Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 4/22 p. 5-8
  • Kung Ano ang Dapat Nating Malaman Tungkol sa mga Gang

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Ano ang Dapat Nating Malaman Tungkol sa mga Gang
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit Sila Sumasali sa mga Gang
  • Mahirap Kumalas
  • Posible ang Isang Mas Mabuting Buhay
  • Dapat ba Akong Sumali sa Isang Gang?
    Gumising!—1991
  • Paano Ko Maipagtatanggol ang Aking Sarili sa Pagsalakay ng Gang?
    Gumising!—1991
  • Ipagsanggalang ang Ating mga Anak Mula sa mga Gang
    Gumising!—1998
  • Lumalaki ang Salot
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 4/22 p. 5-8

Kung Ano ang Dapat Nating Malaman Tungkol sa mga Gang

Si Wade, dating miyembro ng isang gang sa California, ay nagsabi: “Kami’y mga kalalakihang nakatira lamang sa iisang lugar. Magkakasama kaming nagsimula sa paaralang elementarya. Hindi lamang namin ginawa ang tamang mga pasiya.”

NAGSIMULA ang mga gang humigit-kumulang bilang mga grupo sa iisang lugar. Ang mga tin-edyer o mas nakababata ay nagkukumpulan sa isang kanto. Sama-sama silang gumagawa ng mga bagay-bagay at saka nagkakaisa upang ipagsanggalang ang kanilang sarili mula sa isang mas matatag na grupo sa di-kalayuan. Ngunit di-nagtagal at ang kanilang grupo ay nagsimulang gumaya sa pinakamararahas na miyembro nito, at nasangkot ito sa mapanganib na mga gawaing labag sa batas.

Maaaring itinuring ng isang karibal na gang mula sa isa pang kalye ang bagong grupong ito bilang kaaway. Nang magkagayo’y humantong ang galit sa karahasan. Ginamit ng mga mangangalakal ng droga ang gang upang magbenta ng ilegal na droga. Sumunod ang iba pang gawaing labag sa batas.

Si Luis ay 11 taong gulang nang ang magkakaibigan ay bumuo ng isang gang. Nagsimula siyang gumamit ng droga sa edad na 12. Naaresto siya sa unang pagkakataon sa edad na 13. Nakisali siya sa pagnanakaw sa mga awto, panloloob, at armadong pagnanakaw. At labas-pasok siya sa mga bilangguan dahil sa paglalabanan at pagkakagulo ng gang.

Baka magulat tayo kung minsan sa mga kabilang sa mga gang. Si Martha, isang may kanais-nais na hitsura at masigasig na estudyante sa mataas na paaralan, ay nakakakuha ng matataas na marka at may mahusay na paggawi sa paaralan. Gayunman, siya’y lider ng isang gang na nagbebenta ng marihuwana, heroin, at cocaine. Nang mabaril nang ilang beses at mapatay ang isa niyang kaibigan ay saka lamang siya natakot at nagbago ng kaniyang buhay.

Kung Bakit Sila Sumasali sa mga Gang

Nakapagtataka, sinasabi ng ilang miyembro ng gang na sumali sila dahil sa pag-ibig. Naghahanap sila ng pagsasamahan, ng matalik na ugnayang hindi nila masumpungan sa tahanan. Sinabi ng pahayagang Die Zeit ng Hamburg, Alemanya, na sa mga barkada sa kalye ay sinisikap ng mga kabataan na matagpuan ang katiwasayan na hindi nila matagpuan sa ibang lugar. Sinabi ni Eric, isang dating miyembro ng gang, na kung hindi ka makasumpong ng pag-ibig sa tahanan, “lumabas ka upang makatagpo ng isang bagay na mas mabuti.”

Isang ama, na dating miyembro ng isang gang, ang sumulat tungkol sa mga karanasan niya noon: “Labas-pasok ako sa bilangguan dahil sa panggugulo, paglalabanan ng mga gang, pagwawala at sa dakong huli dahil sa pagtatangkang pumatay sa pamamagitan ng pamamaril habang nagmamaneho ng kotse.” Pagkaraan, nang maging anak niya si Ramiro, kaunti lamang ang panahon niya para sa bata. Nang lumaki na si Ramiro, sumali rin siya sa isang gang, at inaresto siya ng mga pulis pagkatapos ng isang labanan ng gang. Nang igiit ng kaniyang ama na kumalas na siya sa gang, sumigaw siya: “Sila na ang aking pamilya ngayon.”

