Bakit Dapat Pangalagaan ang Kagubatan?
ISANG pulutong ang nanonood ng isang labanan ng soccer at malakas na nagsisigawan. Nais nilang ang laro ay tumagal magpakailanman. Subalit patuloy nilang binabaril ang mga manlalaro. Isa-isa, ang mga patay ay binubuhat mula sa pinaglalaruan. Ang pulutong ng mga tao ay nagsiklab sa galit nang ang laro ay bumagal.
Gayung-gayon ang pagkalbo sa kagubatan. Ang mga tao ay nasisiyahan sa mga gubat, sa katunayan, dumidepende sila rito. Subalit patuloy nilang pinapatay ang katumbas ng mga manlalaro: ang indibiduwal na uri ng mga halaman at mga hayop, na ang masalimuot na kaugnayan sa isa’t isa ay siyang nagpapanatili sa gubat na buháy. Gayunman, higit pa ito sa isang laro. Apektado ka ng pagkalbo sa kagubatan. Apektado nito ang kalidad ng iyong buhay, kahit na hindi ka pa kailanman nakakita ng isang kagubatan (rain forest).
Ang katakut-takot na pagkasarisari ng nabubuhay na bagay, na tinatawag ng mga siyentipiko na biodiversity (pagkakaiba-iba ng buhay), na sinasabi ng iba ang siyang pinakamalaking halaga ng mga kagubatan. Ang kalahating kilometro kuwadrado ng kagubatan sa Malaysia ay maaaring pagtamnan ng mga 835 uri ng punungkahoy, mas marami kaysa maitatanim na puno sa Estados Unidos at Canada na pinagsama.
Subalit ang saganang kasalimuotang ito ng buhay ay delikado. Inihambing ng isang siyentipiko ang indibiduwal na mga uri sa mga rimatse sa isang eruplano. Mientras mas maraming rimatse ang nahuhulog, higit pa ang lumuluwag dahil sa matinding puwersa. Kung ang paghahambing na iyan ay mabisa, ang ating planeta ay isang sirang “eruplano.” Habang lumiliit ang mga kagubatan, tinataya ng ilan na sampung libong mga uri ng halaman at hayop ang namamatay sa bawat taon, na ang bilis ng pagkalipol ay mga 400 beses na mas mabilis ngayon kaysa kailanman sa kasaysayan ng planeta.
Ipinagdadalamhati ng mga siyentipiko ang ganap na kawalan ng kaalaman na nagmumula sa pagbabang ito ng biodiversity. Sabi nila na ito ay gaya ng pagsunog sa isang aklatan bago mo pa mabasa ang mga aklat nito. Subalit may higit pang tunay na mga kawalan. Halimbawa, mga 25 porsiyento ng medisina na inirereseta sa Estados Unidos ay galing sa mga halaman sa tropikal na gubat. Isa sa gayong medisina ay mabilis na nagpapakalma sa leukemia sa pagkabata mula sa 20 porsiyento noong 1960’s tungo sa 80 porsiyento noong 1985. Kaya, sang-ayon sa World Wildlife Fund, ang mga kagubatan “ay kumakatawan sa isang napakalaking botika.” At di-mabilang na mga halaman ay hindi pa natutuklasan, ni nasuri kaya para sa posibleng gamit sa medisina.
Isa pa, iilan sa atin ang nakababatid kung gaano karami sa ating mga pananim ang galing sa mga halaman na dating masusumpungan sa kagubatan. (Tingnan ang kahon sa pahina 11.) Hanggang sa ngayon, tinitipon ng mga siyentipiko ang mga gene mula sa malalakas, naninirahan-sa-gubat na mga uring ito ng halaman at ginagamit ito upang palakasin ang panlaban nito sa sakit sa kanilang mas mahinang mga inapo, ang lokal na mga pananim. Ang mga siyentipiko ay nakapagtipid ng daan-daang milyong dolyar sa kawalan ng mga ani sa gayong paraan.
