Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 6/22 p. 8-11
  • Tumingin sa Itaas, Hindi sa Ibaba, Para sa mga Kasagutan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tumingin sa Itaas, Hindi sa Ibaba, Para sa mga Kasagutan
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Gene ng Hayop o mga Depektibong Gene?
  • Kung Bakit Ayaw Nating Mamatay
  • Ginawa Upang Mabuhay Magpakailanman
  • Isang Bagong Sanlibutan na Salig sa Pag-ibig
  • Kamatayan ba ang Katapusan ng Lahat ng Bagay?
    Gumising!—2007
  • Posible Nga ba ang Buhay na Walang Hanggan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Dinisenyo Upang Matuto Magpakailanman
    Gumising!—2004
  • Puwede Kang Mabuhay sa Lupa Magpakailanman
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2018
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 6/22 p. 8-11

Tumingin sa Itaas, Hindi sa Ibaba, Para sa mga Kasagutan

ITINUTURO ng ebolusyon na isang sunud-sunod na mga pagbabago ang unti-unting humubog sa atin tungo sa pagiging isang nakahihigit na uri ng hayop. Sa kabilang dako, sinasabi ng Bibliya na tayo’y nagsimula na sakdal, sa larawan ng Diyos, ngunit di-nagtagal pagkatapos, pumasok ang di-kasakdalan at nagsimula ang sangkatauhan sa mahabang paglalakbay na palusong sa isang burol.

Nagsimula sa paglusong na ito ang ating orihinal na mga magulang, sina Adan at Eva, nang maghangad sila ng moral na kasarinlan at sugatan ang kanilang budhi sa pamamagitan ng sadyang pagsuway sa Diyos. Kusa nilang binangga, na parang nasa isang sasakyan, ang nagsasanggalang na barandilya ng batas ng Diyos at bumulusok sa kinaroroonan natin ngayon, anupat dumaranas ng pagkakasakit, pagtanda, at kamatayan, bukod pa sa pagtatangi ng lahi, pagkakapootan ng relihiyon, at kakila-kilabot na mga digmaan.​—Genesis 2:17; 3:6, 7.

Mga Gene ng Hayop o mga Depektibong Gene?

Sabihin pa, hindi ipinaliliwanag ng Bibliya sa siyentipikong pananalita kung ano ang nangyari sa sakdal na katawan nina Adan at Eva nang sila’y magkasala. Ang Bibliya ay hindi isang aklat tungkol sa siyensiya, kung paanong ang manwal ng isang may-ari ng kotse ay hindi isang aklat-aralin tungkol sa inhinyeriya ng sasakyan. Ngunit tulad ng manwal ng may-ari, ang Bibliya ay tumpak; hindi ito isang alamat.

Nang banggain nina Adan at Eva ang nagsasanggalang na bakod ng batas ng Diyos, napinsala ang kanilang organismo. Mula noon, nagsimula sila sa isang mabagal na paglusong sa kamatayan. Sa pamamagitan ng mga batas ng pagmamana, ang kanilang di-kasakdalan ay minana ng kanilang mga anak, ang sambahayan ng tao. Kaya naman, namamatay rin sila.​—Job 14:4; Awit 51:5; Roma 5:12.

Nakalulungkot, kalakip sa ating mana ang hilig na magkasala, na lumilitaw bilang kaimbutan at imoralidad. Mangyari pa, ang sekso ay angkop sa wastong dako nito. Ganito ang utos ng Diyos sa unang mag-asawang tao: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ang lupa.” (Genesis 1:28) At bilang isang maibiging Maylalang, ginawa niyang kasiya-siya para sa mag-asawa ang pagtupad sa utos na iyan. (Kawikaan 5:18) Ngunit ang di-kasakdalan ng tao ay humantong sa pag-aabuso sa sekso. Sa katunayan, apektado ng di-kasakdalan ang lahat ng pitak ng ating buhay, pati na ang pag-andar ng ating isip at katawan, gaya ng nababatid nating lahat.

Ngunit hindi inalis ng di-kasakdalan ang ating pakiramdam sa kabutihang-asal. Kung talagang nais natin, maaari nating hawakang mahigpit ang “manibela” at iwasan ang mga patibong sa buhay sa pamamagitan ng pakikipagpunyagi sa hilig na lumihis tungo sa kasalanan. Sabihin pa, walang taong di-sakdal ang lubusang matagumpay na makababaka sa kasalanan, at ito’y maawaing isinasaalang-alang ng Diyos.​—Awit 103:14; Roma 7:21-23.

