Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 2/22 p. 23-25
  • Isang Maalat na Inumin na Nagliligtas ng Buhay!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Maalat na Inumin na Nagliligtas ng Buhay!
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nawalang mga Likido​—Paano Hahalinhan?
  • Kung Bakit Namamatay Pa rin ang mga Bata
  • Pagtulong sa mga Bata na Manatiling Buháy!
    Gumising!—1988
  • Mga Pagsisikap Upang Iligtas ang mga Bata
    Gumising!—1994
  • Kung Ano ang Tumitiyak sa Iyong Kalusugan—Kung Ano ang Magagawa Mo
    Gumising!—1995
  • Pagmamasid Sa Daigdig
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 2/22 p. 23-25

Isang Maalat na Inumin na Nagliligtas ng Buhay!

Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Sierra Leone

Hindi pa kalaliman ng gabi nang ang dalawang-taóng-gulang na si Jeneba ay nagreklamo na ang kaniyang tiyan ay masakit. Gayunman ang kaniyang ina, si Mariama, ay hindi gaanong nabahala. Nakaranas na si Jeneba ng pagtatae noon. Wala rin itong pinag-iba.

Subalit ang diarrhea ay nagpatuloy​—madalas, matubig, di-mapigil. Pagkatapos ay ang pagsusuka. Mabilis na nawalan ng lakas si Jeneba. Pinadapa ni Mariama ang bata sa kaniyang tuhod at hinagod ang kaniyang likod. Hindi ito gaanong nakatulong.

Pagsapit ng umaga, si Jeneba ay latang-lata sa sahig​—humihingal, mahina, madalas ang pintig ng puso, ang kaniyang ulo ay walang tigil na pabiling-biling, ang kaniyang magandang kayumangging mga mata ay nanlalalim na at bahagyang nakapikit, ang kaniyang mga pisngi ay humpak, ang kaniyang bibig ay tuyo. At walang magawa si Mariama.

Pananaghoy ang bumati sa sumisikat na araw. Si Jeneba ay namatay.

ANO ang pinakamatinding mamamatay ng mga bata at mga sanggol? Sa paniwalaan mo’t dili, ito’y ang dehydration (pagkaubos ng tubig sa katawan)​—dehydration na dala ng karaniwang diarrhea o pagtatae.a Limang milyong mga kabataan na wala pang limang taóng gulang ang namamatay taun-taon dahil dito​—halos isa sa bawat anim na segundo. Sa nagpapaunlad na mga bansa, kinikitil nito ang buhay ng isa sa bawat 20 mga bata bago dumating ng limang taon. At sa maunlad na mga bansa, bukod sa operasyon, ang diarrhea ay pumapangalawa lamang sa karamdaman sa mga sangkap sa paghinga bilang pangunahing dahilan kung bakit ang mga bata ay naoospital.

Gayunman, balintuna na ang karamihan ng mga karamdaman at kamatayang ito ay maaaring pawiin ng isang payak, maalat na inumin.

Papaano? Una sa lahat, hindi naman ang diarrhea ang siyang pumapatay. Karaniwan nang iyan ay gumagaling sa ganang sarili nang walang anumang paggagamot. Ang problema ay na ang taong may diarrhea ay nawawalan ng mga likido at asin sa katawan​—siya ay natutuyo. Kung labis-labis na likido ang nawala at hindi mapalitan, saka namamatay.

Tinatayang 500 milyong mga kabataan sa nagpapaunlad na mga bansa ang nagkakaroon ng diarrhea taun-taon. Sa mahihirap na dako ang karaniwang bata ay maaaring tatlo o apat na ulit na dumanas nito sa isang taon. Gayunman, kadalasan ang karamdaman ay hindi gaanong malala. Subalit kung minsan mga ilang oras lamang nito, gaya ng sa kolera, ay nagpapangyari ng dehydration at kamatayan. Sa kasamaang palad, mahirap tiyakin sa maagang mga yugto nito kung baga ang karamdaman ay magsasapanganib sa buhay o hindi. Kaya mahalaga na hindi lamang makilala ng mga magulang ang dehydration kundi malaman din kung paano kikilos kaagad upang maiwasan at malunasan ito.​—Tingnan ang mga kahon sa pahina 24 at 25.

