Ang Pagwasak sa Maulang Gubat
NOONG unang panahon, isang malawak na esmeraldang lupain ang nakapalibot sa ating planeta. Masusumpungan dito ang lahat ng uri ng punungkahoy, at napapalamutian ito ng maluluwang na ilog.
Tulad ng isang malaking greenhouse ng kalikasan, iyon ay isang dako ng kagandahan at pagkasari-sari. Naninirahan doon ang kalahati sa mga uri ng hayop, ibon, at kulisap sa daigdig. Subalit bagaman ito ang pinakamayamang rehiyon sa lupa, marupok din ito—mas marupok kaysa sa inaakala ng sinuman.
Ang maulang gubat ng tropiko, gaya ng tawag natin dito ngayon, ay waring napakalawak—at halos di-masisira. Hindi ito gayon. Unang nagsimulang maglaho ang maulang gubat sa mga isla ng Caribbean. Noon pa mang 1671—sampung taon bago malipol ang ibong dodo—nilamon na ng mga taniman ng tubo ang kagubatan sa Barbados.a Nangyari rin ito sa iba pang isla sa rehiyon, isang pahiwatig ng pangglobong pangyayari na mabilis na lumaganap sa ika-20 siglo.
Sa ngayon ay 5 porsiyento na lamang ng ibabaw ng lupa ang nababalutan ng maulang gubat ng tropiko, kung ihahambing sa 12 porsiyento noong nakalipas na isang daang taon. At taun-taon ay sinlaki ng Inglatera, o 130,000 kilometro kudrado, ang lawak ng kagubatan na tinatagpas o sinusunog. Ang nakapangingilabot na antas na ito ng pagwasak ay nagbabantang umubos sa maulang gubat—pati na sa mga naninirahan dito—kagaya ng sinapit ng ibong dodo. “Mahirap sabihin na maglalaho ang kagubatan pagsapit ng isang partikular na taon, ngunit maliban nang magbago ang mga bagay-bagay, maglalaho ang kagubatan,” babala ni Philip Fearnside, isang mananaliksik tungkol sa maulang gubat sa Brazil. Ganito ang iniulat ni Diana Jean Schemo noong Oktubre ng nakaraang taon: “Ipinahihiwatig ng mga nakuhang impormasyon nitong kamakailang linggo na ang panununog na nagaganap sa Brazil sa taong ito ay mas malawak kaysa sa nangyari sa Indonesia, kung saan ang mga pangunahing lunsod ay natakpan ng usok na kumalat sa ibang bansa. . . . Ang mga panununog sa pook ng Amason ay dumami nang 28 porsiyento kaysa sa nakalipas na taon, ayon sa impormasyong nakuha sa pamamagitan ng satellite, at ang bilang tungkol sa lawak ng nakalbong kagubatan noong 1994, na siyang pinakabagong naitala, ay nagpapakita ng 34 na porsiyentong kahigitan mula noong 1991.”
“Mga Punungkahoy na Tumutubo sa Isang Disyerto”
Bakit kaya gayon na lamang kabilis ang pagsira sa maulang gubat, na halos di-nagalaw isang siglo bago nito? Ang mga kagubatan sa lugar na may katamtamang temperatura, na sumasaklaw sa 20 porsiyento ng ibabaw ng lupa, ay hindi gaanong nabawasan sa nakalipas na 50 taon. Bakit gayon na lamang karupok ang maulang gubat? Ang sagot ay matatagpuan sa pambihirang katangian ng mga ito.
Sinabi ni Arnold Newman, sa kaniyang aklat na Tropical Rainforest, na ang maulang gubat ay angkop na inilarawan bilang “mga punungkahoy na tumutubo sa isang disyerto.” Ipinaliwanag niya na sa ilang bahagi ng lunas ng Amason at sa Borneo, “nakapagtataka na ang malalaking kagubatan ay tinutustusan pa nga ng halos purong maputing buhangin.” Bagaman karamihan sa maulang gubat ay maaaring hindi tumubo sa buhangin, halos lahat ay nasa ibabaw ng napakatigang, at napakakaunting lupa sa ibabaw. Bagaman ang lupa sa ibabaw ng kagubatan sa lugar na may katamtamang temperatura ay maaaring dalawang metro ang lalim, sa isang maulang gubat, bihira itong lumampas sa limang centimetro. Paano lumalago ang pinakamayabong na pananim sa lupa sa gayong mahinang kapaligiran?
