Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 4/22 p. 8-11
  • Ipagsanggalang ang Ating mga Anak Mula sa mga Gang

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ipagsanggalang ang Ating mga Anak Mula sa mga Gang
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mahalaga ang Patiunang Pag-iingat
  • Kilalanin ang Inyong mga Anak
  • Kung Ano ang Talagang Kailangan ng Ating mga Anak
  • Paglalaan ng Kinakailangan Nila
  • Kung Ano ang Dapat Nating Malaman Tungkol sa mga Gang
    Gumising!—1998
  • Dapat ba Akong Sumali sa Isang Gang?
    Gumising!—1991
  • Paano Ko Maipagtatanggol ang Aking Sarili sa Pagsalakay ng Gang?
    Gumising!—1991
  • Lumalaki ang Salot
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 4/22 p. 8-11

Ipagsanggalang ang Ating mga Anak Mula sa mga Gang

“Kailangan ng mga bata ang mga taong magmamalasakit sa kanila.”​—Not My Kid​—Gang Prevention for Parents.

PANGALAWA sa ating kaugnayan sa Diyos, ang ating mga anak ay kabilang sa ating pinakamahahalagang pag-aari. Dapat nating kausapin sila, pakinggan sila, yakapin sila, at tiyakin na alam nilang napakahalaga nila sa atin. Dapat nating turuan sila ng mabubuting bagay​—ang maging tapat at matulungin, kung paano magkakaroon ng mabuting buhay, at kung paano magiging mabait sa iba.

Itinuro ng isang superintendente ng isang detention home para sa mga kabataan ang isang malaking suliranin sa ngayon, sa pagsasabi: “Hindi itinuturo ang mga simulain sa loob ng pamilya.” Tiyak na kailangan nating bigyang pansin ang paggawa nito. Dapat tayong mamuhay sa paraan na ibig nating mamuhay ang ating mga anak at hayaang makita nila ang kagalakan na idinaragdag nito sa ating buhay. Kung hindi natin sila tuturuan ng tamang mga simulain, paano natin maaasahang susundin nila ang gayong mga simulain?

Sinabi ng Today, isang magasing inilalathala para sa mga Amerikanong guro sa paaralan, na ang mga gang ay malimit makaakit sa mga kabataan na “itinuturing na bigo ang kanilang sarili” at na “humahanap ng kapanatagan, pagkadama ng pagiging kabilang sa isang grupo, at pagtanggap ng lipunan.” Kung talagang inilalaan natin sa ating mga anak ang gayong mga bagay sa tahanan​—kapanatagan at isang matinding pagkadama ng tagumpay kapuwa sa pamilya at sa kanilang sariling buhay​—malayong maakit sila ng bulaang mga pangako ng isang gang.

Sinabi ng isang hepe ng yunit ng pulisya laban sa mga gang sa California ang tungkol sa pagkabigla na nakikita niya sa mukha ng mga magulang kapag kumakatok ang mga pulis sa kanilang pinto at sinasabing nasangkot sa gulo ang kanilang anak. Hindi sila makapaniwalang nakagawa ng masamang bagay ang isa na inaakala nila na kilalang-kilala nila. Ngunit ang kanilang anak ay nakasumpong ng mga bagong kaibigan at nagbago na. Hindi lamang ito napansin ng mga magulang.

Mahalaga ang Patiunang Pag-iingat

Sinasabi ng mga taong nakatira sa mga lugar na kung saan aktibo ang mga gang na kapuwa ang mga kabataan at matatanda ay dapat gumamit ng mabuting pagpapasiya at huwag maghamon o magbanta sa isang gang. Iwasan ang malalaking grupo ng mga miyembro ng gang, at huwag gayahin ang kanilang hitsura at pagkilos, pati na ang istilo at kulay ng kanilang pananamit. Sa pagtulad sa kanila ay magiging puntirya ka ng isang karibal na gang.

Gayundin, kung ang isang tao ay nananamit o kumikilos na parang ibig niyang maging bahagi ng isang gang, baka gipitin siya ng mga miyembro nito na maging isa sa kanila. Ang kahalagahan ng pagkaalam sa mga saloobin ng mga miyembro ng gang sa inyong lugar ay inilarawan ng isang ama na may tatlong anak sa Chicago. Sinabi niya: ‘Kung isusuot ko ang aking sombrero na nakapaling sa kanan, iisipin nilang hindi ko sila iginagalang.’ At maaaring humantong ito sa karahasan!

Kilalanin ang Inyong mga Anak

Ganito ang sabi ng isang ina: “Dapat nating makilala ang ating mga anak​—kung ano ang nadarama nila at ang kanilang ginagawa. Wala tayong pagkakataon kung hindi tayo magiging interesado sa kanilang buhay.” Sinabi naman ng isa na hindi hihinto ang problema sa gang hangga’t hindi iyon pinipigil ng mga magulang. Sinabi pa niya: “Mahalin natin sila. Kung mapahamak sila, tayo ang napahamak.”

