Ang Aking Mahabang Paglalakbay Mula sa Buhay at Kamatayan sa Cambodia
AYON SA PAGKALAHAD NI WATHANA MEAS
NOON ay 1974, at nakikipaglaban ako sa Khmer Rouge sa Cambodia. Isa akong opisyal sa hukbo ng Cambodia. Sa isang labanan ay nabihag namin ang isang sundalo ng Khmer Rouge. Ang sinabi niya sa akin tungkol sa mga plano ni Pol Pot sa hinaharap ay bumago sa aking buhay at nagbunsod sa akin sa isang mahabang paglalakbay, kapuwa sa literal at sa espirituwal na paraan.a
Ngunit hayaan ninyong dalhin ko kayo sa simula ng aking pakikipagsapalaran. Isinilang ako noong 1945, sa Phnom Penh, sa lugar na kilala sa wikang Khmer bilang Kampuchea (Cambodia). Nang dakong huli ay humawak ng isang mahalagang posisyon sa sekreta ang aking ina. Isa siyang special agent para kay Prinsipe Norodom Sihanouk, ang tagapamahala ng bansa. Yamang siya lamang ang nangangalaga sa akin at napakaabala ng kaniyang iskedyul, naobliga siyang iwan ako sa isang templong Budista upang doon ako pag-aralin.
Ang Aking Kinalakhang Budismo
Walong taong gulang ako nang mamuhay ako kasama ng punong Budistang monghe. Mula nang taóng iyon hanggang noong 1969, hinati ko lamang ang aking panahon sa pagitan ng templo at ng tahanan. Ang mongheng pinaglingkuran ko ay si Chuon Nat, ang pinakamataas na Budistang awtoridad sa Cambodia noong panahong iyon. Sa loob ng ilang panahon, nagtrabaho ako bilang kaniyang kalihim at tumulong sa kaniya sa pagsasalin ng banal na aklat ng Budismo na “Ang Tatlong Basket” (Tipitaka, o Sanskrit Tripitaka) mula sa isang sinaunang wikang Indian tungo sa wikang Cambodian.
Itinalaga ako bilang isang monghe noong 1964 at naglingkod na gayon hanggang 1969. Sa panahong iyon ay maraming tanong na bumagabag sa akin, gaya ng, Bakit labis-labis ang pagdurusa sa daigdig, at paano ito nagsimula? Nakita kong sinusubukan ng mga tao na paluguran ang kanilang mga diyos sa maraming paraan, ngunit hindi nila alam kung paano malulutas ng kanilang mga diyos ang kanilang mga suliranin. Hindi ako makasumpong ng kasiya-siyang sagot sa mga akdang Budista, at hindi rin makapagbigay ng sagot ang ibang monghe. Gayon na lamang ang aking pagkasiphayo anupat naipasiya kong iwan ang templo, at tinalikuran ko ang pagiging isang monghe.
Sa wakas, noong 1971, umanib ako sa hukbo ng Cambodia. Ipinadala ako sa Vietnam noong mga 1971, at dahil sa aking edukasyon, itinaas ako sa ranggo na pangalawang tinyente at naatasan sa pantanging mga puwersa. Nilalabanan namin noon ang Komunistang Khmer Rouge at ang mga puwersang Vietcong.
Ang Digmaan at mga Pagbabago sa Cambodia
Ako’y naging isang beteranong ginawang manhid ng digmaan. Nasanay na akong makakita ng patay halos araw-araw. Ako ay personal na nasangkot sa 157 labanan. Minsan, sa kaloob-looban ng gubat, mahigit isang buwan kaming pinalibutan ng Khmer Rouge. Mahigit sa 700 kalalakihan ang namatay. Naiwan kaming mga 15 nakaligtas—isa ako sa kanila, at sugatan ako. Ngunit nakalabas ako nang buháy.
Sa isa pang pagkakataon, noong 1974, nabihag namin ang isang sundalo ng Khmer Rouge. Habang pinagtatatanong ko siya, sinabi niya sa akin na plano ni Pol Pot na patayin ang lahat ng dating opisyal ng pamahalaan, pati na yaong kabilang sa hukbo. Sinabihan niya akong iwan na ang lahat at tumakas. Sabi niya: “Lagi mong baguhin ang iyong pangalan. Huwag mong ipaalam kaninuman kung sino ka. Kumilos ka na parang ignorante at walang pinag-aralan. Huwag mong sasabihin kahit kanino ang tungkol sa iyong dating buhay.” Pagkatapos ko siyang pauwiin, natanim sa aking isip ang babalang iyon.