Natuklasan ng mga siyentipiko ang sagot sa hiwagang ito noong mga taon ng 1960 at 1970. Natuklasan nila na mismong ang kagubatan ang literal na tumutustos sa sarili nito. Ang karamihan sa mga sustansiyang kailangan ng mga halaman ay inilalaan sa pamamagitan ng nagkalat na mga sanga at dahon na tumatakip sa pinakasahig ng gubat at—dahil sa namamalaging init at halumigmig—mabilis na nabubulok sa pamamagitan ng mga anay, fungi, at iba pang organismo. Walang nasasayang; lahat ay nareresiklo. Sa pamamagitan ng transpiration at pagsingaw mula sa kulandong ng kagubatan, nareresiklo pa man din ng maulang gubat ang hanggang sa 75 porsiyento ng ulan na natatanggap nito. Sa kalaunan, ang mga ulap na nabubuo sa ganitong proseso ay muling dumidilig sa kagubatan.
Ngunit ang ganitong kamangha-manghang sistema ay may marupok na bahagi. Kung ito’y mapipinsala nang husto, hindi na nito mapagagaling ang sarili. Kalbuhin mo ang isang maliit na bahagi ng maulang gubat, at sa loob lamang ng ilang taon, makababawi ito; ngunit patagin mo ang isang malaking lugar, at baka hindi na ito kailanman makababawi. Tinatangay ng malakas na ulan ang mga sustansiya, at pinatitigas ng mainit na sikat ng araw ang manipis na suson ng lupa sa ibabaw hanggang sa wakas ay magagaspang na damo na lamang ang maaaring tumubo.
Lupain, Troso, at mga Hamburger
Sa mga nagpapaunlad na bansang kulang ng lupang sinasaka, ang malalawak na basal na kagubatan ay waring handa na para sa pagpapaunlad. Ang isang “madaling solusyon” ay ang pasiglahin ang mahihirap at walang-lupang mga magsasaka na maghawan sa mga bahagi ng kagubatan at magtatag ng karapatan—parang katulad ng paninirahan ng mga nandayuhang Europeo sa American West. Subalit kalunus-lunos ang mga resulta, kapuwa sa kagubatan at sa mga magsasaka.
Ang mayabong na maulang gubat ay maaaring magbigay ng impresyon na anumang halaman ay tutubo roon. Ngunit kapag naputol na ang mga punungkahoy, naglalaho na ang inaakalang walang-takdang pagkamabunga. Ang problema ay ipinaliwanag ni Victoria, isang babaing taga-Aprika na nagsasaka sa isang maliit na lupa na nakuha kamakailan ng kaniyang pamilya mula sa gubat.
“Katatapos pa lamang tagpasan at sunugin ng aking biyenang lalaki ang bahaging ito ng kagubatan upang makapagtanim ako ng mani, balinghoy, at ilang saging. Sa taóng ito ay maganda ang aking aanihin, ngunit sa loob ng dalawa o tatlong taon, hindi na mataba ang lupa, at kakailanganin na naming maghawan sa iba pang bahagi. Ito’y mahirap na trabaho, pero ito lamang ang tanging paraan para makaraos kami.”
May di-kukulangin sa 200 milyong tagpas-sunog na mga magsasakang tulad ni Victoria at ng kaniyang pamilya! At sila ang dahilan ng 60 porsiyento ng nasisirang maulang gubat taun-taon. Bagaman mas gusto ng mga gumagalang magsasakang ito ang isang mas madaling paraan ng pagsasaka, wala silang mapagpipilian. Palibhasa’y nakikipagpunyagi sa araw-araw upang makaraos, nasusumpungan nila na ang pangangalaga sa maulang gubat ay isang luho na hindi nila makakayanan.