Ganito ang sabi ng isang nars sa isang ospital sa Texas, na nakakausap ng 114 kabataang biktima ng pamamaril di pa natatagalan makalipas ang isang taon: “Nakapagtataka. Wala akong nakausap ni isa man sa kanila na naghanap sa kanilang ina o sinumang miyembro ng pamilya.”

Kapansin-pansin, hindi lamang ang mga anak mula sa mahihirap na bahagi ng bayan ang sumasali sa gang. Ilang taon na ang nakaraan sinipi ng magasing Maclean’s sa Canada ang sinabi ng pulisya na sa iisang gang ay nakasumpong sila ng mga kabataan kapuwa mula sa pinakamariwasa at pinakamahirap na pamayanan sa lunsod. Iisa ang dahilan ng pagsasama-sama ng mga kabataang ito na may iba’t ibang pinagmulan​—naghahangad silang makadama ng pagiging malapit ng pamilya na hindi nila nasusumpungan sa tahanan.

Sa ilang lugar ay lumalaki ang mga kabataan taglay ang pangmalas na ang pagiging miyembro ng gang ay isang normal na paraan ng pamumuhay. Ganito ang paliwanag ng 16-na-taong gulang na si Fernando: “Inaakala nila na ang pagsali sa gang ay tutulong sa kanila na malutas ang kanilang mga problema. Iniisip nila: ‘Makikipagkaibigan ako. Sila’y malalaki at may baril. Ipagsasanggalang nila ako, at walang makagagalaw sa akin.’ ” Ngunit di-nagtatagal at natutuklasan ng mga bagong miyembro ng gang na sa pagsali sa gang ay nagiging puntirya sila ng mga kaaway ng gang.

Kadalasang masusumpungan ang mga gang sa mga pamayanan kung saan kapos ang salapi at napakaraming baril. May mga balita tungkol sa mga silid-aralan sa malalaking lunsod kung saan 2 sa 3 estudyante ay nakatira sa mga tahanang may nagsosolong magulang. Kung minsan, ang magulang ng estudyante ay isang sugapa sa droga na maaaring hindi umuuwi sa bahay kung gabi, at kailangang dalhin ng estudyante ang kaniyang anak na walang ama sa isang day-care center bago siya pumasok sa paaralan sa umaga.

Sinabi ng gobernador ng California, si Pete Wilson: “Napakalaki ng problema namin dahil maraming bata ang lumalaki nang walang ama, walang huwarang lalaki na magbibigay sa kanila ng pag-ibig, patnubay, disiplina at mga pamantayan​—anupat hindi nakauunawa kung bakit dapat nilang igalang ang kanilang sarili o igalang ang iba.” Sinabi niya na ang kawalang-kakayahang ito ng ilang kabataan na makiramay sa iba ang siyang dahilan kung kaya kanilang “waring naitutumba ang ibang tao [binabaril nila] nang wala ni katiting na pagsisisi.”

Bagaman ang kawalan ng malapit na ugnayan sa pamilya, personal na pagsasanay, at matibay na moral na halimbawa ang siyang pangunahing dahilan sa pagdami ng mga gang, may iba pa ring dahilan na nasasangkot. Kasali sa mga ito ang mga programa sa TV at mga pelikula na naghaharap sa karahasan bilang isang madaling solusyon sa mga problema, isang lipunan na kadalasang naglalarawan sa mga dukha bilang mga bigo at patuloy na nagpapaalaala sa kanila na hindi nila makakayang gawin ang mga bagay na ginagawa ng iba, at ang pagdami ng mga pamilyang may nagsosolong magulang na doo’y kailangang makipagpunyagi ang isang nasasagad na ina upang matustusan ang isa o higit pang di-nababantayang mga bata. Ang kombinasyon ng karamihan o ng lahat ng dahilang ito, at marahil ng iba pa, ang siyang umakay sa lumalaking pandaigdig na salot ng mga barkada sa kalye.

Mahirap Kumalas

Totoo, pagkaraan ng ilang panahon ay napapalayo ang ilang miyembro mula sa kanilang gang, anupat nagiging abala sa iba pang gawain. Ang iba ay baka lumipat upang makitira sa mga kamag-anak sa ibang lugar at sa gayo’y makaalpas sa buhay ng isang gang. Ngunit kadalasan, hindi ganoon kadali ang pagtiwalag sa gang.