At saka, hindi pa natin alam kung anong mga pagkain sa kagubatan ang maaaring lumabas na pangglobong mga paborito. Hindi nalalaman ng karamihang taga-Hilagang Amerika mga isang daan taon nakalipas, na inakala ng kanilang mga ninuno na ang saging ay isang kakaiba, eksotikong prutas at nagbayad ng dalawang dolyar para sa isang saging, na isa-isang binalot.
Ang Pangglobong Larawan
Ang tao mismo ang pangwakas na biktima ng pagkalbo sa kagubatan. Ang mga epekto sa pangglobong kapaligiran ay kumakalat hanggang sa malaganapan nito ang daigdig. Paano? Tingnan nating muli ang isang tipikal na kagubatan (rain forest). Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan, ang ulan ang pangunahing tampok nito. Mahigit na 20 centimetro ang maaaring bumagsak sa isang araw, mahigit na 9 na metro sa isang taon! Ang kagubatan ay angkop na idinisenyo upang pakitunguhan ang ganitong pagbuhos ng ulan.
Binabawasan ng kulandong ang lakas ng mga patak ng ulan upang hindi nito matibag ang lupa. Maraming dahon ang nasasangkapan ng pahabang mga dulo, o mga dulong pantulo, na humahati sa mabibigat na mga patak ng ulan. Sa gayon, ang malakas na pumapatak na ulan ay nababawasan at nagiging walang-tigil na pagtulo, na marahang nahuhulog sa lupa sa ibaba. Pinangyayari rin ng mga dulo ang dahon na mabilis na mabuhos ang tubig upang ang mga ito’y makababalik sa transpiration, ibinabalik ang halumigmig sa atmospera. Sinisipsip ng mga sistema ng ugat ang 95 porsiyento ng tubig na dumarating sa pinaka-sahig ng gubat. Sa kabuuan, sinisipsip ng gubat ang patak ng ulan na parang isang higanteng espongha at saka inilalabas ito nang dahan-dahan.
Ngunit dahil sa naglaho na ang gubat, ang ulan ay bumabagsak nang diretso at matigas sa nakalantad na lupa at tinatangay nang tone-tonelada ito. Halimbawa, sa Côte d’Ivoire, Kanlurang Aprika, isang ektarya ng bahagyang dahilig na tropikal na kagubatan ay nawawalan lamang ng halos tatlong ikasandaan ng isang tonelada sa bawat taon. Ang gayunding ektarya, ng kinalbo, sinakang lupa, ay nawawalan ng 90 tonelada ng lupa sa bawat taon; ng palanas na lupa, 138 tonelada.
Ang gayong uri ng pagkawala ng lupa ay nakagagawa ng higit na pinsala sa lupa para sa pagsasaka o sa pastulan. Balintuna nga, ang mga prinsa, na nagpapangyari ng napakalawak na pagkalbo sa gubat, ay napapahamak rin nito. Natatabunan ng banlik na dala ng mga ilog mula sa mga dakong kinaingin, ang mga prinsa ay agad na nagbabara at nawawalang silbi. Ang mga rehiyon sa tabing-dagat at mga dakong paitlugan ng isda ay sumasamâ rin dahil sa labis na banlik.
Higit pang nakapipinsala ang mga epekto ng ulan at lagay ng panahon. Ang mga ilog na lumalabas mula sa tropikal na mga kagubatan ay karaniwang mataas sa buong taon. Subalit kung wala ang gubat na nag-aayos sa daloy ng tubig sa mga ilog, ito ay umaapaw sa biglang mga pag-ulan at pagkatapos ay biglang natutuyo. Lumilitaw ang isang siklo ng mga baha at tagtuyot. Maaaring maapektuhan ng mga huwaran ng ulan ang libu-libong milya sa paligid, yamang ang isang kagubatan sa pamamagitan ng transpiration ay nagbibigay ng kalahati ng halumigmig sa atmospera roon. Kaya, malamang na ang pagkalbo sa kagubatan ang siyang dahilan ng mga baha sa Bangladesh at ng mga tagtuyot sa Ethiopia na sumawi ng napakarami nitong nakalipas na dekada.
