Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 5/22 p. 4-9
  • Nakalilitong Lagay ng Panahon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nakalilitong Lagay ng Panahon
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagbubunga ng Pagtatalo ang Kawalang-Katiyakan
  • Ano ba ang Ginagawa Tungkol Dito?
  • Ang Halaga ng Pagbabago
  • Ano ba ang “Greenhouse Effect”?
    Gumising!—1989
  • Ano Na ang Nangyayari sa Lagay ng Panahon?
    Gumising!—2003
  • Mga Komperensiya Para sa Klima—Hanggang Usapan Lang Ba?
    Gumising!—2011
  • “Nilalagnat” ang Lupa—Malulunasan Pa Kaya Ito?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 5/22 p. 4-9

Nakalilitong Lagay ng Panahon

SA SARI-SARING paraan, karamihan sa atin ay umaasa sa mga carbon-based fuel. Nagmamaneho tayo ng mga kotse at ng iba pang sasakyan na pinaandar ng gasolina o krudo. Gumagamit tayo ng elektrisidad na ginagawa sa mga planta ng kuryente na kumokonsumo ng karbon, likas na gas, at langis. Nagsusunog tayo ng kahoy, uling, likas na gas, o karbon upang magluto o magpainit. Lahat ng gawaing ito ay nagdaragdag ng carbon dioxide sa atmospera. Ikinukulong ng gas na ito ang init mula sa araw.

Dinaragdagan din natin ang iba pang greenhouse gas (gas na nagpapainit sa kapaligiran) na nagkukulong ng init sa atmospera. Ang nitrous oxide ay sumisingaw mula sa mga abonong gawa sa nitroheno na ginagamit sa pagsasaka. Ang methane ay sumisingaw mula sa mga palayan at bakahan. Ang mga chlorofluorocarbon (CFCs) ay bunga ng paggawa ng mga plastik na foam at iba pang proseso sa industriya. Hindi lamang kinukulong ng CFCs ang init kundi sinisira rin ang suson ng ozone na nasa stratosphere ng lupa.

Maliban sa CFCs, na ngayo’y kinokontrol na, lalong bumibilis nang higit kailanman ang antas ng pagbuga sa atmospera ng mga gas na ito na nagkukulong ng init. Ito, sa isang banda, ay bunga ng pagdami ng mga tao sa lupa, pati na ang paglaki ng paggamit sa enerhiya, gawain sa industriya, at agrikultura. Ayon sa Environmental Protection Agency na may tanggapan sa Washington, ang mga tao ay nagbubuga sa kasalukuyan ng anim na bilyong tonelada ng carbon dioxide at iba pang greenhouse gas sa atmospera taun-taon. Ang mga greenhouse gas na ito ay hindi basta naglalaho; maaaring manatili sa atmospera ang mga ito sa loob ng maraming dekada.

Ang mga siyentipiko ay karaniwang nakatitiyak hinggil sa dalawang bagay. Una, sa nakalipas na mga dekada at mga siglo, tumaas ang antas ng carbon dioxide at iba pang greenhouse gas sa atmospera. Pangalawa, sa nakalipas na isang daang taon, ang katamtamang temperatura sa ibabaw ng lupa ay tumaas sa pagitan ng 0.3 at 0.6 digri Celsius.

Bumabangon ang tanong, Mayroon bang koneksiyon sa pagitan ng pag-init ng globo at ng gawang-taong pagdami ng mga greenhouse gas? Ang ilang siyentipiko ay nagsasabing malamang na wala, anupat binabanggit na ang pagtaas sa temperatura ay saklaw ng likas na pagbabagu-bago at na ang araw ang maaaring siyang dahilan. Gayunman, maraming eksperto sa klima ang sumasang-ayon sa sinasabi ng isang ulat ng Intergovernmental Panel on Climate Change. Ipinahayag nito na ang pagtaas ng temperatura “ay malayong nagmumula lamang sa kalikasan” at na “ang bigat ng ebidensiya ay nagpapahiwatig na may kapansin-pansing impluwensiya ang tao sa klima ng globo.” Gayunpaman, hindi pa rin matiyak kung ang mga gawain ng tao ang siyang nagpapainit sa planeta​—lalo na kung gaano kabilis na iinit ang mundo sa ika-21 siglo at kung ano ang magiging eksaktong mga resulta.