Nawalang mga Likido​—Paano Hahalinhan?

Kung nais mong panatilihin ang taas ng tubig sa isang tumutulong timba, basta mo dinaragdagan ito ng tubig. Totoo rin ito sa isang bata na may diarrhea​—ang mga likido sa kaniyang katawan ay dapat na halinhan. Ito ang tinatawag na rehydration.

Hindi pa natatagalan, ito ay ginagawa sa pamamagitan ng pagpapakain ng isang maalat na solusyon nang tuwiran sa mga ugat (intravenous therapy). Bagaman ito ay mabisa pa rin at siya pa ring pinakamabuting paggamot sa grabeng natuyuang mga bata, ito ay naghaharap ng mga problema. Ito ay magastos, at ito ay nangangailangan ng may kasanayang mga tauhan at masalimuot na mga kagamitan, karaniwan nang makukuha lamang sa mga health center o mga ospital. Ang mga ito ay maaaring napakalayo sa batang maysakit. Kaya ang intravenous therapy ay malayo sa karamihan ng nangangailangan nito.

Gayumpaman, lalo na mula noong 1960’s, nagkaroon ng ibang magagamit na terapi na mas ligtas, mas payak, at mas mura kaysa intravenous na pamamaraan. Ito ay tinatawag na Oral Rehydration Therapy, o basta ORT. Gaya ng intravenous na paggamot, hinahalinhan ng ORT ang nawalang mga likido at asin. Subalit sa halip na iturok ang likido sa kaniyang mga ugat, maaari itong inumin ng isang bata.

Bakit hindi ito naisip noon? Naisip na ito noon. Ang problema ay hindi lamang inuubos ng diarrhea ang mga likido sa katawan kundi tinatakdaan din nito ang mga likidong sinisipsip sa tabi ng mga bituka. Kaya ang basta pag-inom ng mga likido ay hindi mabisa​—karamihan nito ay lumalabas agad ng katawan.

Subalit, di sinasadyang nagawa ang mahalagang tuklas. Idinagdag ng medikal na mga siyentipikong nagtatrabaho sa mga pamamaraang oral rehydration ang asukal sa maalat na solusyon upang gawin itong mas masarap inumin. Sa paggawa ng gayon, natuklasan nila na tinatanggap ng katawan hindi lamang ang asukal kundi ang nagliligtas-buhay na mga asin at tubig! Ang asukal ay parang isang susi na nagbukas sa pinto ng kalutasan sa problema. Nang ang tamang halo ay ibigay, nasumpungan na maaaring pasulungin ng asukal ang absorption ng 25 ulit!

Mahalaga? Tinawag ng Lancet, isang kilalang Britanong babasahin sa medisina, ang tuklas na “malamang na ang pinakamahalagang pagsulong sa medisina sa siglong ito.” At tinawag ito ng UNICEF (United Nations Children’s Fund) na “isa sa pinakapayak subalit pinakamahalagang pagsulong sa kasaysayan ng siyensiya”!

Bakit? Sapagkat ngayon maaari nang gamutin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa bahay! Walang pantanging kagamitan ang kinakailangan, ni malawakang pagsasanay. Ito rin ay hindi magastos. Ang komersiyal na ipinagbibiling mga pakete ng oral rehydration salts ay nagkakahalaga lamang ng ilang sentimo at malawakang makukuha sa iba’t ibang programa at mga organisasyong pangkalusugan. Ang kinakailangan lamang gawin ng mga magulang ay haluin ang asin sa tubig at ipainom ang solusyon sa bata.

