Tinakasan Ko ang Masaker sa Cambodia at Nasumpungan Ko ang Buhay
Ayon sa salaysay ni Sam Tan
Ang aming pamilya kasama ng mga 2,000 kababayan namin sa Cambodia ay tumakas hanggang sa marating namin ang ilog sa border ng Thailand. Nagsiksikan kami sa isa sa maliliit na bangkang punô ng mga nagsisilikas. Nang paalis na ang huling bangka, dumating ang mga sundalo ng Khmer Rouge at pinagbabaril kami.
LAKING pasasalamat namin na lahat kami ay ligtas na nakatawid sa Thailand. Tuwang-tuwa ang lahat maliban sa amin dahil hindi namin kasama si Tatay at ang aking tiyuhin, na kinidnap ilang buwan na ang nakalilipas. Napaupo na lang si Inay at umiyak nang umiyak. Pero bago ko ituloy ang kuwento, balikan muna natin ang ilang pangyayari.
Budista Ako Noong Bata Ako
Isinilang ako sa Cambodia noong 1960 at tatlo kaming magkakapatid. Noong siyam na taóng gulang ako, napagpasiyahan namin ng mga magulang ko na maglingkod ako sa templo ng mga Budista, na karaniwan sa mga batang lalaki. Mga ala-seis ng umaga lumalabas ng templo ang mga monghe para mangolekta ng pagkain sa bahay-bahay. Nahihiya akong manghingi sa ilang may-bahay kasi kitang-kita ko naman na napakahirap nila. Pagkatapos mangolekta, kaming mga batang monghe ang naghahanda ng pagkain at nagsisilbi sa nakatatandang monghe. Pagkatapos nila, kami naman ang kakain.
Ala-seis ng gabi, nag-iipun-ipon ang mga nakatatandang monghe para magdasal gamit ang wikang ilan lang, kung mayroon man, ang nakaiintindi. Pagkalipas ng dalawang taon, ako ay naging tinatawag na maliit na monghe at nagkaroon ng ilang pribilehiyo na tinatamasa ng nakatatandang mga monghe. Puwede na rin akong magdasal kasama nila. Akala ko noon, Budismo ang relihiyon sa buong daigdig.
Pagtakas sa Cambodia
Hindi ko nagustuhan ang buhay sa templo kaya umuwi ako sa amin nang 14 anyos ako. Di-nagtagal, naupo sa kapangyarihan ang lider na si Pol Pot. Para gawing Komunista ang buong Cambodia, sapilitang pinalipat ng kaniyang kilusang Khmer Rouge, na namahala mula 1975 hanggang 1979, ang mga taga-lunsod papuntang probinsiya. Kasama ang aming pamilya sa mga pinalipat. Nang maglaon, kinuha ng mga tauhan ni Pol Pot ang aking tatay at tiyuhin. Hindi na namin sila muling nakita. Sa katunayan, sa ilalim ng Khmer Rouge, halos 1.7 milyong taga-Cambodia ang minasaker o namatay dahil sa sobrang pagod sa trabaho, sakit, o gutom.
Sa ganitong kalagayan, napilitan ang 2,000 sa amin, gaya ng sinabi sa pasimula, na suungin ang tatlong-araw na delikadong paglalakbay sa mga bundok para marating ang border ng Thailand. Lahat kami ay nakarating nang ligtas, pati na ang isang sanggol na isinilang habang naglalakbay. Karamihan sa amin ay may dalang pera, pero itinapon lang namin iyon dahil halos walang halaga noon ang pera ng Cambodia sa Thailand.
Buhay sa Thailand
Nakipisan ang pamilya namin sa aming mga kamag-anak sa Thailand, at nangisda ako para kumita. Madalas umaabot ang aming bangka hanggang sa Cambodia, kung saan mas maraming isda—at mga bangka ng Khmer Rouge na nagpapatrulya. Kapag nahuli, hindi lang bangka namin ang mawawala kundi pati buhay namin. Sa katunayan, dalawang beses na kaming muntik mahuli. Pero nahuli ang ibang kasamahan namin, kabilang na ang kapitbahay namin na pinugutan ng ulo. Kahit delikado, patuloy pa rin akong nangisda hanggang sa laot ng Cambodia—kung hindi, magugutom ang aming pamilya.
Para sa kapakanan ko at ng aking pamilya, nagdesisyon akong pumunta sa isang refugee camp sa Thailand, mag-aplay na immigrant sa ibang bansa, at mula roon ay magpadala ng pera sa pamilya ko. Nang sabihin ko ito sa mga kamag-anak ko, tutol na tutol sila. Pero buo na ang pasiya ko.
