Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 5/22 p. 18-20
  • Limang Paraan Upang Mapasulong ang Uri ng Iyong Pamumuhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Limang Paraan Upang Mapasulong ang Uri ng Iyong Pamumuhay
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Numero 1: Gumawa ng Halamanan
  • Numero 2: Bumili Nang Maramihan
  • Numero 3: Pag-aralan ang Sining ng Pagpepreserba ng Pagkain
  • Numero 4: Subuking Mag-alaga ng Maliit ng Hayupan
  • Numero 5: Panatilihin ang Wastong Kalinisan
  • Kalinisan—Bakit Ito Mahalaga?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Pagharap sa Hamon ng Kalinisan
    Gumising!—1988
  • Pagkain Mula sa Iyong Sariling Taniman
    Gumising!—2003
  • Papaano Mo Mapangangasiwaan ang Sambahayan?
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 5/22 p. 18-20

Limang Paraan Upang Mapasulong ang Uri ng Iyong Pamumuhay

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA CENTRAL AFRICAN REPUBLIC

IMPLASYON, sakit, malnutrisyon, kahirapan​—laganap ang mga suliraning ito sa nagpapaunlad na mga lupain. At walang nakikitang dagliang solusyon, sa paano man sa pangmalas ng tao. Kung nakatira ka sa isang nagpapaunlad na lupain, mayroon ka bang anumang magagawa upang mapasulong ang uri ng iyong pamumuhay? Oo, mayroon! Ang sumusunod ay limang mungkahi na maaari mong masumpungang kapaki-pakinabang at praktikal.

Numero 1: Gumawa ng Halamanan

“Siya na naglilinang ng kaniyang sariling lupa ay magkakaroon ng sapat na tinapay,” sabi ng Bibliya sa Kawikaan 28:19. Ang totoo, baka magulat kang malaman kung gaano karami ang maibubunga ng isang medyo maliit na lote ng lupa. Sa kaniyang aklat na Le jardin potager sous les tropiques (Ang Halamanan ng Gulay sa Tropiko), sinabi ng awtor na si Henk Waayenberg na ang isang lote ng lupa na may sukat na 50 hanggang 100 metro kudrado ay maaaring pag-anihan ng gulay na kayang magpakain sa isang pamilya na may anim na miyembro!

Bakit ka bibili ng mga bagay na maaaring ikaw mismo ang magpatubo? Depende sa lupa at klima, baka maaaring magpalago ng mga tanim tulad ng okra, sili, espinaka, parsley, tanglad, berdeng sibuyas, balinghoy, kalabasa, kamote, tubo, kamatis, pipino, at mais sa paligid mismo ng iyong bahay. Kahit paano, madaragdagan ng gayong halamanan ang pagkain ng iyong pamilya, at baka magkaroon ka pa ng sobrang ani na maaari mong ipagbili.

Kung may sapat kang lupa, maaari mo ring isaalang-alang ang pagtatanim ng ilang uri ng punungkahoy na namumunga. Sa ilang kalagayan, ang isang puno ay maaaring mamunga ng sobra sa makakain ng iyong pamilya. Ang kaalaman tungkol sa composting​—ang proseso ng pagreresiklo ng nabubulok na mga bagay at paggamit dito bilang pataba​—ay tutulong sa iyo na mapahusay ang iyong produksiyon ng pagkain. Marami pang magagawa ang mga punungkahoy bukod sa paglalaan ng pagkain at dagdag na kita sa iyong pamilya. Ang mga punungkahoy na nasa mainam na lugar ay makapagbibigay rin ng lilim, malinis na hangin, at gagawing maganda at kanais-nais ang iyong kapaligiran.

Subalit paano kung kakaunti lamang ang nalalaman mo tungkol sa paghahalaman? Mayroon ka bang mga kaibigan, kapitbahay, o mga kakilala na may karanasan sa bagay na ito? Kung gayo’y bakit hindi ka humingi sa kanila ng tulong o ng payo? Baka posible rin na makabili o makahiram ka ng ilang aklat tungkol sa paghahalaman.​—Tingnan ang artikulong “Why Not Grow a Vegetable Garden?” sa Mayo 22, 1974, isyu ng Awake!

Numero 2: Bumili Nang Maramihan

Paunti-unti ka ba kung bumili ng pangunahing mga bagay tulad ng harina, bigas, at mantika? Kung gayon, baka sinasayang mo ang isang malaking bahagi ng iyong badyet. Sa halip, kung puwede naman, sikaping bilhin ang gayong mga bagay nang maramihan, na ang halaga ay pinaghahatian kasama ng dalawa, tatlo, o higit pang pamilya. Ang pagbili nang maramihan ay makatitipid din ng iyong salapi kapag panahon ng ilang prutas o gulay. Sa ilang pagkakataon, baka mabili mo pa nga ang mga bagay nang pakyawan.

