Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 3/22 p. 3-5
  • Nawala sa Isang Iglap!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nawala sa Isang Iglap!
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kasong Tinutukoy: Brazil
  • Isang Pangglobong Problema
  • Bakit Dapat Pangalagaan ang Kagubatan?
    Gumising!—1990
  • Maulang Kagubatan—Maililigtas Pa Kaya ang mga Ito?
    Gumising!—2003
  • May Kinabukasan ba ang Kagubatan?
    Gumising!—1990
  • Ang mga Pakinabang sa Maulang Gubat
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 3/22 p. 3-5

Nawala sa Isang Iglap!

IKAW ay lumalakad-lakad sa isang lupain ng lutiang silim, sa gitna ng matatag na mga hanay ng punungkahoy na tumataas ng hanggang 15 palapag sa ibabaw ng iyong ulo. Sa itaas mo ay isang napakalawak na pagkakásalá-salabíd ng buhay, ang pinakamasukal, pinakasaganang ecosphere sa lupa. Ang mga punungkahoy ay napalalamutian ng mga baging na kung minsan ay daan-daang metro ang haba at nagagayakan ng mga halaman na nakakabit sa katawan at mga sanga. Ang mayabong na tropikal na mga bulaklak ay humahalimuyak sa tahimik at mainit na himpapawid.

Ito ang tropikal na kagubatan (rain forest). Subalit higit pa ito sa isang magandang tanawin, higit pa sa mga pasilyo ng hanay ng mga arko ng makulimlim na kagubatan na pinapasok ng mga silahis ng liwanag. Ito ay isang mekanismo ng di-kapani-paniwalang kasalimuotan na ang mga bahagi ay sama-samang gumagawa nang may katumpakan.

Ang buhay rito ay sagana, isang pagkasarisari na hindi matutularan saanman sa ibabaw ng lupa ng ating planeta. Ang mga kagubatan ay kumukuha lamang ng 6 na porsiyento ng sukat ng lupa subalit taglay nito ang kasindami ng kalahati ng lahat ng uri ng halaman at hayop. Gumagawa ito ng halos sangkatlo ng lahat ng nabubuhay na bagay sa lupa. Sa dako pa roon sa itaas, ang kulandong ng kagubatan ay tahanan ng eksotikong mga insekto at mga ibon, ng mga unggoy at iba pang mga mammal. Ang karamihan ay hindi bumababa sa lupa. Pinakakain at binibigyan sila ng tirahan ng mga punungkahoy, at sila naman ang nagpapangyari ng polinasyon ng mga punungkahoy o kumakain ng mga bunga nito, ikinakalat ang mga buto sa kanilang mga dumi.

Araw-araw ay umuulan, binabasa nang husto ang kagubatan at ginagatungan ang kanilang masalimuot na siklo ng buhay. Hinuhugasan ng ulan ang mga dahon at nagtutungo sa katawan ng puno na isang mayaman-sa-nutriyenteng sabaw na nagpapakain sa mga halaman na tinatawag na mga epiphyte na tumutubo sa mga punungkahoy. Ang mga epiphyte naman ay tumutulong sa punungkahoy na kunin ang pangunahing pagkain nito, ang nitroheno, mula sa himpapawid. Maraming epiphyte ang may “mga tangkeng” dahon na humahawak ng galun-galong tubig, lumilikha ng maliliit na lawa sa himpapawid sa taas na tirahan ng mga palakang-puno, salamander, at mga ibon.

Anumang pagkain ang dumarating sa pinaka-sahig ng kagubatan ay agad na inuubos. Ang mga mammal, kuyog ng mga insekto, at baktirya ay pawang nagtatrabahong sama-sama upang pabulukin ang mga nuwes, mga patay na hayop, at dahon. Saka buong pananabik na tinatanggap ito ng lupa mismo. Kung wawalisin mo ang mga basura na iyong tinutungtungan, masusumpungan mo ang isang makapal, malambot na latag ng puting mga himaymay, sala-salabid na mga ugat at mga halamang-singaw (fungi). Ang mga halamang-singaw na ito ay tumutulong sa mga ugat na mabilis na sumipsip ng mga nutriyente, bago ito tangayin ng ulan.

Ngunit ngayon ipagpalagay nang ang iyong paglalakad sa kagubatan ay natatakdaan sa isang maliit na bahagi, isang lugar na kasinlaki ng isang Ame-

rikanong football field. Walang anu-ano, ang buong bahaging iyon ng kagubatan ay naglalaho. Ganap ang pagkawasak nito​—sa isang iglap! At habang minamasdan mo ito nang may malaking takot, ang bahaging kalapit mo, na kasinlaki nito, ay napalis sa sumunod na sandali, at isa pa sa kasunod na sandali, at patu-patuloy pa. Sa wakas, ikaw ay nakatayong mag-isa sa isang walang laman na kapatagan, sa ibabaw ng lupa na tigáng na tigáng sa ilalim ng nakasisilaw na tropikal na araw.

