Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Mahalaga ba Kung Anong Pelikula ang Pinanonood Ko?
ANG mga pelikula ay talagang hindi nakakaimpluwensiya sa akin,’ sabi ng isang tin-edyer na nagngangalang Karen, ‘sapagkat ako’y nanonood ng sine upang makadama ng pagkarimarim o mainis at matakot, basta malibang.’ Maraming kabataan ang nagsasabi rin na sila’y di naaapektuhan ng mga pelikula. Gayunman, ang kabataang si Georgia ay hindi sumasang-ayon. Palibhasa’y nakapanood siya ng maraming R-rated na pelikula, sabi niya: “Hindi mo nakalilimutan ang mga tagpong iyon . . . Mientras pinag-iisipan mo ito, lalo mong nais gawin ang nakita mo.”a
Ang mga pelikula ay lubhang popular sa mga kabataan. Sa isang taon, 36 na porsiyento ng mahigit na 113 milyong pumila sa mga sinehan sa ibayo ng Estados Unidos ay mga tin-edyer. Milyun-milyon pa ang nanonood ng mga pelikula sa kani-kanilang tahanan sa pamamagitan ng mga videocassette o mga pelikula sa cable-TV. Mangyari pa, tayong lahat ay nangangailangan ng aliwan at paglilibang sa pana-panahon. Ang gayong libangan ay maaaring magpaginhawa at ganyakin ang isipan. Sa maraming kabataan, ang panonood ng sine ay isang paraan upang gawin ito at punan ang nakababagot na hapon o gabi. Subalit aling mga pelikula ang panonoorin mo? Mahalaga ba kung anong pelikula ang pinanonood mo?
Mga Pelikula—Ang Kasalukuyang Uso
“Ang hedonismo, seksuwalidad, karahasan, kasakiman, pagkamasarili.” Sang-ayon sa sikologo ng bata na si Robert Coles, ang mga ito ay mga pamantayang nangingibabaw sa karamihan ng mga pelikulang ginagawa ngayon. Ang pananaliksik na pinangunahan ni Dr. Vince Hammond ay naghinuha rin na “karamihan ng mga pelikulang ipinakikita sa industrialisadong mga bansa ay naglalaman sa paano man ng ilang karahasan, na ang marami ay ibinibilang na marahas o lubhang marahas.” Sinurbey ng mga mananaliksik ni Hammond ang 1,000 pelikula mula sa iba’t ibang bansa. Ang kanilang konklusyon? “Ang produksiyon ng mararahas na pelikula ay isang pangglobong suliranin.”
Lalo nang popular sa mga kabataan ang mga pelikulang horror, inilalarawan ang satanikong pagmamay-ari, panghahalay, at pagbububo ng dugo sa pinakamasamang paraan. Gaya ng pagkakasabi rito ni Dr. Neil Senior, sinipi sa magasing Seventeen, ang mga pelikulang ito ay “naglalarawan ng lahat ng bagay na hindi nanaisin ng bawat pamilya na mangyari sa kanila.” Gayunman, maraming kabataan ay pumipila upang mapanood ito.
Dumami ring lubha ang mga pelikula tungkol sa sekso. At ayon sa isang propesor sa unibersidad, “ang pinakamaraming nanonood ng mga video tungkol sa sekso sa Canada ay mga kabataan sa pagitan ng 12 at 17 anyos at maaaring pinipilipit nito ang kanilang mga saloobin tungkol sa seksuwal na paggawi.”
Gayunman, wari bang ang industriya ng pelikula ay hindi gaanong nababahala. Ang magasing Variety ay nag-uulat na ang mga pelikulang nagtatampok ng karahasan at sekso ay dumarami, samantalang ang kaaya-aya, pampamilyang mga pelikula ay hindi man lamang ginagawa. Posible kaya, kung gayon, na ang panonood ng masasagwang pelikula ay makaapekto sa iyo sa negatibong paraan?