Kung Bakit Ayaw Nating Mamatay

Nililiwanag din ng Bibliya ang isa pang palaisipan na hindi kasiya-siyang maipaliwanag ng ebolusyon: ang normal na pagtanggi ng tao sa kamatayan, bagaman ang kamatayan ay waring likas at di-maiiwasan.

Gaya ng isinisiwalat ng Bibliya, ang kamatayan ay nagsimula sa pagkakasala, sa pamamagitan ng pagsuway sa Diyos. Kung nanatili lamang na masunurin ang ating orihinal na mga magulang, nabuhay sana sila nang walang hanggan, pati na ang kanilang mga anak. Sa katunayan, inilakip ng Diyos sa isip ng tao ang paghahangad na mabuhay magpakailanman. “Inilagay rin niya sa puso ng mga tao ang kawalang-hanggan,” sabi ng Eclesiastes 3:11, ayon sa New International Version. Samakatuwid, ang hatol sa kanila na kamatayan ay nagbangon ng panloob na pagkakasalungatan sa mga tao, isang namamalaging di-pagkakasuwato.

Upang itugma ang panloob na pagkakasalungatang ito at pahupain ang likas na paghahangad na mabuhay nang patuluyan, binuo ng mga tao ang lahat ng uri ng paniniwala, mula sa doktrina ng imortalidad ng kaluluwa hanggang sa paniniwala sa reinkarnasyon. Sinusuri ng mga siyentipiko ang hiwaga ng pagtanda dahil ibig din nilang ilihis ang kamatayan o ipagpaliban man lamang ito. Itinuturing ng mga ateistang ebolusyonista ang paghahangad na mabuhay magpakailanman bilang isang ebolusyonaryong panlalansi, o panlilinlang, dahil salungat ito sa kanilang pananaw na ang mga tao ay nakahihigit lamang na mga hayop. Sa kabilang panig, ang sinasabi ng Bibliya na isang kaaway ang kamatayan ay kasuwato ng ating likas na pagnanais na mabuhay.​—1 Corinto 15:26.

Kung gayon, ang atin bang mga katawan ay nagbibigay ng anumang pahiwatig na tayo ay nilayong mabuhay magpakailanman? Ang sagot ay oo! Ang utak lamang ng tao ay naglalaan na sa atin ng kamangha-manghang ebidensiya na tayo’y ginawa upang mabuhay nang mas mahaba kaysa sa nararanasan natin.

Ginawa Upang Mabuhay Magpakailanman

Ang utak ay tumitimbang ng mga uno punto kuwatro na kilo, at binubuo ito ng 10 bilyon hanggang 100 bilyong neuron, na sa mga ito’y wala ni dalawa, ang sinasabing eksaktong magkapareho. Bawat neuron ay maaaring makipag-ugnayan sa hanggang 200,000 iba pang neuron, anupat ginagawang pagkarami-rami ang bilang ng iba’t ibang sirkito, o daanan, sa utak. At para bang hindi pa ito sapat, sinasabi ng Scientific American na “bawat neuron ay isang masalimuot na computer” sa ganang sarili nito.

Ang utak ay mistulang naliligo sa isang kemikal na sopas, na nakaiimpluwensiya sa paraan ng paggalaw ng mga neuron. At mas masalimuot ang utak kaysa sa pinakamahusay na computer. “Sa bawat ulo,” isinulat ni Tony Buzan at Terence Dixon, “ay naroon ang isang kahanga-hangang powerhouse, isang siksik at mahusay na sangkap na ang kakayahan ay waring higit na lumalawak nang walang takda habang mas marami tayong natututuhan dito.” Bilang pagsipi sa sinabi ni Propesor Pyotr Anokhin, idinagdag pa nila: “Walang sinumang taong umiral na ang makagagamit ng lahat ng kakayahan ng kaniyang utak. Ito ang dahilan kung kaya hindi tayo tumatanggap ng anumang pesimistang pagtantiya sa mga hangganan ng utak ng tao. Ito’y walang hangganan.”