Karaniwan, ang mga miyembro ng gang ay binubugbog nang husto ng ilang miyembro bago sila payagang makaalis nang buháy mula sa gang. Sa katunayan, ang mga nagnanais kumalas sa ilang gang ay aktuwal na binabaril. Kung makaligtas sila, pinapayagan silang makaalis! Sulit ba ang gayong matinding pang-aabuso para makakalas sa isang gang?

Ipinaliwanag ng isang dating miyembro ng gang kung bakit ibig niyang kumalas: “Lima sa mga kaibigan ko ang patay na.” Ang totoo, halos di-kapani-paniwala ang panganib sa buhay ng miyembro ng isang gang. Nag-ulat ang magasing Time tungkol sa isang dating miyembro ng isang gang sa Chicago: “Sa kaniyang pitong-taong karera, nabaril na siya sa tiyan, hinampas sa ulo ng bakal sa riles ng tren, nabalian ng braso sa isang labanan at dalawang beses na nakulong dahil sa pagnanakaw ng kotse . . . Ngunit ngayong nagpakatino na siya, pinaghahanap naman siya maging ng kaniyang dating mga kaibigan.”

Posible ang Isang Mas Mabuting Buhay

Si Eleno, isang taga-Brazil, ay dating miyembro ng Headbangers, isang gang na nakikipaglaban sa pamamagitan ng kutsilyo at kung minsa’y ng mga baril. Palibhasa’y nakadamang pinagkaitan siya ng pagkakataon, nakasumpong siya ng kasiyahan sa pagbabasag ng mga bagay at pagsalakay sa mga tao. Isang katrabaho ang nakipag-usap sa kaniya tungkol sa Bibliya. Nang maglaon ay dumalo si Eleno sa isang asamblea ng mga Saksi ni Jehova, kung saan natagpuan niya ang dating mga kasamahan na kumalas na sa kaniyang gang at gayundin ang isang dating miyembro ng karibal na gang. Nagbatian sila sa isa’t isa bilang magkakapatid​—ibang-iba sa maaaring maganap noon.

Talaga bang nangyayari ito? Oo nangyayari ito! Kamakailan ay isang kinatawan ng Gumising! ang nakipag-usap sa dating mga miyembro ng malalaking gang sa Los Angeles na naglilingkod ngayon sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos mag-usap nang ilang oras, isa sa kanila ang tumigil, sumandal, at nagsabi: “Tingnan mo! Dating Bloods at Crips na nakaupo rito at nag-iibigan sa isa’t isa bilang magkakapatid!” Sumang-ayon sila na ang kanilang pagbabago mula sa pagiging malulupit na miyembro ng gang tungo sa pagiging mga lalaking mabait at maibigin ay dahil sa bagay na natutuhan nila ang makadiyos na mga simulain sa pamamagitan ng masusing pag-aaral ng Bibliya.

Talaga nga kayang nangyayari ito sa mga taon ng 1990? Maaari nga bang magbago nang gayon ang mga miyembro ng gang? Maaari kung handa nilang suriin ang mabisang pampatibay-loob na inilalaan ng Salita ng Diyos at iayon ang kanilang buhay sa mga simulain ng Bibliya. Kung ikaw man ay miyembro ng isang gang, bakit hindi mo pag-isipan ang gayong pagbabago?

Hinihimok tayo ng Bibliya na ‘alisin ang lumang personalidad na naaayon sa inyong dating landasin ng paggawi’ at “magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa totoong katuwiran at pagkamatapat.” (Efeso 4:22-24) Paano nalilinang ang gayong bagong personalidad? “Sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman,” sabi ng Bibliya, ang personalidad ng isa ay “ginagawang bago alinsunod sa larawan ng [Diyos] na lumalang nito.”​—Colosas 3:9-11.

Sulit ba ang pagsisikap na gumawa ng pagbabago? Oo, sulit ito! Kung miyembro ka ng isang gang, malamang na kakailanganin mo ng tulong upang magawa ang gayong pagbabago. May mga tao sa inyong lugar na malulugod tumulong sa iyo. Gayunman, ang mga magulang ang kadalasang nasa kalagayan na maglaan ng pinakamalaking positibong impluwensiya sa kanilang anak. Kaya tatalakayin natin ngayon kung ano ang magagawa ng mga magulang upang maipagsanggalang ang kanilang mga anak mula sa mga gang.

[Larawan sa pahina 7]

Dating mga miyembro ng magkaribal na gang na pinagkaisa ngayon ng katotohanan sa Bibliya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share