Ang Pagsalakay sa Iyong Mata at Tainga
Ang mga pelikula ay malakas na sumasalakay sa mga pandamdam. Sinabi ni Jesus na “ang ilawan ng katawan ay ang mata.” (Mateo 6:22) At kung ano ang nakikita mo ay may matinding epekto sa iyo. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang ensayklopedia, “ang isipan ay sumusunod sa mata.” Karaniwan na, kinukontrol ng iyong isipan kung ano ang pinipiling pagtuunan ng pansin at tingnan ng mata. Subalit kapag ikaw ay nakapokus sa mga larawan na mas-malaki-kaysa-tunay na gumagalaw sa malaking telon, talagang mapasusuko mo ang iyong isipan sa kagustuhan ng tagagawa ng pelikula. Ang iba ay buhos na buhos ang isip sa pelikula anupa’t sila ay kailangang sikuhin upang mawala ang pagkabighani sa isang pelikula.
“Ang nakikinig na tainga” ay malakas ding naiimpluwensiyahan ang iyong pag-iisip at mga gawa. (Kawikaan 20:12) Ang nakahihipnotismong mga larawang nakikita at mga salitang binibigkas ay pinagtitibay ng musika na maaaring pumukaw ng damdamin, lumilikha ng takot, katuwaan, galit, silakbo ng damdamin. Bunga nito, ang mga pelikula ay maaaring maghatid ng diwa ng pagiging totoo anupa’t ang ilang manonood ay nahihirapang kilalanin ang tunay sa pagkukunwari.
Ang Pagsalakay sa Iyong Isipan at Asal
Ang pangmalas o palagay ng pelikula ay maaari ring lubhang makaimpluwensiya sa iyong reaksiyon dito. Kaya sinisikap ng mga tagagawa ng pelikula na makita ng mga manonood ang kanilang sarili sa mga tauhang inilalarawan—kahit na kung ang bida ay isang kriminal o isang sadista, taong sakim-sa-kapangyarihan.b Kung ikaw ay hindi maingat, baka masumpungan mo ang iyong sarili na kumakampi sa isang kriminal!
Isaalang-alang kung ano ang naging reaksiyon ng isang manonood sa isang bagong nakatatawang horror na pelikula tungkol sa isang baliw na may labahang daliri na naglalalaslas sa sunud-sunod na eksena. Pinalakpakan nila ang mamamatay-taong nagbububo ng dugo! Pinangunahan ng kamerang nagmamaneobra-sa-isipan, ang mga tagapanood ay para bang nawalan ng diwa ng pagpapahalaga—at lahat ng pagkahabag sa mga biktima.
Anong laking pagkakaiba nito sa payo ng Bibliya na huwag magalak sa kapahamakan ng isa! (Kawikaan 17:5) Tuwirang salungat ito sa Ginintuang Tuntunin ni Jesus—na ‘gawin ninyo sa iba ang nais ninyong gawin sa inyo ng iba.’ (Mateo 7:12) Higit pa riyan, ang pagpalakpak ba sa pagpatay ay kasuwato ng payo ng Bibliya na maging “malumanay sa kaawaan”? (Efeso 4:32) Hindi ba’t ito ay katumbas ng pagkampi sa “kongregasyon ng mga manggagawa ng masama”?—Awit 26:4, 5.
Tusong mga Epekto
Gayunman, baka akalain mo na ang epekto ng isang pelikula ay pansamantala, panandalian. At sabihin pa, malamang na hindi mo naman laslasin ang sinumang makita mo dahil ito ay inilarawan sa ilang pelikula. Gayunman, iniuulat ng isang pahayagan sa New Zealand na may “dumaraming katibayan na nag-uugnay sa mararahas na pelikula at video sa mararahas na paggawi ng ilan na nanonood nito.” Binanggit din ng aklat na Adolescence ang maraming pag-aaral tungkol sa kaugnayan sa pagitan ng “karahasan sa TV at ng agresibong paggawi” at kinikilala nito na may “dumaraming katibayan” tungkol sa kaugnayan ng dalawa.
Mayroon ding mga balita tungkol sa kakila-kilabot at walang taros na mga paggawi na ginawa bilang pagtugon sa mga eksena sa pelikula. Halimbawa, isang kabataan ang namatay dahil sa mga pinsala sa pagtatangkang tumayong patiwarik sa hood ng isang rumaragasang pickup na trak. Nakita niya kamakailan ang stunt na ito na isinagawa sa isang popular na pelikula. Kaya makatuwirang sabihing maaaring maapektuhan ng isang pelikula ang iyong mga kilos.
