Pagmamasid sa Daigdig
Walang Pag-asang mga “Baby Boomer”
Ang mga “baby boomer” ay isang likhang salita na naglalarawan sa mga taong ipinanganak sa pagitan ng pagtatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig at pagsisimula ng mga taon ng 1960. Noong panahong iyon, maraming bansa na nanalo sa digmaan ang nag-ulat ng pambihirang paglaki ng populasyon. Ipinakikita ng isang surbey sa 16 na bansa na ang mga baby boomer, na minsa’y walang álalahanín at optimistiko hinggil sa kinabukasan, ay “nakadarama [ngayon] ng kawalan ng kapanatagan hinggil sa kanilang sarili at sa kanilang mga anak, at itinuturing na ang kanilang pagtanda ay isang bagay na kahila-hilakbot,” sabi ng pahayagang European. Bakit nawawalan ng pag-asa? “Sila ngayo’y napapaharap sa isang daigdig na ipinalalagay nilang malayo na ang nararating kung tungkol sa indibiduwalismo, materyalismo at kawalan ng pagpipigil sa sarili at mabuting asal,” sabi ng ulat.
Nakatagong Impeksiyon ng Hepatitis-C
“Waring ang hepatitis C ang pangunahing problema sa kalusugan ng mamamayan sa Pransiya,” sabi sa ulat ng isang pangkat ng mga doktor na Pranses. Tinukoy ng mga doktor na karamihan sa mga impeksiyon ng hepatitis-C ay nakikita lamang matapos na masuri ang isang pasyente na 10 hanggang 30 taon na palang may malubhang sakit sa atay. Ang pagkakaroon ng virus ng hepatitis-C ay nakamamatay at madalas na naililipat sa pagsasalin ng dugo at pag-iiniksiyon ng mga gamot. Ibinababala sa ulat na kailangang-kailangang pag-ibayuhin pa ang pagsusuri, yamang wala pang ikaapat na bahagi niyaong mga natuklasang mayroon nito ang dati nang nakaaalam tungkol dito. Ayon sa magasing Hepatology, tinatayang 500,000 hanggang 650,000 residenteng Pranses ang nagtataglay ng virus na ito sa kasalukuyan.
Binabawasan ng Pagpapasuso sa Ina ang mga Karamdaman
“Ang mga sanggol na pinasuso sa ina ay higit na nakaiiwas sa pagkakaroon ng impeksiyon sa tainga at diarrhea, ayon sa isang pag-aaral sa mahigit na 1,700 sanggol na nasa edad 2 hanggang 7 buwan,” sabi ng magasing Parents. “Natuklasan ng mga mananaliksik sa Centers for Disease Control and Prevention na ang isang sanggol na pinasuso lamang ng tinimplang gatas ay makalawang ulit na malamang na magkaroon ng isa sa mga karamdamang ito kaysa sa sanggol na pinasuso lamang sa ina.” Bagaman malaon nang pinaniniwalaan ng mga doktor na ang gatas ng ina ay nagsasanggalang sa impeksiyon sapagkat ito’y dumaraan sa pananggalang na mga antibody ng ina, ipinakikita ng pag-aaral na talagang napakalaki nga ng mga pakinabang. Ganito ang sabi ni Laurence Grummer-Strawn, awtor ng ginawang pag-aaral: “Tumpak lamang na sabihing mientras mas maraming gatas ng ina ang natatanggap ng isang sanggol sa unang anim na buwan, mas mabuti.”
Naghaharap ng Problema ang Pagbutas
Maaaring usung-uso ang pagbutas ng katawan sa ilang bansa, ngunit ang “butás na mga labi, pisngi, at dila ay naghaharap ng panganib hindi lamang sa impeksiyon,” ulat ng The Journal of the American Medical Association. Ayon sa mga dentista sa West Virginia University School of Dentistry, sa Morgantown, “ang kirot, pamamaga, impeksiyon, paglalaway, at pinsala sa gilagid ay karaniwan sa mga pasyenteng nagpabutas sa bibig. . . . Higit pang panganib ang dulot ng alahas para sa binutasang bibig.” Maaaring matapyas o magkalamat ang mga ngipin, magkadepekto sa pagsasalita, magkapilat, at—kung malunok—humarang sa daanan ng hininga ang alahas.