Nagbubunga ng Pagtatalo ang Kawalang-Katiyakan

Kapag tinataya ng mga eksperto sa klima ang hinggil sa panghinaharap na greenhouse effect, umaasa sila sa mga halimbawa ng klima na inilalarawan sa pinakamabibilis at pinakamahuhusay na computer sa daigdig. Subalit, ang klima ng daigdig ay bunga ng isang lubhang masalimuot na kaugnayan sa pagitan ng pag-ikot ng lupa, atmospera, mga karagatan, yelo, mga katangian ng lupa, at ng araw. Yamang napakaraming salik ang nasasangkot sa gayong napakalawak na antas, imposible para tayahin nang may katiyakan ng anumang computer kung ano ang mangyayari sa loob ng 50 o 100 taon mula ngayon. Sinabi kamakailan ng magasing Science: “Nagbababala ang maraming eksperto sa klima na hindi pa talagang maliwanag kung ang mga gawain ng tao ang siyang nagpasimulang magpainit sa planeta​—o kung magiging gaano kalubha ang greenhouse na pag-init kapag nangyari na ito.”

Dahil sa kawalang-katiyakan kung kaya napakadaling itanggi na may anumang panganib. Ang mga siyentipiko na nag-aalinlangan tungkol sa pag-init ng globo, pati na ang malalaking industriya na may pangkabuhayang interes sa pagpapanatili ng kasalukuyang mga kalagayan, ay nangangatuwiran na ang antas ng kaalaman sa ngayon ay hindi nagbibigay-katuwiran sa maaaring maging magastos na pagtutuwid. Tutal, sabi nila, ang kinabukasan ay maaaring hindi naman gayong kalubha na gaya ng iniisip ng ilang tao.

Nangangatuwiran naman ang mga nagmamalasakit sa kapaligiran sa pamamagitan ng pagsasabi na ang mga kawalang-katiyakan ayon sa siyensiya ay hindi dapat humikayat sa mga gumagawa ng mga patakaran upang maging kampante na lamang. Bagaman totoo na ang klima sa hinaharap ay maaaring hindi naman gayong kalubha na gaya ng pinangangambahan ng ilan, posible rin na maging mas malubha pa ang kalagayan! Bukod dito, katuwiran nila na ang hindi pagkaalam ng tiyak na mangyayari sa hinaharap ay hindi nangangahulugan na wala nang dapat gawin upang bawasan ang panganib. Halimbawa, ang mga taong humihinto ng paninigarilyo ay hindi muna humihingi ng siyentipikong patotoo na kung sila’y magpapatuloy sa paninigarilyo, tiyak na magkakaroon sila ng kanser sa baga pagkaraan ng 30 o 40 taon. Tumitigil sila dahil natatalos nila ang panganib at ibig nilang mabawasan o maiwasan ito.

Ano ba ang Ginagawa Tungkol Dito?

Yamang pinagtatalunan nang husto ang tungkol sa lawak ng suliranin tungkol sa pag-init ng globo​—at maging ang tungkol sa kung talaga ngang may suliranin​—hindi nakapagtataka na may iba’t ibang pananaw tungkol sa kung ano ang dapat gawin dito. Maraming taon nang itinataguyod ng mga grupong nagmamalasakit sa kapaligiran ang malawakang paggamit ng mga pinagmumulan ng enerhiya na malaya sa polusyon. Ang kuryente ay maaaring makuha mula sa araw, hangin, mga ilog, at mga imbakan ng singaw at mainit na tubig sa ilalim ng lupa.