Subalit ano naman kung walang mabibiling nakapakete nang mga asin? Ang mga magulang ay maaaring gumawa ng kanilang sariling rehydration na inumin na ang mga sangkap ay masusumpungan sa tahanan. Bagaman ang mga solusyong gawang-bahay ay hindi kasimbisa na gaya ng nabibiling nasa pakete, ang mga ito ay mabuting mapagpipilian. At samantalang pinag-aalinlanganan ng mga doktor ang mga kahalagahan nito sa paglutas sa grabeng dehydration, ang karamihan ay sasang-ayon na ang mga solusyong gawang-bahay ay gumaganap ng mahalagang bahagi kapag ipinainom sa pagsisimula ng diarrhea.

Kung Bakit Namamatay Pa rin ang mga Bata

Bagaman ang ORT ay gumagana at mabisa, nariyan pa rin ang hamon na ipasakamay ito sa pamayanan ng daigdig. Anong pagsulong ang ginagawa? Sa mga ospital, ang ORT ay mabilis na hinahalinhan ang intravenous therapy bilang ang pinipiling paggamot sa karamihan ng mga kaso sa dehydration. Noong dakong huli ng 1983, mahigit 30 nagpapaunlad na mga bansa ang nagsimula ng ORT na mga programa, at hindi kukulangin sa 20 ang naghahandang gumawa ng kanilang sariling oral rehydration salts. At maraming internasyonal na mga organisasyong pangkalusugan ang aktibong nagpapalaganap tungkol sa ORT. Ang mga resulta ay positibo. Sa larangan ng mga pag-aaral sa buong daigdig, nasumpungan na kung saan ang terapi ay itinaguyod, ang mga kamatayan dahilan sa dehydration ay bumaba ng 50 hanggang 60 porsiyento! Gayumpaman, dahilan sa kalahating bilyong mga bata ang apektado ng diarrhea taun-taon, isang napakalaking atas ang gumawa ng makukuhang nakapakete nang mga asin para sa lahat.b

Subalit hindi ba maaaring gawin ng mga magulang ang solusyon sa bahay? Nakalulungkot sabihin, ang asin, asukal, at mga gamit na panukat ay hindi makukuha sa lahat ng dako. At kahit na sa lugar na mayroon nito, ang paghahanda ng rehydration na inumin ay nangangailangan ng wastong pagsasanay. Halimbawa, kung labis-labis na asukal ay maidagdag sa solusyon, ang absorption o pagsipsip ay mababawasan at ang diarrhea ay maaaring lumala. Ang labis na asin naman ay mapanganib din. At nariyan din ang dami ng dosis. Ang labis-labis ay maaaring magpatagal sa diarrhea. Kung kakaunti naman, ang dehydration ay nagpapatuloy.

Nariyan din ang tunay na problema ng pagbabago sa mga saloobin ng tao. Marami ang basta ayaw sumubok sa ORT. Inaakala ng ilang mga magulang na ang pinakamabuting paggamot sa diarrhea ay huwag bigyan ng pagkain at inumin ang kanilang mga anak. Ang iba naman ay sinusunod ang payo ng lokal na mga albularyo​—na may kalunus-lunos na mga resulta.

Dapat din tandaan na ang ORT ay isa lamang terapi. Hindi nito pinahihinto o iniiwasan ang diarrhea. Upang pawiin ang sakit na diarrhea ay nangangahulugan ng paglutas sa pangglobong mga suliranin ng hindi mabuting tubig, sanitasyon, at kalinisan.c Ang malnutrisyon ay dapat ding wakasan, sapagkat sa isang nakamamatay na siklo, ang malnutrisyon ay nagpapangyari ng diarrhea, at ang diarrhea ay nagpapangyari ng malnutrisyon.

Gayunman, batid ng mga Kristiyano na ang tanging lunas ay ang Kaharian ng Diyos, na lubusang papawi sa malnutrisyon, sakit, at maging sa kamatayan mismo. (Apocalipsis 21:4; Awit 72:16) Samantala, ang oral rehydration therapy ay siya pa ring payak subalit lubhang mabisang sandata sa pakikipagbaka laban sa mamamatay na ito ng angaw-angaw na mga bata.