Numero 3: Pag-aralan ang Sining ng Pagpepreserba ng Pagkain

Ang pagbili nang maramihan ay naghaharap ng suliranin kung paano iimbakin ang nasisirang mga bagay. Ang pagpapatuyo ng pagkain ay isang popular at praktikal na pamamaraan. Maraming kababaihan sa Aprika ang kumikita sa pagpapatuyo ng mga prutas, okra, balatong, kalabasa, buto ng kalabasa, at mga damong-gamot. Ang pagpapatuyo ay hindi nangangailangan ng pantanging kagamitan. Ang bagay ay maaaring ilatag sa isang malinis na patungan o ibitin, marahil tinatakpan ng isang manipis na tela upang hindi langawin. Bahala na ang hangin at araw sa susunod na mga hakbang.​—Tingnan ang artikulo na “Makakaraos Ka Kaya Nang Menos?” sa Enero 8, 1976, isyu ng Gumising!

Numero 4: Subuking Mag-alaga ng Maliit ng Hayupan

Puwede ka bang mag-alaga ng iyong sariling mga manok, kambing, kalapati, o iba pang hayop? Sa maraming lugar ay naging isa nang luho ang karne. Pero sa kaunting tulong ng iba, maaari kang matutong mag-alaga ng isang maliit na hayupan. Mahilig ka bang kumain ng isda? Buweno, maaari mong subukang pag-aralan kung paano gagawa ng isang maliit na palaisdaan. Ang karne, itlog, at ang isda ay may iron, kalsiyum, bitamina, mineral, at protina​—mahalaga sa kalusugan ng iyong pamilya.

Numero 5: Panatilihin ang Wastong Kalinisan

Ang kalinisan ay mahalaga rin sa kalusugan ng iyong pamilya. Ang di-malinis na mga kalagayan ay nakaaakit sa mga daga, langaw, at ipis​—ang sanhi ng lahat ng uri ng sakit. Gugugol ka ng panahon at pagsisikap para mapanatili ang wastong kalinisan. Ngunit ang halaga ng kalinisan ay mas maliit kaysa sa halaga ng gamot at bayad sa doktor. Maaaring nagkakaiba ang mga pamantayan ng kalinisan sa bawat tao o bansa. Gayunman, may ilang pangkalahatang simulain na kumakapit sa lahat ng lugar.

Kuning halimbawa ang mga pasilidad sa palikuran. Sa mga lugar sa kabukiran ay malimit na hinahayaan ito na marumi at sira-sira at isang pangunahing pinagmumulan ng sakit at karamdaman. Baka mabigyan ka ng lokal na mga manggagawa sa kalusugan ng mga tagubilin kung paano gagawa ng isang malinis na palikuran o banyo sa labas ng bahay sa napakaliit na halaga.

Kumusta naman ang iyong tahanan mismo? Ito ba’y malinis at maayos? Malinis ba ang amoy nito? Kumusta ang inyong kusina? Ito ba’y masinop at malinis? Kailangang malinis at niluto nang maayos ang pagkain upang maging nakapagpapalusog. Sagana ang mikrobyo at parasito sa maruming tubig. Kaya salain at pakuluin ang tubig bago gamitin. Banlawan sa kumukulong tubig ang mga kasangkapan sa pagkain, at hugasang mabuti ang iyong kamay bago humawak ng pagkain. Mag-imbak ng tubig sa malinis at may-takip na mga lalagyan.

Hindi dapat hayaang gumala-gala sa kusina ang mga aso, pusa, manok, at mga kambing​—kung ibig mong panatilihin ang malinis na kalagayan. Hindi rin dapat hayaang magtatakbo ang mga daga sa ibabaw ng mga kaldero at kawali, anupat nadudumhan ang inyong pagkain. Ang isang simpleng panilo sa daga ay maaaring lumutas sa suliraning ito.​—Tingnan ang “Pagharap sa Hamon ng Kalinisan,” sa Setyembre 22, 1988, isyu ng Gumising!

Sa dakong huli, tanging ang Kaharian ng Diyos ang lubusang lulutas sa lahat ng suliranin ng tao. (Mateo 6:9, 10) Subalit pansamantala, ang mga simpleng mungkahing ito ay maaaring makatulong sa iyo na mapasulong ang uri ng iyong pamumuhay.

[Mga larawan sa pahina 18]

Gumawa ng halamanan

[Mga larawan sa pahina 19]

Bumili nang maramihan

[Mga larawan sa pahina 19]

Pag-aralan ang sining ng pagpepreserba ng pagkain

[Mga larawan sa pahina 20]

Subuking mag-alaga ng maliit na hayupan

[Mga larawan sa pahina 20]

Panatilihin ang wastong kalinisan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share