Kilala ba natin ang mga kaibigan ng ating mga anak, kung saan pumupunta ang ating mga anak pagkagaling sa paaralan, at kung nasaan sila kapag madilim na? Mangyari pa, hindi lahat ng ina ay nasa tahanan kapag umuwi na ang kaniyang mga anak galing sa paaralan. Ngunit ang mga nagsosolong ina na nagsusumikap nang husto para makabayad ng upa at mapakain ang kanilang mga anak ay maaaring gumawa ng mga kaayusan kasama ng ibang ina o ng isa na mapagkakatiwalaan nilang magbantay sa kanilang mga anak sa bandang hapon.

Tinanong ang isang lalaki na nakatira sa lugar ng isang malaking gang kung paano niya ipinagsasanggalang ang kaniyang sariling mga anak mula sa mga gang. Sinabi niya na inililibot niya ang kaniyang anak na lalaki sa kanilang lugar upang ipakita sa kaniya ang resulta ng gawain ng gang. Itinuturo niya ang mga sulat sa pader at ang halos magigiba nang mga gusali at ipinakikita sa kaniya “na ang lugar ay hindi mukhang ligtas at nakaistambay lamang ang mga miyembro ng gang, anupat walang anumang ginagawa sa kanilang buhay.” Sabi pa niya: “Pagkatapos ay ipinaliliwanag ko na ang pamumuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya ay hahadlang sa kaniya na humantong sa ganoon.”

Ang simpleng bagay gaya ng ating taimtim na interes sa gawain sa paaralan ng ating mga anak ay maaaring maging isang proteksiyon para sa kanila. Kung ang kanilang paaralan ay may isang gabi para sa mga magulang o may ibang panahon na ang mga magulang ay inaanyayahang dumalaw sa mga silid-aralan at makipag-usap sa mga guro, tiyaking makapunta kayo. Kilalanin ang mga guro ng inyong mga anak, at ipaalam sa kanila na nagmamalasakit kayo sa inyong anak at interesado kayo sa kaniyang pag-aaral. Kung ang paaralan ay walang gayong programa ng pagdalaw, humanap ng mga pagkakataon upang makausap ang mga guro tungkol sa pagsulong ng inyong anak sa paaralan at kung paano kayo makatutulong.

Natuklasan sa isang surbey sa isang malaking lunsod sa Amerika na sa mga estudyanteng ang pamilya ay tumutulong o nagpapasigla sa kanila sa gawaing bahay, 9 na porsiyento ang sumali sa gang. Ngunit sa mga pamilya na hindi inilalaan ang gayong atensiyon, dalawang ulit ang dami ng mga estudyante​—18 porsiyento​—ang sumali sa gang. Kung ang ating pamilya ay nag-iibigan at malapit sa isa’t isa at kung sama-sama nating ginagawa ang kanais-nais na mga bagay-bagay, babawasan nito ang posibilidad na maakit ang ating mga anak sa bulaang mga pangako ng mga gang.

Kung Ano ang Talagang Kailangan ng Ating mga Anak

Kailangan ng ating mga anak ang parehong mga bagay na kailangan natin​—pag-ibig, kabaitan, at pagmamahal. Maraming anak ang hindi kailanman hinaplos sa isang mapagmahal at maibiging paraan o nasabihan na sila’y talagang mahalaga. Huwag nawang maging ganiyan ang kalagayan ng ating mga anak! Sana’y yakapin natin sila, sabihin sa kanila na mahal natin sila, at sikaping tiyakin na namumuhay sila sa moral na paraan na itinuro natin sa kanila. Napakahalaga nila sa atin para pakitunguhan sila sa ibang paraan.

Ganito ang paliwanag ni Gerald, dating miyembro ng isang gang: “Wala akong isang ama na maaasahan, kaya bumaling ako sa mga gang para punan ang kakulangang iyan sa aking buhay.” Nagsimula siyang gumamit ng mga droga sa edad na 12. Ngunit nang siya’y 17, ang kaniyang ina ay nagsimula ng regular na pantahanang pag-aaral ng Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova. Ikinapit nito ang maiinam na simulain ng Bibliya sa kaniyang buhay. Sinabi niya: “Nakita ko ang kaniyang pagbabago, at naisip ko, ‘Tiyak na totoo ito.’ ” Ang mainam na halimbawa ng kaniyang ina ang nag-udyok sa kaniya na baguhin ang kaniyang buhay.

Dapat makita ng ating mga anak ang mabuting halimbawa sa atin​—na namumuhay tayo ayon sa paraan na sinasabi natin sa kanila. Dapat na maging mabuti ang pakiramdam nila sa kanilang pamilya, hindi dahil sa pag-aari nito, kundi dahil sa ginagawa nito. At dapat matulungan ang mga anak sa paraan na ipagmamalaki nila ang kanilang mabuting paggawi. Ganito ang sabi ng dating abogado ng distrito ng Los Angeles County tungkol dito: “Dapat na unahan natin ang ating mga anak bago sila masangkot sa mga gang.”