Hinihimok din ng mga nagmamalasakit sa kapaligiran ang mga pamahalaan na magpasa ng mga batas upang mabawasan ang pagbuga ng mga gas na nagkukulong ng init. Tumugon ang mga pamahalaan sa pamamagitan ng mga kasunduan. Halimbawa, noong 1992, sa Earth Summit sa Rio de Janeiro, Brazil, ang mga kinatawan ng mga 150 bansa ay lumagda sa isang kasunduan na nagpapatunay sa kanilang pananagutan na bawasan ang pagbuga ng mga greenhouse gas, lalo na ang carbon dioxide. Ang tunguhin ay na pagsapit ng taóng 2000, ang mga pagbuga sanhi ng greenhouse mula sa industriyalisadong mga bansa ay babalik sa mga antas noong 1990. Bagaman ang ilan ay nakagawa ng pagsulong sa layuning ito, hindi man lamang napanatili ng karamihan sa mayayamang bansa ang mababang antas na kanilang ipinangako. Sa halip na magbawas, karamihan ng bansa ay naglalabas ng greenhouse gas nang higit kailanman! Halimbawa, sa Estados Unidos, inaakala na pagsapit ng taóng 2000, ang pagbuga ng carbon dioxide ay malamang na tumaas ng 11 porsiyento kaysa sa antas noong 1990.

Kamakailan lamang, may mga pagkilos upang lagyan ng “ngipin” ang mga kasunduan sa pagitan ng mga bansa. Sa halip na gawing boluntaryo ang pagbabawas gaya sa napagkasunduan noong 1992, may mga panawagan na magtakda ng sapilitang mga tunguhin tungkol sa pagbuga ng mga greenhouse gas.

Ang Halaga ng Pagbabago

Mithiin ng mga pulitikal na lider na sila’y ituring na mga kaibigan ng lupa. Gayunman, kailangan din nilang bantayan ang mga resulta na maaaring idulot ng pagbabago sa ekonomiya. Ayon sa magasing The Economist, yamang 90 porsiyento ng daigdig ang umaasa sa carbon-based fuel para sa enerhiya, ang pag-iwas sa paggamit nito ay magdudulot ng malalaking pagbabago; at mahigpit na pinagtatalunan ang halaga ng pagbabago.

Ano ang magiging kapalit ng pagbabawas sa pagbuga ng greenhouse gas pagsapit ng taóng 2010 sa antas na mababa ng 10 porsiyento kaysa noong 1990? Ang sagot dito ay depende kung kanino ka magtatanong. Tingnan ang mga pananaw sa Estados Unidos, ang bansa na nagbubuga ng mga greenhouse gas sa atmospera nang higit kaysa sa ibang bansa. Nagbabala ang mga institusyon sa pananaliksik sa industriya na ang gastos sa gayong pagbabawas ay aabot ng bilyun-bilyong dolyar mula sa ekonomiya ng Estados Unidos bawat taon at bunga nito’y mawawalan ng trabaho ang 600,000 katao. Sa kabaligtaran, sinasabi naman ng mga nagmamalasakit sa kapaligiran na ang pag-abot sa gayunding tunguhin ay makapagtitipid ng bilyun-bilyong dolyar para sa ekonomiya bawat taon at lilikha ng 773,000 bagong trabaho.

Sa kabila ng mga panawagan ng mga grupo ng mga nagmamalasakit sa kapaligiran para sa madaliang pagkilos, may malalaking industriya​—mga gumagawa ng kotse, mga kompanya ng langis, at gumagawa ng karbon, upang banggitin lamang ang ilan​—na gumagamit ng kanilang malalaking pondo at impluwensiya upang maliitin ang panganib ng pag-init ng globo at palakihin ang epekto sa ekonomiya ng pagbabago mula sa paggamit ng fossil fuel.

Nagpapatuloy ang pagtatalo. Subalit, kung binabago ng mga tao ang klima at walang anumang ginagawa tungkol dito kundi ang mag-usap, ang kasabihan na ang lahat ay nag-uusap tungkol sa lagay ng panahon pero kahit sino’y wala namang ginagawa tungkol dito ay magkakaroon ng nakatatakot na bagong kahulugan.

