Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ano ang Nakapangingilabot sa mga Pelikulang Horror?
TINUTULIGSA ng mga kritiko, binabatikos ng mga magulang, at kalimitang sinisensor ng mga network sa TV, malakas pa rin ang mga pelikulang horror. Kung ang kakayahang kumita ang sukatan, ang mga pelikulang horror ay lubhang matagumpay, at ilan pa nga ay patok na patok sa takilya. Ang masisigasig na tagagawa ng pelikula, sabik na kumita nang higit, ay nagmamadaling gumawa ng mga karugtong. Pinag-iimbutan ang mga kitang ito, ang iba pang gumagawa ng pelikula ay dalidaling gumagawa ng mga imitasyon.
At sino ang tinatarget na tagapanood ng nakatatakot na mga pelikulang ito? Ang mga kabataan. Karaniwan nang makikita ang mga tin-edyer na sinusuong ang mahabang pila at masamang panahon upang mapanood ang pagsisimula ng pinakabagong pelikulang horror. Ano, kung gayon, ang pang-akit ng mga pelikulang ito? Mayroon bang anumang dahilan para sa mga kabataan na maging maingat sa mga ito?
Ang Bagong mga Pelikulang Horror
Ang mga pelikulang nakatakot sa mga tagapanood mga ilang dekada na ang nakalipas ay nagbigay-daan sa isang bagong uri. Ang mga pelikulang horror sa ngayon ay hindi natatamo ang mga panginginig nito sa takot sa pamamagitan ng magandang kuwento, kapana-panabik na banghay, o ginaganyak man ang guniguni ng tagapanood kundi karaniwan nang depende sa nakasisindak na detalyadong karahasan upang matamo ang mga epektong ito. Gaya ng iniulat ng New York Post, “Ang tradisyonal na mga halimaw ay pinalitan ng uhaw sa dugong mga maniac.”
Halimbawa, isang tagarebista tungkol sa ika-apat na pelikulang “Friday the 13th” ay nagsabi: “Ang 91-minutong pelikula ay wala kundi madugong pagputol ng mga bahagi ng katawan at hubo’t hubad na mga tin-edyer . . . pati na ang maikling mga kuha ng pagpugot ng ulo at paggarote.” Ang tampok na tauhan ay “isang baliw na salaring nagngangalang Jason, nakasuot ng isang maskarang pang-hockey, na tinataga at tinutuhog ang iba’t ibang tin-edyer na lalaki at babae.”
Maraming dugo at danak ng dugo ang sa gayo’y pangunahing sangkap ng bagong mga pelikulang horror. Hindi kataka-taka, kung gayon, na ito ay binansagang “saksak,” “tilamsik,” at “danak ng dugo” na mga pelikula.
Ang Pang-akit ng mga Pelikulang Horror
Gayunman, hindi kapani-paniwala na ang madugong pagpapatayang ito at “madugong pagputol ng mga bahagi ng katawan” ang nagpapangyari sa maraming kabataan na kumarimot ng takbo sa mga sinehan. Anang tanungin kung bakit siya madalas manood ng mga pelikulang horror, ganito ang sabi ng 16-anyos na si Melissa: “Gustong-gusto ko ang katapangan. Ayaw kong manood ng pelikulang gaya ng Goldilocks. Nais kong panoorin ang pelikulang gaya ng Nightmare on Elm Street.” Sabi pa niya, “Nais kong mapanood ang mga taong nagkakaluray-luray.”
Oo, para sa maraming kabataan, ang pamantayan sa paghatol sa isang pelikula ay kung gaano “kamapanlikha” isinasagawa ang mga pagpatay. Isang tin-edyer ang sumulat: “Aktuwal na narinig ko ang mga manonood na pumalakpak at pumipito sa nakapangingilabot na pagpatay.” Ganito pa ang sabi ng 17-anyos na si Sandy: “Kung ang mga eksena ay talagang nakatakot sa akin, ito ay isang magandang pelikula. Kung ito’y hindi nakakatakot—rutina lamang na mga patayan—ito ay hindi mahusay.”