Pakisuyong Walang Paligsahan
Ang World Council of Churches (WCC), na may 330 miyembrong simbahan, ay “nanawagan na tapusin na ang ‘may-pakikipagpaligsahang’ pagtatangka ng ilang simbahan na kumamkam ng mga bagong miyembro mula sa ibang simbahan,” ulat ng ENI Bulletin. “Partikular na pinupuna [ng WCC] ang pagpapaabot ng ‘makataong pagtulong’ sa nagpapaunlad na mga bansa . . . upang mahikayat ang mahihirap, malulungkot at mga napaalis sa sariling bayan na palitan ang kanilang pinaniniwalaang sekta.” Nagbigay ng mga tuntunin upang makilala ang pagkakaiba ng ‘katanggap-tanggap na patotoo sa Ebanghelyo at ang di-katanggap-tanggap na pangungumberte.’ Kalakip sa huli ang “di-makatuwirang pamimintas” sa ibang relihiyon, pagsasabing ang relihiyon at mga paniniwala ng isa ang siyang totoo, pagbibigay ng mga pagkakataon na makapag-aral o makatanggap ng makataong pagtulong upang mahikayat ang iba na umanib sa ibang relihiyon, pamumuwersa o panggigipit sa kaisipan upang mapilitan ang mga tao na baguhin ang kanilang kinaaanibang relihiyon, at pagsasamantala sa pagkabagabag ng mga tao o “pagkasiphayo sa kanilang sariling relihiyon upang ‘makumberte’ sila.”
Disertipikasyon sa Italya
Bagaman hindi isang bansang karaniwang nauugnay sa mga disyerto, nagtatag ang Italya ng isang National Committee for the Fight Against the Desert. Ang dahilan? Mabilis na lumalawak ang pagiging tigang ng lupa sa dakong pahilaga ng Italya. “Kung hindi pasisimulan ang isang seryosong tuntunin ukol sa kapaligiran upang mabawasan ang gas na nagiging dahilan ng greenhouse effect (pag-init ng atmospera) at mabago ang ilang nakapipinsalang kagawian sa pagsasaka,” sabi ng pahayagang La Stampa, “sa loob lamang ng ilang dekada, 27 porsiyento ng teritoryo [ng Italya] ang maaaring maging tigang na lupa.” Ang pagkabahala ay ibinangon sa isang pagpupulong ng United Nations Food and Agriculture Organization na ginanap sa Roma hinggil sa disertipikasyon. Ipinaliwanag na ang mga sonang nanganganib ay hindi lamang sa mga Italyanong timugang rehiyon ng Sicily, Sardinia, Calabria, Apulia, at Basilicata kundi na ang ilang tradisyunal na mabubungang lugar sa hilaga ay apektado na rin at ngayo’y kinakikitaan ng pagbaba sa pagiging mataba ng lupa.
Paggamot sa Diarrhea ng mga Bata
“Ang mga mananaliksik na taga-Venezuela ay nakagawa ng isang bakuna na halos nag-aalis ng malubhang diarrhea sa mga bata,” sabi ng The Daily Journal sa Caracas. “Ang bakuna . . . ay nilayon upang maingatan mula sa rotavirus diarrhea, na pumapatay taun-taon ng mga 873,000 batang wala pang limang taon sa nagpapaunlad na mga bansa.” Maging sa Estados Unidos, mahigit pa ring 100,000 sanggol at mga hindi pa nag-aaral ang naoospital taun-taon dahil sa karamdamang ito. Iniuulat ng pag-aaral, na inilathala sa The New England Journal of Medicine, na ang paggamit ng bakuna ay may 88-porsiyentong proteksiyon laban sa virus at nakabawas ng 70 porsiyento ng mga naoospital dahil sa malubhang diarrhea. Gayunman, mayroon namang disbentaha. “Ang paggamot ay maaaring napakamahal para sa nagpapaunlad na mga bansa kung saan kailangang-kailangan ito,” sabi ng The Daily Journal—mga bansa “na doo’y wala pang $20 ang ginagastos sa bawat tao taun-taon para sa pangangalaga sa kalusugan.” Hangga’t hindi pa nakagagawa ng murang bakuna, ang pagkatuyo ng tubig sa katawan na bunga ng diarrhea ay dapat gamutin sa pamamagitan ng pagpapalit sa nawalang tubig, isang epektibong paraan na 20 taon nang ginagawa.