Gayunman, kadalasan ang mga pelikula ay gumagawa ng higit pang tusong impluwensiya. Halimbawa, hindi ba’t ang marami sa iyong mga kaedad ay nagsisikap na magsalita, manamit, at mag-ayos ng kanilang sarili na gaya ng ilang mga idolo sa pinilakang tabing? Hindi ba ito katibayan ng malakas na impluwensiya ng pelikula? Sa ibang mga kaso, ang panonood ng masasamang pelikula ay waring may nakasisirang epekto sa moral na mga pamantayan ng kabataan. Kaya sinasabi ng mananaliksik na si Dr. Thomas Radecki na ang matagal na pagkalantad sa mararahas na pelikula “ay humahantong sa lubhang pagkamanhid sa karahasan.”
Ang Bibliya ay nagsasabi: “Si Jehova mismo ang sumisiyasat sa matuwid at gayundin sa balakyot, at ang sinumang umiibig sa karahasan ay tunay na kinapopootan ng kaniyang kaluluwa.” (Awit 11:5) Ang walang-tigil bang panonood ng mararahas na pelikula ay makaapekto sa iyong saloobin sa karahasan? Maaari kayang masumpungan mong nakalilibang, nakatutuwa pa nga ang karahasan? At posible kayang masumpungan mo ang iyong sarili na higit na nilulutas ang mga problema at mga di-pagkakaunawaan sa karahasan kaysa rati? Mainam ang pagkakasabi ng Kawikaan 10:23: “Krimen ang libangan ng mangmang.”—New American Bible.
At kumusta naman ang iyong mga asal Kristiyano? Maipasok kaya sa iyong isip ng pagkalantad sa sekso at sa paghuhubo’t hubad ang kamalian at malungkot na mga kalalabasan ng pagtatalik bago ang kasal? Sirain kaya nito ang iyong ‘pagkapoot sa masama’?—Awit 97:10.
Binabanggit ng manunulat na si Jane Burgess-Kohn ang tungkol sa karanasan ng isang babaing nagngangalang Jeanie. Pagkatapos “manood ng napakaseksing pelikula” na kasama ng kaniyang ka-date, inamin ni Jeanie na “napukaw ang kaniyang pagnanasa” hanggang sa punto na siya’y makipaghalikan at makipagyapusan. Gayunman, hindi siya huminto roon. “Nakalulungkot sabihin,” pagtatapat ni Jeanie, “nang gabing iyon napakadali kong hikayating makipagtalik. Hindi ko pa rin maubos maisip kung ano ang nangyari’t nawalan ako ng katuwiran. Hindi ko nga partikular na naiibigan ang lalaking iyon!”
Walang alinlangan, kung gayon, ang mga pelikula ay may lakas na impluwensiyahan ang iyong puso, ang iyong isip, at ang iyong paggawi. Kaya hindi ba dapat ay maging mapamili ka sa kung ano ang iyong pinanonood? Tatalakayin ito ng isang artikulo sa hinaharap.
[Mga talababa]
a Sa Estados Unidos, walang sinumang hindi pa 17 anyos ang dapat tanggapin (malibang kasama ng magulang o katiwala) sa anumang pelikulang R-rated, o ipinagbabawal, ng Motion Picture Association ng Amerika. Ang mga pelikulang iyon ay karaniwang naglalaman ng karahasan, masamang pananalita, o sekso at paghuhubo’t hubad. Gayunman, kadalasan, ang mga pagbabawal ay hindi ipinatutupad, at ang mga kabataan ay pinapapasok.
b Ipinakikita ng isang eksperimentong iniulat sa Science News na ang mga manonood ay waring lubhang apektado ng kanilang nakikita “gaano man kaganda sa wari ang palabas” basta ba ‘nakikita nila ang kanilang sarili sa isang tauhan sa TV o sa pelikula.’
[Blurb sa pahina 11]
“Hindi mo nakalilimutan ang mga tagpong iyon . . . Mientras pinag-iisipan mo ito, lalo mong nais gawin ang nakita mo”
[Blurb sa pahina 12]
May “dumaraming katibayan na nag-uugnay sa mararahas na pelikula at video sa marahas na paggawi ng ilan na nanonood nito”
[Larawan sa pahina 10]
Nahahalina sa isang pelikula, ang mga manonood ay kadalasang natutuwa sa pagpatay, pagnanakaw, at imoralidad sa sekso