Subalit maaari ring maapektuhan ng pagkalbo sa kagubatan ang klima ng buong planeta. Ang mga kagubatan ay tinatawag na luntiang bagà ng lupa sapagkat kinukuha nito ang carbon dioxide sa hangin at ginagamit ang carbon upang gumawa ng mga katawan at sanga at balat ng punungkahoy. Kapag ang isang gubat ay sinunog, ang lahat ng carbon na iyon ay itinatambak sa atmospera. Ang problema ay, itinambak ng tao ang napakaraming carbon dioxide sa atmospera (kapuwa sa pagsusunog ng mga gatong na fossil at sa pagkalbo sa kagubatan) anupa’t maaaring sinimulan na niya ang isang pangglobong pagpapainit na tinatawag na greenhouse effect, na nagbabantang tunawin ang mga niyebe sa polo ng planeta at pataasin ang mga antas ng dagat, pinagbabaha ang mga rehiyon sa tabing-dagat.a
Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang mga tao sa buong daigdig ay napapasangkot sa krisis. Sila ba’y tumutulong? Mayroon bang anumang lunas na iniaalok? Anong pag-asa mayroon sa kalunus-lunos na kalagayang ito?
[Talababa]
a Tingnan ang Gumising!, Setyembre 8, 1989.
[Kahon sa pahina 11]
Saganang Ani Mula sa Kagubatan
Mayroon bang isang piraso ng tropikal na kagubatan (rain forest) malapit sa inyo ngayon? Isaalang-alang ang ilan sa mga pagkain na dating nasumpungan sa mga kagubatan sa buong daigdig: bigas, mais, kamote, kasaba (kamoteng-kahoy, o tapioca), tubó, saging, dalandan, kape, kamatis, tsokolate, pinya, abokado, vanilla, suha, sarisaring nuwes, mga pampalasa, at tsa. Halos kalahati ng pananim ng daigdig ay galing sa mga halaman na mula sa mga kagubatan! At ilan lamang iyan sa mga pagkain.
Isaalang-alang ang mga medisina: Mga alkaloid mula sa mga baging ay ginagamit na pampahinahon sa kalamnan bago ang operasyon; ang aktibong mga sangkap ng hydrocortisone upang labanan ang pamamagâ, kinina upang labanan ang malaria, digitalis upang gamutin ang sakit sa puso, diosgenin sa birth control pills, at ang ipecac na pampasuka ay pawang galing sa mga halaman sa kagubatan. Iba pang mga halaman ay magagamit sa paglaban sa AIDS at kanser, gayundin sa pagtatae, lagnat, kagat ng ahas, at conjunctivitis at iba pang sakit sa mata. Ang iba pang gamot na maaaring nananatili pang lihim ay hindi pa alam. Wala pang 1 porsiyento ng mga uri ng halaman sa kagubatan ang nasuri ng mga siyentipiko. Ganito ang panangis ng isang dalubhasa sa halaman: “Sinisira natin ang mga bagay na hindi nga natin nalalamang umiiral.”
Gayunman higit pang mga produkto ang nanggagaling sa naglalahong mga gubat: latex, dagtâ, waks, asido, alkohol, pampalasa, pampatamis, tina, mga himaymay na gaya niyaong ginagamit sa life jackets, ang gum na ginagamit sa paggawa ng chewing gum, kawayan, at ratan—sa ganang sarili ang saligan ng isang malawak, pangglobong industriya.
[Dayagram/Larawan sa pahina 9]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang Papel ng Gubat
Ang gubat ay nagdaragdag ng halumigmig at oksiheno sa atmospera
Sinisipsip at iniimbak ng pananim ang carbon
Iniingatan ng kulandong ang lupa mula sa malalakas na patak ng ulan
Ang mga sistema ng ugat ay tumutulong upang ayusin ang daloy ng
halumigmig sa mga ilog
[Larawan sa pahina 10]
Mga Epekto ng Pagkalbo sa Kagubatan
Ang pagbaba ng halumigmig sa atmospera ay nangangahulugan ng
higit pang mga tagtuyot
Inaanod ng ulan ang nakalantad na lupa. Lumalaki ang baha
Ang pagsunog ng mga puno ay naglalabas ng carbon at nakadaragdag
sa “greenhouse effect”