Paglalaan ng Kinakailangan Nila

Ang materyal na mga bagay na inilalaan natin sa ating mga anak ay hindi siyang pangunahing mahalaga. Ang talagang mahalaga ay na tinutulungan natin silang lumaki bilang maibigin at mapagmalasakit na mga adulto na may maiinam na pamantayang moral. Sinasabi ng Bibliya na tinawag ng matuwid na si Jacob ang kaniyang mga batang anak bilang “mga anak na ipinagkaloob ng Diyos sa [akin].” (Genesis 33:5) Kung ganiyan ang magiging pangmalas natin sa ating mga anak​—bilang mga kaloob ng Diyos sa atin​—mas malamang na handa tayong pakitunguhan sila nang may pag-ibig at turuan silang mamuhay nang tapat, matuwid, at may malinis na asal.

Sa gayo’y gagawin natin ang ating buong makakaya upang mamuhay sa paraan na maglalaan ng tamang halimbawa sa ating mga anak. Bibigyan natin sila ng wasto at mabuting dahilan upang ipagmalaki ang kanilang pamilya, hindi dahil sa materyal na pag-aari ng pamilya, kundi dahil sa uri ng ating pagkatao. Kung gayon, malamang na hindi sila humanap ng suporta mula sa mga taong nasa kalye.

Sa paggunita sa kaniyang kabataan, sinabi ng isang lolo: “Hindi ako kailanman gumawa ng anumang magdadala ng kahihiyan sa aking pamilya.” Inamin niya na ganito ang kaniyang nadama sapagkat batid niya ang pag-ibig ng kaniyang mga magulang para sa kaniya. Totoo, ang pagpapamalas ng pag-ibig sa kanilang mga anak ay maaaring hindi madali para sa mga ina at ama na hindi kailanman nakadama ng pag-ibig mula sa kanilang sariling magulang. Gayunpaman, kailangang magsikap ang mga magulang na ipakita ang pag-ibig sa kanilang mga anak.

Bakit napakahalaga nito? Dahil gaya ng sinabi ng “What’s Up,” isang magasing inilalathala ng Utah Gang Investigators Association, “kapag nakadama ng pag-ibig at kapanatagan ang mga kabataan​—hindi kapanatagan sa pinansiyal, kundi kapanatagan ng loob​—kadalasang naglalaho ang mga pangangailangan na nagtataboy sa kanila patungo sa mga gang.”

Baka isipin ng ilang mambabasa na bihira na ngayon ang maibiging mga pamilya. Ngunit mayroong ganitong mga pamilya. Marami sa mga ito ang masusumpungan ninyo sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Totoo, hindi sakdal ang mga pamilyang ito, ngunit malaki ang bentaha nila: Pinag-aaralan nila ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapalaki ng anak at nagsisikap na ikapit ang makadiyos na mga simulain ng Bibliya sa kanilang sariling buhay. Isa pa, itinuturo nila ang mga simulaing ito sa kanilang mga anak.

Sumasang-ayon ang mga Saksi ni Jehova sa sinabi ng The Journal of the American Medical Association: “Hindi makaaasa ang isa na magkaroon . . . ng mga tin-edyer na ‘Basta tatanggi’ nang hindi naman sila binibigyan ng isang bagay na ‘Tatanggapin.’ ” Sa ibang salita, kung ibig nating tanggapin ng ating mga anak ang mabuti at kapaki-pakinabang na mga bagay, dapat nating akayin sila sa direksiyong iyon.

Wala sa atin ang magnanais kailanman na magsabi ng gaya ng sinabi ng isang ama: ‘Sa kaniyang gang ay nasumpungan ng aking anak na lalaki ang pagsasamahan at paggalang na hindi niya nadama kailanman.’ Ni nanaisin man natin na marinig ang ating mga anak na magsabi ng gaya ng sinabi ng isang kabataan: “Sumali ako sa gang dahil kailangan ko ng isang pamilya.”

Tayong mga magulang ang siyang dapat na maging ang pamilyang iyon. At dapat nating gawin ang lahat ng makakaya natin upang tiyakin na ang ating pinakamamahal na mga anak ay manatiling magiliw at maibiging bahagi nito.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 10]

Isang Talaan Para sa Nababahalang mga Magulang

✔ Gumugol ng panahon sa tahanan kasama ng inyong mga anak, at sama-samang gawin ang mga bagay bilang isang pamilya

✔ Kilalanin ang mga kaibigan ng inyong mga anak at ang kani-kanilang pamilya, at alamin kung saan pumupunta ang inyong mga anak at kung sino ang kasama nila

✔ Ipaalam sa inyong mga anak na maaari silang lumapit sa inyo anumang oras na may problema sila

✔ Turuan ang mga anak na igalang ang ibang tao, ang kanilang mga karapatan, at ang kanilang mga ideya

✔ Suportahan ang inyong mga anak sa pamamagitan ng pakikipagkilala sa kanilang mga guro, at ipabatid sa mga guro na pinahahalagahan ninyo sila at sinusuportahan ang kanilang pagsisikap

✔ Huwag lutasin ang mga suliranin sa pamamagitan ng pagsigaw o pagiging marahas

Kailangan ng inyong mga anak ang inyong magiliw na pagmamahal

[Larawan sa pahina 9]

Ang pagpapakita ng interes sa gawain sa paaralan ng inyong anak ay maaaring maging isang proteksiyon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share