Ano ang Bago sa Karahasan sa mga Panoorin?
Ang sekso ba at karahasan, na detalyadong inilalarawan sa mga pelikula at mga programa sa TV, ay nagbibigay sa mga tagapanood ng mga ideya at nagpapangyari sa kanilang kumilos nang gayon sa tunay na buhay? Ang malaon nang pinagtatalunang paksang ito ay binigyan ng bagong pagpilipit kamakailan.
“Karaniwan nang ang mga ideyang ito ay kinokontrol ng ating mga pagbabawal,” paliwanag ni Dr. Leonard Berkowitz, propesor ng sikolohiya sa University of Wisconsin. Subalit kapag ang gayong mga pelikula at mga programa ay itinataguyod sa ngalan ng artistikong kapahayagan, at marahil ay binibigyan ng paborableng mga rebista ng ilang mga kritiko, sabi ni Berkowitz, “tumutulong ito upang bigyang matuwid natin hindi lamang ang pelikula kundi ang paggawi, dinadaya ang manonood at pinahihina ang kaniyang mga pagpipigil.” At kapag idinagdag pa ang sekso, na siyang kalimitang nangyayari, “lumilikha ito ng mas matinding pangganyak at malamang na pakilusin nito ang mga tao na kumilos sa kanilang mga ideya.”
Ang konklusyon ni Dr. Berkowitz, na resulta ng mahigit 20 mga taong pananaliksik, ay binanggit ng The New York Times sa isang artikulo tungkol sa ganitong uri ng mga pelikula. Para sa maraming tao, sabi ng artikulo, ang mga programang ito “ay lalo nang di kanais-nais sapagkat ito ay waring nagbibigay ng isang kapaligiran ng pagiging kagalang-galang sa paglalarawan ng lubhang nakatatakot at marahas na mga pagsalakay.”