Kaming mga sundalo ay sinabihang nakikipaglaban kami para sa aming bayan, gayunma’y pinapatay namin ang mga taga-Cambodia. Ang Khmer Rouge, isang Komunistang grupo na naghahangad ng kapangyarihan, ay mula sa aming mga kababayan. Sa katunayan, ang karamihan sa siyam na milyong naninirahan sa Cambodia ay mga Khmer, bagaman karamihan sa kanila ay hindi kabilang sa Khmer Rouge. Hindi ko ito maunawaan. Pinapatay namin ang inosenteng mga magsasaka na walang baril at walang interes sa digmaan.
Ang pagbabalik mula sa labanan ay laging isang nakapanlulumong karanasan. Naroroon ang mga asawang babae at mga anak, na balisang naghihintay upang malaman kung ang asawang lalaki o ama ay nakabalik. Kinailangan kong sabihin sa marami sa kanila na ang kanilang kapamilya ay napatay. Sa lahat ng ito, ang kaunawaan ko sa Budismo ay hindi naglaan sa akin ng anumang kaaliwan.
Ginugunita ko ngayon kung paano nagbago ang mga bagay sa Cambodia. Bago ang 1970, medyo payapa naman at matiwasay. Karamihan sa mga tao ay hindi nagmamay-ari ng baril; ilegal iyon maliban na kung may lisensiya ka. Halos walang pagnanakaw o panloloob. Ngunit nang magsimula ang gera sibil sa pamamagitan ng paghihimagsik ni Pol Pot at ng kaniyang mga puwersa, ang lahat ay nagbago. May baril sa lahat ng dako. Maging ang mga batang 12 at 13 anyos ay sinanay para maglingkod sa militar, anupat nag-aaral bumaril at pumatay. Kinumbinsi pa man din ng mga tauhan ni Pol Pot ang ilang bata na patayin maging ang kanilang sariling mga magulang. Sinasabi ng mga sundalo sa mga bata, “Kung iniibig ninyo ang inyong bansa, kailangang kapootan ninyo ang inyong mga kaaway. Kung ang inyong mga magulang ay nagtatrabaho sa pamahalaan, kaaway natin sila at dapat ninyong patayin sila—o kayo mismo ang mamamatay.”
Si Pol Pot at ang Pagliligpit
Noong 1975, si Pol Pot ay nanalo sa digmaan at naging isang bansang Komunista ang Cambodia. Pinasimulan ni Pol Pot ang pagliligpit sa lahat ng estudyante, guro, opisyal ng pamahalaan, at sinumang may pinag-aralan. Kung nakasalamin ka, maaari kang mapatay dahil inaakalang nakapag-aral ka! Itinaboy ng rehimen ni Pol Pot ang maraming tao palabas ng mga lunsod at bayan at inilipat sila sa kabukiran upang magtrabaho bilang mga magsasaka. Iisa ang istilo ng pananamit ng lahat. Kinailangan naming magtrabaho nang 15 oras bawat araw, nang kulang sa pagkain, walang gamot, walang damit, at 2 o 3 oras lamang ang tulog. Nagpasiya akong umalis sa aking sariling bayan bago mahuli ang lahat.
Natandaan ko ang payo ng sundalong iyon ng Khmer Rouge. Itinapon ko ang lahat ng litrato, papeles, at anumang maaaring maging ebidensiya laban sa akin. Humukay ako sa lupa at ibinaon doon ang ilan sa aking mga dokumento. Pagkatapos ay naglakbay ako pakanluran patungong Thailand. Mapanganib iyon. Kinailangan kong iwasan ang mga harang sa daan at talagang mag-ingat sa mga oras ng curfew, yamang mga sundalo ng Khmer Rouge lamang ang maaaring maglakbay, nang may opisyal na pahintulot.
Nagpunta ako sa isang lugar at nakitira muna sa isang kaibigan. Pagkatapos ay inilipat ng Khmer Rouge ang lahat sa lugar na iyon tungo sa isang bagong lokasyon. Sinimulan nilang patayin ang mga guro at mga doktor. Tumakas ako kasama ng tatlong kaibigan. Nagtago kami sa gubat at kumain ng anumang prutas na makita namin sa mga punungkahoy. Sa wakas, nakarating ako sa isang munting nayon sa lalawigan ng Battambang, kung saan nakatira ang isa kong kaibigan. Laking gulat ko, doon ay natagpuan ko ang dating sundalo na nagpayo sa akin kung paano tatakas! Yamang pinalaya ko siya noon, itinago niya ako sa isang hukay sa loob ng tatlong buwan. Inutusan niya ang isang bata na maghulog ng pagkain sa akin ngunit huwag titingin sa hukay.