Kung Bakit Pinanonood Ito ng Iba
Sabihin pa, hindi lahat ng nanonood ng pelikulang horror ay naaakit ng labis na paghahangad sa karahasan o sa masamang pag-uusyoso. Para sa ilang mga tin-edyer, ang mga pelikulang horror ay isa lamang paraan ng pagtakas, isang pahinga sa buhul-buhol na mga kabalisahan sa buhay. Ganito ang sabi ng sikologong si Joyce Brothers: “Kapag ang iyo mismong buhay ay naging lubhang masalimuot at nakatatakot . . . , mas madaling takasan ito sa pamamagitan ng isang nakatatakot na kuwento.”
Ang iba pang kabataan ay naaakit sa inaasahang pagkabalisa at takot. Sabi ng 14-anyos na si Bobby: “Pigil na pigil ka sa iyong upuan dahil sa pagkabalisa. Sumasakay ka sa roller-coaster dahil sa pangingilig at takot sa ilang nakalululang mga libis o alon sa pagitan.”
Inaakala naman ng ibang lalaking tin-edyer na ang kanilang pagkalalaki ay napatutunayan ng kanilang kakayahang panoorin ang nakapangingilabot na mga eksena at ang detalyadong paglalarawan ng pagpapatulo ng dugo nang hindi natatakot. Si Reggie, isang madalas manood ng pelikulang-horror, ay nagsabi: “Kung makakayanan mo ang dugo at ang mga laman-loob, ikaw ay lalaki. Kung hindi mo ito makayanan, ikaw ay ipinalalagay na isang binabae ng iyong mga kaibigan.”
Gayunman, maraming kabataan ang nanonood ng mga pelikulang horror dahil sa “romantikong” mga posibilidad na inihaharap nito sa kanilang ka-date. Ganito ang gunita ng beinte-anyos na si Quintella: “Kapag nanonood ako ng mga pelikulang horror at ang eksena ay nagiging kakila-kilabot, sinusunggaban ko ang aking ka-date.” Sabi pa niya, “Sa palagay ko ay inaasahan at nais niya ang reaksiyong ito.” Mayroon pa ngang mga babaing tin-edyer na kunwa’y sinisikmura upang yapusin ng kanilang ka-date. Ang kanilang mga kasamang lalaki, inaasahan ang reaksiyong ito, ay kusang tumutugon sa pamamagitan ng pagyapos.a
Pangingilig sa tuwa, takot, pagtakas, romansa—inaakala ng maraming kabataan na yamang ibinibigay ng mga pelikulang horror ang lahat ng tulong na ito, walang gaanong pinsala sa mga ito. Subalit gayon nga ba ang kalagayan?
Mga Pelikulang Horror—Kung Ano ang Itinuturo Nito
Totoo, inaakala ng ilang sikologo na ang mga pelikulang horror ay hindi nakapipinsala, pinagmumulan lamang ng paminsan-minsang di pagkatulog kung gabi. Gayumpaman, pinaninindigan pa rin ng maraming iginagalang mga awtoridad na mayroong mga panganib.
Si Dr. Leonard Berkowitz, propesor ng sikolohiya sa University of Wisconsin, ay nagsasabi na ang karahasan sa pelikulang horror ay tatlong ulit ang epekto sa nanonood. “Una,” sabi niya, “ginagawa nito ang mga manonood sa pangkalahatan na hindi gaanong matakot sa, at higit na hindi nababahala sa, karahasan. Ikalawa, ang mga manonood ay maaaring matuto ng leksiyon na ang karahasan ay sinasang-ayunang paggawi. Ikatlo,” susog pa niya, “ang ilan ay maaaring mapasigla nito.”
Tunay, hindi ba’t ang kakayahang mahabag at makiramay sa mga paghihirap ng iba ang gumagawa sa mga tao na naiiba sa mababangis na hayop? Gayunman, maaari lamang sirain ng walang taros na karahasan ng mga pelikulang horror ang pakikiramay na iyon. Nagugunita natin kung paano hinatulan ni apostol Pablo yaong “dahil sa walang pakiramdam [sa literal, “pagpurol”] ng kanilang puso” ay “walang bahagya mang wagas na asal.” Gayumpaman, hinimok niya ang mga Kristiyano na “maging mabait sa isa’t isa, malumanay sa kaawaan.” (Efeso 4:18, 19, 32, Kingdom Interlinear) Ang madalas bang pagkalantad sa walang pakiramdam na pagbububo ng dugo ay tutulong sa isa na linangin ang mga katangiang ito?
