy na darami ang mga taong hindi marunong bumasa’t sumulat.” Ang kawalang-kakayahang bumasa’t sumulat ay nagiging sanhi naman ng kawalang-trabaho, at ang kawalang-trabaho ay umaakay sa maraming sakit ng lipunan, gaya ng “mababang pagtingin sa sarili, pagiging walang kabuluhan,” ang pagkasayang ng talino ng mga kabataan, at matinding kahirapan. At bagaman ang kahirapan ay nararanasan kapuwa ng mga bata at matatanda, lalo nang madaling maapektuhan ang mga kabataan. Sinabi ng pinagmumulan ding iyon ng impormasyon sa UN na sa kabila ng lahat ng pagsisikap, “ang gutom at malnutrisyon ay nananatiling kabilang sa pinakamalulubha at mahihirap malunasang banta sa sangkatauhan.”
Bagaman nakatutulong ang mga programang may mabuting layunin at masisipag na propesyonal, hindi nila masugpo ang mga sanhi ng mga sakit ng lipunan. Higit pa ang kailangan upang magawa ito. Gaya ng sabi ng aklat na Mensenrechten en de noodzaak van wereldbestuur (Mga Karapatang Pantao at Pangangailangan sa Pandaigdig na Pamahalaan), malulutas lamang ang mga problema sa daigdig ‘kung magkakaroon ng isang pandaigdig na pamahalaan na nasa kalagayang magpatupad ng di-maipatupad na mga hakbang.’ Hindi nakapagtataka, kung gayon, na ang mga Kristiyano—kapuwa bata at matanda—ay umaasa sa dumarating na Kaharian ng Diyos, ang pandaigdig na pamahalaan na sinabi ni Jesus na ipanalangin ng kaniyang mga tagasunod. (Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10) Talagang may magagawa ang pamahalaang iyan!
[Larawan sa pahina 31]
Ang edukasyon ay isang saligang karapatan at pangangailangan ng lahat ng bata
[Credit Line]
WHO photo by J. Mohr
[Picture Credit Lines sa pahina 31]
FAO photo/F. Mattioli
Logo: UN photo