[Mga talababa]

a Hanggang sa ngayon, 25 iba’t ibang mga parasito, virus, at baktirya ang nasumpungan na nagiging sanhi ng diarrhea. Ito, pati na ang iba pang mga salik, ay gumagawang mahirap na ibigay ang tumpak na katuturan ng diarrhea. Gayunman, sa malawakang pagpapakahulugan, maaari nating sabihin na ito ang paglalabas ng likido, o matubig, na dumi na mahigit sa tatlong beses isang araw.

b Ang taunang produksiyon ngayon ay halos 80 milyong mga sachet.

c Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang mga impeksiyon na dahil sa diarrhea ay maaaring bawasan ng mga 50 porsiyento kung ang mga kamay ay huhugasan ng sabon at tubig pagkatapos magtungo sa kasilyas at bago hawakan ang pagkain.

[Kahon sa pahina 24]

“Malamang na ang pinakamahalagang pagsulong sa medisina sa siglong ito.”​—Lancet

“Isa sa pinakapayak subalit pinakamahalagang pagsulong sa kasaysayan ng siyensiya.”​—UNICEF

[Kahon sa pahina 24]

Kapag Sumalakay ang Diarrhea: Mga Tuntunin sa Paggamot ng mga Bata

Huwag tigilan ang pagpapakain: Dapat bigyan ng mga likido. Tsa, am, sabaw ng barley, at mga sopas ay mahalaga. Magtabi ng naiinom na tubig. Patuloy na pasusuhin ang mga sanggol na sumususo. Ang mga pagkain ay dapat ibigay karakaraka kapag ang bata ay nakakakain na. Gayunman, ang kaunti subalit madalas na mga pagkain ang pinakamabuti. Ang madaling tunawin, mayaman sa enerhiyang mga pagkain gaya ng nilutong mga cereal at saging ay mabuti.

Bigyan ng oral rehydration na inumin sa simula: Hinahalinhan nito ang likidong nawala at hinahadlangan ang dehydration. Hangga’t maaari, gamitin ang nabibiling nakapaketeng oral rehydration salts. Kung wala nito, ihanda ang sumusunod na solusyon (Ang wastong halo ay mahalaga!):

Asin: Isang kutsarita

Asukal: Walong kutsarita

Tubig: Isang litro (5 tasa na 200 ml ang bawat isa)

Kung gaano karami ang ibibigay: Ang dami ay dapat na katumbas ng nawalang likido. Humigit-kumulang, isang tasa ng rehydration na inumin ay dapat ibigay sa bawat pagkukurso; kalahati niyan para sa mga bata. (Ang solusyon ay maaaring kutsarahin para sa mga sanggol.) PAINUMIN ANG BATA HANGGA’T NAIS NIYA!

Kung kailan ititigil ang pagbibigay ng rehydration na inumin: Karaniwan na kapag tumigil ang diarrhea o kapag ang uhaw para sa rehydration na inumin ay humuhupa.

Kung kailan hihiling ng medikal na tulong:

Kung maliwanag ang mga palatandaan ng dehydration.

Kung ang tao ay hindi makainom.

Kapag ang diarrhea ay nagpatuloy nang mahigit apat na araw nang walang pagbabago (o pagkaraan ng isang araw sa mga sanggol na may grabeng diarrhea).

Kapag may grabeng pagsusuka.

[Kahon sa pahina 25]

Mga Palatandaan ng Grabeng Dehydration

Kaunti o walang ihi

Mabilis na pagbaba ng timbang

Tuyong bibig

Lubog na mga batik sa mga sanggol

Nanlalalim na mga mata

Mabilis, mahinang pulso

Nawawala ang elastisidad ng balat

Itaas ang balat sa pamamagitan ng dalawang daliri. Kung ang tupi ng balat ay hindi magsauli sa normal, ang bata ay natuyuan

Pinagkunan: Where There Is No Doctor, ni D. Werner, London, 1981, pahina 159.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share