Nang maglaon, nakatakas ako, at natagpuan ko ang aking ina, ang aking tiya, at ang aking kapatid na babae, na tumatakas din patungo sa hangganan ng Thailand. Malungkot na panahon iyon para sa akin. Ang aking ina ay may sakit, at nang dakong huli ay namatay siya sanhi ng sakit at kawalan ng pagkain, sa isang refugee camp. Gayunman, isang silahis ng liwanag at pag-asa ang dumating sa aking buhay. Nakilala ko si Sopheap Um, ang babaing naging asawa ko. Tumakas kami, kasama ng aking tiya at kapatid, patawid sa hangganan ng Thailand at tungo sa isang refugee camp ng United Nations. Malaking halaga ang ibinayad ng aking pamilya sa gera sibil ng Cambodia. Nawalan kami ng 18 miyembro ng pamilya, pati na ang aking kapatid na lalaki at ang aking hipag.
Isang Bagong Buhay sa Estados Unidos
Sinuri ang aming pinagmulan sa refugee camp, at sinikap ng UN na humanap ng isang tagapagtaguyod upang makapunta kami sa Estados Unidos. Sa wakas, nakakita naman! Noong 1980, dumating kami sa St. Paul, Minnesota. Alam ko na kailangan kong matuto ng Ingles sa lalong madaling panahon upang ako’y umasenso sa aking bagong bansa. Pinag-aral ako ng aking tagapagtaguyod sa loob lamang ng ilang buwan, bagaman ang dapat sana ay mag-aral ako nang mas matagal. Sa halip, ipinasok niya ako bilang diyanitor sa isang otel. Ngunit dahil sa aking limitadong Ingles, iyon ay naging komedya ng mga pagkakamali. Ipakukuha sa akin ng may-ari ang isang hagdan, at ang kukunin ko naman ay basura!
Isang Nakatatakot na Pagdalaw
Noong 1984, panggabi ang trabaho ko at natutulog ako sa araw. Nakatira kami sa isang lugar na matindi ang igtingan sa pagitan ng mga taga-Asia at mga itim. Palasak ang krimen at droga. Isang umaga, ginising ako ng aking asawa nang bandang alas diyes upang sabihin sa akin na may itim na lalaki na nasa pintuan. Natakot siya dahil akala niya ay dumating ito upang pagnakawan kami. Sumilip ako sa pintuan, at naroong nakatayo ang isang itim na lalaki na bihis na bihis at may portpolyo, at isang lalaking puti ang kasama niya. Sa pakiwari ko ay wala namang masamang nangyayari.
Tinanong ko siya kung ano ang ipinagbibili niya. Ipinakita niya sa akin ang kopya ng mga magasing Bantayan at Gumising! Wala akong anumang naintindihan. Sinikap kong tumanggi dahil dalawang buwan bago nito, nalinlang ako upang magbayad ng $165 para sa isang set ng limang aklat mula sa isang Protestanteng ahente. Gayunman, ipinakita sa akin ng itim na lalaki ang mga larawan sa mga magasin. Kanais-nais at napakaganda ng mga larawan! At totoong palakaibigan ang ngiti ng lalaki. Kaya nag-abuloy ako ng $1 at kinuha ko ang mga iyon.
Pagkaraan ng mga dalawang linggo, bumalik siya at tinanong ako kung mayroon akong Bibliya sa wikang Cambodian. Nagkataon, mayroon nga akong isa na nakuha ko sa isang simbahang Nazareno, bagaman hindi ko maintindihan ito. Ngunit humanga ako sa bagay na dalawang lalaki na may magkaibang lahi ang pumunta sa aking bahay. Pagkatapos ay tinanong niya ako, “Gusto mo bang matuto ng Ingles?” Siyempre gusto ko, pero ipinaliwanag ko na wala akong pera para pambayad sa mga aralin. Sinabi niya na tuturuan niya ako nang libre, habang ginagamit ang isang publikasyong salig sa Bibliya. Bagaman hindi ko alam kung anong relihiyon ang kinakatawanan niya, naisip ko, ‘Tutal hindi naman ako kailangang magbayad, at matututo pa akong bumasa at sumulat ng Ingles.’