Nakasumpong ng Resibo sa Templo
Ang “waring isang resibo para sa isang donasyon na tatlong pilak na siklo sa Templo ni Yahweh” ang “kamakaila’y nasumpungan sa pamilihan ng mga antigong bagay,” sabi ng Biblical Archaeology Review. “Ito ang pinakamatandang natuklasan kailanman na pagbanggit sa Templo ni Haring Solomon na wala sa Bibliya. [Ang mga salitang] BYT YHWH, ‘ang bahay ng Panginoon [Yahweh],’ . . . ay natuklasang buo sa nag-iisang inskripsiyon na wala sa Bibliya,” at dahil sa malabong konteksto, ang kahulugan nito ay pinagtatalunan. Ang katutuklas na bibingang may inskripsiyon, na may sukat na 10.9 por 8.6 centimetro at naglalaman ng limang linya at 13 salita, ay maliwanag at madaling basahin. Palibhasa’y may petsang sing-aga ng ikasiyam na siglo B.C.E., sa paano man ay mas matanda ito nang isang siglo kaysa sa ibang inskripsiyon at idineklara ng mga eskperto na ito’y mapananaligan.
Pinagtatalunang Reyna ng Sheba
Makeda ang tawag sa kaniya sa Etiopia. Sa Yemen ay Bilqis ang pangalan niya. Mas kilala siya bilang ang reyna ng Sheba, na binabanggit kapuwa sa Bibliya at sa Koran. Inaangkin ng bawat bansang ito na siya’y galing sa kanila at umaasang matatagpuan doon ang kaniyang libingan, anupat nahihikayat ang mga arkeologo na patuloy na maghukay ng katibayan. Kung makasusumpong ng patotoo hinggil sa reyna ng Sheba, ang lugar na iyon ay magiging isang malaking atraksiyon para sa mga turista at magpapatotoo sa pag-angkin ng sinaunang kaugnayan ng bansang iyon sa sibilisasyon. “Marami nang natuklasan ang mga arkeologo na mga inskripsiyon ng kaharian ng sinaunang Sheba sa matatandang bato sa Etiopia at Yemen,” sabi ng The Wall Street Journal. “Ang nakapagtataka, wala namang binabanggit na Makeda o Bilqis.” Dagdag pa nito: “Walang gaanong naitulong ang Bibliya. Inisa-isa nito ang lahat ng ginto at espesya na dinala ng Sheba kay Solomon, ngunit hindi sinasabi kung saan siya galing.”
Bihag-Panagot na mga Balumbon
Ang mga Samaritano, ngayo’y 600 katao na lamang, ay dapat maglabas ng $1 milyon bilang pantubos upang maibalik ang kanilang banal na mga aklat. Ang dalawang balumbon, na sinasabing 700 at 400 taon na ayon sa pagkakasunod, ay ninakaw mula sa isang sinagogang Samaritano sa lunsod ng Nablus sa West Bank mahigit nang tatlong taon ang nakararaan. Lihim na nailabas ng mga magnanakaw sa bansa ang mga balumbon, at kamakailan lamang lumitaw ang mga ito sa Amman, Jordan, kung saan nakita ng matatandang Samaritano ang mga ito. Pinaniniwalaang ang mga ito’y ninakaw ng isang tao na nakaaalam kung saan nakatago ang mga ito. Karamihan sa mga Samaritano ay nakatira sa tuktok ng bundok sa itaas ng Nablus, na siyang pinakabanal na lugar nila. Doon, ayon sa paniniwala nila, inutusan ng Diyos si Abraham na ihandog ang kaniyang anak na si Isaac bilang hain.
[Picture Credit Line sa pahina 29]
Courtesy: Shlomo Moussaieff