Samantalang tinatagpasan ng karamihan ng magsasaka ang gubat para tamnan, hinahawan naman ito ng iba para panginainan ng mga baka. Sa mga maulang gubat ng Sentral at Timog Amerika, ang mga bakahan ay isa pang pangunahing sanhi ng pagkalbo sa kagubatan. Ang karne mula sa mga bakang ito ay karaniwan nang dinadala sa Hilagang Amerika, kung saan malaki ang pangangailangan ng mga fast-food na tindahan para sa murang karne na pang-hamburger.
Subalit nararanasan din ng mga rantsero ang mga suliranin ng maliliit na magsasaka. Ang pastulang sumusulpot mula sa mga abo ng isang maulang gubat ay bihirang makatustos sa mga baka pagkaraan ng limang taon. Ang paggawa ng mga hamburger mula sa maulang gubat ay maaaring pagkakitaan ng ilan, ngunit tiyak na isa ito sa pinakamaaksayang paraan ng paggawa ng pagkain na naisip kailanman ng tao.b
Isa pang malaking banta sa maulang gubat ang pagtotroso. Hindi naman pagtotroso ang laging sumisira sa maulang gubat. Ang ilang kompanya ay umaani ng ilang pangkomersiyong halaman sa paraan na nakababawi kaagad ang kagubatan. Ngunit dalawang-katlo ng 45,000 kilometro kudrado ng kagubatan na pinagkukunan ng mga kompanya ng troso taun-taon ay lubhang natagpasan anupat 1 lamang sa 5 punungkahoy sa kagubatan ang hindi napipinsala.
“Nanlulumo ako kapag nakakakita ako ng isang napakayamang kagubatan na sinira ng walang-patumanggang pagtotroso,” ang hinagpis ng botanikong si Manuel Fidalgo. “Bagaman totoo na ang ibang halaman at punungkahoy ay maaaring tumubo sa isang hinawang lugar, ang mga bagong tumubo ay isa lamang sekundaryang kagubatan—na mas kakaunti ang uri ng mga halaman. Kakailanganin ng ilang siglo o mga milenyo pa nga bago makabawi ang dating kagubatan.”
Pinabibilis din ng mga kompanya sa pagtotroso ang pagsira sa kagubatan sa iba pang paraan. Napapasok ng mga rantsero at gumagalang mga magsasaka ang gubat pangunahin na sa pamamagitan ng mga kalsadang ginawa ng mga magtotroso. Kung minsan ang mga basura na naiiwan ng mga magtotroso ang nagiging sanhi ng mga sunog sa kagubatan, na mas malawak na sumisira sa kagubatan kaysa sa natagpas ng mga magtotroso. Sa Borneo, ang isa lamang sunog ay kumalbo sa isang milyong ektarya noong 1983.
Ano ba ang Ginagawa Upang Ipagsanggalang ang Kagubatan?
Sa harap ng mga bantang ito, may ilang pagsisikap upang mailigtas ang mga gubat na natitira pa. Ngunit napakalaki ng trabahong ito. Ang mga pambansang parke ay nakapagsasanggalang sa maliliit na bahagi ng maulang gubat, ngunit ang pangangaso, pagtotroso, at tagpas-sunog na pagsasaka ay nagpapatuloy pa rin sa loob ng maraming parke. Kulang ang salaping ginugugol ng nagpapaunlad na mga bansa para sa pangangasiwa sa mga parke.
Ang mga pamahalaang kapos sa salapi ay madaling naaakit ng internasyonal na mga kompanya para magbenta ng mga karapatan sa pagtotroso—na sa ilang kaso ay isa sa iilang pambansang kayamanan na magagamit upang bayaran ang mga pagkakautang sa ibang bansa. At wala nang mapuntahan ang milyun-milyong gumagalang magsasaka kundi ang loob ng maulang gubat.
Sa isang daigdig na sinasalot ng napakaraming suliranin, gayon nga ba kahalaga ang pangangalaga sa maulang gubat? Ano ang mawawala sa atin kapag naglaho ang mga ito?
[Mga talababa]
a Ang ibong dodo ay malaki, mabigat, at di-lumilipad na ibon na nalipol na noong 1681.
b Dahil sa malawakang protesta, inihinto na ng ilang fast-food na mga tindahan ang pag-aangkat ng murang karne ng baka mula sa mga bansang tropiko.