Sa refugee camp, may nakilala akong mga dayuhang nagsasalita ng Ingles na nagsabing Kristiyano sila. Nalaman kong hindi lang pala Budismo ang relihiyon. Sumama ako, pati na ang bago kong kaibigang si Teng Hann, sa mga “Kristiyano” na nagpakita sa amin ng Bibliya at nagbigay sa amin ng pagkain. Isang taon akong tumira sa kampo at nag-aplay ako bilang immigrant sa New Zealand.
Bagong Buhay sa New Zealand
Inaprubahan ang aplikasyon ko noong Mayo 1979, at di-nagtagal ay nasa refugee camp na ako sa Auckland. Tinulungan ako ng isang mabait na isponsor na makapagtrabaho sa isang pabrika sa lunsod ng Wellington. Kumayod ako nang husto at gaya ng ipinangako ko, nagpadala ako ng pera sa aking pamilya.
Para matuto pa tungkol sa Kristiyanismo, dalawang simbahang Protestante ang pinuntahan ko. Pero bihirang ituro doon ang Bibliya. Dahil gusto kong matutong manalangin nang tama, tinuruan ako ng kaibigan ko ng Ama Namin, ang tinatawag na Panalangin ng Panginoon. (Mateo 6:9-13) Pero walang nagpaliwanag kung ano ang kahulugan nito. Kaya gaya ng dasal ng mga Budista, paulit-ulit akong nananalangin nang hindi ko naiintindihan kung ano ang sinasabi ko.
Hindi Masayang Pag-aasawa
Ikinasal ako noong 1981. Makalipas ang mga isang taon, nagpabinyag kaming mag-asawa—isang ministro ang nagwisik ng tubig sa aming ulo. Nang mga panahong iyon, may dalawa akong trabaho, magandang bahay, at maalwang buhay—mga bagay na hindi ko natikman sa Cambodia. Pero hindi pa rin ako masaya. Marami kaming problemang mag-asawa kahit regular kaming nagpupunta sa simbahan. Dagdag pa ako sa problema dahil nagsusugal ako, naninigarilyo, naglalasing, at nambababae. Pero nakokonsiyensiya ako at inisip ko na baka hindi ako makaakyat sa langit, kung saan sinasabing pupunta ang mababait na tao pagkamatay nila.
Noong 1987, pinetisyon ko ang aking nanay at kapatid na babae para makarating sila sa New Zealand, at pansamantala silang pumisan sa amin. Nang umalis sila, sumama ako at lumipat kaming tatlo sa Auckland.
Sa Wakas, Natuto Ako sa Bibliya
Paalis na ako noon sa bahay ng isang kaibigan nang may dumating na dalawang lalaking nagbabahay-bahay. Tinanong ako ng isa sa kanila, si Bill, “Saan ka umaasang pupunta kapag namatay ka?” “Sa langit,” ang sagot ko. Saka niya ipinakita sa akin ang sinasabi ng Bibliya na 144,000 lang ang pupunta sa langit para maging mga hari sa buong lupa. Sinabi rin niya na milyun-milyong tao na may takot sa Diyos ang maninirahan sa lupa at gagawin itong isang paraiso. (Apocalipsis 5:9, 10; 14:1, 4; 21:3, 4) Sa umpisa, nagalit ako dahil kabaligtaran ito ng itinuro sa akin. Pero sa loob-loob ko, hanga ako sa dami ng alam nila sa Bibliya at sa kanilang pagiging kalmado. Sayang nga at hindi ko naitanong kung ano ang relihiyon nila.
Pagkalipas ng ilang linggo, dumalaw ako sa isang kaibigan na ang mga anak ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mag-asawang sina Dick at Stephanie. Ang brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! ang ginagamit nila sa pag-aaral. Binasa ko ito at tama naman ang mga sinasabi roon. Nalaman ko rin na mga Saksi ni Jehova ang mag-asawang iyon. Napag-isip-isip ko na tiyak na mga Saksi rin ang dalawang lalaking nakausap ko kamakailan dahil magkatugma ang sinasabi nila at ng brosyur.