[Kahon sa pahina 5]

Ang Kyoto Protocol

Noong Disyembre 1997, mahigit sa 2,200 delegado mula sa 161 bansa ang nagpulong sa Kyoto, Hapón, upang bumuo ng isang kasunduan, o protocol, para sa dapat gawin tungkol sa panganib sa pag-init ng globo. Pagkatapos ng mga talakayan sa loob ng mahigit sa isang linggo, nagpasiya ang mga delegado na dapat bawasan ng mauunlad na bansa ang pagbuga ng mga greenhouse gas pagsapit ng taóng 2012 hanggang sa aberids na mababa ng 5.2 porsiyento sa mga antas noong 1990. Itatakda sa dakong huli ang mga parusa sa mga lalabag sa kasunduan. Ipagpalagay nang susundin ng lahat ng bansa ang kasunduan, gaano kalaking pagkakaiba ang magagawa ng isang 5.2-porsiyentong pagbaba? Maliwanag na kakaunti. Nag-ulat ang magasing Time: “Kakailanganin ang 60% pagbawas upang makagawa ng makabuluhang pagbaba sa dami ng mga greenhouse gas na nakadeposito na sa atmospera buhat nang magsimula ang industriyal na pagbabago.”

[Kahon/Dayagram sa pahina 7]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Inilarawan ang Greenhouse Effect

Ang Greenhouse Effect: Ang atmospera ng lupa, gaya ng mga salamin sa isang greenhouse, ang siyang kumukulong sa init ng araw. Ang sikat ng araw ay nagpapainit sa lupa, ngunit ang init na nalilikha​—dala ng infrared radiation​—ay hindi madaling makaalpas sa atmospera. Sa halip, hinaharang ng mga greenhouse gas ang radyasyon at ibinabalik ang ilan dito sa lupa, sa gayo’y nagdaragdag ng init sa ibabaw ng lupa.

1. Araw

2. Nakulong na infrared radiation

3. Mga greenhouse gas

4. Umaalpas na radyasyon

[Kahon/Dayagram sa pahina 8, 9]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Mga Puwersang Umuugit sa Klima

Upang maunawaan natin ang kasalukuyang pagtatalo tungkol sa pag-init ng globo, kailangan nating maunawaan ang ilan sa kagila-gilalas na mga puwersa na nagpapangyari sa ating klima. Talakayin natin ang ilang pangunahing salik.

1. Ang Araw​—Pinagmumulan ng Init at Liwanag

Ang buhay sa lupa ay nakadepende sa napakalaking nuklear na hurno na tinatawag nating araw. Mas malaki sa isang milyong lupa, ang araw ay naglalaan ng di-mauubos na suplay ng init at liwanag. Ang paghina sa ibinubugang init ng araw ay magpapangyaring mabalutan ng yelo ang ating planeta; ang paglakas ay magpapangyaring maging isang nasusunog na kawali ang lupa. Yamang ang lupa ay umiikot sa distansiyang 93 milyong milya mula sa araw, tumatanggap lamang ito ng kalahati sa ikaisang bilyong bahagi ng ibinubugang enerhiya ng araw. Gayunpaman, ito ang tamang-tamang init na kailangan upang magbunga ng klima na maaaring tumustos sa buhay.

2. Ang Atmospera​—Mainit na Kumot ng Lupa

Hindi nag-iisa ang araw sa pagtatalaga ng temperatura sa lupa; gumaganap din ng mahalagang papel ang ating atmospera. Pareho ang distansiya ng lupa at ng buwan mula sa araw, kaya ang dalawa ay tumatanggap ng halos parehong antas ng init mula sa araw. Gayunpaman, bagaman ang katamtamang temperatura ng lupa ay 15 digri Celsius, ang buwan ay may katamtamang malamig na -18 digri Celsius. Bakit may pagkakaiba? Ang lupa ay may atmospera; ang buwan ay wala.

Ang ating atmospera​—ang bumabalot na bigkis ng oksiheno, nitroheno, at iba pang gas​—ay pumipigil sa ilang bahagi ng init ng araw at hinahayaang makaalpas ang natitirang bahagi. Ang proseso ay malimit na ihambing sa isang greenhouse. Gaya ng malamang na alam mo na, ang greenhouse ay isang gusali na may mga dingding at isang bubong na yari sa salamin o plastik. Ang sikat ng araw ay agad pumapasok at nagpapainit sa loob. Kasabay nito, pinababagal ng bubong at mga dingding ang pag-alpas ng init.

