Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 7/22 p. 19-21
  • 100 Taon ng mga Pelikula

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • 100 Taon ng mga Pelikula
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Tahimik na Panahon
  • Tunog at Kulay
  • Propaganda sa Panahon ng Digmaan
  • Krisis
  • Epekto sa Lipunan
  • Mahalaga ba Kung Anong Pelikula ang Pinanonood Ko?
    Gumising!—1990
  • Ano ang Nakapangingilabot sa mga Pelikulang Horror?
    Gumising!—1988
  • Aling mga Pelikula ang Panonoorin Mo?
    Gumising!—2005
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 7/22 p. 19-21

100 Taon ng mga Pelikula

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PRANSIYA

ANG pelikula ay bunga ng tugatog ng halos 75 taon ng internasyonal na pananaliksik at pag-eeksperimento. Noong 1832 matagumpay na napakilos ng phenakistoscope, na inimbento ng taga-Belgium na si Joseph Plateau, ang sunud-sunod na mga iginuhit na larawan. Sa Pransiya, dahil kina Joseph Niepce at Louis Daguerre, nagawang posible ng isang potograpikong pamamaraan na maging larawan ang realidad noong 1839. Pinag-ibayo ng Pranses na si Emile Reynaud ang ideang ito, ipinalabas ang animated transparencies na nakita ng daan-daang libong katao sa pagitan ng 1892 at 1900.

Ang isang kahanga-hangang pagsulong sa pelikula ay sumapit mahigit na 100 taon lamang ang nakalilipas. Noong 1890, dinisenyo nina Thomas Edison, ang kilalang Amerikanong imbentor, at ng kaniyang kasamang Ingles, si William Dickson, ang isang kamera na kasinlaki at kasimbigat ng isang maliit na patayong piyano, at nang sumunod na taon nag-aplay si Edison para sa patente ng isang one-man viewer na tinatawag na kinetoscope. Ang mga pelikula, nakarekord sa 35-milimetrong mga strip ng butas-butas na celluloid, ay kinunan sa kauna-unahang istudyo ng pelikula sa daigdig, ang Black Maria, sa West Orange, New Jersey. Itinampok nito ang iba’t ibang uri ng vaudeville, sirko, at mga eksena ng wild-West gayundin ang matatagumpay na tagpo sa mga dula sa New York. Ang unang kinetoscope parlor ay nabuksan sa New York noong 1894, at nang taon ding iyon ilang makina ang iniluwas sa Europa.

Bagaman hindi interesado noong una sa pagpapalabas, napilitan si Edison na gumawa ng isang projector upang maiwasan ang kompetisyon. Noong Abril 1896 na ang kaniyang vitascope ay pinasinayaan sa New York. Ang kompetisyon sa patente na pinasimulan niya nang sumunod ay nagbunga sa pagtatatag ng trust upang matamo ang isang ganap na monopolyo sa industriya.

Isang kopya ng kinetoscope ni Edison ang nagpasigla kina Auguste at Louis Lumière, mga industriyalista sa Lyons, Pransiya, na mag-imbento ng pinipihit na kamera na kapuwa makakukuha ng larawan at makapagpapalabas ng mga pelikula. Ang kanilang cinématographe (mula sa Griegong salita na kinema, na nangangahulugang “galaw,” at graphein, na nangangahulugang “upang ipakita”) ay ginawang patente noong Pebrero 1895, at noong Disyembre 28 “ang kauna-unahang opisyal na pagpapalabas ng pelikula sa daigdig ay naganap,” sa Grand Café, 14 Boulevard des Capucines, Paris. Nang sumunod na araw, dumagsa ang 2,000 taga-Paris sa Grand Café upang makita ang pinakabagong kamangha-manghang gawa ng siyensiya.

Hindi nagtagal ang magkapatid na Lumière ay nagbukas ng mga sinehan at nagpadala ng mga cameraman sa buong daigdig. Sa loob ng ilang taon, nakagawa sila ng halos 1,500 pelikula ng kilalang mga lugar sa daigdig, o mga pangyayari, gaya ng koronasyon ni Czar Nicholas II ng Russia.

Ang Tahimik na Panahon

Si Georges Méliès, isang mahiko at may-ari ng isang sinehan sa Paris, ay humanga nang husto sa kaniyang nakita. Nag-alok siya na bilhin ang cinématographe. Maliwanag na ang sagot ay: “Hindi, hindi ipinagbibili ang cinématographe. At magpasalamat ka sa akin, binata; walang kahihinatnan ang imbensiyong ito.” Gayunman, walang takot na nagpasimulang kumuha ng pelikula si Méliès taglay ang mga kagamitan na mula sa Inglatera. Dahil sa kaniyang mga special effect at magagandang tanawin, nagawa ni Méliès ang cinematography na maging masining. Noong 1902 ang kaniyang pelikulang Le Voyage dans la lune (Paglalakbay sa Buwan) ay nagtamo ng tagumpay sa buong daigdig. Sa kaniyang istudyo sa Montreuil, sa labas ng Paris, nakagawa siya ng mahigit na 500 pelikula​—marami sa mga ito ay kinulayan sa pamamagitan ng kamay.