Ang kagila-gilalas na mga katotohanang ito ay tahasang sumasalungat sa teoriya ng ebolusyon. Bakit “lilikha” ang ebolusyon para sa simpleng mga naninirahan sa kuweba, o maging para sa mga lubhang edukado sa ngayon, ng isang sangkap na may kakayahang magamit sa loob ng isang milyon o maging ng isang bilyong haba ng buhay? Tunay, mas kapani-paniwala ang buhay na walang hanggan! Ngunit kumusta naman ang ating katawan?

Ganito ang sabi ng aklat na Repair and Renewal​—Journey Through the Mind and Body: “Ang paraan ng pagkumpuni sa sarili ng mga napinsalang buto, kalamnan, at mga sangkap ay talagang kahima-himala. At kung pag-iisipan natin sumandali, masusumpungan nating kahanga-hanga ang unti-unting pagtubong-muli ng balat at ng buhok at ng mga kuko​—at maging ng iba pang bahagi ng katawan: Nagaganap ito sa loob ng 24 na oras bawat araw, linggu-linggo, anupat literal na muli tayong ginagawa, sa biyokemikal na paraan, nang maraming ulit habang tayo’y nabubuhay.”

Sa takdang panahon ng Diyos, hindi magiging problema sa kaniya na ipagpatuloy nang walang takda ang ganitong makahimalang proseso ng pagpapanibago sa sarili. Kung magkagayon, sa wakas, “ang kamatayan ay dadalhin sa wala.” (1 Corinto 15:26) Ngunit upang maging tunay na maligaya, higit pa sa buhay na walang hanggan ang kailangan natin. Kailangan natin ng kapayapaan​—pakikipagpayapaan sa Diyos at sa ating kapuwa tao. Matatamo lamang ang gayong kapayapaan kung ang mga tao ay tunay na magmamahalan sa isa’t isa.

Isang Bagong Sanlibutan na Salig sa Pag-ibig

“Ang Diyos ay pag-ibig,” sabi ng 1 Juan 4:8. Gayon na lamang ang kapangyarihan ng pag-ibig​—lalo na ang pag-ibig ng Diyos na Jehova​—anupat ito ang saligang dahilan kung bakit makaaasa tayo na mabuhay magpakailanman. “Inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang,” sabi ng Juan 3:16, “anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”

Buhay na walang hanggan! Anong kamangha-manghang pag-asa! Ngunit yamang minana natin ang kasalanan, wala tayong karapatang mabuhay. “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan,” sabi ng Bibliya. (Roma 6:23) Ngunit mabuti na lamang at pinakilos ng pag-ibig ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, na mamatay alang-alang sa atin. Ganito ang isinulat ni apostol Juan tungkol kay Jesus: “Isinuko ng isang iyon ang kaniyang kaluluwa para sa atin.” (1 Juan 3:16) Oo, ibinigay niya ang kaniyang sakdal na buhay-tao bilang “pantubos na kapalit ng marami” upang ang mga kasalanan natin na mga sumasampalataya sa kaniya ay mapawi at magtamasa tayo ng buhay na walang hanggan. (Mateo 20:28) Ipinaliliwanag ng Bibliya: “Isinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang magkamit tayo ng buhay sa pamamagitan niya.”​—1 Juan 4:9.

Paano, kung gayon, tayo dapat tumugon sa pag-ibig na ipinakita sa atin ng Diyos at ng kaniyang Anak? Nagpatuloy ang Bibliya: “Mga iniibig, kung sa ganitong paraan tayo inibig ng Diyos, samakatuwid tayo mismo ay nasa ilalim ng obligasyon na mag-ibigan sa isa’t isa.” (1 Juan 4:11) Dapat tayong matutong umibig, sapagkat ang katangiang ito ang pundasyon ng bagong sanlibutan ng Diyos. Marami sa ngayon ang nakaunawa sa kahalagahan ng pag-ibig, kung paanong ito ay itinatampok ng Diyos na Jehova sa kaniyang Salita, ang Bibliya.

Sinabi ng aklat na Love and Its Place in Nature na kung walang pag-ibig ay “maaaring mamatay ang mga bata.” Gayunman, ang pangangailangan ng pag-ibig ay hindi nagwawakas kapag tumanda na ang mga tao. Sinabi ng isang kilalang antropologo na ang pag-ibig ay “nasa sentro ng lahat ng pangangailangan ng tao kung paanong ang ating araw ay nasa sentro ng ating sistema solar . . . Ang bata na hindi minamahal ay lubhang naiiba sa biyokemikal, pisyolohikal, at sikolohikal na paraan mula sa isa na minamahal. Ibang-iba pa man din ang paraan ng paglaki ng una kaysa sa huli.”