Sang-ayon sa ilang tantiya, ganiyan kabilis nawawasak ang tropikal na kagubatan ng daigdig. Mas mataas pa nga ang tantiya ng iba. Sang-ayon sa magasing Newsweek, isang sukat ng lupa na kasinlaki ng California ang nawawasak taun-taon. Tinatawag ito ng magasing Scientific American ng Setyembre 1989 na isang sukat ng lupa na kasinlaki ng Switzerland at Netherlands na pinagsama.

Subalit anuman ang lawak nito, ang pinsala ay nakapangingilabot. Ang pagkalbo sa kagubatan ay nagbangon ng isang pangglobong kaguluhan, at ito ay nakatuon lalo na sa isang bansa.

Kasong Tinutukoy: Brazil

Noong 1987 ang mga larawang kuha ng satelayt sa Amazon basin ay nagpapakita na ang bilis ng pagkalbo ng kagubatan sa dakong ito ay mas mabilis kaysa ilang mga tantiya para sa pagkalbo ng kagubatan sa buong planeta! Samantalang sinusunog ng mga tao ang kagubatan upang mahawan ito, libu-libong mga apoy ang nagpapaliwanag sa mga gabi. Ang ulap ng usok ay kasinlaki ng India at napakakapal anupa’t kailangang magsara ang ilang paliparan. Sa isang tantiya, taun-taon ang Amazon basin ay nawawalan ng kagubatan na kasinlaki ng Belgium.

Tinawag ito ng dalubhasa sa kapaligiran (environmentalist) na taga-Brazil na si José Lutzenberger na “ang pinakamalaking pagkawasak sa pamamagitan ng apoy sa kasaysayan ng buhay.” Sa buong daigdig, ang mga dalubhasa sa kapaligiran ay galit na galit at handang lumaban. Itinawag pansin nila ang suliranin ng mga kagubatan sa publiko. Kahit na ang mga T-shirt at mga konsiyertong rock ay nagsasabing, “Pangalagaan ang kagubatan.” Saka naman dumating ang pinansiyal na panggigipit.

Ang Brazil ay nagkakautang ng mahigit na isang daang libong milyong dolyar sa ibang bansa at dapat gugulin ang halos 40 porsiyento ng mga kita nito sa pagluluwas upang mabayaran lamang ang interes. Lubha itong dumidepende sa tulong at mga pautang ng ibang bansa. Kaya sinimulang pigilin ng internasyonal na mga bangko ang mga pautang na maaaring gamitin upang sirain ang mga kagubatan. Ang mauunlad na bansa ay nag-alok na ipagpalit ang ilan sa pagkakautang ng Brazil para sa pinagbuting proteksiyon ng kanilang kapaligiran. Hiniling pa nga ng pangulo ng E.U. na si Bush sa Hapón na huwag pahiramin ang Brazil ng mga pondo upang magtayo ng isang haywey sa basal na mga kagubatan.

Isang Pangglobong Problema

Sa maraming taga-Brazil, lahat ng panggigipit na ito ay punô ng pagpapaimbabaw. Malaon nang winasak ng mauunlad na mga bansa ang kanila mismong mga kagubatan at bihira nilang pahintulutan ang anumang banyagang kapangyarihan na hadlangan sila sa paggawa ng gayon. Kasalukuyang pinapalis ng Estados Unidos ang kahuli-hulihang kagubatan nito. Ang mga ito ay hindi tropikal, tiyak iyan; ang mga ito ay kainamang mga kagubatan ng Hilagang-kanlurang Pasipiko. Maglalaho rin doon ang iba’t ibang uri ng buhay.

Kaya ang pagkalbo sa kagubatan ay isang pangglobong problema, hindi lamang isang problema ng taga-Brazil. Ang pagkawala ng tropikal na mga kagubatan ay pinakamapanganib ngayon. Mahigit na kalahati ng mga kawalang iyon ay nangyayari sa labas ng Brazil. Ang Sentral Amerika at Timog-silangang Asia ang dalawa pang rehiyon sa daigdig na may malalaking kagubatan, at doon man ang mga kagubatan ay mabilis na naglalaho.

Ang pagkalbo sa kagubatan ay mayroon ding pangglobong mga epekto. Ito’y nangangahulugan ng gutom, uhaw, at kamatayan ng angaw-angaw. Isa itong problema na nakakaapekto sa iyong buhay. Apektado nito ang pagkaing iyong kinakain, ang medisinang iyong ginagamit, ang lagay ng panahon kung saan ka nakatira​—marahil pati na ang kinabukasan ng sangkatauhan.

Ngunit maaaring itanong mo: ‘Paano nga magkakaroon ng gayon malayong-nararating na mga epekto ang mga kagubatang ito? Ano nga kung maglaho ang mga ito sa loob ng mga ilang dekada, gaya ng sabi ng ibang mga dalubhasa na mangyayari? Ito nga kaya ay magiging isang malaking sakuna?’

Bago natin masagot ang mga katanungang iyon, unahin muna nating sagutin ito: Ano ang mga sanhi ng pagkawasak ng mga kagubatan?

[Dayagram/Mapa sa pahina 5]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Naglalahong mga Kagubatan

Bago ang pagkalbo sa kagubatan

Kasalukuyang lawak

Ang taóng 2000 sa kasalukuyang bilis ng pagkalbo sa kagubatan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share