Noong mga 1910, ang 70 porsiyento ng iniluluwas na mga pelikula sa buong daigdig ay nagmula sa Pransiya. Ito’y pangunahin nang dahil sa pagiging industriyalisado ng sine dahil sa magkapatid na Pathé, na ang tunguhin ay maging “gaya ng dulaan, pahayagan, at paaralan sa hinaharap” ang pelikula.

Noong 1919, itinayo nina Charlie Chaplin, Douglas Fairbanks, David W. Griffith, at Mary Pickford ang United Artists upang mabuwag ang komersiyal na trust na nangingibabaw sa bansa. Noong 1915, kauna-unahang pumatok sa takilya ang Birth of a Nation ni Griffith sa Hollywood. Ang totoong kontrobersiyal na pelikulang ito na tungkol sa Gera Sibil sa Amerika ay lumikha ng kaguluhan at ng kamatayan pa nga ng ilan sa unang pagpapalabas nito dahil sa pagtatangi ng lahi na itinatampok nito. Gayunman, ito’y naging malaking tagumpay na may mahigit na 100 milyong manonood, nagpangyari rito na maging ang isa sa pinakamalakas kumitang pelikula.

Pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig, “inihantad [ng mga pelikula] ang buong Amerika sa daigdig ng mga night club, country club, sa mga lugar na nagbebenta ng bawal na inuming de alkohol at gawang kahangalan sa moral na kalakip sa mga ito.” Ang mga pelikulang banyaga ay pawang naglaho mula sa mga puting-tabing ng Amerika, samantalang ang mga pelikula sa Amerika ang bumubuo naman ng mula sa 60 hanggang 90 porsiyento ng mga programa saanman sa daigdig. Ang pelikula ang ginamit bilang isang paraan upang luwalhatiin ang paraan ng pamumuhay sa Amerika at mga produkto sa Amerika. Gayundin naman, ang bagong tuklas na “sistema ng mga bituin” ang nagpangyaring totoong maging tulad mga diyos sina Rudolph Valentino, Mary Pickford, at Douglas Fairbanks.

Tunog at Kulay

“Inay, pakinggan mo ito!” Dahil sa pananalitang ito, winakasan ni Al Jolson, sa The Jazz Singer, noong 1927, ang ginintuang panahon ng mga pelikulang walang tunog at ipinakilala sa daigdig ang talkies. Ang mga eksperimento na kasabay ng mga rekord ng ponograpo ay isinagawa mula sa pagpapasimula ng pelikula, subalit hanggang nito lamang mga taon ng ’20, dahil sa pagdating ng electrical recording at valve amplifier, na naging posible ang tunog. May problema sa unang paglalabas nito.

Ang kulay ay unang ipinasok sa pelikula sa pamamagitan ng mga film na pinintahan sa pamamagitan ng kamay. Hindi nagtagal, ginamit ang mga stencil. Ang mga film ay kinulayan dahil sa kawalan ng mahusay na pamamaraan ng pagkukulay ng pelikula. Ang iba’t ibang sistema ay tinuklas hanggang sa maging matagumpay ang Technicolor sa proseso nitong may tatlong-kulay noong 1935. Gayunman, pagkatapos lamang ng napakalaking popularidad ng Gone With the Wind noong 1939 na ang panonood nang may kulay ay naging malaking pang-akit na pumatok sa takilya.

Propaganda sa Panahon ng Digmaan

Noong panahon ng depression noong mga taon ng ’30, ang pelikula’y nagsilbing isang “gamot na opyo sa nakararaming tao.” Subalit habang nabibingit sa digmaan ang daigdig, ang misyon ng pelikula ay naging isang impluwensiya at propaganda. Tinagurian ni Mussolini ang pelikula na “l’arma più forte,” o “ang pinakamalakas na armas,” samantalang sa ilalim ni Hitler, ito’y naging tagapagsalita ng pambansang sosyalismo, pangunahin na upang madoktrinahan ang mga kabataan. Ang mga pelikulang gaya ng Der Triumph des Willens (Tagumpay ng Hangarin) at Olympia ay epektibong nakapagparangal sa mga lider ng Nazi. Sa kabilang dako, pinalaganap ng Jud Süss (Judiong Süss) ang pagtatangi sa Judio. At sa Britanya, ang Henry V ni Laurence Olivier ay nagsilbing isang pampalakas-loob para sa paghahanda sa D day at sa mga kapinsalaang kasunod nito.