Sa katulad na paraan, hinahayaan ng ating atmospera na tumagos dito ang sikat ng araw upang painitin ang ibabaw ng lupa. Ibinabalik naman ng lupa ang init na enerhiya sa atmospera bilang infrared radiation. Ang malaking bahagi ng radyasyong ito ay hindi tuwirang nagtutungo sa kalawakan dahil ang ilang gas sa atmospera ang sumisipsip nito at ibinabalik ito sa lupa, na siyang nakadaragdag sa init ng lupa. Ang prosesong ito ng pag-init ay tinatawag na greenhouse effect. Kung hindi kinukulong ng ating atmospera ang init ng araw sa ganitong paraan, ang ating lupa ay magiging walang buhay na gaya ng buwan.

3. Singaw ng Tubig​—Ang Pinakamahalagang Greenhouse Gas

Siyamnapu’t siyam na porsiyento ng ating atmospera ay binubuo ng dalawang gas: ang nitroheno at oksiheno. Bagaman gumaganap ng mahalagang papel ang mga gas na ito sa masalimuot na mga siklo na tumutustos sa buhay sa lupa, halos walang tuwirang bahagi ang mga ito sa pagkontrol sa klima. Ang gawain ng pagkontrol sa klima ay ginagampanan ng nalalabing 1 porsiyento ng mga greenhouse gas na kumukulong sa init sa atmospera, na doo’y kasali ang singaw ng tubig, carbon dioxide, methane, mga chlorofluorocarbon, at ozone.

Ang pinakamahalagang greenhouse gas​—ang singaw ng tubig​—ay hindi karaniwang ipinalalagay na gas, yamang nasanay na tayong isipin ang tubig sa anyong likido nito. Subalit, bawat molekula ng singaw ng tubig sa atmospera ay punô ng init na enerhiya. Halimbawa, kapag ang singaw ng tubig sa ulap ay lumamig at namuo, nagpapakawala ito ng init, anupat nagiging sanhi ng malalakas na convection current. Ang dinamikong paggalaw ng singaw ng tubig sa ating atmospera ay gumaganap ng isang mahalaga at masalimuot na papel sa pagtiyak kapuwa sa lagay ng panahon at klima.

4. Carbon Dioxide​—Mahalaga sa Buhay

Ang gas na pinakamadalas pag-usapan sa mga talakayan tungkol sa pag-init ng globo ay ang carbon dioxide. Isang pagkakamaling sabihin na ang carbon dioxide ay nagpaparumi lamang. Ang carbon dioxide ay isang mahalagang sangkap sa potosintesis, ang proseso na doo’y gumagawa ang mga berdeng halaman ng pagkain para sa kanilang sarili. Ang mga tao at hayop ay lumalanghap ng oksiheno at nagbubuga naman ng carbon dioxide. Sinasagap ng mga halaman ang carbon dioxide at nagbubuga ng oksiheno. Sa katunayan, isa ito sa mga paglalaan ng Maylalang upang maging posible ang buhay sa lupa.a Gayunman, ang pagkakaroon ng labis na carbon dioxide sa atmospera ay maliwanag na magiging gaya ng paglalagay ng labis na kumot sa isang kama. Lalong paiinitin nito ang mga bagay-bagay.

Isang Masalimuot na Kaayusan ng mga Puwersa

Hindi lamang ang araw at ang atmospera ang nagtatalaga ng klima. May bahagi rin ang mga karagatan at malalaking tipak ng yelo, mga mineral at pananim sa ibabaw ng lupa, mga ekosistema sa lupa, isang kaayusan ng mga prosesong biogeochemical (mga kemikal sa lupa na may kaugnayan sa mga halaman at hayop sa isang lugar), at ang enerhiya at mga puwersang nasasangkot sa pag-ikot ng lupa sa araw. Kasali sa pag-aaral ng klima ang halos lahat ng siyensiyang panlupa.

Araw

Ang atmospera

Singaw ng tubig (H20)

Carbon dioxide (CO2)

[Talababa]

a Halos lahat ng buhay sa lupa ay kumukuha ng enerhiya mula sa organikong pinagmumulan, sa gayo’y tuwiran o di-tuwirang umaasa sa sikat ng araw. Gayunman, may mga organismo na nabubuhay sa kadiliman ng pinakasahig ng karagatan sa pamamagitan ng paggamit ng enerhiya na nagmumula sa mga di-organikong kemikal. Sa halip na potosintesis, ginagamit ng mga organismong ito ang prosesong tinatawag na chemosynthesis.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share