Maiisip mo kaya kung ano ang magiging kalagayan ng buhay kapag ang lahat sa lupa ay tunay na nag-iibigan sa isa’t isa? Aba, kailanman ay wala nang sinuman ang magtatangi dahil ang isang tao ay mula sa ibang bansa, isang miyembro ng ibang lahi, o may kulay ng balat na naiiba sa kaniya! Sa ilalim ng pangangasiwa ng Haring hinirang ng Diyos, si Jesu-Kristo, ang lupa ay mapupuno ng kapayapaan at pag-ibig, bilang katuparan ng kinasihang awit sa Bibliya:

“O Diyos, ibigay mo ang iyong panghukumang mga pasiya sa hari . . . Hayaan siyang humatol sa mga napipighati sa bayan, hayaan siyang iligtas ang anak ng isa na dukha, at hayaan siyang durugin ang mandaraya. . . . Sa kaniyang mga araw ay mamumukadkad ang mga matuwid, at saganang kapayapaan hanggang sa mawala ang buwan. At magkakaroon siya ng mga sakop sa mga dagat at sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa. Sapagkat ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang nagdadalamhati at sinumang walang katulong. Kahahabagan niya ang mababa at dukha, at ililigtas niya ang mga kaluluwa ng mga dukha.”​—Awit 72:1, 4, 7, 8, 12, 13.

Ang balakyot ay hindi pahihintulutang mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos, gaya ng ipinangako sa isa pang awit sa Bibliya: “Ang mga manggagawa ng masama ay puputulin, ngunit yaong umaasa kay Jehova ang siyang magmamay-ari ng lupa. At sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at iyong bibigyang-pansin ang kaniyang dako, at siya’y mawawala na. Ngunit ang maaamo mismo ang magmamay-ari sa lupa, at sila’y tunay na makasusumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”​—Awit 37:9-11.

Pagkatapos, pagagalingin ang isip at katawan ng lahat ng masunuring tao, pati na yaong mga ibinangon mula sa libingan sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli sa mga patay. Sa kalaunan, ang lahat ng nabubuhay ay lubusang magpapaaninaw ng larawan ng Diyos. Sa wakas ay matatapos na ang matinding pakikipagpunyagi na gawin ang tama. Ang pagkakasalungatan sa pagitan ng ating paghahangad na mabuhay at ang kasalukuyang malupit na katunayan ng kamatayan ay magwawakas na rin! Oo, ito ang tiyak na pangako ng ating maibiging Diyos: “Hindi na magkakaroon ng kamatayan.”​—Apocalipsis 21:4; Gawa 24:15.

Kaya naman, sana’y huwag kang susuko sa pakikipagpunyagi na gawin ang tama. Dinggin ang paalaala ng Diyos: “Ipakipaglaban mo ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya, manghawakan ka nang mahigpit sa buhay na walang-hanggan.” Ang buhay na iyan sa bagong sanlibutan ng Diyos ang siyang tinatawag ng Bibliya na “tunay na buhay.”​—1 Timoteo 6:12, 19.

Matutuhan mo nawang pahalagahan ang katotohanang ipinahahayag sa Bibliya: “Si Jehova ay Diyos. Siya ang gumawa sa atin, at hindi tayo sa ganang sarili.” Ang pagkaunawa sa katotohanan ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagiging kuwalipikado para sa buhay sa bagong sanlibutan ni Jehova ng pag-ibig at katuwiran.​—Awit 100:3; 2 Pedro 3:13

[Blurb sa pahina 11]

Ang buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos ang siyang tinatawag ng Bibliya na “tunay na buhay.” ​—1 Timoteo 6:19

[Larawan sa pahina 9]

Binangga ng mga tao ang barandilya ng mga batas ng Diyos, anupat dumanas ng kapaha-pahamak na resulta

[Larawan sa pahina 10]

Ang sangkatauhan, sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, ay magtatamasa ng isang bagong sanlibutan ng kapayapaan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share