Ang Pangmalas ng Diyos Tungkol sa Karahasan
Kung ang potensiyal na pagiging manhid na mga epekto ng mga pelikulang ito ang tanging panganib, iyan lamang ay dahilan na ng malaking pagkabahala. Para sa mga Kristiyano, gayunman, ang pinakamahalagang pagkabahala ay ang pagpapanatili ng pakikipagkaibigan sa Diyos. Kasali rito ang pagtanggap sa pangmalas niya tungkol sa karahasan, na malinaw na ipinakita ng Diyos nang lipulin niya ang sinaunang daigdig noong kaarawan ni Noe. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang karahasan ay lumaganap sa lahat ng dako. At tiningnan ng Diyos ang lupa at nakita niya na ito ay masama, sapagkat ang mga tao ay pawang namumuhay nang masama. Sinabi ng Diyos kay Noe, ‘Naipasiya kong wakasan ang lahat ng sangkatauhan. Lilipulin ko silang lubusan, sapagkat ang daigdig ay napuno ng kanilang mararahas na gawa.’ ”—Genesis 6:11-13, Today’s English Version.
Sa gayon ang salmista ay nagsabi tungkol kay Jehova: “Sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan ng Kaniyang kaluluwa.” (Awit 11:5) Kaya, ang sinaunang mga Kristiyano ay tumangging makibahagi sa popular na mga larong panggladiator, kung saan ang tao ay inilalaban sa tao o tao laban sa hayop hanggang kamatayan. Totoo, ito ay isang tinatanggap na anyo ng paglilibang nang panahong iyon. Subalit isang sinaunang Kristiyanong manunulat noong ikalawang-siglo na nagngangalang Athenagoras ay nagsabi: “Kami, na may palagay na ang panonood sa pagpatay sa isang tao ay katulad na rin ng pagpatay sa kaniya, ay nagtatakwil [taimtim na itinatakwil] ang gayong mga panoorin.”
Hindi rin dapat kaligtaan ang espiritistiko at makademonyong mga pahiwatig ng maraming pelikulang horror. Ang kabataang Kristiyano ba ay maaaring ‘makatayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo’ kung pakakainin niya ang kaniyang sarili ng mga pelikulang nagtatampok ng espiritismo?—Efeso 6:11; Apocalipsis 21:8.
Dahil sa kanilang pagnanais na mapanatili ang pakikipagkaibigan sa Diyos, ang ilan sa mga kabataang binanggit kanina—sina Reggie, Quintella, Sandy, at Bobby—ay huminto na sa panonood ng mga pelikulang horror. Hindi, hindi sila naging mga taong mapagpasakit, ipinagkakait sa kanilang sarili ang lahat ng anyo ng kasiyahan. Kundi sa pamamagitan ng isang pag-aaral sa Bibliya, napahalagahan nila ang pangangailangan na iwasan ang nakasisira ng moral na paglilibang. Kinikilala ang pangangailangan ng wastong paggawi sa pagitan ng mga lalaki’t babae, hindi nila ginagamit ang gayong mga pelikula bilang isang dahilan para sa di-wastong pagpapakita ng pagmamahal. (1 Tesalonica 4:3, 4) Hindi na tinatanggap ang karahasan bilang isang paglilibang, sinisikap nilang maging mapamili sa kung ano ang kanilang pinanonood.
Napag-unawa nila ang ang mga pelikulang horror ay naging kung ano nga ang ipinahihiwatig ng pangalan nito—nakapangingilabot.
[Talababa]
a Isang pag-aaral ay isinagawa kung saan 36 na pares ng lalaki at babaing mga estudyante sa kolehiyo ay nagboluntaryong manood ng mga eksena buhat sa mga pelikulang horror. Ipinakita ng pag-aaral na kung ang isang babae ay nangangamba at naaalibadbaran, lalo siyang nagiging kaakit-akit sa kaniyang kasamang lalaki. Sa kabaligtaran, kung ang kasama niyang lalaki ay magpakita ng kawalang-takot at istoisismo, lalo siyang nagiging kaakit-akit at kahali-halina. Ang pag-aaral ay naghinuha na ang mga pelikulang horror ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga adolesenteng lalaki na ipakita ang kanilang katapangan at pagiging macho, samantalang binibigyan naman nito ng pagkakataon ang adolesenteng mga babae na pahalagahan ang ipinahihiwatig na “pag-aliw” ng kaniyang kasamang lalaki.