Gusto ko pang matuto, kaya inimbitahan ko sa bahay sina Dick at Stephanie at nagtanong ako nang nagtanong tungkol sa Bibliya. Pagkatapos, tinanong ako ni Stephanie kung alam ko ang pangalan ng Diyos. Ipinakita niya sa akin ang Awit 83:18, na nagsasabi: “Upang malaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” Naantig ako ng tekstong iyon kaya regular na akong nakipag-aral ng Bibliya. Sumama sa pag-aaral si La, ang kinakasama ko noon na taga-Laos. Samantala, pinetisyon ko rin ang aking kapatid na lalaki at ang kaniyang asawa. Pagdating sa New Zealand, nakipag-aral din sila ng Bibliya sa mga Saksi.
Di-nagtagal, natigil ang pag-aaral namin ni La dahil nagtrabaho kami sa Australia. Bagaman malaki ang kinikita namin, hinahanap-hanap naman namin ang pag-aaral ng Bibliya. Kaya isang gabi, taimtim kaming nanalangin kay Jehova na sana’y may makilala kaming mga Saksi.
Sinagot ang Aming Panalangin
Makalipas ang ilang araw, pagkagaling ko sa pamimili, nadatnan ko ang dalawang Saksi sa pintuan namin. Tahimik akong nagpasalamat kay Jehova, at ipinagpatuloy namin ni La ang pag-aaral. Dumalo na rin kami sa mga Kristiyanong pagpupulong sa Kingdom Hall. Pero di-nagtagal, natanto ko na para mapasaya ang Diyos, marami akong dapat baguhin sa aking buhay. Kaya itinigil ko ang bisyo at ipinagupit ko ang aking mahabang buhok. Kinantiyawan ako ng dati kong barkada, pero hindi ko na lang sila pinansin. Kailangan ko ring ayusin ang aking pag-aasawa dahil hindi kami kasal ni La, at hindi pa kami legal na nagdidiborsiyo ng aking asawa. Kaya noong 1990, bumalik kami ni La sa New Zealand.
Kaagad naming tinawagan sina Dick at Stephanie. “Sam, akala namin hindi na kayo babalik!” ang sabi ni Stephanie. Ipinagpatuloy namin ang aming pakikipag-aral ng Bibliya sa kanila, at nang maaprubahan ang aking mga papeles sa diborsiyo, nagpakasal kami ni La nang may malinis na budhi sa harap ng Diyos. Nanatili kami sa New Zealand, kung saan nabautismuhan kami bilang sagisag ng aming pag-aalay sa Diyos. Sabik na sabik akong ibahagi sa iba ang mga natutuhan ko, at nagkaroon ako ng pribilehiyo na turuan sa Bibliya ang maraming taga-Cambodia at Thailand na nakatira sa Auckland at mga karatig-lugar.
Bumalik sa Australia
Noong Mayo 1996, bumalik kami ni La sa Australia at nanirahan sa Cairns, sa hilagang Queensland. Nagkaroon ako ng pribilehiyo na pangasiwaan ang gawaing pangangaral sa mga tagaroon na galing sa Cambodia, Laos, at Thailand.
Abut-abot ang pasasalamat ko kay Jehova sa lahat ng kaniyang mga pagpapala, kasali na ang aking napakabait na asawa at aming tatlong anak—sina Daniel, Michael, at Benjamin. Labis-labis din ang pasasalamat ko dahil ang aking ina, mga kapatid, biyenang babae, at ang kaibigan ko sa refugee camp sa Thailand na si Teng Hann ay tumanggap din sa katotohanan ng Bibliya. Nangungulila pa rin ang pamilya namin sa pagkamatay ng aking tatay at tiyuhin, pero hindi kami nawawalan ng pag-asa. Alam namin na sa pagkabuhay-muli, aalisin ng Diyos ang lahat ng kawalang-katarungan at ang gayong mga bagay ay ‘hindi na aalalahanin pa, ni mapapasapuso man ang mga iyon.’—Isaias 65:17; Gawa 24:15.
Mga ilang taon na ang nakalipas, may namukhaan ako sa isang asamblea ng mga Saksi ni Jehova. Iyon pala si Bill na nangaral sa akin maraming taon na ang lumipas. “Natatandaan mo ba ako?” ang tanong ko.
“Oo!” ang sagot niya. “Nagkakilala tayo sa New Zealand noon at sinabi ko na 144,000 lang ang pupunta sa langit.” Matagal na iyon, pero natatandaan pa rin ako ni Bill. Nagyakapan kami at masayang nagkuwentuhan, ngayon bilang magkapananampalataya.
[Picture Credit Line sa pahina 21]
Background: AFP/Getty Images