Krisis

Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, habang ang mga telebisyon ay nagiging higit na madaling makuha, ang mga tao’y nanatili sa tahanan sa halip na magtungo sa sinehan. Nabawasan nang malaki ang dami ng manonood sa Estados Unidos, nangalahati sa loob lamang ng sampung taon. Napilitan ang libu-libong sinehan na magsara, at ang produksiyon ng pelikula ay bumaba nang sangkatlo, sa kabila ng paglalabas ng mga pelikula sa wide-screen at tunog ng directional stereo noong mga taon ng ’50. Ang multi-milyong dolyar na matagumpay na mga produksiyon, gaya ng Ten Commandments (1956) ni Cecil B. de Mille, ay ginawa sa pagsisikap na mahadlangan ang kompetisyong ito. Nakaranas din ng biglang pagbagsak sa bilang ng manonood ang mga sinehan sa Europa.

Epekto sa Lipunan

Ang pelikula ay tinagurian bilang salamin ng lipunan. Sa katunayan, maraming pelikula noong mga taon ng ’70 ang nagpabanaag ng “kabalisahan, kawalan ng pagkakontento, pagkasira ng loob, kaligaligan, kawalan ng pagtitiwala” ng panahon, gaya ng makikita sa pagbabalik ng mga pelikulang nakatatakot at ang “di-mapaparisang pagkahumaling sa satanismo at okulto.” Ang mga pelikula tungkol sa kasakunaan ay nagsilbing isang “panlibang sa mga kasakunaan sa tunay na buhay.” (World Cinema​—A Short History) Sa kabilang dako, napagmasdan ng mga taon ng ’80 ang tinawag ng manunulat na Pranses na “sadyang pagtatangka na gawing normal ang kalisyaan.” Kung tungkol sa mga pelikulang itinanghal sa Cannes Film Festival noong 1983, kalahati ang nagtampok ng mga tema tungkol sa homoseksuwalidad o insesto. Ang karahasan ang naging pabalik-balik na tema ng magkakapanahong pelikula. Noong 1992, 66 na porsiyento ng mga pelikula sa Hollywood ang naglalaman ng mararahas na tagpo. At samantalang ang karahasan noong nakalipas ay karaniwang may layunin, sa ngayon ito’y pawang walang katuturan.

Ano ang naging epekto ng gayong pagkalantad? Noong Oktubre 1994, nang ang dalawang kabataang mag-asawa na walang dating kriminal na pinagmulan ay nagwala sa Paris, nakapatay ng 4 na tao, ang pelikulang Natural Born Killers, kung saan isang mag-asawa ang pumatay ng 52 katao, ay tuwirang iniugnay. Parami nang parami, nagpapahayag ng pagkabahala ang mga sosyologo may kinalaman sa impluwensiya na taglay ng karahasan​—lalo na sa mga kabataan, kung saan ang gayong mga tagpo ay nagsisilbing parisan ng paggawi. Mangyari pa, hindi lahat ng pelikula ay lumuluwalhati sa karahasan o imoralidad. Nilampasan ng kamakailang mga pelikulang gaya ng The Lion King ang naunang mga rekord ng mga pelikulang pumatok sa takilya.

Nang tanungin ng pahayagang Le Monde sa Paris kung paano nakaimpluwensiya ang pelikula sa lipunan sa nakalipas na 100 taon, isang kilalang gumagawa ng pelikula at aktor ang nagsabi na sa kabila ng “pagluwalhati sa digmaan, paghanga sa mga gangster, paggawa ng pinakasimpleng mga solusyon at banal na mga homiliya, paglikha ng maling mga inaasahan, at pagpapalaganap ng pagsamba sa kayamanan, ari-arian, walang-kabuluhang pisikal na kagandahan, at napakaraming iba pang hindi makatotohanan at walang-saysay na mga tunguhin,” sa gayon ang pelikula ay nakapaglaan sa milyun-milyon ng isang kaayaayang pagtakas mula sa mapait na mga katotohanan ng pang-araw-araw na buhay.

Habang naglalaho ang mga ilaw at lumilitaw ang pinilakang-tabing, kung minsa’y nadarama pa rin natin ang halina na nakabighani sa mga tao mahigit na 100 taon na ang nakaraan.

[Kahon/Larawan sa pahina 21]

Ang “Photo-Drama of Creation”

Sa pagtatapos ng 1914, halos siyam na milyon katao sa Australia, Europa, New Zealand, at Hilagang Amerika ang nakakita ng presentasyon ng Watch Tower Society na “Photo-Drama of Creation” nang walang bayad. Ang walong oras na programa sa apat na bahagi ay binubuo ng mga palabas at mga slide, kasabay ng tinig at musika. Kapuwa ang mga slide at mga pelikula ay may kulay. Ang “Photo-Drama” ay ginawa “upang mapasidhi ang pagpapahalaga sa Bibliya at sa layunin ng Diyos gaya ng nakasaad doon.” Kabilang sa mga itinampok ang pamumukadkad ng bulaklak at ang pagpisa ng sisiw, na nakuha sa pelikula sa pamamagitan ng time-lapse photography.

[Larawan sa pahina 19]

Ang “Cinématographe Lumière,” ginawang patente noong Pebrero 1895

[Credit Line]

©Héritiers Lumière. Collection Institut Lumière-Lyon

[Picture Credit Line sa pahina 19]

©Héritiers Lumière. Collection Institut Lumière-Lyon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share