Pag-usapan Natin ang Lagay ng Panahon
SAAN ka man nakatira at sino ka man, naaapektuhan ng lagay ng panahon ang iyong buhay. Kung ang maghapon ay mukhang magiging mainit at maaraw, nagsusuot ka ng manipis na damit. Kung maginaw naman, nagsusuot ka ng pangginaw at sombrero. Umuulan? Kukunin mo ang iyong payong.
Kung minsan, nasisiyahan tayo sa lagay ng panahon; kung minsan naman, nalulungkot tayo. Sa pana-panahon, ito’y nagiging mamamatay-tao kapag nagiging bagyo, tornado, tagtuyot, bagyo ng yelo, o malakas na ulan. Gustuhin mo man o kainisan ito, sumpain mo man o ipagwalang-bahala ito, laging nariyan ang panahon, anupat may epekto sa ating buhay mula nang araw na tayo’y isilang hanggang sa tayo’y mamatay.
Minsa’y nagbiro ang isang tao: “Lahat ay nag-uusap tungkol sa lagay ng panahon, pero kahit sino’y wala namang ginagawa tungkol dito.” Totoo naman, waring lagi na lamang na ang panahon ay hindi natin kayang baguhin sa anumang paraan. Subalit, lalong dumarami ang mga siyentipiko na hindi na naniniwala rito. Sinasabi nila na ang pagbuga ng carbon dioxide at iba pang gas sa ating atmospera ay nagdudulot ng pagbabago sa pangmatagalang lagay ng ating panahon—ang ating klima.
Ayon sa mga eksperto, ano ba ang dahilan ng ganitong dumarating na pagbabago? Malamang na ang dapat paniwalaang sagot sa lahat ay buhat sa Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC), na gumagamit sa kadalubhasaan ng mahigit sa 2,500 eksperto sa klima, ekonomista, at mga espesyalista sa pagsusuri sa mga panganib mula sa 80 bansa. Sa kanilang ulat noong 1995, sinabi ng IPCC na ang klima ng lupa ay lalong umiinit. Sa susunod na siglo, kung ang mga bagay-bagay ay magpapatuloy sa ganitong kalagayan, posible na ang temperatura ay tumaas nang hanggang 3.5 digri Celsius.
Bagaman ang ilang karagdagang digri ay maaaring hindi dapat ikabahala nang husto, ang isang maliit na pagbabago sa temperatura sa klima ng daigdig ay maaaring maging kapaha-pahamak. Ang sumusunod ay nakikini-kinita ng marami tungkol sa darating na siglo.
Sukdulang lagay ng panahon sa mga rehiyon. Sa ilang lugar, maaaring maging mas mahaba ang tagtuyot, samantalang maaaring maging mas malakas ang ulan sa ibang lugar. Maaaring maging mas matindi ang mga unos at baha; mas mapangwasak ang mga bagyo. Bagaman milyun-milyon na ang namamatay dahil sa mga baha at taggutom, maaaring mas marami pa ang mamatay dahil sa pag-init ng globo.
Mas malaking panganib sa kalusugan. Maaaring dumami ang mga karamdaman at pagkamatay may kaugnayan sa init. Ayon sa World Health Organization, ang pag-init ng globo ay maaari ring magpalawak sa lugar na saklaw ng mga kulisap na nagdadala ng mga sakit tropikal, tulad ng malarya at dengue. Karagdagan pa, ang nabawasang suplay ng tubig-tabang dahil sa mga pagbabago sa mga pag-ulan at pag-ulan ng niyebe sa mga rehiyon ay maaaring maging sanhi ng pagdami ng ilang sakit at mga parasitong dala ng tubig at ng pagkain.
Nanganganib ang likas na mga tirahan. Ang mga gubat at latian, na sumasala sa ating hangin at tubig, ay maaaring manganib dahil sa mas mainit na temperatura at pagbabago sa pag-ulan. Maaaring maging mas madalas at mas matindi ang mga sunog sa kagubatan.
Pagtaas ng mga antas ng dagat. Yaong mga nakatira sa mababang lugar sa dalampasigan ay kakailanganing lumipat maliban nang isagawa ang magastos na mga proyekto upang pigilin ang paglaki ng dagat. Baka lubusan nang lumubog ang ilang pulo.
Makatuwiran ba ang gayong mga pangamba? Lalo nga bang umiinit ang klima ng lupa? Kung gayon, dapat bang sisihin ang mga tao? Yamang napakalaki ang nakataya, hindi nakapagtataka na pinagtatalunan nang husto ng mga eksperto ang mga tanong na ito. Susuriin sa susunod na dalawang artikulo ang ilan sa mga isyung nasasangkot at haharapin ang tanong kung dapat nga tayong mabahala sa kinabukasan ng ating planeta.