Natuto ng Ingles at ng Bibliya
Mabagal na proseso iyon. Ipakikita niya sa akin ang unang aklat sa Bibliya, ang Genesis, at pagkatapos ay sasabihin ko iyon sa Cambodian, “Lo ca bat.” Sasabihin niya, “Bible,” at sasabihin ko naman, “Compee.” Nagsimula akong matuto, at naganyak ako. Dinadala ko sa trabaho ang aking diksyunaryong Ingles-Cambodian, isang magasing Bantayan, ang New World Translation na Bibliya, at ang aking Bibliyang Cambodian. Sa panahon ng aking pamamahinga, nag-aral ako at natuto ng Ingles, salita por salita, sa pamamagitan ng paghahambing sa mga publikasyon. Ang mabagal na prosesong ito, pati na ang aking lingguhang aralin, ay umabot ng mahigit sa tatlong taon. Pero, sa wakas, nakababasa na ako ng Ingles!
Ang aking asawa ay nagpupunta pa rin sa templong Budista, at nag-iiwan siya ng pagkain para sa mga ninuno. Mangyari pa, mga langaw lamang ang nakikinabang! Marami akong masasamang bisyo na mahirap alisin mula pa noong ako’y nasa hukbo at sa Budismo. Nang ako’y isang monghe, ang mga tao ay nagdadala ng mga handog, pati na ang mga sigarilyo. Naniniwala sila na kapag nanigarilyo ang monghe, parang ang mga ninuno nila ang naninigarilyo. Kaya naging sugapa ako sa nikotina. Pagkatapos, sa hukbo ay malakas akong uminom at humitit ako ng opyo upang magkaroon ako ng lakas ng loob sa labanan. Kaya naman, nang mag-aral ako ng Bibliya, kinailangan kong gumawa ng maraming pagbabago. Noon ko natuklasan na malaking tulong ang panalangin. Sa loob lamang ng ilang buwan, napagtagumpayan ko ang aking masasamang bisyo. Tuwang-tuwa ang aking pamilya!
Nabautismuhan ako bilang isang Saksi noong 1989, sa Minnesota. Noon ay nalaman ko na may isang grupo ng mga Saksi na nagsasalita ng Cambodian at mayroon ding malaking populasyon ng mga taga-Cambodia sa Long Beach, California. Pagkatapos na iyon ay pag-usapan naming mag-asawa, nagpasiya kaming lumipat sa Long Beach. Malaki ang naging epekto ng pagbabagong iyon! Ang kapatid kong babae ang unang nabautismuhan, pagkatapos ang aking tiya (na ngayo’y 85 anyos na) at ang aking asawa. Sumunod ang aking tatlong anak. Nang maglaon, ang aking kapatid ay nag-asawa ng isang Saksi, na ngayo’y naglilingkod bilang isang matanda sa kongregasyon.
Dito sa Estados Unidos, marami kaming pagsubok na dinaanan. Naranasan naming magipit nang husto sa kabuhayan at magkasakit, ngunit sa pamamagitan ng pagsunod sa mga simulain sa Bibliya, nanatili kaming may pagtitiwala kay Jehova. Pinagpala niya ang aking pagsisikap sa espirituwal na larangan. Noong 1992, ako’y nahirang bilang isang ministeryal na lingkod sa kongregasyon, at noong 1995, ako ay naging isang matanda rito sa Long Beach.
Sa ngayon, ang mahabang paglalakbay na nagsimula nang ako’y isang Budistang monghe at naging isang opisyal sa larangan ng labanan sa Cambodia na giniyagis ng digmaan ay nagwakas sa kapayapaan at kaligayahan sa aming bagong tahanan at bansa. At taglay namin ang aming bagong nasumpungang pananampalataya sa Diyos na Jehova at kay Kristo Jesus. Masakit sa akin na malamang nagpapatayan pa rin ang mga tao sa Cambodia. Lalo na itong dahilan upang ako at ang aking pamilya ay maghintay at magpahayag tungkol sa ipinangakong bagong sanlibutan, kung saan magwawakas na ang lahat ng digmaan at lahat ng tao ay tunay na magmamahal sa kanilang kapuwa gaya sa kanilang sarili!—Isaias 2:2-4; Mateo 22:37-39; Apocalipsis 21:1-4.
[Talababa]
a Si Pol Pot ang Komunistang lider noon ng hukbo ng Khmer Rouge, na nagwagi sa digmaan at sumakop sa Cambodia.
[Mapa/Larawan sa pahina 16]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
VIETNAM
LAOS
THAILAND
CAMBODIA
Battambang
Phnom Penh
Noong mga taon na ako ay isang Budistang monghe
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Larawan sa pahina 18]
Kasama ng aking pamilya, sa Kingdom Hall